Ikalabinlimang Kabanata
Nagsaya ang Babaing Baog
1. Bakit pinangarap ni Sara na siya’y magkaanak, at ano ang naging karanasan niya hinggil dito?
PINANGARAP ni Sara na siya’y magkaanak. Ang nakalulungkot, siya’y baog, at napakasakit nito para sa kaniya. Noong kaniyang kapanahunan, ang pagiging baog ay itinuturing na isang kadustaan, subalit higit pa riyan ang ipinaghihinagpis ni Sara. Inaasam niyang makita ang katuparan ng pangako ng Diyos sa kaniyang asawa. Si Abraham ay magiging ama ng isang binhi na magiging pagpapala sa lahat ng pamilya sa lupa. (Genesis 12:1-3) Subalit makalipas ang maraming dekada mula nang ipangako iyan ng Diyos, wala pa rin silang anak. Tumanda na si Sara at nananatili pa ring walang anak. Kung minsan, marahil ay iniisip niyang wala na siyang pag-asa. Subalit isang araw, napalitan ng kagalakan ang kaniyang paghihinagpis!
2. Bakit tayo dapat na maging interesado sa hulang nakaulat sa Isaias kabanata 54?
2 Ang kalagayan ni Sara ay tumutulong sa atin na maunawaan ang hulang nakaulat sa Isaias kabanata 54. Doon ay tinukoy ang Jerusalem na parang ito’y isang babaing baog na nakaranas ng malaking kagalakan sa pagkakaroon ng maraming anak. Sa paglalarawan sa kaniyang sinaunang bayan bilang kaniyang asawa sa kabuuan, ipinadama ni Jehova ang kaniyang pagmamahal sa kanila. Bukod diyan, tinutulungan tayo ng kabanatang ito ng Isaias na tuklasin ang isang mahalagang aspekto ng tinatawag sa Bibliya na “sagradong lihim.” (Roma 16:25, 26) Ang pagkakakilanlan sa ‘babae’ at ang kaniyang mga karanasan na patiunang sinabi sa hulang ito ay nagbibigay ng mahalagang pagliliwanag hinggil sa dalisay na pagsamba sa ngayon.
Ipinakilala ang ‘Babae’
3. Bakit may dahilan para magsaya ang “babaing” baog?
3 Ang kabanata 54 ay may masayang pambungad: “ ‘Humiyaw ka nang may kagalakan, ikaw na babaing baog na hindi nanganak! Magsaya kang may hiyaw ng kagalakan at sumigaw ka nang malakas, ikaw na hindi nagkaroon ng mga kirot ng panganganak, sapagkat ang mga anak niyaong pinabayaan ay mas marami kaysa sa mga anak ng babaing may asawang nagmamay-ari,’ ang sabi ni Jehova.” (Isaias 54:1) Tiyak na tuwang-tuwa si Isaias nang bigkasin niya ang mga salitang ito! At kay laking kaaliwan ang idudulot ng katuparan ng mga ito sa mga Judio na naging tapon sa Babilonya! Nang panahong iyon, ang Jerusalem ay nakatiwangwang pa rin. Kung sa pangmalas ng tao, parang wala nang pag-asa na ito’y titirhan pang muli, kung paanong ang isang babaing baog ay karaniwang hindi na umaasang magkaanak pa sa kaniyang katandaan. Subalit lubos na pagpapalain ang kinabukasan ng “babaing” ito—siya’y magkakaanak. Ang Jerusalem ay mapupuspos ng kagalakan. Siya’y muling mapupuno ng “mga anak,” o mga naninirahan.
4. (a) Paano tayo tinutulungan ni apostol Pablo na maunawaan na ang Isaias kabanata 54 ay may mas malaking katuparan kaysa noong 537 B.C.E.? (b) Ano ang “Jerusalem sa itaas”?
4 Maaaring hindi ito alam ni Isaias, subalit ang kaniyang hula ay magkakaroon ng higit sa isang katuparan. Sumipi si apostol Pablo mula sa Isaias kabanata 54 at ipinaliwanag na ang ‘babae’ ay lumalarawan sa isang bagay na makapupong mas mahalaga kaysa sa makalupang lunsod ng Jerusalem. Sumulat siya: “Ang Jerusalem sa itaas ay malaya, at siya ang ating ina.” (Galacia 4:26) Ano ba itong “Jerusalem sa itaas”? Maliwanag na hindi ito ang lunsod ng Jerusalem sa Lupang Pangako. Ang lunsod na iyon ay makalupa, hindi “sa itaas” sa makalangit na dako. Ang “Jerusalem sa itaas” ay ang makalangit na ‘babae’ ng Diyos, ang kaniyang organisasyon ng makapangyarihang mga espiritung nilalang.
5. Sa makasagisag na dramang nakabalangkas sa Galacia 4:22-31, sino ang inilalarawan ni (a) Abraham? (b) Sara? (c) Isaac? (d) Hagar? (e) Ismael?
