Apocalipsis kay Juan
2 “Sa anghel+ ng kongregasyon sa Efeso+ ay isulat mo: Ito ang mga bagay na sinasabi ng isa na may hawak ng pitong bituin sa kanang kamay niya at lumalakad sa gitna ng pitong gintong kandelero:+ 2 ‘Alam ko ang mga ginagawa mo, at ang iyong pagsisikap at pagtitiis,* at na hindi mo kinukunsinti ang masasamang tao, at na sinusubok mo ang mga nagsasabing apostol sila,+ pero hindi sila gayon, at nakita mong sinungaling sila. 3 Naging matiisin* ka rin; naging matatag ka sa harap ng mga problema alang-alang sa pangalan ko,+ at hindi ka nasiraan ng loob.+ 4 Pero mayroon akong laban sa iyo; naiwala mo ang pag-ibig na taglay mo noong una.
5 “‘Kaya alalahanin mo kung mula saan ka nahulog, at magsisi ka+ at gawin mo ang mga ginagawa mo noong una. Kung hindi, pupuntahan kita, at aalisin ko ang kandelero+ mo sa kinalalagyan nito, malibang magsisi ka.+ 6 Pero ito ang kapuri-puri sa iyo: kinapopootan mo ang mga ginagawa ng sekta ni Nicolas,+ na kinapopootan ko rin. 7 Ang may tainga ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon:+ Ang magtatagumpay*+ ay pakakainin ko mula sa puno ng buhay,+ na nasa paraiso ng Diyos.’
8 “At sa anghel ng kongregasyon sa Smirna ay isulat mo: Ito ang mga bagay na sinasabi niya, ‘ang Una at ang Huli,’+ na namatay at muling nabuhay:+ 9 ‘Alam ko ang kapighatian at kahirapan mo—pero mayaman ka+—at ang pamumusong* ng mga nagsasabing sila ay mga Judio pero hindi naman talaga, kundi sila ay isang sinagoga* ni Satanas.+ 10 Huwag kang matakot sa mga bagay na malapit mo nang pagdusahan.+ Patuloy na ibibilanggo ng Diyablo ang ilan sa inyo para lubos kayong mailagay sa pagsubok, at daranas kayo ng kapighatian sa loob ng 10 araw. Patunayan mong tapat ka maging hanggang kamatayan, at ibibigay ko sa iyo ang korona ng buhay.+ 11 Ang may tainga ay makinig+ sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon: Ang magtatagumpay+ ay hinding-hindi daranas ng ikalawang kamatayan.’+
12 “Sa anghel ng kongregasyon sa Pergamo ay isulat mo: Ito ang mga bagay na sinasabi ng isa na may matalas at mahabang espada na magkabila ang talim:+ 13 ‘Alam ko kung saan ka nakatira, sa kinaroroonan ng trono ni Satanas; pero patuloy kang nanghahawakan sa pangalan ko,+ at hindi mo tinalikuran ang pananampalataya mo sa akin+ kahit noong panahon ni Antipas, ang aking tapat na saksi,+ na pinatay+ sa lunsod ninyo, kung saan nakatira si Satanas.
14 “‘Pero may ilang bagay na hindi ko nagustuhan sa iyo; mayroon ka riyang mga sumusunod sa turo ni Balaam,+ na nagturo kay Balak+ na maglagay ng katitisuran sa harap ng mga Israelita, ang kumain ng mga bagay na inihandog sa mga idolo at magkasala ng seksuwal na imoralidad.*+ 15 Sa katulad na paraan, mayroon din diyan sa iyo na mga sumusunod sa turo ng sekta ni Nicolas.+ 16 Kaya magsisi ka. Kung hindi, pupuntahan kita agad, at makikipagdigma ako sa kanila sa pamamagitan ng mahabang espada ng aking bibig.+
17 “‘Ang may tainga ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon:+ Ang magtatagumpay+ ay bibigyan ko ng nakatagong manna,+ at bibigyan ko siya ng puting bato, at nakasulat sa bato ang isang bagong pangalan na walang nakaaalam maliban sa tumatanggap nito.’
18 “Sa anghel ng kongregasyon sa Tiatira+ ay isulat mo: Ito ang mga bagay na sinasabi ng Anak ng Diyos, ang isa na may mga mata na tulad ng nagliliyab na apoy+ at may mga paa na tulad ng magandang klase ng tanso:+ 19 ‘Alam ko ang mga ginagawa mo, at ang iyong pag-ibig at pananampalataya at ministeryo at pagtitiis,* at na ang mga ginagawa mo nitong huli ay nakahihigit sa mga ginawa mo noong una.
20 “‘Pero may hindi ako nagustuhan sa iyo; kinukunsinti mo ang babaeng iyon na si Jezebel,+ na tumatawag sa sarili niya na propetisa, at nagtuturo siya at inililigaw ang mga alipin ko para magkasala ng seksuwal na imoralidad*+ at kumain ng mga bagay na inihandog sa mga idolo. 21 Binigyan ko siya ng panahon para magsisi, pero ayaw niyang pagsisihan ang kaniyang seksuwal na imoralidad.* 22 Malapit ko na siyang iratay sa banig ng karamdaman, at ang mga nangangalunya sa kaniya ay pararanasin ko ng malaking kapighatian, malibang pagsisihan nila ang mga ginagawa nila na gaya ng sa kaniya. 23 At papatayin ko ang mga anak niya sa pamamagitan ng nakamamatay na salot, para malaman ng lahat ng kongregasyon na ako ang sumusuri sa kaloob-looban ng isip* at sa puso, at ibibigay ko sa bawat isa sa inyo ang ayon sa mga ginagawa ninyo.+
24 “‘Pero sinasabi ko sa iba pa sa inyo na nasa Tiatira, sa lahat ng hindi sumusunod sa turong ito, sa mga hindi nakaaalam ng tinatawag na “malalalim na bagay ni Satanas”:+ Hindi ako maglalagay sa inyo ng iba pang pasanin. 25 Gayunman, manghawakan kayo sa taglay ninyo hanggang sa dumating ako.+ 26 At ang magtatagumpay at patuloy na tutulad sa mga ginawa ko hanggang sa wakas ay bibigyan ko ng awtoridad sa mga bansa,+ 27 gaya ng awtoridad na tinanggap ko mula sa aking Ama, at papastulan niya ang mga bansa gamit ang isang panghampas na bakal+ para magkadurog-durog sila gaya ng mga sisidlang luwad. 28 At ibibigay ko sa kaniya ang bituing pang-umaga.+ 29 Ang may tainga ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon.’