Diyos
Kahulugan: Ang Kataastaasang Maykapal, na ang bukod-tanging pangalan ay Jehova. Ang wikang Hebreo ay gumagamit ng mga termino ukol sa “Diyos” na nangangahulugan ng kalakasan, pati na ng kamahalan, dignidad at karingalan. Bilang paghahambing sa tunay na Diyos, ay mayroon ding mga huwad na diyos. Ang ilan sa mga ito’y ginawang diyos ang kanilang mga sarili; ang iba nama’y pinag-ukulan ng pagsamba niyaong mga nagsisipaglingkod sa kanila.
May matitibay na dahilan ba upang maniwala sa Diyos?
Awit 19:1: “Ang mga kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos; at ipinakikita ng kalawakan ang gawa ng kaniyang mga kamay.”
Awit 104:24: “Pagkasari-sari ang iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat. Ang lupa ay puno ng iyong mga nilikha.”
Roma 1:20: “Ang mga katangian niyang hindi nakikita ay maliwanag na naaaninaw buhat pa nang lalangin ang sanlibutan, sapagka’t ang mga ito’y nahihiwatigan sa mga bagay na ginawa.”
Sinabi ng magasing New Scientist: “Nananatili ang karaniwang paniwala—na ang relihiyon ay ‘pinawalang-bisa’ ng mga siyentipiko. Ito’y isang paniwala na karaniwan nang umaasa na ang mga siyentipiko ay walang pananampalataya; na inilibing na ni Darwin ang Diyos; at na ang sunudsunod na makasiyentipiko at teknolohikal na mga pagbabago sapol noon ay nag-alis sa anomang pag-asa ukol sa isang pagkabuhay-muli. Ito ay isang paniwala na maling-mali.”—Mayo 26, 1977, p. 478.
Sinabi ng isang kasapi sa French Academy of Sciences: “Ang ayos sa kalikasan ay hindi kinatha ng isip ng tao ni itinakda kaya ng mga kapangyarihan ng unawa. . . . Ang pag-iral ng kaayusan ay nagpapahiwatig ng pag-iral ng talino sa pag-organisa. Ang talinong ito ay walang ibang pagbubuhatan kundi sa Diyos.”—Dieu existe? Oui (Paris, 1979), Christian Chabanis, bilang pagsipi kay Pierre-Paul Grassé, p. 94.
Nakilala ng mga siyentipiko ang mahigit na 100 kemikal na elemento. Ang atomikong balangkas ng mga ito ay nagtatanghal ng masalimuot na matematikal na pag-uugnayan ng mga elemento sa isa’t-isa. Ang periodic table ay nagpapahiwatig ng malinaw na pagkadisenyo. Ang ganitong kamanghamanghang disenyo ay hindi mangyayari nang di-sinasadya, na bunga lamang ng pagkakataon.
Paglalarawan: Kapag nakakakita tayo ng isang kamera, isang radyo, o computer, agad nating tinatanggap na ito’y dapat na nalikha ng isang matalinong disenyador. Kung gayon, magiging makatuwiran kaya na sabihing ang higit na masalimuot na mga bagay—ang mata, ang tainga, at ang utak ng tao—ay hindi nagbuhat sa isang matalinong Disenyador?
Tingnan din ang mga pahina 291-293, sa ilalim ng pamagat na “Paglalang.”
Ang pag-iral ba ng kasamaan at ng paghihirap ay patotoo na walang Diyos?
Isaalang-alang ang mga halimbawa: Dahil ba sa ang mga kutsilyo ay ginagamit sa pagpatay ay patotoo na walang nagdisenyo sa mga ito? Ang paggamit ba ng mga eroplanong jet upang magbagsak ng mga bomba kapag digmaan ay ebidensiya na ang mga ito ay walang disenyador? O sa halip hindi kaya ang paraan ng paggamit sa mga ito ang siyang nagdudulot ng pighati sa sangkatauhan?