5 Kung gayon, paano nagkaroon si Jehova ng dalawang makasagisag na babae—isang makalangit at isang makalupa? Mayroon bang pagkakasalungatan dito? Wala naman. Ipinakita ni apostol Pablo na ang sagot ay nakasalalay sa makahulang larawan na inilaan ng pamilya ni Abraham. (Galacia 4:22-31; tingnan “Ang Pamilya ni Abraham—Isang Makahulang Larawan,” sa pahina 218.) Si Sara, ang “malayang babae” at asawa ni Abraham, ay lumalarawan sa tulad-asawang organisasyon ni Jehova ng mga espiritung nilalang. Si Hagar naman, isang aliping babae at pangalawahing asawa, o babae, ni Abraham, ay lumalarawan sa makalupang Jerusalem.
6. Sa anong diwa dumanas ng pagiging baog sa loob ng mahabang panahon ang makalangit na organisasyon ng Diyos?
6 Mula sa paglalarawang iyan, makikita natin ang malalim na kahulugan ng Isaias 54:1. Matapos na maging baog sa loob ng maraming dekada, ipinanganak ni Sara si Isaac nang siya’y 90 taóng gulang. Sa katulad na paraan, ang makalangit na organisasyon ni Jehova ay dumaan sa isang mahabang yugto ng pagiging baog. Doon pa man sa Eden, ipinangako na ni Jehova na iluluwal ng kaniyang ‘babae’ ang “binhi.” (Genesis 3:15) Makalipas ang mahigit na 2,000 taon, nakipagtipan si Jehova kay Abraham hinggil sa ipinangakong Binhi. Subalit ang makalangit na ‘babae’ ng Diyos ay kinailangang maghintay ng napakarami pang mga siglo bago iluwal ang Binhing iyon. Gayunman, dumating ang panahon na ang mga anak ng dating “babaing baog” na ito ay mas marami pa kaysa roon sa mga anak ng likas na Israel. Ang ilustrasyon tungkol sa babaing baog ay tumutulong sa atin na maunawaan kung bakit gayon na lamang ang pananabik ng mga anghel na masaksihan ang pagdating ng ipinangakong Binhi. (1 Pedro 1:12) Kailan nangyari iyan sa wakas?
7. Kailan nagkaroon ng okasyon ng pagsasaya ang “Jerusalem sa itaas,” gaya ng inihula sa Isaias 54:1, at bakit iyan ang sagot mo?
7 Ang pagsilang ni Jesus bilang isang anak na tao ay tiyak na isang masayang okasyon para sa mga anghel. (Lucas 2:9-14) Subalit hindi iyan ang pangyayaring inihula sa Isaias 54:1. Si Jesus ay naging isang espirituwal na anak ng “Jerusalem sa itaas” tangi lamang noong maipanganak na siya sa pamamagitan ng banal na espiritu noong 29 C.E., anupat hayagang kinilala mismo ng Diyos bilang kaniyang “Anak, ang minamahal.” (Marcos 1:10, 11; Hebreo 1:5; 5:4, 5) Noon nagkaroon ng dahilan upang magsaya ang makalangit na ‘babae’ ng Diyos, bilang katuparan ng Isaias 54:1. Sa wakas ay iniluwal na niya ang ipinangakong Binhi, ang Mesiyas! Tapos na ang maraming siglo ng kaniyang pagiging baog. Gayunman, hindi pa iyan ang katapusan ng kaniyang pagsasaya.
Napakaraming Anak Para sa Babaing Baog
8. Bakit may dahilang magsaya ang makalangit na ‘babae’ ng Diyos matapos iluwal ang ipinangakong Binhi?
8 Matapos ang kamatayan ni Jesus at ang kasunod nitong pagkabuhay-muli, masayang tinanggap muli ng makalangit na ‘babae’ ng Diyos ang kinalulugdang Anak na ito bilang “ang panganay mula sa mga patay.” (Colosas 1:18) Pagkatapos ay nagsimula na siyang magluwal ng marami pang espirituwal na mga anak. Noong Pentecostes 33 C.E., mga 120 tagasunod ni Jesus ang pinahiran ng banal na espiritu, anupat inampon sila bilang mga kasamang tagapagmana ni Kristo. Nang dakong huli noong araw ring iyon, 3,000 pa ang naparagdag. (Juan 1:12; Gawa 1:13-15; 2:1-4, 41; Roma 8:14-16) Ang kalipunang ito ng mga anak ay patuloy na dumami. Noong unang mga siglo ng apostasya sa Sangkakristiyanuhan, napakabagal ng pagsulong. Subalit nagbago iyan noong ika-20 siglo.
9, 10. Ano ang kahulugan ng tagubiling ‘paluwangin pa ang dako ng tolda’ para sa isang babaing nakatira sa tolda noong sinaunang panahon, at bakit ito nangangahulugan ng isang panahon ng kagalakan para sa gayong babae?
