Aklat ng Bibliya Bilang 10—2 Samuel
Mga Manunulat: Sina Gad at Nathan
Saan Isinulat: Sa Israel
Natapos Isulat: c. 1040 B.C.E.
Panahong Saklaw: 1077-c. 1040 B.C.E.
1. Sa anong kapaligiran nagbubukas ang Ikalawang Samuel, at papaano nabubuo ang ulat nito?
NAGDADALAMHATI ang Israel dahil sa kapahamakan sa Gilboa at sa pagkakapasok ng matagumpay na mga Filisteo. Patay na ang mga pinunò at ang mga kabinataan ng Israel. Ito ang situwasyon nang pumasok sa pambansang tanawin ang batambatang “pinahiran ni Jehova,” si David na anak ni Jesse. (2 Sam. 19:21) Dito nagsisimula ang Ikalawang Samuel, na maaari ring tawaging aklat ni Jehova at ni David. Ang salaysay nito ay punung-punô ng sari-saring aksiyon. Inihahatid tayo mula sa kaaba-abang pagkatalo tungo sa rurok ng tagumpay, mula sa kapighatian ng isang bansang pinagwatak-watak ng alitan tungo sa kasaganaan ng isang nagkakaisang kaharian, mula sa sigla ng kabataan tungo sa talino ng katandaan. Narito ang tapat na ulat ng buhay ni David na nagsikap sumunod kay Jehova nang buong puso.a Mauudyukan ang bawat bumabasa na suriin ang kaniyang puso upang mapalakas ang sariling kaugnayan at katayuan sa harap ng Maylikha.
2. Papaano tinawag na Ikalawang Samuel ang aklat? (b) Sino ang mga sumulat, ano ang kanilang mga kuwalipikasyon, at aling ulat ang sinikap lamang nilang maingatan?
2 Ang totoo, wala ang pangalan ni Samuel sa ulat ng Ikalawang Samuel, at malamang na ipinangalan sa kaniya ang aklat sapagkat ito ay dating kasama ng Unang Samuel sa iisang balumbon, o tomo. Sina propeta Nathan at Gad, na tumapos ng Unang Samuel, ang sumulat ng buong Ikalawang Samuel. (1 Cron. 29:29) Kuwalipikado sila sa atas na ito. Si Gad ay kasama ni David nang ito ay isang salaring pinaghahanap sa Israel, at sa pagtatapos ng 40-taóng paghahari ni David, si Gad ay aktibo pa ring kaugnay ng hari. Siya ang nagpahayag ng galit ni Jehova kay David dahil sa di-matalinong pagbilang sa Israel. (1 Sam. 22:5; 2 Sam. 24:1-25) Ang gawain ni Nathan, matalik na kasama ni David, ay sumasaklaw at lumalampas pa sa buhay ni Gad. Naging pribilehiyo niya na ipahayag ang mahalagang tipan ni Jehova kay David, ang tipan sa walang-hanggang kaharian. Siya ang kinasihan at may tibay-loob na nagbunyag sa malaking pagkakasala ni David kay Bath-seba at sa parusang katapat nito. (2 Sam. 7:1-7; 12:1-15) Kaya ginamit ni Jehova si Nathan, na ang pangala’y nangangahulugang “[Diyos] Ang Nagkaloob,” at si Gad, na ang pangala’y nangangahulugang “Mabuting Kapalaran,” upang iulat ang kinasihan at kapaki-pakinabang na impormasyon sa Ikalawang Samuel. Hindi itinaguyod ng mapagpakumbabang mga mananalaysay na ito ang sariling alaala, yamang walang mababasa hinggil sa kanilang mga ninuno o personal na buhay. Hangad lamang nilang ingatan ang kinasihang ulat ng Diyos, sa kapakinabangan ng mga mananamba ni Jehova sa hinaharap.
3. Anong yugto ang saklaw ng Ikalawang Samuel, at kailan natapos ang pagsulat nito?
3 Sinisimulan ng Ikalawang Samuel ang kasaysayan ng Bibliya pagkamatay ni Saul, unang hari ng Israel, hanggang sa pagtatapos ng 40-taóng paghahari ni David. Kaya, ang panahong saklaw ay mula 1077 B.C.E. hanggang mga 1040 B.C.E. Ang hindi pag-uulat ng kamatayan ni David ay matibay na patotoo na ito ay isinulat noong mga 1040 B.C.E., o bago siya mamatay.
