Ang Pangmalas ng Bibliya
Ang mga Panaginip ba ay mga Mensahe Mula sa Diyos?
AYON sa ulat, ang ideya ng imbentor na si Elias Howe para sa disenyo ng makinang panahi ay batay sa isang panaginip. Sinabi ng kompositor na si Mozart na marami sa mga tema para sa kaniyang musika ay napanaginipan niya. Sinasabi rin ng kimiko na si Friedrich August Kekule von Stradonitz na nadiskubre niya ang hugis ng molekula ng benzene sa isang panaginip. Ang gayong mga pangyayari ay hindi pambihira. Sa buong kasaysayan iniugnay ng maraming kultura ang mga panaginip sa sobrenatural. Naniniwala ang ilan na ang daigdig ng nananaginip at daigdig ng gising ay kapuwa totoo.
Ang Bibliya ay naglalaman ng ilang ulat kung saan ang mga panaginip ay inilalarawan bilang isang mahalagang alulod ng impormasyon—isang anyo ng pakikipagtalastasan mula sa Diyos. (Hukom 7:13, 14; 1 Hari 3:5) Halimbawa, nakipag-usap ang Diyos kina Abraham, Jacob, at Jose sa pamamagitan ng mga panaginip. (Genesis 28:10-19; 31:10-13; 37:5-11) Si Haring Nabucodonosor ng Babilonya ay tumanggap ng makahulang mga panaginip mula sa Diyos. (Daniel 2:1, 28-45) Kaya hindi ba’t may makatuwirang dahilan naman upang maniwala na maging sa ngayon ang ilang panaginip ay maaaring mga mensahe mula sa Diyos?
Mga Panaginip Mula sa Diyos
Sa Bibliya, ang mga panaginip na kinasihan ng Diyos ay laging pinangyayari para sa isang espesipikong dahilan. Totoo, kung minsan ay hindi agad maunawaan ng nananaginip ang kahulugan ng panaginip. Gayunman, sa maraming kaso ay inilalaan mismo ng “Tagapagsiwalat ng mga lihim” ang paliwanag upang hindi magkaroon ng pag-aalinlangan hinggil sa kahulugan ng panaginip. (Daniel 2:28, 29; Amos 3:7) Ang mga panaginip mula sa Diyos ay hindi malabo at kakatwa na kadalasang katangian ng normal na mga panaginip.
Sa ilang pagkakataon, ginamit ng Diyos ang mga panaginip upang ipagsanggalang ang pangunahing mga indibiduwal ukol sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin. Hindi lahat ng tumanggap ng gayong mga panaginip ay mga lingkod ng Diyos. Halimbawa, ang mga astrologo na dumalaw sa batang si Jesus ay hindi bumalik upang makipagkita sa mamamatay-taong si Herodes gaya ng hiniling nito. Bakit? Tumanggap sila ng babala sa isang panaginip. (Mateo 2:7-12) Ito ang nagbigay sa ama-amahan ni Jesus, si Jose, ng sapat na panahon upang makatakas patungo sa Ehipto kasama ang kaniyang pamilya, bilang pagtugon sa tagubilin na kaniya ring tinanggap sa isang panaginip. Ito ang nagligtas sa buhay ng batang si Jesus.—Mateo 2:13-15.
Maraming siglo bago nito, isang paraon ng Ehipto ang nagkaroon ng mga panaginip hinggil sa pitong malulusog na uhay ng mais at pitong baka na matataba ang laman na inihambing sa pitong payat na uhay ng mais at pitong patpating baka. May kawastuang naibigay ni Jose, sa tulong ng Diyos, ang kahulugan ng mga panaginip: Magtatamasa ang Ehipto ng pitong taon ng kasaganaan na susundan ng pitong taon ng taggutom. Ang pagkaalam nito nang patiuna ay nagpakilos sa mga Ehipsiyo na maghanda at mag-imbak ng pagkain. Ito’y naging kasangkapan sa pagliligtas sa mga inapo ni Abraham at sa pagdadala sa kanila sa Ehipto.—Genesis, kabanata 41; Ge 45:5-8.