9 Nagpatuloy si Isaias sa paghula tungkol sa isang yugto ng pambihirang pagsulong: “Paluwangin mo pa ang dako ng iyong tolda. At iunat nila ang mga pantoldang tela ng iyong maringal na tabernakulo. Huwag kang magpigil. Habaan mo ang iyong mga panaling pantolda, at patibayin mo ang iyong mga tulos na pantolda. Sapagkat sa gawing kanan at sa gawing kaliwa ay lalago ka, at aariin ng iyong sariling supling ang mga bansa, at tatahanan nila ang mga nakatiwangwang na lunsod. Huwag kang matakot, sapagkat hindi ka malalagay sa kahihiyan; at huwag kang mapahiya, sapagkat hindi ka mabibigo. Sapagkat malilimutan mo ang kahihiyan noong panahon ng iyong kabataan, at ang kadustaan ng iyong malaon nang pagkabalo ay hindi mo na maaalaala pa.”—Isaias 54:2-4.
10 Ang Jerusalem ay kinakausap dito na parang isang asawa at ina na nakatira sa mga tolda, na gaya rin ni Sara. Kapag pinagpalang magkaroon ng isang lumalaking pamilya, panahon na para sa gayong ina na asikasuhin ang pagpapalaki ng kaniyang tahanan. Kailangang pahabain pa niya ang mga pantoldang tela at mga panali at patibayin ang mga tulos na pantolda sa mga bagong puwesto nito. Ito’y isang masayang trabaho para sa kaniya, at sa gayong magawaing panahon, maaaring madali niyang malimutan ang mga taóng ginugol niya sa pag-aagam-agam kung magkakaanak pa kaya siya upang magpatuloy ang kanilang angkan.
11. (a) Paano pinagpala ang makalangit na ‘babae’ ng Diyos noong 1914? (Tingnan ang talababa.) (b) Mula 1919 patuloy, anong pagpapala ang naranasan ng mga pinahiran sa lupa?
11 Ang makalupang Jerusalem ay pinagpala ng gayong panahon ng pagpapanibago matapos na maging tapon sa Babilonya. Lalo pa ngang pinagpala ang “Jerusalem sa itaas.”a Lalo na noong 1919, ang kaniyang pinahirang “supling” ay umunlad sa kanilang kapapanauling espirituwal na kalagayan. (Isaias 61:4; 66:8) Kanilang ‘inari ang mga bansa’ anupat sila’y nangalat sa maraming lupain upang hanapin ang lahat ng makikisama sa kanilang espirituwal na pamilya. Bilang resulta, nagkaroon ng napakabilis na pagsulong sa pagtitipon ng mga pinahirang anak. Lumilitaw na ang kabuuang bilang nila na 144,000 ay nakumpleto na noong mga kalagitnaan ng dekada ng 1930. (Apocalipsis 14:3) Nang panahong iyon ang pagtutuon ng pansin sa gawaing pangangaral upang tipunin ang mga pinahiran ay huminto na. Magkagayunman, ang paglawak ay hindi natapos sa mga pinahiran.
12. Bukod sa mga pinahiran, sino pa ang tinipon tungo sa Kristiyanong kongregasyon mula noong mga taon ng 1930?
12 Inihula mismo ni Jesus na bukod pa sa kaniyang “munting kawan” ng pinahirang mga kapatid, magkakaroon din siya ng “ibang mga tupa” na dapat dalhin sa kulungan ng tupa ng mga tunay na Kristiyano. (Lucas 12:32; Juan 10:16) Bagaman hindi kabilang sa pinahirang mga anak ng “Jerusalem sa itaas,” ang tapat na mga kasamang ito ng mga pinahiran ay gumaganap ng isang papel na mahalaga at malaon nang inihula. (Zacarias 8:23) Mula sa mga taon ng 1930 hanggang sa ngayon, isang “malaking pulutong” nila ang natipon na, anupat nagbunga ng wala-pang-katulad na paglawak ng Kristiyanong kongregasyon. (Apocalipsis 7:9, 10) Sa ngayon ay umaabot na sa milyun-milyon ang malaking pulutong na iyan. Lahat ng paglawak na ito ay lumikha ng apurahang pangangailangan para sa mas marami pang Kingdom Hall, Assembly Hall, at mga pasilidad na pansangay. Waring lalo pang naging angkop ang mga salita ni Isaias. Kay laki ngang pribilehiyo na maging bahagi ng inihulang paglawak na iyan!
Isang Inang Nagmamalasakit sa Kaniyang mga Supling
13, 14. (a) Anong maliwanag na paghihirap ang mauunawaan may kinalaman sa ilang pananalita na patungkol sa makalangit na ‘babae’ ng Diyos? (b) Anong mga kaunawaan ang matatamo natin mula sa makalarawang paggamit ng Diyos ng mga ugnayan ng pamilya?