4. Sa anong mga dahilan dapat tanggapin ang Ikalawang Samuel bilang bahagi ng kanon ng Bibliya?
4 Sa mga dahilang iniharap sa Unang Samuel, ang Ikalawang Samuel ay dapat ding tanggapin bilang bahagi ng kanon ng Bibliya. Walang alinlangan sa pagiging-totoo nito. Ang pagiging-prangko nito, sa hindi pagtatakip maging sa mga kasalanan at pagkukulang ni Haring David, ay matibay na ebidensiya sa ganang sarili.
5. Ano ang pinakamatibay na dahilan sa pagtanggap ng Ikalawang Samuel bilang kinasihang Kasulatan?
5 Gayunman, ang pinakamatibay na ebidensiya ng pagiging-totoo ng Ikalawang Samuel ay ang natupad na mga hula, lalo na ang tungkol sa tipan kay David ukol sa Kaharian. Nangako ang Diyos kay David: “Ang iyong sambahayan at kaharian ay matatayo magpakailanman sa harapan mo; ang iyong luklukan ay matatatag magpakailanman.” (7:16) Si Jeremias, kahit noong papalubog na ang kaharian ng Juda, ay bumanggit sa katiyakan ng pangakong ito sa sambahayan ni David: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Si David ay hindi kukulangin kailanman ng lalaki na mauupo sa luklukan ng bahay ni Israel.’ ” (Jer. 33:17) Hindi nagmintis ang katuparan ng hulang ito, sapagkat nang maglaon, “si Jesu-Kristo, anak ni David,” ay iniluwal ni Jehova mula sa Juda, gaya ng maliwanag na pinatutunayan ng Bibliya.—Mat. 1:1.
NILALAMAN NG IKALAWANG SAMUEL
6. Papaano tumugon si David nang mabalitaan ang pagkamatay nina Saul at Jonathan?
6 Maaagang kaganapan sa paghahari ni David (1:1–4:12). Pagkamatay ni Saul sa Bundok Gilboa, isang Amalekitang takas sa digmaan ang nagmadaling nag-ulat kay David sa Ziklag. Sa pagnanais na mapalugdan si David, sinabi nito na siya ang pumatay kay Saul. Sa halip na purihin, kamatayan ang naging gantimpala sa Amalekita, na humatol sa sarili nang angkinin ang pagpatay sa “pinahiran ni Jehova.” (1:16) Sa kaniyang panambitan, “Ang Busog,” tinaghuyan ng bagong haring si David ang kamatayan nina Saul at Jonathan. Ganito ang napakagandang sukdulan ng nakakaantig-pusong kapahayagan ng nag-uumapaw na pag-ibig ni David kay Jonathan: “Namamanglaw ako dahil sa iyo, kapatid kong Jonathan, naging totoong kalugud-lugod ka sa akin. Higit na kagila-gilalas ang pag-ibig mo sa akin kaysa pag-ibig ng mga babae. Ano’t nangabuwal ang mga makapangyarihan at nangalipol ang mga sandatang pandigma!”—1:17, 18, 26, 27.
7. Ano pang mga kaganapan ang napatampok sa pasimula ng paghahari ni David?
7 Sa utos ni Jehova, inilipat ni David at ng mga tauhan niya ang kanilang pamilya sa Hebron na sakop ng Juda. Dumating ang mga matanda sa tribo at pinahiran siya bilang hari noong 1077 B.C.E. Ang heneral na si Joab ay naging pangunahing tagasunod ni David. Subalit si Is-boseth, anak ni Saul, ay pinahiran ni Abner, pinunò ng hukbo, bilang karibal na hari. Manaka-nakang nagsagupaan ang dalawang magkalabang puwersa, at napatay ni Abner ang isang kapatid ni Joab. Sa wakas, si Abner ay pumanig sa kampo ni David. Dinala niya kay David ang anak ni Saul na si Michal, na matagal nang ipinagbayad ni David ng dote. Gayunman, pinatay ni Joab si Abner bilang ganti sa pagpatay sa kapatid nito. Lubhang nagulumihanan si David at ayaw niyang managot dito. Di-nagtagal, si Is-boseth mismo ay pinatay habang “natutulog sa katanghaliang tapat.”—4:5.
