Kabanata 13
“Ang Salita ng Diyos Ay Buháy”
Sa nakaraang kabanata, nakita natin na ang payo ng Bibliya ay nakakatulong sa paglutas ng suliranin at sa pag-iwas sa pagkakamali. Ang walang-hanggang karunungan ng payo ng Bibliya ay matibay na ebidensiya ng pagiging-kinasihan nito. Ang Bibliya mismo ay nagsasabi: “Lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapakipakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagdidisiplina sa katuwiran.” (2 Timoteo 3:16) Subali’t higit pa ang nagagawa ng Bibliya kaysa pagbibigay lamang ng matalinong payo. Bilang Salita ng Diyos, talagang nababago nito ang mga tao.
1-3. (a) Papaano idinidiin ng Bibliya ang pangangailangan na baguhin ang pagkatao? (b) Anong karanasan ang nagpapakita sa kapangyarihan ng Bibliya na bumago sa pagkatao?
ANG Bibliya ba ay talagang nakapagpapabago sa tao? Oo, lubos pa nga nitong napapalitan ang kanilang personalidad. Isaalang-alang ang payong ito na nakaulat sa Bibliya: “Hubarin ninyo ang dating pagkatao na naaayon sa dating paraan ng paggawi na pinasamâ ng mapandayang mga pita; at . . . dapat kayong magbago sa espiritu na nagpapakilos sa inyong isipan, at isuot ninyo ang bagong pagkatao na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa katuwiran at katapatan.”—Efeso 4:22-24.
2 Talaga bang posible ang pagsusuot ng bagong pagkatao? Oo, posible nga! Sa katunayan, ang pagiging Kristiyano ay humihiling ng malalaking pagbabago sa personalidad. (1 Corinto 6:9-11) Halimbawa, isang kabataang lalaki sa Timog Amerika ang naulila sa edad na siyam na taon. Lumaki nang walang pag-aaruga ng magulang, nagkaroon siya ng malulubhang suliranin sa personalidad. Nagkukuwento siya: “Nang ako ay 18, lubos akong nagumon sa droga at matagal ring nabilanggo dahil sa pagnanakaw ng maitutustos sa aking bisyo.” Hindi natagalan at ang kaniyang tiya, na isa sa mga Saksi ni Jehova, ay nakatulong sa kaniya.
3 Nagpaliwanag siya: “Nagsimula kami ng aking tiya na mag-aral ng Bibliya, at pagkaraan ng pitong buwan ay nakalaya ako sa bisyo ng droga.” Humiwalay rin siya sa dati niyang barkada at nagkaroon ng bagong mga kaibigan na mga Saksi ni Jehova. Nagpatuloy siya: “Dahil sa mga bagong kaibigang ito, at dahil sa palagiang pag-aaral sa Bibliya, ako ay sumulong at sa wakas ay inialay ko ang aking buhay upang maglingkod sa Diyos.” Oo, ang dating drug addict at magnanakaw ay naging aktibong Kristiyano, at ang katakatakang pagbabago ay nangyari sa tulong ng kapangyarihan ng Bibliya. Gaya nga ng sinabi ni apostol Pablo, “Ang salita ng Diyos ay buhay at makapangyarihan.”—Hebreo 4:12.
Nabago sa Pamamagitan ng Kaalaman
4, 5. Ayon sa Colosas 3:8-10, ano ang kailangan upang mapaunlad ang bagong pagkatao?
4 Papaano binabago ng Bibliya ang mga tao? Ang sagot ay makikita sa talatang ito ng Bibliya: “Itakwil nga ninyo ang galit, poot, kasamaan, panunungayaw, at malalaswang salita. Huwag kayong magsinungaling sa isa’t-isa. Hubarin ninyo ang dating pagkatao pati na ang mga gawa nito, at magbihis kayo ng bagong pagkatao, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay nababago ayon sa larawan Niya na lumikha nito.”—Colosas 3:8-10.