13 Nakita natin na sa mas malaking katuparan, ang ‘babae’ sa hula ay kumakatawan sa makalangit na organisasyon ni Jehova. Subalit pagkabasa ng Isaias 54:4, maitatanong natin kung paano dumanas ng kahihiyan o pagdusta ang organisasyong iyan ng mga espiritung nilalang. Ang sumunod na mga talata ay nagsasabi na ang ‘babae’ ng Diyos ay itatakwil, pipighatiin, at dadaluhungin. Gagalitin pa nga nito ang Diyos. Paano kaya kakapit ang ganitong mga bagay sa isang organisasyon ng sakdal na mga espiritung nilalang na hindi man lamang nagkasala kailanman? Ang sagot ay nakasalalay sa likas na katangian ng pamilya.
14 Ginamit ni Jehova ang mga ugnayan ng pamilya—mag-asawa, ina at mga anak—upang itawid ang malalalim na espirituwal na katotohanan sapagkat ang mga sagisag na iyan ay makahulugan sa mga tao. Anuman ang saklaw o kaurian ng mga karanasan natin sa ating pamilya, malamang na may ideya tayo kung ano ba talaga ang isang matagumpay na pag-aasawa o isang magandang ugnayan ng magulang at anak. Kaya naman napakalinaw na itinuturo sa atin ni Jehova na siya’y may mapagmahal, matalik, at matiwasay na kaugnayan sa kaniyang napakalalaking pulutong ng mga espiritung lingkod! At talagang kahanga-hanga kung paano niya itinuturo sa atin na ang kaniyang makalangit na organisasyon ay nagmamalasakit sa pinahiran-ng-espiritung mga supling nito sa lupa! Kapag ang mga lingkod na tao ay nagdurusa, ang tapat na mga makalangit na lingkod, ang “Jerusalem sa itaas,” ay nagdurusa rin. Sa katulad na paraan, sinabi ni Jesus: “Kung paanong ginawa ninyo iyon sa isa sa pinakamababa sa mga ito na aking [pinahiran-ng-espiritung] mga kapatid, ginawa ninyo iyon sa akin.”—Mateo 25:40.
15, 16. Ano ang unang katuparan ng Isaias 54:5, 6, at ano ang mas malaking katuparan?
15 Hindi nga kataka-taka, kung gayon, na ang kalakhang bahagi ng sinabi sa makalangit na ‘babae’ ni Jehova ay nakikita sa mga karanasan ng kaniyang mga anak sa lupa. Isaalang-alang ang mga salitang ito: “ ‘Ang iyong Dakilang Maylikha ay iyong asawang nagmamay-ari, Jehova ng mga hukbo ang kaniyang pangalan; at ang Banal ng Israel ay iyong Manunubos. Ang Diyos ng buong lupa ang itatawag sa kaniya. Sapagkat tinawag ka ni Jehova na waring ikaw ay asawang babae na lubusang pinabayaan at sinaktan sa espiritu, at gaya ng asawang babae sa panahon ng kabataan na pagkatapos ay itinakwil,’ ang sabi ng iyong Diyos.”—Isaias 54:5, 6.
16 Sino ang asawang babae na kinakausap dito? Sa unang katuparan, ito ay ang Jerusalem, na kumakatawan sa bayan ng Diyos. Sa panahon ng kanilang 70-taóng pagiging tapon sa Babilonya, madarama nila na waring sila’y itinakwil na ni Jehova at lubusan nang pinabayaan. Sa mas malaking katuparan, ang pananalita’y tumutukoy naman sa “Jerusalem sa itaas” at sa karanasan nito nang sa wakas ay iluwal niya ang “binhi” bilang katuparan ng Genesis 3:15.
Sandaling Disiplina, Walang-Hanggang mga Pagpapala
17. (a) Paano dumanas ng “bugso” ng galit ng Diyos ang makalupang Jerusalem? (b) Anong “bugso” ang dinanas ng mga anak ng “Jerusalem sa itaas”?
17 Nagpatuloy ang hula: “ ‘Sa kaunting sandali ay lubusan kitang pinabayaan, ngunit titipunin kita taglay ang malaking kaawaan. Sa bugso ng galit ay ikinubli ko mula sa iyo ang aking mukha nang sandali lamang, ngunit sa maibiging-kabaitan hanggang sa panahong walang takda ay maaawa ako sa iyo,’ ang sabi ng iyong Manunubos, si Jehova.” (Isaias 54:7, 8) Ang makalupang Jerusalem ay inapawan ng “bugso” ng galit ng Diyos nang sumalakay ang hukbo ng Babilonya noong 607 B.C.E. Sa wari’y napakatagal ng 70-taóng pagiging tapon niya. Gayunman, ang gayong mga pagsubok ay tumagal “nang sandali lamang” kung ihahambing sa walang-hanggang mga pagpapala na naghihintay doon sa mga may mabuting pagtugon sa disiplina. Sa katulad na paraan, nadama ng pinahirang mga anak ng “Jerusalem sa itaas” na para bang sila’y nadaig ng “bugso” ng galit ng Diyos, nang hayaan ni Jehova na sila’y salakayin ng pulitikal na mga elemento dahil sa sulsol ng Babilonyang Dakila. Subalit sa dakong huli’y waring napakaikli ng disiplinang iyan, kung ihahambing sa kasunod nitong panahon ng espirituwal na mga pagpapala mula noong 1919!