Hindi ba totoo na maraming sakit ay resulta ng sariling kasalaulaan ng tao at ng pagpaparumi ng kapaligiran para sa kaniya at sa iba pa? Hindi ba ang mga digmaan na itinataguyod ng tao ay pangunahing sanhi ng paghihirap? Hindi rin ba totoo na, bagaman angaw-angaw ang kapos sa pagkain, labis-labis naman ito sa ibang mga bansa, anupa’t ang isang saligang suliranin ay ang kasakiman ng tao? Lahat ng ito’y nagbibigay katibayan, hindi sa bagay na walang Diyos, kundi sa bagay na ang tao ay lubhang nagmamalabis sa kaniyang bigay-Diyos na mga kakayahan at pati na rin sa mismong lupa.
Talaga bang nababahala ang Diyos sa nangyayari sa tao?
Oo, tiyak iyon! Isaalang-alang ang katibayan: Sinasabi sa atin ng Bibliya na binigyan ng Diyos ang tao ng isang sakdal na pasimula. (Gen. 1:27, 31; Deut. 32:4) Gayumpaman, ang patuluyang pagtatamasa ng tao ng pagsang-ayon ng Diyos ay nasasalig sa pagsunod sa kaniyang Maylikha. (Gen. 2:16, 17) Kung masunurin ang tao, patuloy niyang tatamasahin ang sakdal na buhay-tao—walang sakit, walang hirap, walang kamatayan. Siya ay paglalaanan ng Maylikha ng kinakailangang patnubay at gagamitin ang Kaniyang kapangyarihan upang ipagsanggalang ang sangkatauhan laban sa anomang kapahamakan. Subali’t tinanggihan ng tao ang patnubay ng Diyos; pinili niya ang landasin ng pagsasarili. Sa pagsisikap na gawin ang isang bagay na hindi sadyang dinisenyo para sa kaniya, dinulutan niya ng kapahamakan ang sarili. (Jer. 10:23; Ecles. 8:9; Roma 5:12) Gayumpaman, sa nakalipas na mga dantaon, buong pagtitiis na hinanap ng Diyos yaong mga handang sumunod sa kaniya dahil sa pag-ibig sa kaniya at sa kaniyang mga daan. Inilalagay niya sa harapan nila ang pagkakataon na tamasahin ang lahat ng mga pagpapala na ipinagkait sa kanila dahil sa di-kasakdalan at pagsasarili. (Apoc. 21:3-5) Ang paglalaan ng Diyos na tubusin ang mga tao sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng kaniyang Anak ay isang kagilagilalas na katibayan ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. (Juan 3:16) Nagtakda din naman ang Diyos ng panahon sa paglipol sa mga nagpapahamak sa lupa at upang tamasahin ng mga umiibig sa katuwiran ang buhay na kasuwato ng kaniyang sariling orihinal na layunin.—Apoc. 11:18; Awit 37:10, 11; tingnan din ang mga pamagat na “Pagdurusa” at “Kabalakyutan.”
Ang Diyos ba’y isang tunay na persona?
Heb. 9:24: “Pumasok si Kristo . . . sa mismong langit, upang humarap ngayon sa persona ng Diyos dahil sa atin.”
Juan 4:24: “Ang Diyos ay isang Espiritu.”
Juan 7:28: “Ang nagsugo sa akin ay tunay,” sabi ni Jesus.
1 Cor. 15:44: “Kung may katawang pisikal, ay mayroon din namang espirituwal.”
Ang Diyos ba ay may damdaming katulad niyaong iniuukol natin sa mga taong nabubuhay?
Juan 16:27: “Ang Ama rin ay may pagmamahal sa inyo, sapagka’t ako’y inyong minahal at kayo’y sumampalataya na ako ay dumating bilang kinatawan ng Ama.”
Isa. 63:9: “Sa lahat ng kanilang pagdadalamhati ay nagdadalamhati siya. . . . Sa kaniyang pag-ibig at sa kaniyang awa ay tinubos niya sila.”
1 Tim. 1:11: “Ang maligayang Diyos.”
Ang Diyos ba’y nagkaroon ng pasimula?