8. Papaano pinagpala ni Jehova ang paghahari ni David sa buong Israel?
8 Si David ay hari sa Jerusalem (5:1–6:23). Bagaman pitong taon at anim na buwan nang naghahari sa Juda, wala nang alinlangan ang pagpupuno ni David, kaya pinahiran siya ng mga kinatawan ng mga tribo bilang hari sa buong Israel. Ikatlo na niyang pagkakapahid ito (1070 B.C.E.). Isa sa mga unang hakbang niya bilang puno ng buong kaharian ay ang pag-agaw sa moog ng Sion sa Jerusalem mula sa mga Jebuseo, na nabigla nang siya ay pumasok sa daanan ng tubig. Ginawa ni David na kabisera ang Jerusalem. Pinagpala siya ni Jehova at higit na pinaging-dakila. Maging si Hiram, mayamang hari ng Tiro, ay nagpadala ng mamahaling sedro at ng mga obrero upang magtayo ng bahay para sa hari. Lumaki ang pamilya ni David at pinasagana ni Jehova ang kaniyang pagpupuno. Dalawang beses pa silang nakipagsagupaan sa mapagdigmang mga Filisteo. Sa una rito, pinangalat ni Jehova ang mga kaaway sa Baal-perazim, at pinapanalo si David. Sa ikalawa, naghimala si Jehova sa pamamagitan ng “hugong ng paglalakad sa ibabaw ng mga puno ng morales,” upang ipahiwatig na Siya ay nauuna sa Israel laban sa mga Filisteo. (5:24) Isa pang namumukod-tanging tagumpay para sa mga hukbo ni Jehova!
9. Ilarawan ang mga pangyayaring naganap kaugnay ng pagdadala ng Kaban sa Jerusalem.
9 Kasama ang 30,000 lalaki, sinikap ni David na dalhin ang kaban ng tipan mula sa Baale-juda (Kiriath-jearim) tungo sa Jerusalem. Habang sinasabayan ng malakas na tugtugan at pagsasaya, ang bagon na kinasasakyan nito ay napaigtad, at sinikap ni Uzza, na naglalakad sa tabi, na alalayan ang banal na Kaban. “Nagsiklab ang galit ni Jehova laban kay Uzza at pinatay siya ng Diyos dahil sa kawalang-galang.” (6:7) Nanatili ang Kaban sa bahay ni Obed-edom, at sa susunod na tatlong buwan, ay pinagpala ni Jehova ang kaniyang sambahayan. Pagkatapos ay dumating si David upang dalhin ang Kaban sa wastong paraan. Kasabay ng masayang sigawan, tugtugan, at sayawan, ang Kaban ay dinala sa kabisera ni David. Binigyang-daan ni David ang malaking kagalakan at nagsayaw siya sa harap ni Jehova, ngunit ito ay tinutulan ng asawa niyang si Michal. Iginiit ni David: “Magdiriwang ako sa harapan ni Jehova.” (6:21) Dahil dito si Michal ay nanatiling baog hanggang sa mamatay.b
10. Anong tipan at pangako ni Jehova ang tumatawag ng ating pansin?
10 Ang pakikipagtipan ng Diyos kay David (7:1-29). Isa ito sa pinakamahalagang kaganapan sa buhay ni David, na tuwirang kaugnay sa pangunahing tema ng Bibliya, ang pagpapakabanal sa pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng Kaharian ng ipinangakong Binhi. Nag-uugat ito sa hangarin ni David na magtayo ng bahay para sa kaban ng Diyos. Palibhasa nakatira sa magandang bahay na sedro, ipinahiwatig niya kay Nathan na hangad niyang magtayo ng bahay para sa kaban ng tipan ni Jehova. Sa pamamagitan ni Nathan, tiniyak ni Jehova kay David ang kagandahang-loob Niya sa Israel at pinagtibay ang isang tipan na mananatili magpakailanman. Ngunit hindi si David kundi ang kaniyang supling ang magtatayo ng bahay sa pangalan ni Jehova. Binitiwan din ni Jehova ang maibiging pangako: “Ang iyong sambahayan at kaharian ay matitiwasay sa harap mo magpakailanman; ang iyong luklukan ay matatatag magpakailanman.”—7:16.