Si Haring Nabucodonosor ng Babilonya ay nagkaroon din ng panaginip. Inihula nito ang pagbangon at pagbagsak ng panghinaharap na mga kapangyarihang pandaigdig na magkakaroon ng tuwirang epekto sa bayan ng Diyos. (Daniel 2:31-43) Nang maglaon, nagkaroon siya ng isa pang panaginip na humula sa kaniya mismong pagkabaliw at ang kasunod na paggaling niya. Ang makahulang panaginip na ito ay nagkaroon ng mas malaking katuparan, na tumutukoy sa pagtatatag ng Mesiyanikong Kaharian, na sa pamamagitan nito ay isasakatuparan ng Diyos ang kaniyang kalooban.—Daniel 4:10-37.
Kumusta Naman sa Ngayon?
Oo, nakipagtalastasan ang Diyos sa ilang tao sa pamamagitan ng mga panaginip. Ngunit ipinakikita ng Bibliya na ito ay bihirang-bihira. Ang mga panaginip ay hindi kailanman naging pangunahing anyo ng pakikipagtalastasan ng Diyos. Maraming tapat na lingkod ng Diyos ang hindi kailanman tumanggap ng mga mensahe mula sa Diyos sa pamamagitan ng mga panaginip. Ang paggamit ng Diyos sa panaginip upang makipagtalastasan sa tao ay maihahambing sa Kaniyang paghati sa Dagat na Pula. Alam natin na ginawa niya ito minsan, ngunit tiyak na hindi iyon ang kaniyang karaniwang paraan ng pakikitungo sa kaniyang bayan.—Exodo 14:21.
Kinilala ni apostol Pablo na noong kaniyang kaarawan ay kumikilos ang espiritu ng Diyos sa kaniyang mga lingkod sa maraming di-pangkaraniwang paraan. Sinabi ni Pablo: “Sa isa ay ibinibigay ang pagsasalita ng karunungan sa pamamagitan ng espiritu, sa isa pa ay pagsasalita ng kaalaman ayon sa gayunding espiritu, sa isa pa ay pananampalataya sa pamamagitan ng gayunding espiritu, sa isa pa ay mga kaloob na pagpapagaling sa pamamagitan ng iisang espiritung iyon, sa iba naman ay mga paggawa ng makapangyarihang mga gawa, sa isa pa ay panghuhula, sa isa pa ay kaunawaan sa kinasihang mga pananalita, sa isa pa ay iba’t ibang wika, at sa isa pa ay pagpapakahulugan sa mga wika.” (1 Corinto 12:8-10) Bagaman ang mga panaginip na kinasihan ng Diyos ay hindi espesipikong binanggit, maliwanag na tumanggap ang ilang Kristiyano ng mga panaginip na kinasihan ng Diyos bilang isa sa mga kaloob ng espiritu na siyang katuparan ng Joel 2:28.—Gawa 16:9, 10.
Gayunman, hinggil sa mga pantanging kaloob na ito ay sinabi ng apostol: “Kahit may mga kaloob na panghuhula, ang mga ito ay aalisin; kahit may mga wika man, ang mga ito ay maglalaho; kahit may kaalaman man, ito ay aalisin.” (1 Corinto 13:8) Maliwanag na kasama sa mga kaloob na “aalisin” ang iba’t ibang anyo ng pakikipagtalastasan ng Diyos. Pagkamatay ng mga apostol, hindi na ibinigay ng Diyos sa kaniyang mga lingkod ang mga pantanging kaloob na ito.
Sa ngayon, sinisikap pa ring unawain ng mga dalubhasa ang proseso ng pananaginip at kung ito ba ay may praktikal na silbi. Walang sinasabi ang Bibliya hinggil sa gayong bagay. Gayunman, sa mga nagpipilit na makasumpong sa kanilang mga panaginip ng mga patalastas na nagmumula sa Diyos, ang Bibliya ay nagbibigay ng babala. Sa Zacarias 10:2, sinasabi nito: “Ang mga manghuhula, . . . mga panaginip na walang saysay ang patuloy nilang sinasalita.” Nagbababala rin ang Diyos laban sa paghahanap ng mga tanda. (Deuteronomio 18:10-12) Sa liwanag ng mga babalang ito, ang mga Kristiyano sa ngayon ay hindi umaasang tatanggap ng patnubay mula sa Diyos sa kanilang mga panaginip. Sa halip, minamalas nila ang mga panaginip bilang isa lamang bagay na nararanasan habang natutulog.