18. Anong mahalagang simulain ang mauunawaan hinggil sa galit ni Jehova sa kaniyang bayan, at paano ito personal na makaaapekto sa atin?
18 Ang mga talatang ito ay nagpapahayag ng isa pang dakilang katotohanan—ang galit ng Diyos ay madaling lumipas, subalit ang kaniyang awa ay nananatili magpakailanman. Ang kaniyang poot ay nagpupuyos laban sa maling gawa, subalit ito’y laging kontrolado at laging may layunin. At kapag tinatanggap natin ang disiplina ni Jehova, ang kaniyang galit ay tumatagal “nang sandali lamang,” saka ito humuhupa. Hinahalinhan ito ng kaniyang “malaking kaawaan”—ng kaniyang pagpapatawad at ng kaniyang maibiging-kabaitan. Ang mga ito’y tumatagal “hanggang sa panahong walang takda.” Kaya kapag tayo’y nagkasala, hindi tayo dapat mag-atubili kailanman na magsisi at humingi ng tawad sa Diyos. Kung maselan ang kasalanan, dapat nating lapitan agad ang matatanda sa kongregasyon. (Santiago 5:14) Totoo, baka kailanganin ang disiplina, at iyan ay maaaring mahirap tanggapin. (Hebreo 12:11) Subalit iyan ay sandali lamang kung ihahambing sa walang-hanggang mga pagpapala na dadaloy dahil sa pagtanggap ng kapatawaran mula sa Diyos na Jehova!
19, 20. (a) Ano ang tipang bahaghari, at paano ito nauugnay sa mga tapon sa Babilonya? (b) Anong katiyakan ang ibinibigay ng “tipan ng kapayapaan” sa pinahirang mga Kristiyano sa ngayon?
19 Iniaalok naman ngayon ni Jehova sa kaniyang bayan ang nakaaaliw na katiyakan: “ ‘Ito ay gaya ng mga araw ni Noe sa akin. Kung paanong isinumpa ko na ang tubig ni Noe ay hindi na daraan sa ibabaw ng lupa, gayon ako sumumpa na hindi ako magagalit sa iyo ni sasawayin man kita. Sapagkat ang mga bundok ay maaalis, at ang mga burol ay makikilos, ngunit ang aking maibiging-kabaitan ay hindi aalisin sa iyo, ni makikilos man ang aking tipan ng kapayapaan,’ ang sabi ni Jehova, ang Isa na naaawa sa iyo.” (Isaias 54:9, 10) Pagkatapos ng Delubyo, gumawa ang Diyos ng isang tipan—kung minsan ay kilala bilang ang tipang bahaghari—kay Noe at sa lahat ng iba pang nabubuhay na kaluluwa. Nangako si Jehova na hindi na niya sisirain ang lupa sa pamamagitan ng pangglobong baha. (Genesis 9:8-17) Ano ang kahulugan niyan kay Isaias at sa kaniyang bayan?
20 Nakaaaliw malaman na ang parusang daranasin nila—ang 70-taóng pagiging tapon sa Babilonya—ay minsan lamang mangyayari. Kapag natapos na ito, hindi na ito mauulit. Pagkaraan, magkakabisa na ang “tipan ng kapayapaan” ng Diyos. Ang salitang Hebreo para sa “kapayapaan” ay hindi lamang nagpapahiwatig ng kawalan ng digmaan kundi ng pagkakaroon din ng lahat ng uri ng mabuting kalagayan. Para sa Diyos, ang tipang ito ay permanente. Mas mabilis na maglalaho ang mga burol at mga bundok kaysa sa magwakas ang kaniyang maibiging-kabaitan sa kaniyang tapat na bayan. Nakalulungkot, ang kaniyang makalupang bansa sa dakong huli ay hindi makatutupad sa kanilang bahagi sa tipan at sisira sa kanilang sariling kapayapaan sa pamamagitan ng pagtatakwil sa Mesiyas. Gayunman, mas mabuti ang naging kalagayan ng mga anak ng “Jerusalem sa itaas.” Kapag natapos na ang mahirap na panahon ng pagdisiplina sa kanila, makaaasa sila ng proteksiyon ng Diyos.