11. Sa pamamagitan ng anong panalangin nagpahayag si David ng pasasalamat?
11 Naantig sa kabutihan ni Jehova na ipinahayag sa tipang ito ng Kaharian, ibinulalas ni David ang pasasalamat sa kagandahang-loob ni Jehova: “Aling bansa sa lupa ang gaya ng iyong bayang Israel, na tinubos ng Diyos para sa sarili upang gumawa ng pangalan para sa sarili at upang gawan sila ng dakila at kakila-kilabot na mga bagay? . . . At ikaw mismo, O Jehova, ay naging Diyos nila.” (7:23, 24) Marubdob niyang idinalangin ang pagpapakabanal sa pangalan ni Jehova at ng pagkakatatag ng bahay ni David sa harapan Niya.
12. Anong mga digmaan ang ipinaglaban ni David, at anong kabaitan ang ipinakita niya sa sambahayan ni Saul?
12 Pinalawak ni David ang sakop ng Israel (8:1–10:19). Hindi naging mapayapa ang paghahari ni David. May mga digmaan na dapat pang ipaglaban. Pinuksa niya ang mga Filisteo, Moabita, Zobahita, Siryano, at mga Edomita, at pinalawak ang nasasakupan ng Israel ayon sa bigay-Diyos na mga hangganan nito. (2 Sam. 8:1-5, 13-15; Deut. 11:24) Pagkatapos, alang-alang kay Jonathan, hinarap niya ang sambahayan ni Saul upang maipahayag niya ang kagandahang-loob sa sinomang nalalabi. Itinawag-pansin sa kaniya ni Ziba, lingkod ni Saul, ang anak ni Jonathan na si Mephiboseth, isang lumpo. Karaka- raka, iniutos ni David na lahat ng ari-arian ni Saul ay ibigay kay Mephiboseth at ang lupain niya ay ipasaka kay Ziba at sa mga lingkod nito upang maglaan ng pagkain sa sambahayan ni Mephiboseth. Gayunman, si Mephiboseth mismo ay kakain sa dulang ni David.
13. Sa pamamagitan ng ano pang mga tagumpay ipinakita ni Jehova na siya ay sumasa kay David?
13 Nang mamatay ang hari ng Amon, nagpasugo si David kay Hanun na anak nito upang ihatid ang kaniyang pakikiramay. Subalit si David ay pinaratangan ng mga tagapayo ni Hanun na ang mga sugo ay inutusan niyang maniktik, kaya hiniya nila ang mga ito at pinauwi na halos hubo’t-hubad. Nagalit sa pang-iinsultong ito, inutusan ni David si Joab at ang hukbo upang maghiganti. Hinati niya ang hukbo, at nagapi agad ang mga Amonita at mga Siryano na tumulong sa kanila. Muling nagtipon ang mga Siryano, subalit minsan pa’y tinalo sila ng mga hukbo ni Jehova sa pangunguna ni David at nawalan sila ng 700 karo at 40,000 mangangabayo. Isa pa itong katibayan ng pagsang-ayon at pagpapala ni Jehova kay David.
14. Papaano nagkasala si David kay Bath-seba?
14 Nagkasala si David laban kay Jehova (11:1–12:31). Nang sumunod na tagsibol muling isinugo ni David si Joab sa Amon upang kubkubin ang Raba, ngunit siya mismo ay nanatili sa Jerusalem. Isang gabi, natanawan niya mula sa bubungan ang magandang si Bath-seba, asawa ni Uria na Heteo, samantalang ito ay naliligo. Ipinasundo niya ito, sinipingan, at ito ay nagdalang-tao. Sinikap ni David na pagtakpan ito kaya pinauwi niya si Uria mula sa labanan sa Raba upang makapagpahinga. Subalit tumanggi si Uria na paluguran ang sarili at sumiping sa asawa samantalang ang Kaban at ang hukbo ay “nasa mga tolda.” Bigung-bigo, pinabalik ni David si Uria kay Joab taglay ang isang liham na nagsasabing: “Ilagay mo si Uria sa harap ng pinakamainit na labanan, at iiwan ninyo siya, upang siya’y masaktan at mamatay.” (11:1, 15) Kaya namatay si Uria. Pagkalipas ng pagluluksa ni Bath-seba, iniuwi siya agad ni David bilang asawa, at isinilang ang kanilang anak, isang lalaki.
