TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK
Kapag Nagsisinungaling ang Anak Mo
ANG HAMON
Naglalaro sa kabilang kuwarto ang iyong limang-taóng-gulang na anak na lalaki. Bigla mong narinig na may nabasag. Nang pumasok ka sa kuwarto, nakita mo siyang nakatayo sa tabi ng baság na vase. Sa mukha pa lang niya, alam mo na ang nangyari.
“Ikaw ba ang nakabasag n’yan?” ang pagalít mong tanong sa anak mo.
“Hindi po ako, Mommy!” ang mabilis niyang sagot.
Hindi ito ang unang pagkakataong nagsinungaling siya. Dapat ka bang mabahala?
ANG DAPAT MONG MALAMAN
Lahat ng pagsisinungaling ay masama. Sinasabi ng Bibliya na ayaw ng Diyos na Jehova ang “bulaang dila.” (Kawikaan 6:16, 17) Ang Kautusan sa Israel ay nagtatakda ng mabigat na parusa sa sinumang manlinlang sa kaniyang kapuwa.—Levitico 19:11, 12.
Pero hindi pare-pareho ang pagsisinungaling. Ang ilan ay may masamang motibo—para ipahamak ang iba. Ang ilan naman ay dahil sa gipit na kalagayan, marahil para makaiwas sa kahihiyan o parusa. (Genesis 18:12-15) Bagaman lahat ng pagsisinungaling ay masama, may mga pagsisinungaling na mas malubha kaysa sa iba. Kapag nagsinungaling ang anak mo, isaalang-alang ang edad niya at ang dahilan niya.
Dapat mo itong ituwid habang bata pa ang iyong anak. “Isang importanteng leksiyon para sa mga anak ang pagsasabi ng totoo, lalo na sa mga pagkakataong mahirap itong gawin,” isinulat ni Dr. David Walsh. “Ang mga ugnayan ay nakadepende sa pagtitiwala na nasisira ng pagsisinungaling.”a
Pero huwag mag-panic. Hindi komo nagsisinungaling ang anak mo ay magiging masama na siya. Tandaan, sinasabi ng Bibliya: “Ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata.” (Kawikaan 22:15) Makikita sa mga bata ang kamangmangang iyan kapag nagsisinungaling sila. Iniisip nila siguro na madaling paraan iyan para di-maparusahan. Ang importante ay ang magiging reaksiyon mo.
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Alamin kung bakit nagsisinungaling ang anak mo. Takót ba siyang maparusahan? Ayaw ba niyang ma-disappoint ka? Kung ang anak mo ay nag-iimbento ng mga kuwento para pahangain ang mga kaibigan niya, iyon ba’y dahil sa hindi pa niya naiintindihan ang pagkakaiba ng realidad at ng pantasya? Kung alam mo ang dahilan, mas madali mo siyang maitutuwid.—Simulain sa Bibliya: 1 Corinto 13:11.
Paminsan-minsan, sabihin mo na nang deretso sa halip na magtanong. Sa senaryo kanina, ang nanay, na alam na ang nangyari, ay pagalít na nagtanong sa anak niya: “Ikaw ba ang nakabasag n’yan?” Nagsinungaling ang bata, dahil natakot sigurong mapagalitan ng Mommy niya. Pero sa halip na magtanong, baka puwedeng deretsong sabihin ng nanay: “Naku, nabasag mo!” Kung dederetsuhin niya ang bata, wala na itong pagkakataong magsinungaling—at matutulungan niya itong masanay na magsabi ng totoo.—Simulain sa Bibliya: Colosas 3:9.
Pahalagahan ang katapatan. Likas sa mga anak na gustong mapasaya ang kanilang mga magulang, kaya samantalahin mo iyan. Sabihin mo sa kaniya na napakaimportante sa inyong pamilya ang katapatan, kaya inaasahan mong magiging tapat siya.—Simulain sa Bibliya: Hebreo 13:18.
Ipaunawa sa iyong anak na ang pagtitiwala ay nasisira ng pagsisinungaling at na kailangan ang mahabang panahon bago ito maibalik. Para patuloy siyang gumawi nang mabuti, purihin siya kapag nagsasabi siya ng totoo. Halimbawa, puwede mong sabihin, “Natutuwa ako dahil tapat ka.”
Magpakita ng halimbawa. Malamang na hindi magiging tapat ang anak mo kapag naririnig ka niyang nagsasabi ng “Sabihin mo, wala ako” kapag ayaw mong makipag-usap sa telepono o “May sakit ako ngayon” gayong gusto mo lang namang magpahinga.—Simulain sa Bibliya: Santiago 3:17.
Gamitin ang Bibliya. Ang mga simulain nito at ulat tungkol sa tunay na mga pangyayari sa buhay ay nagtuturo ng katapatan. Ang aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro, na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova, ay tutulong sa iyo na maikintal sa anak mo ang mga simulain ng Bibliya. Ang kabanata 22 ay pinamagatang “Kung Bakit Hindi Tayo Dapat Magsinungaling.” (Tingnan ang isang bahagi nito sa kahong “Isang Aklat na Makatutulong sa Anak Mo.”)
a Mula sa aklat na No: Why Kids—of All Ages—Need to Hear It and Ways Parents Can Say It.