Kabanata 2
Isang Kaaway ng Buhay na Walang-Hanggan
1. Yamang marami ang hindi maligaya at mapayapa, anong mga tanong ang bumabangon?
KALIGAYAHAN sa lupa—halos lahat ay naghahangad nito. Kung gayon, bakit napakarami ang malungkot? Ano ang dahilan? Yamang halos lahat ay gusto ng kapayapaan, bakit nagdidigmaan ang mga bansa at ang mga tao’y napopoot sa isa’t-isa? Mayroon bang puwersa na nag-uudyok sa kanila para gumawa ng mga kasamaang ito? Posible kaya na isang di-nakikitang puwersa ang sumusupil sa mga bansa?
2. Anong mga kalupitan ang nag-udyok sa marami na maniwalang may isang balakyot, di-nakikitang puwersa na sumusupil sa tao?
2 Marami ang nag-iisip tungkol dito kapag nakikita ang labis na kalupitan ng tao—ang nakapangingilabot na mga gas na ginagamit sa giyera na sumasakal at pumapaso sa tao hanggang mamatay, pati na ang mga bombang atomika at napalm. Nariyan din ang flamethrower, mga kampong piitan, ang lansakang pagpatay ng kaawa-awang mga tao, gaya sa Cambodia nitong nakaraan. Sa palagay ninyo kaya’y nagkataon lamang ang mga kasamaang ito? Bagaman may kakayahan ang tao na lumikha ng malalagim na gawa, kung susukatin ang labis na kabalakyutan ng mga ito, hindi ba parang siya ay naiimpluwensiyahan ng isang balakyot, di-nakikitang kapangyarihan?
3. Ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa pamamahala ng daigdig?
3 Hindi na dapat manghula pa. Ipinakikita ng Bibliya na isang matalino at di-nakikitang persona ang sumusupil sa mga tao at mga bansa. Tinatawag ni Jesu-Kristo ang makapangyarihang ito na “pinuno ng sanlibutan.” (Juan 12:31; 14:30; 16:11) Sino siya?
4. Ano ang ipinakita ng Diyablo kay Jesus, at ano ang inialok nito sa kaniya?
4 Upang malaman kung sino siya, alalahanin natin ang nangyari sa simula ng ministeryo ni Jesus sa lupa. Sinasabi ng Bibliya na pagkatapos mabautismuhan ay nagtungo si Jesus sa ilang na kung saan siya tinukso ng di-nakikitang nilalang na si Satanas na Diyablo. Ganito ang bahagi ng tukso: “Muli siyang dinala ng Diyablo sa isang napakataas na bundok, at ipinakita sa kaniya ang lahat ng kaharian sa daigdig at ang kaluwalhatian nila, at sinabi niya: ‘Lahat ng ito’y ibibigay ko sa iyo kung ikaw ay luluhod at sumamba sa akin.’”—Mateo 4:8, 9.
5. (a) Ano ang nagpapakita kung lahat ng mga pandaigdig na pamahalaan ay sa Diyablo? (b) Ayon sa Bibliya, sino ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay”?
5 Isipin kung ano ang inialok ng Diyablo kay Jesu-Kristo. “Lahat ng kaharian sa daigdig.” Talaga bang sa Diyablo ang lahat ng pandaigdig na pamahalaang ito? Oo, kung hindi’y maiaalok ba niya ito kay Jesus? Hindi itinatwa ni Jesus na ito nga’y kay Satanas, bagay na sinabi sana niya kung hindi totoo. Si Satanas talaga ang di-nakikitang pinuno ng lahat ng mga bansa sa daigdig! Malinaw na sinasabi ng Bibliya: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng masama.” (1 Juan 5:19) Ang totoo, si Satanas ay tinatawag sa Salita ng Diyos na “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.”—2 Corinto 4:4.
6. (a) Ang impormasyong ito tungkol sa paghahari ni Satanas ay tumutulong sa atin na unawain ang ano? (b) Ano ang gusto ni Satanas na gawin sa atin, kaya ano ang dapat nating gawin?
6 Tumutulong ito upang maunawaan ang sinabi ni Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 18:36) Kaya mauunawaan din natin kung bakit nagkakapootan at nagpapatayan ang mga bansa sa isa’t-isa gayong ang mithiin ng bawa’t normal na tao ay ang mabuhay sa kapayapaan. Oo, “si Satanas . . . ang dumadaya sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Gusto rin niya tayong dayain. Ayaw niya na tayo ay tumanggap ng buhay na walang-hanggan. Kaya dapat nating labanan ang kaniyang impluwensiya sa kasamaan. (Efeso 6:12) Dapat nating makilala si Satanas at ang pagkilos niya para huwag niya tayong madaya.