15. Papaano nagpahayag si Nathan ng makahulang paghatol laban kay David?
15 Masama ito sa mata ni Jehova. Isinugo niya si propeta Nathan taglay ang mensahe ng paghatol kay David. Ikinuwento ni Nathan ang tungkol sa isang mayaman at isang dukhang tao. Ang una ay may maraming kawan, ngunit ang ikalawa ay may iisang korderong babae, na alagang-alaga ng pamilya at “parang anak sa kaniya.” Subalit nang maghanda ng piging ang mayaman, hindi ito kumuha ng tupa sa sariling kawan, kundi kinuha ang babaeng kordero ng dukha. Sumiklab ang galit ni David, at sinabi: “Buháy si Jehova, ang lalaking gumawa nito ay dapat mamatay!” Sumagot si Nathan: “Ikaw ang lalaking yaon!” (12:3, 5, 7) Inihula niya na ang mga asawa ni David ay hahalayin nang hayagan, na ang sambahayan niya ay sasalutin ng alitan, at na mamamatay ang anak niya kay Bath-seba.
16. (a) Ano ang kahulugan ng mga pangalan ng ikalawang anak nina David at Bath-seba? (b) Ano ang pangwakas na resulta ng pagsalakay sa Raba?
16 Sa taimtim na dalamhati at pagsisisi, inamin ni David: “Nagkasala ako kay Jehova.” (12:13) Tapat sa salita ni Jehova, ang supling ng pangangalunya ay namatay pagkaraan ng pitong araw na pagkakasakit. (Nang maglaon, nagkaanak uli ng lalaki sina David at Bath-seba; tinawag nila ito na Solomon, mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “kapayapaan.” Ngunit iniutos ni Jehova kay Nathan na ito ay tawagin ding Jedidiah, nangangahulugang “Minamahal ni Jah.”) Makaraan ang sumusurot-budhing karanasang ito, ipinatawag ni Joab si David sa Raba, kung saan inihahanda ang huling pagsalakay. Matapos agawin ang imbakan ng tubig sa lungsod, buong-pagpipitagang ipinagkatiwala ni Joab sa hari ang karangalan ng pagsakop sa lungsod mismo.
17. Anong panloob na alitan ang sumapit sa sambahayan ni David?
17 Ang mga suliranin ng sambahayan ni David (13:1–18:33). Nagsimula ang mga suliranin sa sambahayan ni David nang si Amnon, isa niyang anak, ay mapaibig nang husto kay Tamar, kapatid ni Absalom na kapatid nito sa ama. Nagsakit-sakitan si Amnon at hiniling na alagaan siya ng magandang si Tamar. Pinagsamantalahan niya ito at pagkatapos ay labis na kinapootan, anupat pinaalis niya ito na hiyang-hiya. Binalak ni Absalom na maghiganti, at naghintay ng pagkakataon. Dalawang taon pagkaraan nito, naghanda siya ng piging at inanyayahan si Amnon at lahat ng mga anak na lalaki ng hari. Nang lasing na si Amnon ay pinatay siya sa utos ni Absalom.
18. Sa tulong ng anong pakana nakabalik si Absalon mula sa pagkakatapon?
18 Nangangamba sa paghihiganti ng hari, tumakas si Absalom sa Geshur, at doo’y namuhay na parang tapon sa loob ng tatlong taon. Samantala, binalak ni Joab, pinunò ng hukbo ni David, na pagbatiin sina David at Absalom. Pinaharap niya sa hari ang isang pantas na babae sa Tekoa na may kunwang suliranin tungkol sa paghihiganti, pagpapatapon, at pagpaparusa. Nang igawad ng hari ang hatol, ibinunyag ng babae ang tunay na dahilan ng kaniyang paglapit, na ang sariling anak ng hari na si Absalom ay isang tapon sa Geshur. Nahalata ni David na ito ay pakana ni Joab subalit pinayagan niya ang kaniyang anak na makabalik sa Jerusalem. Dalawang taon pa ang lumipas bago pumayag ang hari na humarap nang mukhaan kay Absalom.
