ANG PANGMALAS NG BIBLIYA
Paraiso
Ano ang Paraiso?
ANG SINASABI NG MGA TAO
Iniisip ng ilan na ang Paraiso ay alamat lang. Para naman sa iba, ito’y isang pangarap na perpektong daigdig kung saan nakatira ang mabubuting tao na hindi mamamatay, maligaya, at kontento sa kanilang mga gawain.
ANG SABI NG BIBLIYA
Ang salitang “paraiso” ay ginamit para tumukoy sa unang tahanan ng tao, ang hardin ng Eden. (Genesis 2:7-15) Ayon sa Bibliya, ang harding iyon ay talagang umiral at tinirhan ng unang mag-asawa na noo’y hindi nagkakasakit at namamatay. (Genesis 1:27, 28) Pero dahil sinuway nila ang Diyos, naiwala nila ang kanilang paraisong tahanan. Gayunman, maraming hula sa Bibliya ang nagsasabing isasauli ang Paraiso at titirhan iyon ng mga tao.
BAKIT DAPAT MO ITONG PAG-ISIPAN?
Kung ang Diyos ay maibigin, makatuwiran lang asahan na gagantimpalaan niya ang kaniyang tapat na mga mananamba ng magandang buhay sa isang lugar na gaya ng Paraiso. Aasahan din natin na sasabihin niya sa mga tao ang kailangan nilang gawin para sang-ayunan niya. Sinasabi ng Bibliya na sasang-ayunan ka ng Diyos kung kukuha ka ng kaalaman tungkol sa kaniya at susundin mo ang kaniyang mga utos.—Juan 17:3; 1 Juan 5:3.
“Ang Diyos na Jehova ay nagtanim ng isang hardin sa Eden, . . . at doon niya inilagay ang tao na kaniyang inanyuan.”—Genesis 2:8.
Nasaan ang Paraiso?
ANG SINASABI NG MGA TAO
Naniniwala ang ilan na ang Paraiso ay nasa langit, pero ayon naman sa iba, ang lupang ito ang gagawing Paraiso sa hinaharap.
ANG SABI NG BIBLIYA
Ang orihinal na Paraisong ibinigay sa mga tao ay nasa lupa. Sadyang ginawa ng Diyos ang lupa para maging permanenteng tirahan ng tao. Ayon sa Bibliya, ginawa ng Diyos ang ating planeta para manatili magpakailanman. (Awit 104:5) Sinasabi rin nito: “Ang langit ay kay Jehova, ngunit ang lupa ay ibinigay niya sa mga anak ng mga tao.”—Awit 115:16.
Kaya hindi nakapagtataka na nangangako ang Bibliya na magiging Paraiso ang lupa, kung saan pagkakalooban ng Diyos ang mga tao ng buhay na walang-hanggan. Iiral ang pagkakaisa at kapayapaan. Wala nang kirot at pagdurusa. At lubusang masisiyahan ang mga tao sa mga lalang ng Diyos sa planetang lupa.—Isaias 65:21-23.
“Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, . . . at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”—Apocalipsis 21:3, 4.
Sino ang mabubuhay sa Paraiso?
ANG SINASABI NG MGA TAO
Itinuturo ng maraming relihiyon na mabubuting tao lang ang mabubuhay sa Paraiso. Pero pinagtatalunan nila kung ano ang kahulugan ng “mabuti.” Iniisip ng ilan na sapat na ang makibahagi sa mga relihiyosong seremonya at ritwal na pagdarasal.
ANG SABI NG BIBLIYA
Itinuturo ng Bibliya na ang mga “matuwid” ay mabubuhay sa Paraiso. Pero sino ang matuwid sa paningin ng Diyos? Hindi ang mga taong nakikibahagi sa mga relihiyosong ritwal pero binabale-wala naman ang kalooban ng Diyos. Ang sabi ng Bibliya: “Mayroon bang gayon kalaking kaluguran si Jehova sa mga handog na sinusunog at mga hain na gaya ng sa pagsunod sa tinig ni Jehova? Narito! Ang pagsunod ay mas mabuti kaysa sa hain.” (1 Samuel 15:22) Kaya naman ang mga “matuwid” na mabubuhay magpakailanman sa Paraiso ay ang mga taong sumusunod sa mga utos ng Diyos na nasa Bibliya.
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay hindi lang basta pakikibahagi sa relihiyosong mga seremonya. Sa iyong paggawi sa araw-araw, puwede mong mapalugdan o di-mapalugdan ang Diyos. Kung mag-aaral ka ng Bibliya, matututuhan mo kung paano palulugdan ang Diyos. At hindi naman siya mahirap palugdan. Sinasabi ng Bibliya na “ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.” (1 Juan 5:3) Gustung-gusto ng Diyos na pagkalooban ka ng buhay sa Paraiso bilang gantimpala sa iyong pagkamasunurin.
“Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29.