Kabanata 3
Talagang Mahalaga Kung Ano ang Relihiyon Ninyo
1. Ano ang paniwala ng marami tungkol sa relihiyon?
‘LAHAT NG RELIHIYON ay mabuti,’ sabi ng marami. ‘Iba-ibang daan lamang ito patungo sa iisang lugar.’ Kung totoo ito, hindi mahalaga kahit ano ang relihiyon ninyo, sapagka’t mangangahulugan na lahat ng relihiyon ay kalugudlugod sa Diyos. Ganoon nga ba?
2. (a) Papaano pinakitunguhan ng mga Fariseo si Jesus? (b) Sino ang inangkin ng mga Fariseo bilang kanilang ama?
2 Nang nasa lupa si Jesu-Kristo, may relihiyosong grupo na kung tawagin ay mga Fariseo. Nagtatag sila ng paraan ng pagsamba at naniwalang sinasang-ayunan ito ng Diyos. Nguni’t, kasabay nito, sinikap ng mga Fariseo na patayin si Jesus! Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Ginagawa ninyo ang gawa ng inyong ama.” Bilang sagot sinabi nila: “May isang Ama kami, ang Diyos.”—Juan 8:41.
3. Ano ang sinabi ni Jesus hinggil sa ama ng mga Fariseo?
3 Talaga bang Ama nila ang Diyos? Tinanggap ba ng Diyos ang kanilang relihiyon? Hindi! Bagaman hawak ng mga Fariseo ang Kasulatan at inakalang tinutupad nila ito, nadaya sila ng Diyablo. At ganoon ang sinabi sa kanila ni Jesus: “Kayo’y sa inyong amang Diyablo, at nais ninyong gawin ang kalooban ng inyong ama. Ang isang yaon ay mamamatay-tao sa pasimula, at hindi siya nanindigan sa katotohanan, . . . siya’y isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.”—Juan 8:44.
4. Papaano minalas ni Jesus ang relihiyon ng mga Fariseo?
4 Kaya, ang relihiyon ng mga Fariseo ay huwad. Pinaglingkuran nito ang Diyablo, hindi ang Diyos. Imbes na ituring ang kanilang relihiyon na mabuti, hinatulan ito ni Jesus. Sinabi niya sa relihiyosong mga Fariseo: “Sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit sa mga tao; sapagka’t kayo mismo ay ayaw pumasok, at hinahadlangan pa ninyo ang gustong makapasok.” (Mateo 23:13) Dahil sa kanilang huwad na pagsamba, tinawag ni Jesus ang mga Fariseo na mapagpaimbabaw at makamandag na mga ahas. Dahil sa kasamaan nila, sinabi niyang sila’y patungo sa kapahamakan.—Mateo 23:25-33.
5. Papaano ipinakita ni Jesus na ang mga relihiyon ay hindi basta iba’t-ibang daan tungo sa iisang lugar?
5 Kaya hindi itinuro ni Jesu-Kristo na lahat ng relihiyon ay pawang iba’t-ibang daan patungo sa iisang dako ng kaligtasan. Sa kaniyang tanyag na Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Magsipasok kayo sa makipot na pintuan; sapagka’t malapad at maluwang ang daan tungo sa pagkapahamak, at marami ang doo’y nagsisipasok; samantalang makitid ang pintuan at makipot ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nakakasumpong nito.” (Mateo 7:13, 14) Dahil sa hindi pagsamba sa Diyos sa tamang paraan, karamihan ng tao ay nasa daang tungo sa pagkapahamak. Kakaunti lamang ang nasa daang patungo sa buhay.
6. Ano ang matututuhan natin kung susuriin natin ang pagsamba ng bansang Israel?
6 Ipinakikita ng pagsusuri sa pakikitungo ng Diyos sa Israel kung gaano kahalaga ang sumamba sa Diyos sa paraan na kaniyang sinasang-ayunan. Binalaan ng Diyos ang mga Israelita na lumayo sa huwad na relihiyon ng mga bansang nakapalibot sa kanila. (Deuteronomio 7:25) Inihandog ng mga taong ito ang kanilang mga anak sa kanilang mga diyos, at nakibahagi sila sa mahahalay na gawain, pati na ang homoseksuwalidad. (Levitico 18:20-30) Inutusan ng Diyos ang mga Israelita na iwasan ang mga gawaing ito. Nang sumuway sila at sumamba sa ibang diyos, pinarusahan niya sila. (Josue 24:20; Isaias 63:10) Kaya naging mahalaga kung ano ang relihiyon nila.