19. Anong sabwatan ang nabunyag, at ano ang naging resulta kay David?
19 Sa kabila ng kagandahang-loob ni David, nakipagsabwatan si Absalom upang maagaw ang trono sa kaniyang ama. Si Absalom ang pinakamakisig sa lahat ng magigiting na lalaki sa Israel, at nakaragdag ito sa kaniyang ambisyon at pagmamataas. Bawat taon ang pinaggupitan ng kaniyang malagong buhok ay tumitimbang ng 2.3 kilo. (2 Sam. 14:26, talababa) Sa sari-saring pakana, sinikap ni Absalom na akitin ang mga taga-Israel. Sa wakas, ibinunyag ang sabwatan. Matapos pahintulutan ni David na pumunta sa Hebron, ipinahayag doon ni Absalom ang kaniyang paghihimagsik at hiningi ang pagtangkilik ng buong Israel sa pag-aaklas niya laban kay David. Nang dumarami ang kapanalig ng kaniyang rebeldeng anak, tumakas si David mula sa Jerusalem kasama ang ilang tapat na tagasunod, at isa rito ay si Ittai na Getheo na nagsabi: “Buháy si Jehova at buháy ang panginoon kong hari, kung saan dumoon ang panginoon kong hari, maging sa kamatayan man o sa buhay, ay doroon din ang iyong lingkod.”—15:21.
20, 21. (a) Ano ang naganap nang tumatakas si David, at papaano natupad ang hula ni Nathan? (b) Papaano namatay ang taksil na si Ahitophel?
20 Nang tumatakas mula sa Jerusalem, nabalitaan ni David ang pagtataksil ng pinagkakatiwalaan niyang tagapayo, si Ahitophel. Nanalangin siya: “O Jehova, pakisuyo, gawin mong kamangmangan ang payo ni Ahitophel!” (15:31) Sina Zadok at Abiathar, mga saserdoteng tapat kay David, at si Husai na Arkita ay pinabalik sa Jerusalem upang magmanman at mag-ulat sa mga gawain ni Absalom. Samantala, sa ilang, nakatagpo ni David si Ziba, lingkod ni Mephiboseth, na nagsabing umaasa ang kaniyang panginoon na maibalik ang kaharian sa sambahayan ni Saul. Sa pagdaraan ni David, si Simei, ng sambahayan ni Saul, ay sumumpa at naghagis ng mga bato, subalit binawalan ni David ang mga tauhan niya na maghiganti.
21 Sa Jerusalem, si Absalom ay pinayuhan ni Ahitophel na sipingan ang mga kerida ni David “sa paningin ng buong Israel.” Katuparan ito ng makahulang hatol ni Nathan. (16:22; 12:11) Nagpayo din si Ahitophel na bumuo ng isang puwersa ng 12,000 at tugisin si David sa ilang. Gayunman, si Husai, na nagkamit ng pagtitiwala ni Absalom, ay nagmungkahi ng ibang paraan. Gaya ng dalangin ni David, nabigo ang payo ni Ahitophel. Umuwi ito at nagbigti sa sarili, gaya ni Judas. Ang mga plano ni Absalom ay iniulat ni Husai kina Zadok at Abiathar, na nagparating naman nito kay David sa ilang.
22. Ano ang nagpalungkot sa tagumpay ni David?
22 Kaya nakatawid si David sa Jordan at pinili ang dako ng labanan sa kagubatan ng Mahanaim. Ipinuwesto niya ang kaniyang hukbo at iniutos na maging mahinahon sila kay Absalom. Ganap ang pagkatalo ng mga rebelde. Habang tumatakas si Absalom sakay ng asno sa makapal na kakahuyan, nasalabid ang kaniyang ulo sa mabababang sanga ng isang malaking punongkahoy, at naiwan siyang nakabitin. Nang masumpungan siya ni Joab, pinatay niya ito nang walang-pakundangan sa utos ng hari. Ang labis na pagdadalamhati ni David sa kamatayan ng kaniyang anak ay mababakas sa panambitang ito: “Anak kong Absalom, anak ko, O anak kong Absalom! Mano nawa’y ako na ang namatay na kahalili mo, Absalom, anak ko, anak ko!”—18:33.
23. Anong mga kaayusan ang naganap sa pagbabalik ni David bilang hari?
23 Pagwawakas ng paghahari ni David (19:1–24:25). Nagluksa si David hanggang sa himukin siya ni Joab na harapin ang kaniyang matuwid na katayuan bilang hari. Ipinalit niya si Amasa kay Joab bilang pinunò ng hukbo. Sa pagbabalik niya, sumalubong ang bayan, pati na si Simei na kaniyang kinaawaan. Nagmakaawa rin si Mephiboseth, at binigyan siya ni David ng mana na kasama ni Ziba. Ang buong Israel at Juda ay muling nagkaisa sa ilalim ni David.