KUNG SINO ANG DIYABLO
7. Bakit hindi natin nakikita ang Diyablo?
7 Si Satanas na Diyablo ay talagang persona. Hindi siya basta kasamaan na umiiral sa tao, gaya ng paniwala ng iba. Totoo, hindi nila nakikita ang Diyablo, kung papaanong hindi rin nila nakikita ang Diyos. Ang Diyos at ang Diyablo ay kapuwa espiritung persona, mga anyo ng buhay na nakatataas sa tao at hindi nakikita.—Juan 4:24.
8. Bakit marami ang naniniwalang nilikha ng Diyos ang Diyablo?
8 Baka may magtatanong: ‘Pero kung ang Diyos ay pag-ibig, bakit niya nilikha ang Diyablo?’ (1 Juan 4:8) Ang totoo’y, hindi nilikha ng Diyos ang Diyablo. ‘Pero kung Diyos ang lumikha sa lahat malamang na siya ang lumikha sa Diyablo,’ sasabihin pa nila. ‘Sino pa ba ang gagawa nito? Saan ba nagmula ang Diyablo?’
9. (a) Anong uri ng persona ang mga anghel? (b) Ano ang kahulugan ng mga salitang “diyablo” at “satanas”?
9 Ipinaliliwanag ng Bibliya na ang Diyos ay lumikha ng maraming espiritung persona na gaya niya. Anghel ang tawag sa kanila. Sila’y “mga anak ng Diyos.” (Job 38:7; Awit 104:4; Hebreo 1:7, 13, 14) Sila’y sakdal nang lalangin ng Diyos. Wala isa man sa kanila ang diyablo o satanas. Ang “diyablo” ay nangangahulugang maninirang-puri at mananalansang naman ang kahulugan ng “satanas.”
10. (a) Sino ang gumawa kay Satanas na Diyablo? (b) Papaano nagiging kriminal ang isang mabuting tao?
10 Subali’t dumating ang panahon na ang isa sa espiritung anak na ito ay gumawang Diyablo sa sarili, ibig sabihin, isang masamang sinungaling na nagsasalita nang masama tungkol sa iba. Ginawa rin niyang Satanas ang sarili, isang sumasalansang sa Diyos. Hindi siya nilikha na ganito, nagkaganito na lamang siya nang dakong huli. Ilarawan natin: Ang isa ay hindi isinisilang na magnanakaw. Baka galing siya sa mabuting pamilya, tapat ang mga magulang at ang mga kapatid ay masunurin sa batas. Pero ang pag-ibig niya sa salapi ang nagtulak sa kaniya para magnakaw. Papaano kung gayon naging Satanas na Diyablo ang isa sa mga espiritung anak ng Diyos?
11. (a) Anong layunin ng Diyos ang nalaman ng rebelyosong anghel? (b) Anong hangarin ang tumubo sa anghel na ito, at saan siya inakay nito?
11 Ang anghel na naging Diyablo ay naroroon nang likhain ng Diyos ang lupa at ang unang mag-asawa, sina Adan at Eba. (Job 38:4, 7) Tiyak na narinig niyang sinabi ng Diyos na sila ay magkakaanak. (Genesis 1:27, 28) Alam niya na hindi matatagalan at ang lupa ay mapupuno ng matuwid na mga tao na sumasamba sa Diyos. Layunin ito ng Diyos. Pero nasilaw ang anghel na ito sa angking ganda at talino at inimbot ang pagsamba na dapat sana’y iukol sa Diyos. (Ezekiel 28:13-15; Mateo 4:10) Sa halip na alisin sa isip ang maling hangaring ito, kaniyang binulaybulay yaon. Inakay siya nito upang kumilos at agawin ang minimithing karangalan at katanyagan. Ano ang ginawa niya?—Santiago 1:14, 15.
12. (a) Papaano nakipag-usap kay Eba ang anghel na ito, at ano ang sinabi nito sa kaniya? (b) Papaano naging Satanas na Diyablo ang anghel na ito? (c) Ano ang maling palagay tungkol sa anyo ng Diyablo?