Ang Espirituwal na Katiwasayan ng Bayan ng Diyos
21, 22. (a) Bakit masasabing napipighati at ipinaghahagisan ng unos ang “Jerusalem sa itaas”? (b) Ano ang kahulugan ng pinagpalang kalagayan ng makalangit na ‘babae’ ng Diyos may kaugnayan sa kaniyang “supling” sa lupa?
21 Nagpatuloy si Jehova sa paghula ng katiwasayan para sa kaniyang tapat na bayan: “O babaing napipighati, ipinaghahagisan ng unos, di-naaaliw, narito, ilalatag ko sa pamamagitan ng matigas na argamasa ang iyong mga bato, at ang iyong pundasyon ay ilalatag ko na may mga safiro. At ang iyong mga moog ay gagawin kong yari sa mga rubi, at ang iyong mga pintuang-daan ay yari sa malaapoy at kumikinang na mga bato, at ang lahat ng iyong mga hangganan ay yari sa kalugud-lugod na mga bato. At ang lahat ng iyong mga anak ay magiging mga taong naturuan ni Jehova, at ang kapayapaan ng iyong mga anak ay sasagana. Ikaw ay matibay na matatatag sa katuwiran. Malalayo ka sa paniniil—sapagkat wala kang katatakutan—at sa anumang nakasisindak, sapagkat hindi ito lalapit sa iyo. Kung may sinumang dadaluhong, hindi iyon dahil sa utos ko. Ang sinumang dadaluhong sa iyo ay mabubuwal dahil nga sa iyo.”—Isaias 54:11-15.
22 Mangyari pa, ang ‘babae’ ni Jehova sa dako ng mga espiritu ay hindi pa kailanman tuwirang pinighati o ipinaghagisan ng unos. Subalit nagdusa siya nang ang kaniyang pinahirang mga “supling” sa lupa ay magdusa, lalo na noong sila’y nasa espirituwal na pagkabihag noong yugto ng 1918-19. Sa kabaligtaran, kapag ang makalangit na ‘babae’ ay dinadakila, ito’y nagpapaaninag ng isang katulad na kalagayang umiiral sa kaniyang mga supling. Kung gayon, isaalang-alang ang nagniningning na paglalarawan sa “Jerusalem sa itaas.” Ang mahahalagang bato sa mga pintuang-daan, ang mamahaling “matigas na argamasa,” ang mga pundasyon, at maging ang mga hangganan ay nagpapahiwatig, gaya ng sabi ng isang reperensiyang akda, ng “kagandahan, karingalan, kadalisayan, kalakasan, at katatagan.” Ano ang aakay sa pinahirang mga Kristiyano tungo sa gayong tiwasay at pinagpalang kalagayan?
23. (a) Ang pagiging “naturuan ni Jehova” ay nagkaroon ng anong epekto sa pinahirang mga Kristiyano sa mga huling araw? (b) Sa anong diwa pinagpala ang bayan ng Diyos ng “mga hangganang yari sa kalugud-lugod na mga bato”?
23 Ang talatang 13 ng Isaias kabanata 54 ay naglaan ng susi—ang lahat ay magiging “naturuan ni Jehova.” Ikinapit mismo ni Jesus ang mga salita ng talatang ito sa kaniyang pinahirang mga tagasunod. (Juan 6:45) Inihula ng propetang si Daniel na sa “panahon[g ito] ng kawakasan,” ang mga pinahiran ay pagpapalain ng saganang tunay na kaalaman at espirituwal na kaunawaan. (Daniel 12:3, 4) Ang gayong kaunawaan ay nagpangyari sa kanila na pangunahan ang pinakamalaking edukasyonal na kampanya sa kasaysayan, anupat pinalalaganap ang banal na pagtuturo sa buong lupa. (Mateo 24:14) Kasabay nito, natulungan sila ng kaunawaang ito na makita ang pagkakaiba ng tunay na relihiyon at ng huwad. Binanggit ng Isaias 54:12 na ang “mga hangganan ay yari sa kalugud-lugod na mga bato.” Mula noong 1919, ibinigay ni Jehova sa mga pinahiran ang isang higit na lumiliwanag na pagkaunawa sa mga hangganan—ang mga linya ng espirituwal na hangganan—na nagbubukod sa kanila mula sa huwad na relihiyon at di-makadiyos na mga elemento ng sanlibutan. (Ezekiel 44:23; Juan 17:14; Santiago 1:27) Sa gayon ay ibinubukod sila bilang sariling bayan ng Diyos.—1 Pedro 2:9.