5 Pansinin ang mahalagang papel na ginagampanan ng tumpak na kaalaman sa Bibliya. Ipinaliliwanag ng Bibliya ang mga katangian na dapat itakwil at kung alin ang dapat linangin. Sa ganang sarili, ang kaalamang ito ay may mabisang epekto, gaya ng natuklasan ng isang binata sa timog Europa. Malaki talaga ang problema niya: sobrang init ng ulo. Habang lumalaki, lagi siyang napapasubo sa basag-ulo, at upang may mapagbuhusan siya ng galit, nag-aral siya ng boksing; nguni’t hindi rin niya masugpo ang pagiging magagalitin. Nang maging sundalo, napasangkot siya sa gulo nang bugbugin niya ang kaniyang kapuwa sundalo. Paglabas niya sa army, nag-asawa siya at asawa naman niya ang kaniyang binugbog. Sa isang pagtatalo ng pamilya, pati ama niya ay kaniyang binugbog, anupa’t ito ay nabuwal sa lupa. Talagang isang taong magagalitin, mainit ang ulo!
6, 7. Papaano tumulong ang tumpak na kaalaman upang mabago ng isang binata sa timog Europa ang kaniyang pagkatao?
6 Subali’t nang dakong huli, nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at nakarinig siya ng payo na gaya nito: “Huwag kayong gumanti ng masama sa masama. . . . Hangga’t maaari, ayon sa makakaya ninyo, ay maging mapayapa kayo sa lahat ng tao. Huwag kayong maghigantihan, mga minamahal, kundi bigyang daan ang galit ng Diyos.” (Roma 12:17-19) Tumulong ito upang makilala kung gaano kasamâ ang pagiging magagalitin. Iniwan niya ang boksing, na natalos niyang salungat sa mapayapang Kristiyanong pagkatao. Subali’t dapat pa rin niyang paglabanan ang pagiging magagalitin.
7 Gayumpaman, natulungan siya ng lumalagong kaalaman sa mga simulain ng Bibliya. Ito ang dumalisay sa kaniyang budhi, na siya namang sumupil sa kaniyang init ng ulo. Minsan, nang sumusulong na sa pag-aaral sa Bibliya, isang estranghero ang nagalit at nagmura sa kaniya. Naramdaman ng binata na sisiklab na naman ang kaniyang galit. Nguni’t, nakadama siya ng kakaibang puwersa: pagkahiya; at ito ang humadlang sa pagbibigay-daan sa galit. Sa halip na “gumanti ng masama sa masama,” nagtimpî siya. Ngayon, bagong tao na siya, may bagong personalidad, salamat sa tumpak na kaalaman sa Bibliya.
Ang Pagkilala sa Diyos
8. (a) Ayon sa larawan nino ginawa ang bagong pagkatao? (b) Ang tumpak na kaalaman na humuhubog sa bagong pagkatao ay dapat maglakip ng kaalaman hinggil kanino?
8 Totoo, marami ang nakakaalam kung ano ang tumpak na dapat gawin, nguni’t binibigyang-daan nila ang kahinaan ng laman. Ang basta pagkakaroon ng tumpak na kaalaman sa mabuti at masama ay maliwanag na hindi siyang lahat na kinakailangan. May iba pang bagay na tumulong sa dalawang indibiduwal na binanggit sa itaas upang makapagbago. Ano iyon? Ang talata na sinipi kanina ay nagsasabi: “Magbihis kayo ng bagong pagkatao, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay nababago ayon sa larawan Niya na lumikha nito.” (Colosas 3:10) Pansinin na kung papaanong si Adan ay unang nilikha ayon sa larawan ng Diyos, ang bagong pagkatao ay ginawa rin ayon sa larawan ng Diyos. (Genesis 1:26) Kaya, ang tumpak na kaalaman na tumulong sa dalawang binatang ito ay may lakip na kaalaman tungkol sa Diyos. Nagpapaalaala ito sa mga salita ni Jesus: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang iisang tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