24. Ano pang mga pangyayari ang naganap kaugnay ng tribo ni Benjamin?
24 Marami pang naghihintay na sigalot. Naghari-harian si Seba, isang Benjaminita, at marami ang naihiwalay niya kay David. Nasalubong ni Joab si Amasa na inutusan ni David upang sugpuin ang paghihimagsik at buong-kataksilang pinatay ito ni Joab. Pinamunuan ni Joab ang hukbo at sinundan si Seba sa lungsod ng Abel sa Beth-maacah at kinubkob ito. Sa payo ng isang pantas na babae sa lungsod, pinatay ng mga mamamayan si Seba, at umurong si Joab. Dahil ipinapatay ni Saul ang mga Gabaonita at hindi pa naipaghihiganti ang dugo, tatlong taóng nakagutom sa Israel. Upang mapawi ang pagkakasala-sa-dugo, pinatay ang pitong lalaki sa sambahayan ni Saul. Sa muling pakikipaglaban sa mga Filisteo, ang buhay ni David ay babahagya nang nailigtas ni Abishai na kaniyang pamangkin. Sumumpa ang kaniyang mga tauhan na hindi na siya dapat sumama sa pakikipagbaka “upang huwag [niyang] mapatay ang tanglaw ng Israel!” (21:17) Napabantog ang tatlo niyang magigiting na kawal dahil sa pagpatay ng tatlong higanteng Filisteo.
25. Ano ang ipinahayag ng mga napaulat na awit ni David?
25 Sa puntong ito, inilalakip ng manunulat ang awit ni David kay Jehova, na kahawig ng Awit 18 at nagpapasalamat sa pagliligtas “mula sa kamay ng kaniyang mga kaaway at mula sa kamay ni Saul.” Buong-kagalakan niyang ipinahayag: “Si Jehova ang aking malaking bato, aking moog at aking Tagapagligtas. Siya ang naglalaan ng mga dakilang pagliligtas sa hari at nagmamagandang-loob sa kaniyang pinahiran, kay David at sa kaniyang binhi magpakailanman.” (22:1, 2, 51) Kasunod nito ay ang huling awit ni David, at doo’y inamin niya, “Ang espiritu ni Jehova ay nagsalita sa pamamagitan ko, at ang kaniyang salita ay suma aking dila.”—23:2.
26. Ano ang isinasaad tungkol sa magigiting na lalaki ni David, at papaano siya nagpakita ng paggalang sa kanilang dugo-ng-buhay?
26 Sa pagbabalik sa makasaysayang ulat ay binabanggit ang magigiting na lalaki ni David, at tatlo ang namumukod-tangi. Naganap ang isang pangyayari nang ang himpilan ng mga Filisteo ay itatag sa Betlehem, sariling bayan ni David. Sinabi ni David: “O makainom sana ako ng tubig mula sa balon ng Betlehem na nasa pintuang-bayan!” (23:15) Kaya, ang tatlong magigiting na lalaki ay nagpilit pumasok sa kampo ng mga Filisteo, sumalok ng tubig sa balon, at dinala ito kay David. Subalit tumanggi si David na uminom. Sa halip, ibinuhos niya ito sa lupa, at sinabi: “O Jehova, hindi ko maaatim na gawin ito! Iinumin ko ba ang dugo ng mga lalaki na nagsapanganib ng kanilang kaluluwa?” (23:17) Para sa kaniya ang tubig ay katumbas ng dugo na kanilang isinapanganib. Pagkatapos ay itinatala ang 30 pinakamagiting na lalaki sa hukbo sampu ng kanilang magigiting na gawa.
27. Anong huling pagkakasala ang nagawa ni David? Papaano napahinto ang salot na ibinunga nito?
27 Sa pagwawakas, nagkasala si David nang bilangin niya ang bayan. Nang magmakaawa siya sa Diyos, pinapili siya sa tatlong parusa: pitong taóng taggutom, tatlong buwang pagkatalo ng hukbo, o tatlong araw ng peste sa lupain. Sumagot si David: “Pakisuyo, hayaan na tayong mahulog sa kamay ni Jehova, sapagkat sagana ang kaniyang awa; ngunit huwag nawa akong mahulog sa kamay ng tao.” (24:14) Ang pambansang salot ay pumatay ng 70,000, at nahinto lamang ito nang, sa utos ni Jehova sa pamamagitan ni Gad, ay bilhin ni David ang giikan ni Arauna, at doo’y naghain siya ng mga handog na susunugin at handog na pasasalamat kay Jehova.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