12 Ginamit ng rebelyosong anghel ang isang hamak na ahas upang makipag-usap sa unang babae, si Eba. Kagaya ito ng ginagawa ng mga taong bihasa, na sa tingin ay napagsasalita ang isang kalapit na hayop o manyika. Pero talagang ang rebelyosong anghel, ang tinatawag sa Bibliya na “matandang ahas,” ang nagsalita kay Eba. (Apocalipsis 12:9) Sinabi niyang nagsisinungaling ang Diyos, at nagkakait sa kaniya ng kaalamang dapat niyang makamit. (Genesis 3:1-5) Napakasamang kasinungalingan nito kaya siya ay naging diyablo. Naging mananalansang din siya sa Diyos, o Satanas. Kaya, maling isipin na ang Diyablo ay may sungay at buntot at nangangasiwa sa dakong pahirapan sa ilalim ng lupa. Ang totoo’y isa siyang makapangyarihan, subali’t napakasamang anghel.
UGAT NG MGA SULIRANIN SA DAIGDIG
13. (a) Papaano tinugon ni Eba ang kasinungalingan ng Diyablo? (b) Anong mga pag-aangkin ang ginawa ng Diyablo?
13 Nagtagumpay ang pagsisinungaling ng Diyablo kay Eba gaya ng inaasahan nito. Naniwala si Eba at sumuway sa Diyos. Hinikayat pa man din niya ang asawa na lumabag sa batas ng Diyos. (Genesis 3:6) Inangkin ng Diyablo na mabubuhay ang tao kahit wala ang Diyos. Ipinaliwanag niya na mapamamahalaan ng tao ang sarili nang hiwalay sa Diyos. Inangkin din ng Diyablo na kaya niyang italikod sa Diyos ang lahat ng magiging supling nina Adan at Eba.
14. Bakit hindi agad pinuksa ng Diyos si Satanas?
14 Kung sa bagay, puwedeng patayin agad ng Diyos si Satanas. Pero hindi masasagot ang lahat ng tanong na ibinangon ni Satanas, mga tanong na maaalaala ng mga anghel na noo’y nagmamasid. Kaya binigyan ng Diyos si Satanas ng panahon para patunayan ang kaniyang mga pag-aangkin. Ano ang naging resulta?
15, 16. (a) Ano ang pinatunayan ng paglipas ng panahon sa mga pag-aangkin ng Diyablo? (b) Ano ang malapit nang maganap?
15 Pinatunayan ng panahon na hindi kaya ng tao na pamahalaan ang sarili nang hiwalay sa Diyos. Bigung-bigo ang pagsisikap nila. Hirap-na-hirap ang tao sa ilalim ng maka-taong mga pamahalaan, na, gaya ng ipinakikita ng Kasulatan, ay minamaneobra ni Satanas sa likuran. Ang pagpapalipas ng Diyos ng panahon ay maliwanag na nagpakita din na hindi nagtagumpay si Satanas sa pagtalikod sa lahat ng mga tao mula sa pagsamba sa Diyos. Laging may nananatiling tapat sa paghahari ng Diyos. Bilang halimbawa, mababasa ninyo sa Bibliya kung papaano nabigo si Satanas na hadlangan si Job sa paglilingkod sa Diyos.—Job 1:6-12.
16 Kaya napabulaanan ang mga pag-aangkin ni Satanas. Karapatdapat nga siyang puksain dahil sa pagpapasimuno ng paghihimagsik laban sa Diyos. Anong ligaya, na tayo ngayo’y sumapit sa panahon ng pagwawakas ng Diyos sa pamamahala ni Satanas. Bilang paglalarawan sa unang hakbang nito, tinutukoy ng Bibliya ang isang dakilang digmaan sa langit, na hindi nakita o narinig ng tao sa lupa. Basahing mabuti ang ulat na ito ng Bibliya:
17. (a) Papaano inilalarawan ng Bibliya ang digmaan sa langit? (b) Ano ang resulta nito para sa langit at para sa lupa?
17 “Sumiklab ang digmaan sa langit: Si Miguel [ang binuhay-muling si Jesu-Kristo] at ang mga anghel niya ay nakipagdigma sa dragon, at ang dragon at mga anghel nito ay nakipagdigma subali’t hindi sila nagtagumpay, ni nasumpungan pa ang kanilang dako sa langit. Kaya inihagis ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, ang dumadaya sa buong tinatahanang lupa; siya’y ibinulid sa lupa, at ang mga anghel niya’y ibinulid na kasama niya. ‘Dahil dito’y magalak kayo, mga langit at kayong nagsisitahan diyan! Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagka’t ang Diyablo’y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na maikling panahon na lamang mayroon siya.’”—Apocalipsis 12:7-9, 12.