Awit 90:2: “Bago isinilang ang mga bundok, o bago mo iniluwal ang lupa at ang mabungang lupain na gaya ng may kirot sa panganganak, mula nga sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan ay ikaw ang Diyos.”
Makatuwiran ba ito? Hindi ito lubusang maaarok ng ating isip. Subali’t hindi ito matibay na dahilan para tanggihan ito. Isaalang-alang ang ilang halimbawa: (1) Panahon. Walang sinomang makatutukoy sa isang tiyak na sandali bilang pasimula ng panahon. At isang katotohanan na, bagaman ang ating mga buhay ay nagwawakas, ang panahon ay hindi. Hindi natin tinatanggihan ang paniwala tungkol sa panahon dahil lamang sa may mga salik itong hindi natin lubusang nauunawaan. Sa halip, sa pamamagitan nito’y inuugitan natin ang ating buhay. (2) Kalawakan. Ang mga astronomo ay walang masumpungang puno’t-dulo sa kalawakan. Habang lumalayo ang kanilang pagsusuri sa sansinukob, lalo lamang itong lumalawak. Hindi nila tinatanggihan ang ipinakikita ng ebidensiya; marami ang tumutukoy sa kalawakan bilang walang-hanggan. Ang ganito ring simulain ay kumakapit sa pag-iral ng Diyos.
Iba pang halimbawa: (1) Sinasabi sa atin ng mga astronomo na ang init ng araw sa pinaka-ubod nito ay 27,000,000 degrees Fahrenheit (15,000,000° C.). Tinatanggihan ba natin ang ideyang ito dahil sa hindi natin lubusang maunawaan ang gayon katinding init? (2) Sinasabi nila sa atin na ang laki ng ating Milky Way ay gayon na lamang anupa’t ang isang sinag ng liwanag na naglalakbay nang mahigit na 186,000 milya bawa’t segundo (300,000 km/seg) ay mangangailangan ng 100,000 taon bago makatawid sa kalaparan nito. Talaga kayang naaarok ng ating isipan ang gayong distansiya? Gayon ma’y tinatanggap natin ito dahil sa ito ay inaalalayan ng makasiyentipikong katibayan.
Alin ang higit na makatuwiran—na ang sansinukob ay produkto ng isang buháy, matalinong Maylikha? o na ito’y lumitaw lamang nang hindi sinasadya mula sa isang walang-buhay na pinagmulan nang walang matalinong pamamatnubay? Tinatanggap ng marami ang huling palagayin sapagka’t ang paniniwala sa naiiba rito ay mangangahulugan na dapat nilang kilalanin ang pag-iral ng isang Maylikha na may mga katangiang hindi nila lubusang nauunawaan. Subali’t ang mga siyentipiko ay hindi lubusang nakakaunawa sa pagkilos ng mga gene na nasa loob ng buháy na mga selula at na ang mga ito ay nagpapasiya kung papaano tutubo ang mga selula. Ni nauunawaan kaya nila ang pagkilos ng utak ng tao. Gayunma’y sino ang tatanggi sa pag-iral ng mga ito? Dapat ba nating asahan na maunawaan ang lahat tungkol sa isang Persona na napakadakila anupa’t napaiiral niya ang sansinukob, lakip na ang masalimuot na disenyo at dambuhalang laki nito?
Mahalaga bang gamitin ang pangalan ng Diyos?
Roma 10:13: “Lahat ng tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”
Ezek. 39:6: “Makikilala ng mga tao na ako ay si Jehova.”
Sinabi ni Jesus sa kaniyang Ama: “Ipinakilala ko sa kanila [sa kaniyang tunay na mga tagasunod] ang iyong pangalan at higit pang ipakikilala.”—Juan 17:26.
Tingnan din ang mga pahina 195, 196, sa ilalim ng “Jehova.”
Mahalaga pa ba kung aling Diyos ang pinaglilingkuran natin, basta’t may relihiyon tayo?