24. Paano natin matitiyak na tayo’y natuturuan ni Jehova?
24 Kung gayon, makabubuti para sa bawat isa sa atin na tanungin ang kaniyang sarili, ‘Ako ba’y natuturuan ni Jehova?’ Hindi tayo awtomatikong tumatanggap ng gayong pagtuturo. Dapat tayong magsikap. Kung regular tayong nagbabasa ng Salita ng Diyos at nagbubulay-bulay rito at kung tumatanggap tayo ng instruksiyon sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salig-Bibliyang literatura na inilathala ng “tapat at maingat na alipin” at kung naghahanda at dumadalo tayo sa mga Kristiyanong pagpupulong, tunay na matuturuan tayo ni Jehova. (Mateo 24:45-47) Kung nagsisikap tayo na ikapit ang ating natututuhan at nananatiling gising at mapagbantay sa espirituwal, ibubukod tayo ng makadiyos na pagtuturo bilang naiiba sa mga nasa sanlibutang ito na walang Diyos. (1 Pedro 5:8, 9) Higit pa riyan, ito’y tutulong sa atin na ‘lumapit sa Diyos.’—Santiago 1:22-25; 4:8.
25. Ano ang kahulugan ng pangako ng Diyos na kapayapaan para sa kaniyang bayan sa makabagong panahon?
25 Ipinakikita rin ng hula ni Isaias na pinagpapala ang mga pinahiran ng saganang kapayapaan. Nangangahulugan ba ito na sila’y hindi na kailanman dadaluhungin? Hindi, subalit nagbibigay ang Diyos ng katiyakan na hindi niya iuutos ang gayong mga pagdaluhong ni pahihintulutan man silang magtagumpay. Mababasa natin: “ ‘Narito! Ako ang lumalang sa bihasang manggagawa, sa isa na humihihip sa apoy ng baga at naglalabas ng isang sandata bilang kaniyang gawa. Ako rin ang lumalang sa taong mapangwasak para sa gawaing panggigiba. Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay, at alinmang dila na gagalaw laban sa iyo sa paghatol ay hahatulan mo. Ito ang minanang pag-aari ng mga lingkod ni Jehova, at ang kanilang katuwiran ay mula sa akin,’ ang sabi ni Jehova.”—Isaias 54:16, 17.
26. Bakit nakapagpapatibay na malaman na si Jehova ang Maylalang ng buong sangkatauhan?
26 Sa ikalawang pagkakataon sa kabanatang ito ng Isaias, ipinagunita ni Jehova sa kaniyang mga lingkod na siya ang Maylalang. Bago nito, sinabi niya sa kaniyang simbolikong asawa na siya ang kaniyang “Dakilang Maylikha.” Ngayon ay sinasabi niyang siya ang Maylalang ng buong sangkatauhan. Inilalarawan sa talatang 16 ang isang platero na humihihip sa baga ng kaniyang bulusan habang gumagawa siya ng kaniyang mga sandatang pamuksa at ng isang mandirigma, “isang taong mapangwasak para sa gawaing panggigiba.” Ang gayong mga tao ay maaaring magharap ng isang nakatatakot na larawan sa kanilang mga kapuwa tao, subalit paano sila posibleng makaaasa na mananaig sila laban sa kanilang sariling Maylalang? Kaya sa ngayon, sumalakay man ang pinakamakapangyarihang puwersa ng sanlibutang ito sa bayan ni Jehova, wala silang pag-asang magtamo ng ganap na tagumpay. Paano mangyayari iyan?
27, 28. Ano ang matitiyak natin sa maligalig na mga panahong ito, at bakit natin nalalaman na walang magagawa ang mga pagsalakay ni Satanas?
27 Lumipas na ang panahon para sa mapangwasak na pagsalakay laban sa bayan ng Diyos at sa kanilang pagsamba sa espiritu at katotohanan. (Juan 4:23, 24) Pinahintulutan ni Jehova na gumawa ang Babilonyang Dakila ng isang pagsalakay na pansamantalang nagtagumpay. Sa maikling sandali, nakita ng “Jerusalem sa itaas” ang kaniyang supling na halos napatahimik nang sa wari’y huminto na ang gawaing pangangaral sa lupa. Hindi na ito mauulit kailanman! Ngayon ay ipinagbubunyi niya ang kaniyang mga anak, sapagkat sila, sa espirituwal na diwa, ay di-madaraig. (Juan 16:33; 1 Juan 5:4) Oo, may mga pansalakay na sandatang inanyuan laban sa kanila, at magkakaroon pa ng iba bukod diyan. (Apocalipsis 12:17) Subalit ang mga ito ay hindi nagtagumpay at hindi magtatagumpay. Walang sandata si Satanas na makadaraig sa pananampalataya at nag-aalab na sigasig ng mga pinahiran at ng kanilang mga kasama. Ang espirituwal na kapayapaang ito “ang minanang pag-aari ng mga lingkod ni Jehova,” kaya walang sinuman na makaaagaw nito sa kanila.—Awit 118:6; Roma 8:38, 39.