HUWAD NA RELIHIYON SA NGAYON?
7, 8. (a) Ano ang naging paninindigan ng relihiyon noong nakaraang mga digmaang pandaigdig? (b) Ano sa palagay ninyo ang nadadama ng Diyos tungkol sa ginagawa ng mga relihiyon kung digmaan?
7 Kumusta ang daan-daang mga relihiyon ngayon? Sasang-ayon kayo na maraming bagay na ginagawa sa pangalan ng relihiyon ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Noong mga digmaang pandaigdig na naranasan ng milyun-milyong nabubuhay ngayon, ang mga relihiyon ng magkabilang panig ay humimok sa kanilang mga sakop para pumatay. “Patayin ang mga Aleman,” sabi ng obispo ng Londres. Sinabi naman ng arsobispo ng Cologne sa mga Aleman: “Inuutusan namin kayo sa pangalan ng Diyos na ipaglaban ang karangalan at kaluwalhatian ng ating bayan hanggang sa kahulihulihang patak ng inyong dugo.”
8 Kaya sa udyok ng kanilang mga pinuno pinatay ng Katoliko ang kapuwa Katoliko, at ganoon din ang mga Protestante. Inamin ng klerong si Harry Emerson Fosdick: “Maging sa ating mga simbahan ay iniwagayway natin ang mga bandila ng digmaan . . . Pinuri natin ang Prinsipe ng Kapayapaan at kasabay nito’y niluwalhati natin ang digmaan.” Ano sa palagay ninyo ang nadadama ng Diyos sa relihiyon na nag-aangking naglilingkod sa kaniya subali’t lumuluwalhati sa digmaan?
9. (a) Ano ang nadadama ng marami hinggil sa kasamaan ng mga membro ng iba’t-ibang relihiyon? (b) Kapag naging bahagi ito ng sanlibutan, ano ang dapat nating ipasiya sa isang relihiyon?
9 Dahil sa kasamaang ginawa sa pangalan ng Diyos ng mga membro ng iba’t-ibang relihiyon sa kasaysayan, milyun-milyong tao ang tumalikod sa Diyos at kay Kristo. Sinisisi nila ang Diyos sa kakilakilabot na mga digmaang relihiyoso, gaya niyaong sa pagitan ng mga Katoliko at Muslim na kung tawagi’y mga Krusada, ang mga digmaan sa pagitan ng mga Muslim at Hindu, at sa pagitan ng mga Katoliko at Protestante. Pinupuna nila ang paglipol sa mga Hudiyo sa pangalan ni Kristo, at ang malulupit na inkisisyong Katoliko. Bagaman ang mga pinuno ng relihiyon na may pananagutan sa gayong kahindikhindik na kasamaan ay nag-aangkin na ang Diyos ay kanilang Ama, hindi ba’t sila’y mga anak din ng Diyablo gaya niyaong mga Fariseo na hinatulan ni Jesus? Yamang si Satanas ang diyos ng sanlibutan, hindi ba dapat asahan na sinusupil din niya ang mga relihiyon ng sanlibutan?—2 Corinto 4:4; Apocalipsis 12:9.
10. Ano ang ilang bagay na ginagawa sa pangalan ng relihiyon na hindi ninyo sinasang-ayunan?
10 Walang alinlangan maraming bagay na ginagawa ngayon sa ngalan ng relihiyon ang hindi ninyo sinasang-ayunan. Madalas kayong makabalita tungkol sa mga taong imoral, subali’t mga pinagpipitaganang membro pa rin sa mga simbahan. May nababalitaan pa kayo sigurong mga lider ng relihiyon na masasama ang buhay, pero itinuturing pa ring mabubuting lider ng relihiyon sa kanilang mga simbahan. May mga lider ng relihiyon na nagsasabing walang masama sa homoseksuwalidad at pagsisiping ng mga hindi mag-asawa. Pero alam ninyong hindi ganito ang sinasabi ng Bibliya. Sa katunayan, pinarusahan ng Diyos ang Israel ng kamatayan dahil gumawa sila ng ganito. Dahil din dito kung kaya niya nilipol ang Sodoma at Gomorra. (Judas 7) Malapit na rin niyang gawin ang ganito sa lahat ng makabagong huwad na relihiyon. Sa Bibliya, ang ganitong relihiyon ay kinakatawanan ng isang patutot dahil sa mahalay na relasyon nito sa “mga hari sa lupa.”—Apocalipsis 17:1, 2, 16.