28. Anong matutulis na babala ang nilalaman ng Ikalawang Samuel?
28 Napakaraming nilalaman ang Ikalawang Samuel na pakikinabangan ng makabagong mambabasa! Halos bawat emosyon ng tao ay inilalarawan sa pinakamatitingkad na kulay, yaong tunay-sa-buhay. Matutulis ang babala sa kapahamakang ibubunga ng ambisyon at paghihiganti (3:27-30), ng mapag-imbot na pagnanasa sa asawa ng iba (11:2-4, 15-17; 12:9, 10), ng kataksilan (15:12, 31; 17:23), ng pag-ibig na salig lamang sa simbuyo ng damdamin (13:10-15, 28, 29), ng padalus-dalos na pasiya (16:3, 4; 19:25-30), at kawalang-galang sa mga gawa ng kabanalan ng iba.—6:20-23.
29. Anong mahuhusay na halimbawa ng wastong paggawi at kilos ang makikita sa Ikalawang Samuel?
29 Subalit ang pinakamalaking pakinabang sa Ikalawang Samuel ay yaong sa panig na positibo, ang pagsunod sa mahuhusay na halimbawa ng wastong paggawi at kilos. Uliran si David sa bukod-tanging pagsamba sa Diyos (7:22), pagpapakumbaba sa harap ng Diyos (7:18), pagdakila sa pangalan ni Jehova (7:23, 26), wastong pangmalas sa kagipitan (15:25), taimtim na pagsisisi sa kasalanan (12:13), katapatan sa pangako (9:1, 7), pagiging-timbang sa ilalim ng pagsubok (16:11, 12), patuloy na pananalig kay Jehova (5:12, 20), at taimtim na paggalang sa mga kaayusan at atas ni Jehova (1:11, 12). Hindi kataka-taka na si David ay tawaging “taong kalugud-lugod sa puso [ni Jehova]”!—1 Sam. 13:14.
30. Anong mga simulain ang ikinakapit at inilalarawan sa Ikalawang Samuel?
30 Mababasa rin sa Ikalawang Samuel ang pagkakapit ng maraming simulain sa Bibliya. Kabilang dito ang simulain ng pananagutang pampamayanan (2 Sam. 3:29; 24:11-15), na ang mga kahilingan ng Diyos ay hindi binabago ng mabubuting saloobin (6:6, 7), na dapat igalang ang pagka-ulo sa teokratikong kaayusan ni Jehova (12:28), na ang dugo ay banal (23:17), na ang pagkakasala-sa-dugo ay dapat tubusin (21:1-6, 9, 14), na ang isang pantas na tao ay makahahadlang sa pagkapahamak ng marami (2 Sam. 20:21, 22; Ecle. 9:15), at na mahalaga ang katapatan sa organisasyon ni Jehova at sa mga kinatawan nito “maging sa kamatayan man o sa buhay.”—2 Sam. 15:18-22.
31. Papaano naglalaan ng mga silahis ng Kaharian ng Diyos ang Ikalawang Samuel, gaya ng pinatutunayan ng mga Kristiyanong Griyegong Kasulatan?
31 Mahalaga sa lahat, itinuturo at inilalaan ng Ikalawang Samuel ang maningning na mga silahis ng Kaharian ng Diyos, na itatatag niya sa kamay ng “anak ni David,” si Jesu-Kristo. (Mat. 1:1) Ang sumpa ni Jehova kay David sa pagkapalagian ng kaniyang kaharian (2 Sam. 7:16) ay iniuugnay kay Jesus ng Gawa 2:29-36. Ipinakikita ng Hebreo 1:5 na ang hulang, “Ako’y magiging kaniyang ama, at siya ay magiging aking anak” (2 Sam. 7:14), ay tumutukoy talaga kay Jesus. Pinatunayan din ito ng tinig ni Jehova mula sa langit: “Ito ang aking Anak, ang sinisinta, nalulugod ako sa kaniya.” (Mat. 3:17; 17:5) Bilang wakas, ang tipan kay David ukol sa Kaharian ay tinukoy ni Gabriel nang sabihin niya kay Maria tungkol kay Jesus: “Ang isang ito ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan; at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at siya’y maghahari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magwawakas ang kaniyang kaharian.” (Lucas 1:32, 33) Kapana-panabik ang pangako ng Binhi ng Kaharian habang nahahayag ang bawat hakbang ng pagsulong nito!
[Mga talababa]
a Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 745-7.
b Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 373-4.