18. (a) Kailan naganap ang digmaan sa langit? (b) Ano ang nagaganap sa lupa mula nang si Satanas ay “ihagis” dito?
18 Kailan naganap ang digmaang ito sa langit? May katibayan na nangyari ito noong Pandaigdig na Digmaang I, na nagsimula noong 1914. Gaya ng ipinakikita ng Apocalipsis, pinalayas si Satanas sa langit nang panahong iyon, kaya’t nabubuhay tayo sa kaniyang “maikling panahon” mula noon. Ito na ang “mga huling araw” ng sanlibutan ni Satanas. Ang lumulubhang krimen, takot, digmaan, gutom, sakit at iba pang kagipitan na dinaranas natin ay patotoo nito.—Mateo 24:3-12; Lucas 21:26; 2 Timoteo 3:1-5.
19. (a) Ano ang pinagpipilitang gawin ngayon ni Satanas? (b) Ano ang matalino nating gawin?
19 Yamang alam ni Satanas na papaubos na ang kaniyang “maikling panahon,” higit siyang nagsisikap sa paghadlang sa mga tao sa paglilingkod sa Diyos. Gusto niyang makasama sa pagkapuksa ang pinakamaraming tao na madadaya niya. May mabuting dahilan ang Bibliya sa paglalarawan sa kaniya bilang isang leong umuungal na naghahanap ng masisila. (1 Pedro 5:8, 9) Kung ayaw nating mahuli, dapat alamin natin kung papaano siya sumasalakay at ang mga paraan ng pagdaya niya sa tao.—2 Corinto 2:11.
KUNG PAPAANO DINADAYA NI SATANAS ANG TAO
20. (a) Gaano katagumpay ang pagsalakay ni Satanas? (b) Bakit natin maaasahan na madalas ay tila walang-kasamaan, kundi parang kapakipakinabang pa nga ang mga paraan ni Satanas?
20 Huwag ninyong isipin na madaling makita ang mga paraan ni Satanas sa pandaraya. Dalubhasa siya sa panloloko. Napakatuso ng kaniyang mga pamamaraan sa nakalipas na libu-libong taon anupa’t maraming tao ngayon ang hindi naniniwalang umiiral siya. Para sa kanila ang kabalakyutan at kasamaan ay normal na mga kalagayan na hindi kailanman mawawala. Kumikilos si Satanas na gaya ng makabagong mga lider ng krimen na gumagamit ng mararangal na balatkayo subali’t sa likod ay gumagawa ng napakasama. Sabi ng Bibliya: “Si Satanas ay nagkukunwang anghel ng liwanag.” (2 Corinto 11:14) Kaya maaasahan natin na ang pandaraya niya sa tao ay tila walang kasamaan, kundi parang kapakipakinabang pa nga.
21. Ano ang isang paraan na ginamit ni Satanas?
21 Tandaan na si Satanas ay nagkunwaring kaibigan ni Eba. Pagkatapos ay pinaglalangan niya ito upang gawin ang sa palagay ni Eba’y makabubuti sa kaniya. (Genesis 3:4-6) Ganoon din ngayon. Halimbawa, may katusuhang hinihimok ni Satanas ang mga tao na unahin ang mga kapakanan ng makataong mga pamahalaan sa halip na maglingkod sa Diyos. Nagbunga ito ng nasyonalismo, at umakay sa malalagim na digmaan. Nitong huli, inudyukan ni Satanas ang mga tao na magharap ng mga panukala sa paghahanap ng kapayapaan at katiwasayan. Isa rito ay ang United Nations. Lumikha ba ito ng mapayapang daigdig? Malayung-malayo! Sa halip, ibinaling nito ang pansin ng mga tao mula sa kaayusan ng Diyos sa pagpapairal ng kapayapaan, ang dumarating niyang kaharian sa ilalim ni Jesu-Kristo, ang “Prinsipe ng Kapayapaan.”—Isaias 9:6; Mateo 6:9, 10.