PAGSAMBA NA SINASANG-AYUNAN NG DIYOS
11. Papaano magiging kalugudlugod ang pagsamba natin sa Diyos?
11 Yamang hindi sang-ayon ang Diyos sa lahat ng relihiyon, dapat nating itanong: ‘Sumasamba ba ako sa paraan na sinasang-ayunan ng Diyos?’ Papaano natin matitiyak? Hindi tao, kundi Diyos, ang nagpapasiya. Kaya upang maging kalugudlugod ang ating pagsamba, dapat ay malalim ang pagkaka-ugat nito sa Salita ng Diyos ng katotohanan, ang Bibliya. Dapat din nating madama ang sinabi ng manunulat ng Bibliya: “Hayaang maging tapat ang Diyos, bagaman ang bawa’t tao ay maging sinungaling.”—Roma 3:3, 4.
12. Bakit sinabi ni Jesus na ang pagsamba ng mga Fariseo ay hindi sinang-ayunan ng Diyos?
12 Hindi ganito ang nadama ng unang-siglong mga Fariseo. Kumatha sila ng sariling mga paniwala at tradisyon at sinunod ang mga ito sa halip na ang Salita ng Diyos. Ano ang resulta? Sinabi sa kanila ni Jesus: “Niwalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos dahil sa inyong tradisyon. Mga mapagpaimbabaw, tamang-tama ang pagkahula ni Isaias tungkol sa inyo, ‘Iginagalang ako ng labi ng mga taong ito, subali’t ang puso nila’y malayo sa akin. Walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, sapagka’t itinuturo nila ang mga utos ng tao bilang doktrina.’” (Mateo 15:1-9; Isaias 29:13) Kaya kung nais natin ang pagsang-ayon ng Diyos, dapat nating tiyakin na ang paniwala natin ay sang-ayon sa mga turo ng Bibliya.
13. Ano ang sinabi ni Jesus para tayo sang-ayunan ng Diyos?
13 Hindi sapat ang sabihing naniniwala tayo kay Kristo at pagkatapos ay gawin ang sa paniwala natin ay tama. Napakahalagang malaman kung ano ang kalooban ng Diyos sa mga bagay-bagay. Idiniin ito ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok: “Hindi bawa’t nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.”—Mateo 7:21.
14. Bakit tayo maituturing ni Jesus bilang “manggagawa ng kasamaan” kahit sa palagay nati’y gumagawa tayo ng “mabubuting gawa”?
14 Baka ginagawa din natin ang sa paniwala nati’y “mabubuting gawa” sa pangalan ni Kristo. Nguni’t wala itong kabuluhan kung hindi natin gagawin ang kalooban ng Diyos. Mapapabilang tayo sa mga binanggit ni Jesus: “Marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nanghula sa iyong pangalan, at nagpalayas ng mga demonyo sa iyong pangalan, at gumawa ng mga kababalaghan sa iyong pangalan?’ Gayunma’y aaminin ko sa kanila: Kailanma’y hindi ko kayo nakilala! Lumayas kayo, mga manggagawa ng kasamaan.” (Mateo 7:22, 23) Oo, baka gumagawa tayo ng sa akala natin ay mabuti—at baka pasalamatan pa tayo at purihin ng iba—nguni’t kung hindi natin gagawin kung ano ang sinasabi ng Diyos na tama ituturing din tayo ni Jesu-Kristo na “manggagawa ng kasamaan.”