1 Cor. 10:20: “Ang mga bagay na inihahain ng mga bansa ay kanilang inihahain sa mga demonyo, at hindi sa Diyos.”
2 Cor. 4:4: “Binulag ng diyos ng pamamalakad na ito ng mga bagay ang isipan ng mga hindi nagsisisampalataya, upang ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos, ay huwag sumilang.” (Dito ang Diyablo ay tinutukoy bilang isang “diyos.” Tingnan ang 1 Juan 5:19; Apocalipsis 12:9.)
Mat. 7:22, 23: “Marami ang magsasabi sa akin [kay Jesu-Kristo] sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga kami nagsipanghula sa iyong pangalan, at nagpalayas ng mga demonyo sa iyong pangalan, at gumawa ng maraming makapangyarihang mga gawa sa iyong pangalan?’ Gayon ma’y ipagtatapat ko sa kanila: Kailanma’y hindi ko kayo nangakilala! Magsilayas kayo, mga manggagawa ng katampalasanan.” (Ang pag-aangkin na tayo’y Kristiyano ay hindi katiyakan na tayo’y naglilingkod sa tunay na Diyos sa karapatdapat na paraan.)
Tingnan din ang mga pahina 359, 360, sa ilalim ng pamagat na “Relihiyon.”
Kung si Jehova ay ang “iisang Diyos na tunay,” anong uri ng “Diyos” si Jesus?
Si Jesus mismo ay tumukoy sa kaniyang Ama bilang “ang iisang Diyos na tunay.” (Juan 17:3) Si Jehova mismo ay nagsabi: “Maliban sa akin ay walang ibang Diyos.” (Isa. 44:6) Si apostol Pablo ay sumulat na, kung para sa tunay na mga Kristiyano, “may . . . iisang Diyos na siyang Ama.” (1 Cor 8:5, 6) Kaya si Jehova ay bukod-tangi; walang ibang nakikibahagi sa kaniyang katayuan. Si Jehova ay tumatayong namumukod sa lahat ng ibang pinag-uukulan ng pagsamba bilang mga idolo, mga taong dinidiyos, at si Satanas. Lahat ng ito’y pawang mga huwad na diyos.
Si Jesus ay tinutukoy sa mga Kasulatan bilang “isang diyos,” at maging bilang “Makapangyarihang Diyos.” (Juan 1:1; Isa. 9:6) Subali’t saanma’y hindi siya tinutukoy bilang Makapangyarihan-sa-Lahat, na gaya ni Jehova. (Gen. 17:1) Si Jesus ay tinutukoy bilang “larawan ng kaluwalhatian [ng Diyos],” subali’t ang Ama ang siyang Bukal ng kaluwalhatiang yaon. (Heb. 1:3) Kailanma’y hindi sinikap ni Jesus na agawin ang katayuan ng kaniyang Ama. Sinabi niya: “Si Jehovang iyong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lamang ang iyong paglilingkuran.” (Luc. 4:8) Siya’y nasa “anyong Diyos,” at iniutos ng Ama na “sa pangalan ni Jesus dapat iluhod ang bawa’t tuhod,” subali’t lahat ng ito’y ginagawa “sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.”—Fil. 2:5-11; tingnan din ang mga pahina 200-205.
Kung May Magsasabi—
‘Hindi ako naniniwala sa Diyos’
Maaari kayong sumagot: ‘Mula’t sapol ba’y ganito ang inyong paniwala? . . . Bago ninyo sinapit ang gayong pasiya, nasuri na ba ninyo ang ilang ebidensiya na nasumpungan ninyong kapanipaniwala?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Ito’y isang paksang lubhang nakawiwili sa akin kung kaya’t pinag-ukulan ko ito ng masinsinang pagsusuri. Ang ilan sa mga punto na natuklasan kong nakakatulong ay ang mga ito: . . . (Sa pahina 126, tingnan ang subtitulong, “May matitibay na dahilan ba upang maniwala sa Diyos?” at tingnan din ang mga pahina 291-293, sa ilalim ng “Paglalang.”)’