9. Papaanong ang kaalaman sa Diyos ay tumutulong sa pagbabago ng ating pagkatao?
9 Papaano tumutulong ang kaalaman sa Diyos sa pagbabago ng ating pagkatao? Binibigyan tayo ng wastong motibo sa paggawa nito. Kapag nakilala ang Diyos sa ating pag-aaral ng Bibliya, natututuhan natin ang banal na mga katangian at naaaninaw ang pag-ibig na ipinakita niya sa atin. Inaakay tayo nito na gantihan siya ng pag-ibig. (1 Juan 4:19) Kaya, masusunod natin ang sinabi ni Jesus na siyang una at pinakadakilang utos: “Dapat mong ibigin si Jehovang iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong isip mo.” (Mateo 22:37) Ang pag-ibig sa Diyos ay pumupukaw ng pagnanais na magsuot ng bagong pagkatao na kinalulugdan niya. Ito ang nag-uudyok sa atin na magnais na maging gaya niya, gaano man kalaki ang pagsisikap na dapat gawin.
Mga Kahinaang Malalim ang Pagkakaugat
10, 11. Papaano natulungan ng tumpak na kaalaman ang isang dalaga sa Hilagang Amerika upang baguhin ang kaniyang pagkatao?
10 Sa ilang kaso, talagang ito ay isang pakikipagpunyagi. Isang dalaga sa Hilagang Amerika ang nakipagpunyagi nang husto upang makapagbago. Isa siyang biktima ng pag-aabuso sa mga bata, lumaki siya sa isang marahas na pamilya at nang dakong huli ay nagumon sa droga. Magastos ito, kaya siya ay nagpatutot upang matustusan ang bisyo. Niligalig din niya at pinagnakawan ang mga turista at nang dakong huli ay mas matagal pa ang inilagi niya sa bilangguan at sa mga bilyaran kaysa sa bahay.
11 Nang matagpuan siya ng mga Saksi ni Jehova, siya—pagkaraan ng maraming pagpapalaglag—ay may anak sa ligaw. Sa kabila nito, nagustuhan niya ang narinig sa Bibliya at nagsimula siyang mag-aral. Hindi nagtagal at sinikap niyang magkaroon ng magandang kaugnayan sa Diyos at nagbago ang kaniyang buhay.
12, 13. Ilarawan kung papaanong ang tumpak na kaalaman, minsang matanim, ay nagiging puwersa sa pagbabago.
12 Subali’t napaharap siya sa mahigpit na pakikibaka, sapagka’t malalim ang pagkakaugat ng dating pagkatao. Minsan, dinamdam niya ang taimtim na payo na ibinigay sa kaniya, huminto sa pag-aaral ng Bibliya, at nagbalik sa maruming pamumuhay. Nguni’t hindi niya makalimutan ang katotohanan sa Bibliya na naihasik sa kaniya, at umamin siya: “Paulit-ulit akong inusig ng aking budhi, at ang mga salita ng 2 Pedro 2:22 ay agad sumasagi sa isipan: ‘Ang aso ay nagbalik sa kaniyang suka at ang napaliguang baboy sa paglulubalob sa pusali.’ ”
13 Nang dakong huli, pinakilos siya ng kaalamang ito upang muling magsumikap. Sinabi niya: “Sinimulan kong buksan ang pintuan kay Jehova at madalas na nanalangin sa tulong niya.” Ngayon, lalong naging malalim ang pagkakahasik ng bagong pagkatao, bagaman dapat pa rin siyang makipagpunyagi. Minsan, dala ng kahinaan, natukso siyang maglasing at makiapid. Subali’t ngayon, ang reaksiyon niya ay nagpakita na talagang nagbago na siya. Suklam-na-suklam siya sa sarili at nagsabi: “Talagang nanalangin ako at nag-aral.” Hindi nagtagal, ang Salita ng Diyos ay nanaig sa kaniyang buhay anupa’t siya’y isa nang aktibong Kristiyano, na namumuhay nang malinis, marangal. Sa maraming taon na ngayon, ibang-iba siya sa dating inabuso, sugapa sa droga, at walang-taros na indibiduwal.