22. Anong kaalaman ang gustong ipagkait sa atin ni Satanas?
22 Kung nais natin ng walang-hanggang buhay, kailangan natin ang tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos, sa kaniyang Haring-Anak at sa kaniyang kaharian. (Juan 17:3) Makatitiyak kayo na hindi gusto ni Satanas na kayo ay matuto, at gagawin niya ang buong-makakaya upang hadlangan kayo sa pagkakamit nito. Papaano niya ito gagawin? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pagharap sa inyo ng hadlang, marahil sa pamamagitan ng panunuya. Sinasabi ng Bibliya: “Lahat ng nagnanais mabuhay sa kabanalan kaisa ni Kristo Jesus ay pag-uusigin din.”—2 Timoteo 3:12.
23. (a) Papaano maaaring gamitin ni Satanas kahit ang mga kaibigan at kamag-anak? (b) Bakit hindi tayo dapat padaig sa pagsalansang?
23 Baka pati matatalik ninyong kaibigan o kamag-anak ay magsasabi sa inyo na hindi sila sang-ayon sa pag-aaral ninyo ng Bibliya. Si Jesu-Kristo mismo’y nagbabala: “Oo, magiging kaaway ng tao ang sarili niyang kasambahay. Ang umiibig sa ama o ina nang higit sa akin ay hindi karapatdapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalaki o babae nang higit sa akin ay hindi karapatdapat sa akin.” (Mateo 10:36, 37) Baka sirain ng inyong mga kamag-anak ang loob ninyo palibhasa’y hindi nila alam ang kagilagilalas na katotohanan ng Bibliya. Pero kung hihinto kayo sa pag-aaral ng Salita ng Diyos kapag bumangon ang pagsalansang, ano ang tingin ng Diyos sa inyo? At kung hihinto kayo, papaano ninyo matutulungan ang inyong mga kaibigan at mahal-sa-buhay na maunawaan ang tumpak na kaalaman ng Bibliya na kasinghalaga ng buhay o kamatayan? Sa kalaunan, ang pananatili ninyo sa mga bagay na inyong natutunan sa Salita ng Diyos ay maaaring makaimpluwensiya sa kanila upang mag-aral din ng katotohanan.
24. (a) Ano pang ibang paraan ang ginagamit ng Diyablo upang hadlangan ang mga tao sa pagkakamit ng nagbibigay-buhay na kaalaman? (b) Gaano kahalaga sa inyo ang pag-aaral ng Salita ng Diyos?
24 Sa kabilang dako, baka tuksuhin kayo ni Satanas na gumawa ng kahalayan, bagay na di-nakalulugod sa Diyos. (1 Corinto 6:9-11) O baka akayin kayo niya para mag-isip na napakarami ninyong gawain at wala nang panahon para mag-aral ng Bibliya. Pero kung tutuusin, may mas mahalaga pa ba sa pagkakamit ng ganitong uri ng kaalaman? Huwag ninyong pahintulutan ang anoman na humadlang sa inyo sa pagkakamit ng kaalamang ito na aakay sa inyo sa buhay na walang-hanggan sa paraiso dito sa lupa!
25. Kung patuloy nating sasalansangin ang Diyablo, ano ang hindi niya magagawa sa atin?
25 Humihimok ang Bibliya: “Salansangin mo ang Diyablo.” Kung gagawin ninyo ito, “lalayo siya sa iyo.” (Santiago 4:7) Nangangahulugan ba ito na kung lalabanan ninyo ang pagsalakay ni Satanas titigil na siya at hindi na niya kayo pakikialaman? Hindi, muli’t-muli niyang sisikapin na ipagawa sa inyo kung ano ang gusto niya. Pero kung patuloy ninyo siyang lalabanan, hindi niya kayo maaakay sa landas na salungat sa Diyos. Kaya, maging masikap sa pagkakamit ng napakahalagang kaalaman ng Bibliya at ikapit ang inyong natututuhan. Mahalaga ito upang huwag kayong madaya ng isa pang paraan ni Satanas, ang huwad na relihiyon.
[Larawan sa pahina 16, 17]
Maiaalok ba ni Satanas kay Kristo ang lahat ng gobiyernong ito sa daigdig kung hindi kaniya ang mga ito?
[Larawan sa pahina 19]
Ang magnanakaw na ito ay hindi ipinanganak na magnanakaw, kung paano ang Diyablo ay hindi nilalang na “diyablo”
[Larawan sa pahina 20, 21]
Nagtapos ang digmaan sa langit nang ihagis si Satanas at ang mga demonyo sa lupa. Nararanasan ninyo ngayon ang epekto nito
[Larawan sa pahina 24]
Maaaring may tumutol sa patuloy na pag-aaral ninyo sa Bibliya