O maaari ninyong sabihin: ‘Ang gusto ba ninyong sabihin ay na hindi kayo naniniwala na may isang Maylikha, o baka marami kayong nakikitang pagpapaimbabaw sa mga igle-iglesiya kung kaya’t nawalan na kayo ng pananampalataya sa kanilang itinuturo?’ Kung ang totoo ay ang huling nabanggit, maaari ninyong idagdag: ‘Napakalaki ng pagkakaiba sa pagitan ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan at ng tunay na Pagka-Kristiyano. Totoo na pinabigatan ng Sangkakristiyanuhan ang mga tao, subali’t hindi gayon ang Pagka-Kristiyano. Ang Sangkakristiyanuhan ay nagtaguyod ng digmaan, subali’t hindi ang Pagka-Kristiyano. Ang Sangkakristiyanuhan ay nabigong maglaan ng wastong patnubay sa moral, subali’t ang Pagka-Kristiyano ay hindi nabigo. Ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay hindi tumatangkilik sa Sangkakristiyanuhan. Sa halip, hinahatulan pa nga nito ang Sangkakristiyanuhan.’
Isa pang posibilidad: ‘Nagkaroon ako ng kawiliwiling pakikipag-usap sa mga taong katulad ninyo ang paniwala. Ang ilan sa kanila’y nagsabi na hindi talaga nila mapagtugma ang paniwala sa Diyos at ang lahat ng paghihirap at kasamaan sa sanlibutan. Ganito ba ang nadadama ninyo? (Kung oo, gamitin ang ilang materyales sa mga pahina 127, 128, sa ilalim ng subtitulong “Ang pag-iral ba ng kasamaan at ng paghihirap ay patotoo na walang Diyos?”)’
‘Naniniwala lamang ako sa nakikita ko, at kailanma’y hindi ko pa nakikita ang Diyos’
Maaari kayong sumagot: ‘Karaniwan na ang ganitong paniwala sa ngayon. At may dahilan para dito. Nabubuhay tayo sa isang lipunan na nagdidiin sa materyal na mga ari-arian. Subali’t kayo’y isang tao na gustong maging makatuwiran, hindi po ba?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘May mga bagay bang hindi nakikita ng ating mga mata subali’t pinaniniwalaan nating umiiral sapagka’t may mapananaligang katibayan? Hindi ba totoo ito sa hangin na ating nilalanghap? Nararamdaman natin ito kapag humahangin. Alam natin na pinupuno nito ang ating mga baga, kahit hindi natin ito nakikita. Dahil sa nakikita natin ang epekto, may mabuting dahilan na maniwala dito, hindi po ba?’ (2) ‘At hindi natin nakikita ang gravity. Subali’t kapag may nabitawan tayo nakikita natin ang ebidensiya ng pagkilos ng gravity. Ni nakikita kaya natin ang mga amoy, subali’t nalalanghap ito ng ating mga ilong. Hindi natin nakikita ang tunog, subali’t nahihiwatigan ito ng ating mga tainga. Kaya naniniwala tayo sa mga bagay na hindi natin nakikita—kung talagang may mabuting dahilan para dito, hindi ba tama ito?’ (3) ‘Buweno, may katibayan ba na ang isang di-nakikitang Diyos ay talagang umiiral? (Gamitin ang materyales sa mga pahina 126, 127, sa ilalim ng subtitulong, “May matitibay na dahilan ba upang maniwala sa Diyos?”)’
‘May sarili akong palagay tungkol sa Diyos’
Maaari kayong sumagot: ‘Nagagalak akong marinig na kayo ay isang tao na nakapag-isip-isip sa bagay na ito at na kayo ay naniniwala sa Diyos. Matanong ko po kayo, Ano ang inyong palagay tungkol sa Diyos?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Natitiyak kong naniniwala kayo na mahalagang tiyakin na bawa’t pinaniniwalaan natin ay nakakasuwato ng sinasabi mismo ng Diyos. Maaari ko bang ibahagi sa inyo ang kahit isa lamang kaisipan mula sa Bibliya tungkol dito? (Awit 83:18)’