Isang Bayan na Binago ng Salita ng Diyos
14, 15. (a) Anong puwersa mula sa Diyos ang kumikilos sa pamamagitan ng Bibliya? (b) Ano ang ilan sa mga katangian ng tunay na mga Kristiyano sa ngayon?
14 Ang puwersa ng Bibliya sa pag-ugit sa buhay ng maaamong indibiduwal ay patotoo na higit pa ito kaysa sa pagiging katha lamang ng tao. Bilang kinasihang Salita ng Diyos, ito ay isang alulod na dinadaluyan ng espiritu ng Diyos. Ang espiritu na nagpangyari sa mga himala ni Jesus ay tumutulong sa atin ngayon upang madaig ang pangit na mga katangian at paunlarin ang Kristiyanong pagkatao. Oo, ang saligang mga katangian na dapat linangin ng mga Kristiyano—pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili—ay tinutukoy sa Bibliya bilang “mga bunga ng espiritu.”—Galacia 5:22, 23.
15 Sa ngayon, ang espiritung ito ay may bisa hindi lamang sa iilang indibiduwal kundi sa milyunmilyon na ‘naturuan ni Jehova’ at nagtatamasa ng ‘saganang kapayapaan’ mula sa Kaniya. (Isaias 54:13) Sino sila? Nagbigay si Jesus ng paraan upang makilala sila, sa pagsasabing: “Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t-isa.” (Juan 13:35) Ang Kristiyanong pag-ibig ay isang bunga ng espiritu at mahalagang bahagi ng Kristiyanong bagong pagkatao. May grupo ba ng mga tao na nagpapakita ng pag-ibig sa paraan na sinabi ni Jesus?
16, 17. Sipiin ang ilang komento sa pahayagan na tumutulong upang makilala kung sino ang mga ‘naturuan ni Jehova’ at na nagtatamasa ng ‘saganang kapayapaan.’
16 Buweno, pakinggan ang paghalaw na ito sa isang liham na ipinadala sa New Haven Register, isang pahayagan sa Hilagang Amerika: “Kayo man ay nayayamot o nagngingitngit [nagagalit], gaya ko, dahil sa kanilang pangungumberte, dapat din ninyong hangaan ang kanilang pagiging-dedikado, ang kanilang kabutihan, ang kanilang namumukod-tanging halimbawa ng wastong paggawi at malusog na pamumuhay.” Ang grupo ring ito ang tinutukoy ng pahayagang Aleman na Münchner Merkur nang sabihin na: “Sila ang pinakatapat at pinakamaagap magbayad ng buwis sa Republika Pederal [ng Alemanya]. Ang pagiging-masunurin sa batas ay makikita sa kanilang pagmamaneho at pati na sa mga estadistika ng krimen.”
17 Sino ang tinutukoy ng dalawang pahayagang ito? Yaon ding grupo na tinalakay ng Herald ng Buenos Aires, Arhentina. Sinabi ng pahayagan: “Sa paglipas ng mga taon, napatunayan na ang mga Saksi ni Jehova ay masisipag, matitino, matitipid, at may-takot sa Diyos at sila ang uri ng mga mamamayang kailangang-kailangan ng bansa.” Isang sosyolohikal na pag-aaral mula sa Zambia na inilathala sa American Ethnologist ay tumukoy rin sa grupong ito. Sinabi nito: “Ang mga Saksi ni Jehova ay mas matagumpay sa pagkakaroon ng matatag na mga pag-aasawahan kaysa sa mga miyembro ng ibang denominasyon.”