28 Wala, walang anumang magagawa ang sanlibutan ni Satanas upang mapatigil ang gawain at ang di-nagmamaliw at malinis na pagsamba sa Diyos ng kaniyang nakaalay na mga lingkod. Ang pinahirang supling ng “Jerusalem sa itaas” ay nagkaroon ng malaking kaaliwan sa katiyakang iyan. Gayundin ang mga kabilang sa malaking pulutong. Habang sumusulong ang ating kaalaman tungkol sa makalangit na organisasyon ni Jehova at sa pakikitungo nito sa kaniyang mga mananamba sa lupa, lalong tumitibay ang ating pananampalataya. Hangga’t matibay ang ating pananampalataya, walang magagawa ang mga sandata ni Satanas sa pakikipaglaban sa atin!
[Talababa]
a Ayon sa Apocalipsis 12:1-17, ang ‘babae’ ng Diyos ay lubos na pinagpala sa pamamagitan ng pagsisilang sa isang napakahalagang “supling”—hindi isang indibiduwal na espiritung anak, kundi ang Mesiyanikong Kaharian sa langit. Ang pagsisilang na ito ay naganap noong 1914. (Tingnan ang Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, pahina 177-86.) Pinagtutuunan ng pansin ng hula ni Isaias ang kagalakang nadama ng babae bilang resulta ng pagpapala ng Diyos sa kaniyang pinahirang mga anak sa lupa.
[Kahon sa pahina 218, 219]
Ang Pamilya ni Abraham—Isang Makahulang Larawan
Ipinaliwanag ni apostol Pablo na ang pamilya ni Abraham ay nagsisilbing isang makasagisag na drama, isang makahulang larawan ng kaugnayan ni Jehova sa kaniyang makalangit na organisasyon at sa makalupang bansa ng Israel sa ilalim ng tipan ng Kautusang Mosaiko.—Galacia 4:22-31.
Si Abraham, bilang ulo ng pamilya, ay kumakatawan sa Diyos na Jehova. Ang pagnanais ni Abraham na ihandog ang kaniyang minamahal na anak na si Isaac bilang isang hain ay naglalarawan sa pagnanais ni Jehova na ihandog ang kaniyang sariling minamahal na Anak bilang isang hain para sa kasalanan ng sangkatauhan.—Genesis 22:1-13; Juan 3:16.
Si Sara ay lumalarawan sa makalangit na “asawa” ng Diyos, ang kaniyang organisasyon ng mga espiritung persona. Ang makalangit na organisasyong iyan ay angkop na ilarawan bilang asawa ni Jehova, sapagkat siya’y may matalik na kaugnayan kay Jehova, nagpapasakop sa kaniyang pagkaulo, at lubusang nakikipagtulungan sa pagtupad ng kaniyang mga layunin. Tinatawag din siyang “Jerusalem sa itaas.” (Galacia 4:26) Ito rin ang ‘babae’ na binanggit sa Genesis 3:15, at siya ay inilalarawan sa pangitain sa Apocalipsis 12:1-6, 13-17.
Si Isaac ay lumalarawan sa espirituwal na Binhi ng babae (woman) ng Diyos. Pangunahin nang ito’y si Jesu-Kristo. Gayunman, ibinilang din sa binhi ang pinahirang mga kapatid ni Kristo, na inaampon bilang espirituwal na mga anak at naging mga kasamang tagapagmana ni Kristo.—Roma 8:15-17; Galacia 3:16, 29.
Si Hagar, ang pangalawahing asawa, o babae (concubine), ni Abraham, ay isang alipin. Angkop na lumalarawan siya sa makalupang Jerusalem, na nasasakop ng kodigo ng Kautusang Mosaiko, na naglalantad sa lahat ng tagapagtaguyod nito bilang mga alipin ng kasalanan at kamatayan. Sinabi ni Pablo na ‘ang Hagar ay nangangahulugan ng Sinai, isang bundok sa Arabia,’ sapagkat doon itinatag ang tipang Kautusan.—Galacia 3:10, 13; 4:25.
Si Ismael, anak ni Hagar, ay lumalarawan sa unang-siglong mga Judio, ang mga anak ng Jerusalem na alipin pa rin ng Kautusang Mosaiko. Kung paanong inusig ni Ismael si Isaac, inusig din ng mga Judiong iyon ang mga Kristiyano, na pinahirang mga anak ng makasagisag na si Sara, ang “Jerusalem sa itaas.” At kung paanong pinalayas ni Abraham sina Hagar at Ismael, nang dakong huli ay itinakwil ni Jehova ang Jerusalem at ang mapaghimagsik na mga anak nito.—Mateo 23:37, 38.
[Larawan sa pahina 220]
Pagkabautismo sa kaniya, si Jesus ay pinahiran ng banal na espiritu, at nagsimulang magkaroon ng pinakamahalagang katuparan ang Isaias 54:1
[Larawan sa pahina 225]
Ikinubli ni Jehova ang kaniyang mukha mula sa Jerusalem “nang sandali lamang”
[Mga larawan sa pahina 231]
Makapananaig ba ang mandirigma at ang platero laban sa kanilang Maylalang?