15. Bakit matalinong sundin ang halimbawa na ipinakita ng mga sinaunang taga-Berea?
15 Yamang maraming relihiyon ngayon ang hindi gumagawa sa kalooban ng Diyos, hindi natin basta ipalalagay na ang mga turo ng relihiyong kinaaaniban natin ay kasuwato ng Salita ng Diyos. Dahil sa ginagamit ng isang relihiyon ang Bibliya ay hindi sapat na katibayan na lahat ng itinuturo at ginagawa nito ay nasa Bibliya. Mahalaga na tayo mismo ang magsuri nito. Pinuri ang mga taga-Berea sapagka’t, matapos silang turuan ng Kristiyanong apostol na si Pablo, sinuri nila ang Kasulatan upang matiyak na totoo nga ang sinasabi niya sa kanila. (Gawa 17:10, 11) Ang relihiyon na sinasang-ayunan ng Diyos ay dapat makasuwato ng Bibliya sa lahat ng paraan; hindi nito tatanggapin ang ibang bahagi ng Bibliya at tatanggihan naman ang iba.—2 Timoteo 3:16.
HINDI SAPAT ANG BASTA KATAIMTIMAN
16. Ano ang sinabi ni Jesus upang ipakita na ang kataimtiman ay hindi sapat para ang isa ay sang-ayunan ng Diyos?
16 Baka may magtatanong: ‘Kung taimtim naman ang isa, hindi ba siya sasang-ayunan ng Diyos kahit mali ang kaniyang relihiyon?’ Sinabi ni Jesus na hindi niya sasang-ayunan ang mga “manggagawa ng kasamaan” kahit sa palagay nila’y tama ang kanilang ginagawa. (Mateo 7:22, 23) Kaya ang kataimtiman lamang ay hindi rin sasang-ayunan ng Diyos. Sinabi minsan ni Jesus sa mga alagad niya: “Darating ang oras na bawa’t pumapatay sa inyo ay mag-aakalang naglilingkod siya sa Diyos.” (Juan 16:2) Baka taimtim na naniniwala ang mga pumapatay na ito ng Kristiyano na sila’y naglilingkod sa Diyos, subali’t maliwanag na hindi. Hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang ginawa nila.
17. Bagaman taimtim si Pablo, ano ang ginawa niya bago naging Kristiyano?
17 Bago naging Kristiyano, nanagot si apostol Pablo sa pagpatay kay Esteban. Pagkatapos ay humanap pa siya ng ibang paraan upang pumatay ng higit pang mga Kristiyano. (Gawa 8:1; 9:1, 2) Sinabi niya: “Labis kong pinag-usig ang kongregasyon ng Diyos at winasak ito, palibhasa’y mas mabilis ang pagsulong ko sa Hudaismo kay sa aking mga kasinggulang, at naging mas masikap ako sa tradisyon ng aking mga ninuno.” (Galacia 1:13, 14) Oo, taimtim si Pablo, pero hindi dahil dito’y tama ang relihiyon niya.
18. (a) Ano ang relihiyon ni Pablo nang pinag-uusig niya ang mga Kristiyano? (b) Bakit kinailangang magbago ng relihiyon si Pablo pati na ang iba noong panahon niya?
18 Si Pablo noon ay membro ng relihiyong Hudiyo na tumanggi kay Jesu-Kristo, kaya ito ay tinanggihan din ng Diyos. (Gawa 2:36, 40; Kawikaan 14:12) Kaya, upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, kinailangang magbago si Pablo ng relihiyon. Sumulat din siya na ang iba ay may “sikap ukol sa Diyos”—sila’y taimtim din subali’t hindi sinang-ayunan palibhasa ang relihiyon nila’y hindi salig sa wastong kaalaman tungkol sa layunin ng Diyos.—Roma 10:2, 3.
19. Ano ang nagpapakita na hindi ipinahihintulot ng katotohanan ang iba’t-ibang doktrina ng relihiyon?
19 Hindi ipinahihintulot ng katotohanan ang lahat ng iba’t-ibang relihiyosong turo sa daigdig. Alin sa dalawa, ang mga tao ay may kaluluwang nakaliligtas pagkamatay ng katawan, o kaya’y wala. Mananatili ang lupa magpakailanman, o kaya’y hindi. Wawakasan ng Diyos ang kasamaan, o kaya’y hindi. Ito at iba pang paniwala ay inuuri na tama o mali. Ang katotohanan ay hindi baligtaran. Isa lamang ang tama, ang kabila ay mali. Ang taimtim na paniniwala sa isang bagay, at pagsunod doon, ay hindi gagawa dito na tama kung talagang ito ay mali.