18, 19. Papaano inilarawan ang mga Saksi ni Jehova sa Italya at sa Timog Aprika?
18 Mga Saksi ni Jehova rin ang tinutukoy ng pahayagang La Stampa ng Italya nang sabihin nito: “Sila ang pinakatapat na mga mamamayan na hahanapin ninoman: hindi sila umiiwas sa buwis ni lumalabag man sa di-kombinyenteng mga batas sa sariling pakinabang. Ang wagas na mga simulain ng pag-ibig sa kapuwa, pagtanggi sa kapangyarihan, kawalang-karahasan at personal na katapatan ay bahagi ng kanilang ‘araw-araw’ na pamumuhay (nguni’t para sa karamihan ng Kristiyano ito’y ‘mga pang-Linggong tuntunin’ na maganda lamang pakinggan sa pulpito).”
19 Isang propesor ng pamantasan sa Timog Aprika na dumanas ng diskriminasyon sa kaniyang bansa dahil sa mga batas na nagtatangi sa kulay ay tumutukoy sa mga Saksi ni Jehova na “isang bayan na naturuan sa matatayog na pamantayan ng Bibliya upang maging ‘color-blind’ (hindi nakakakilala ng kulay).” Bilang paliwanag, idinagdag pa niya: “Sila’y mga tao na ang nakikita sa iba ay kung ano ang nasa loob, hindi lamang ang kulay ng balat. Ang mga Saksi ni Jehova ay bumubuo sa ngayon ng tanging tunay na pagkakapatiran ng tao.”
20. Bakit namumukod-tangi ang mga Saksi ni Jehova?
20 Ipinakikita ng mga komentong ito na may isang kalipunan ng mga tao na buong-pusong tumanggap sa Bibliya at na sa gitna nila ay kumikilos ang espiritu ng Diyos. Kapansinpansin na sila rin ang mga tao na ipinakilala sa pasimula bilang mga sumusunod sa utos ni Jesus na ipangaral sa buong daigdig ang mabuting balita ng Kaharian. (Mateo 24:14) Bakit namumukod-tangi ang mga Saksi ni Jehova sa mga paraang ito? Sa maraming paraan sila’y hindi naiiba sa karamihan ng tao. Taglay nila ang gayon ding mga kahinaan ng laman. Subali’t bilang isang grupo, iniibig nila ang Diyos, dinidibdib nila ang Bibliya, at hinahayaan ito na magkabisa sa kanilang buhay.
21. Ang pag-iral ng mga Saksi ni Jehova sa gitna ng isang daigdig na lipos-ng-pagkapoot ay patotoo ng ano?
21 Milyunmilyong Saksi ni Jehova ang masusumpungan sa mahigit na 200 lupain. Kabilang sa kanila ang mga tao mula sa bawa’t lahi, wika, at sosyal na katayuan na umiiral. Gayunman sila ay isang nagkakaisa, mapayapa, at pandaigdig na pagkakapatiran. Sila ay mabubuting mamamayan ng alinmang bansang katatagpuan sa kanila, subali’t una at pinakamahalaga sa lahat, sila ay mga sakop ng Kaharian ng Diyos, at silang lahat ay aktibong-aktibo sa pagsasabi ng mabuting balita ng Kahariang ito. Tunay na kamanghamangha na sa nababahagi, lipos-ng-pagkapoot na daigdig na ito, ay umiiral ang isang grupo na gaya ng mga Saksi ni Jehova. Ang pagkanaririto nila ay makapangyarihang ebidensiya na ang espiritu ng Diyos ay aktibo pa rin sa mga tao. At katibayan ito na ang Bibliya ay tunay ngang “buháy at makapangyarihan.”
[Blurb sa pahina 177]
Ang Bibliya ay aktuwal na nakapagpapabago sa mga tao
[Blurb sa pahina 181]
Ang kaalaman hinggil sa Diyos ay nag-uudyok sa isang tao na magnais na maging gaya niya