TULONG PARA SA PAMILYA | KABATAAN
Kung Paano Haharapin ang Panggigipit
ANG HAMON
“Noong nasa middle school ako, walang gustong makipagkaibigan sa ’kin, at masakit ’yon. Kaya nang mag-high school na ako, binago ko ang hitsura ko at pagkilos—pero hindi para mapabuti. Sobrang desperado akong magkaroon ng mga kaibigan kung kaya nagpadala ako sa panggigipit para lang magustuhan ako ng mga kaeskuwela ko.”—Jennifer, 16.a
Dumaranas ka ba ng panggigipit? Kung gayon, matutulungan ka ng artikulong ito na harapin iyon.
Kapag nagpadala ka sa panggigipit, para kang robot na walang isip dahil nagpapakontrol ka sa ibang tao. Bakit ka magiging sunud-sunuran sa kanila?—Roma 6:16.
ANG DAPAT MONG MALAMAN
Dahil sa panggigipit, ang mabubuting tao ay nakagagawa ng masasamang bagay.
“Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”—1 Corinto 15:33.
“Kung minsan, kahit alam nating mali ang isang bagay, ginagawa pa rin natin ’yon para lang ma-please ang iba.”—Dana.
Hindi lang sa iba nanggagaling ang panggigipit.
“Kapag nais kong gawin ang tama, yaong masama ay narito sa akin.”—Roma 7:21.
“Madalas, sa ’kin din mismo galing ang panggigipit; sa totoo lang, talagang gusto ko ang mga bagay na pinag-uusapan ng mga kaibigan ko dahil parang napaka-exciting ng mga iyon.”—Diana.
Kapag napagtagumpayan mo ang panggigipit, maipagmamalaki mo ito.
“Magtaglay kayo ng isang mabuting budhi.”—1 Pedro 3:16.
“Dati, hiráp akong labanan ang panggigipit, pero ngayon, hindi na ’ko takót na mapaiba at napapanindigan ko na ang mga desisyon ko. Ang sarap matulog kapag malinis ang konsiyensiya.”—Carla.
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Kapag ginigipit kang gumawa ng masama, subukan ang mga ito:
Pag-isipan ang magiging resulta. Tanungin ang sarili, ‘Paano kung nagpadala ako sa panggigipit at pagkatapos ay nahuli ako? Ano’ng iisipin sa akin ng mga magulang ko? Ano’ng magiging tingin ko sa sarili ko?’—Simulain sa Bibliya: Galacia 6:7.
“Tinatanong ako ng mga magulang ko, ‘Kung magpapadala ka, ano’ng puwedeng mangyari sa iyo?’ Tinutulungan nila akong makita na puwede akong maligaw ng landas dahil sa panggigipit.”—Olivia.
Patatagin ang iyong paninindigan. Tanungin ang sarili, ‘Bakit ako naniniwala na ang landasing ito ay makasásamâ sa akin o sa iba?’—Simulain sa Bibliya: Hebreo 5:14.
“Noong bata pa ’ko, basta lang ako tumatanggi o sumasagot, pero ngayon, kaya ko nang ipaliwanag kung bakit ko gustong gawin o hindi ang isang bagay. Matatag ang paniniwala ko pagdating sa kung ano’ng tama at mali. Ako mismo ang sasagot—hindi ang ibang tao.”—Anita.
Pag-isipan ang iyong pagkatao. Tanungin ang sarili, ‘Anong uri ng pagkatao ang gusto kong taglayin?’ Saka pag-isipan ang panggigipit na kinakaharap mo at itanong, ‘Ano ang gagawin ng gayong uri ng tao sa ganitong sitwasyon?’—Simulain sa Bibliya: 2 Corinto 13:5.
“Kontento na ’ko kung sino ako, kaya hindi mahalaga sa ’kin anuman ang isipin ng iba. Isa pa, ang gustong makasama ng karamihan sa kakilala ko ay y’ong totoong ako.”—Alicia.
Isipin ang kinabukasan. Kung nag-aaral ka pa, ilang taon na lang—o baka nga ilang buwan na lang—wala na sa buhay mo ang mga taong sinisikap mong pahangain.
“Tiningnan ko ang class picture namin, at hindi ko man lang matandaan ang pangalan ng ilang kaklase ko. Pero no’ng nag-aaral pa kami, mas mahalaga sa ’kin ang sinasabi nila kaysa sa manindigan ako sa aking paniniwala. Maling-mali ako!”—Dawn, 22 na ngayon.
Maghanda. Sinasabi ng Bibliya: “[Alamin] kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.”—Colosas 4:6.
“Tinulungan kami ng mga magulang namin na umisip ng mga sitwasyon. Pagkatapos, pinapraktis naming magkapatid ang mga iyon para alam na namin ang gagawin.”—Christine.
a Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.