20. Kung tungkol sa relihiyon, papaano natin masusunod ang wastong “mapa”?
20 Ano ang dapat ninyong madama kung patutunayan sa inyo na mali ang inyong paniwala? Halimbawa, sabihin nating nasa kotse kayo, at ngayon lamang pupunta sa isang lugar. Mayroon kayong mapa, pero hindi ninyo pinag-abalahang suriin ito. May nagturo sa inyo ng daan. Nagtiwala kayo, sa taimtim na paniwalang tama ang daang itinuro niya sa inyo. Papaano kung hindi? Papaano kung may magbunyag ng pagkakamali? Papaano kung siya, sa pamamagitan ng sarili ninyong mapa, ay magsabi sa inyo na naligaw kayo ng daan? Ang inyo bang pagmamataas at katigasan-ng-ulo ay hahadlang sa inyo para aminin na naliligaw nga kayo ng daan? Kaya kung matutuhan ninyo mula sa pagsusuri ng inyong Bibliya na tumatahak kayo sa maling daan ng relihiyon, maging handa kayong magbago. Iwasan ang maluwang na daang tungo sa pagkapahamak; lumipat sa makitid na daang patungo sa buhay!
KAILANGAN ANG PAGGANAP SA KALOOBAN NG DIYOS
21. (a) Karagdagan pa sa pagkaalam ng katotohanan, ano ang kailangan? (b) Ano ang gagawin ninyo kung malalaman ninyo na hindi sang-ayon ang Diyos sa ilang bagay na ginagawa ninyo?
21 Mahalagang malaman ang mga katotohanan ng Bibliya. Subali’t walang kabuluhan ito kung hindi ninyo sasambahin ang Diyos sa katotohanan. (Juan 4:24) Mahalaga ang pagtataguyod sa katotohanan, ang pagganap sa kalooban ng Diyos. Sabi ng Bibliya, “Ang pananampalatayang walang gawa ay patay.” (Santiago 2:26) Upang paluguran ang Diyos, ang relihiyon ninyo’y hindi lamang dapat makasuwato ng Bibliya kundi dapat ding kumapit sa inyong buong buhay. Kaya, kung matutuklasan ninyo na ang ginagawa ninyo ay mali sa Diyos, handa ba kayong magbago?
22. Anong mga pagpapala ang tatamasahin natin ngayon at sa hinaharap, dahil sa pagtataguyod ng tunay na relihiyon?
22 Maraming pagpapala ang naghihintay sa inyo sa pagganap ninyo ng kalooban ng Diyos. Ngayon lamang ay makikinabang na kayo. Ang pagtataguyod ng tunay na relihiyon ay gagawa sa inyo na isang mas mabuting tao—mas mabuting lalaki, asawa o ama, mas mabuting babae, asawa o ina, mas mabuting anak. Palilitawin nito ang maka-Diyos na mga katangian na magtatangi sa inyo sapagka’t ginagawa ninyo ang tama. Higit pa rito, makakabilang kayo sa mga magkakamit ng pagpapala ng walang-hanggang buhay sa kaligayahan at sakdal na kalusugan sa paraiso ng Diyos sa bagong lupa. (2 Pedro 3:13) Walang alinlangan—talagang mahalaga kung ano ang relihiyon ninyo!
[Larawan sa pahina 25]
Naglilingkod kaya sa Diyos ang mga pinuno ng relihiyon noon na gustong patayin si Jesus?
[Mga larawan sa pahina 26, 27]
Karamihan ng mga tao ay nasa maluwang na daan patungo sa kapahamakan, sabi ni Jesus. Iilan lamang ang nasa makitid na daang patungo sa buhay
[Larawan sa pahina 28, 29]
“Sila’y nagpapanggap na nakikilala nila ang Diyos, nguni’t ikinakaila siya sa kanilang mga gawa.”—Tito 1:16.
Sa Salita
Sa Gawa
[Larawan sa pahina 30]
Dahil sa iba ang relihiyon niya, sinang-ayunan ni Pablo ang pagbato kay Esteban na alagad ni Kristo
[Larawan sa pahina 33]
Kung kayo’y nasa maling daan, ayaw ba ninyong aminin ito dahil sa pagmamataas o katigasan-ng-ulo?