5. Matatapos Pa Ba ang Pagdurusa?
Bakit Dapat Itong Pag-isipan?
Kung may dahilan para maniwalang matatapos ang pagdurusa, tutulong ito para magkaroon tayo ng positibong pananaw sa buhay at mapalapít sa Diyos.
Pag-isipan Ito
Gusto ng maraming tao na alisin ang pagdurusa pero limitado lang ang kaya nilang gawin. Pag-isipan ang sumusunod:
Kahit na sumusulong ang medisina . . .
Marami pa rin ang namamatay dahil sa sakit sa puso.
Milyon-milyon ang namamatay kada taon dahil sa kanser.
“Problema pa rin ng mundo ang mga sakit na walang lunas, mga bagong sakit, at mga dati nang sakit na muling lumitaw,” ang isinulat ni Dr. David Bloom sa babasahing Frontiers in Immunology.
Kahit na mayaman ang ilang bansa . . .
Milyon-milyong bata ang namamatay taon-taon, at ang mga nakatira sa mas mahihirap na lugar ang pinakaapektado.
Bilyon-bilyong tao ang walang maayos na palikuran.
Daan-daang milyon ang walang makuhang malinis na tubig.
Kahit na mas marami na ang nakakaalam ng mga karapatang pantao . . .
Patuloy pa rin ang human trafficking sa maraming lupain, at sinasabi ng isang report ng United Nations na kaya hindi hinuhuli ng mga bansa ang mga sangkot dito ay dahil sa “hindi nila alam na nangyayari ito o wala silang kakayahang solusyunan ito.”
PARA SA IBA PANG IMPORMASYON
Panoorin sa jw.org ang video na Ano ang Kaharian ng Diyos?
Ang Sinasabi ng Bibliya
Nagmamalasakit ang Diyos sa atin.
Nakikita niya ang paghihirap at pagdurusa natin.
“Hindi niya [ng Diyos] hinahamak o binabale-wala ang pagdurusa ng naaapi; hindi niya itinatago ang mukha niya rito. Nang humingi ito ng tulong sa kaniya, nakinig siya.”—AWIT 22:24.
“[Ihagis] ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong álalahanín, dahil nagmamalasakit siya sa inyo.”—1 PEDRO 5:7.
May katapusan ang pagdurusa.
Matutupad ang layunin ng Diyos para sa atin.
“Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa mga mata nila, at mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot.”—APOCALIPSIS 21:4.
Aalisin ng Diyos ang lahat ng dahilan ng pagdurusa ng tao.
Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian, o gobyerno.
“Ang Diyos ng langit ay magtatatag ng isang kaharian na hindi mawawasak kailanman. At ang kahariang ito ay hindi ibibigay sa ibang bayan. . . . Ito lang ang mananatili magpakailanman.”—DANIEL 2:44.