Ayon kay Juan
16 “Sinasabi ko sa inyo ang mga ito para hindi kayo matisod. 2 Ititiwalag kayo ng mga tao mula sa sinagoga.+ Ang totoo, darating ang panahon na ang bawat isa na pumapatay sa inyo+ ay mag-aakalang gumagawa siya ng sagradong paglilingkod sa Diyos. 3 Pero gagawin nila ang mga ito dahil hindi nila nakilala ang Ama o kahit ako.+ 4 Gayunman, sinasabi ko ito sa inyo para kapag dumating na ang oras na mangyari ang mga iyon, maaalaala ninyong sinabi ko ang mga iyon sa inyo.+
“Hindi ko sinabi ang mga ito sa inyo noong una, dahil kasama pa ninyo ako. 5 Pero ngayon ay pupunta ako sa nagsugo sa akin;+ gayunman, walang isa man sa inyo ang nagtatanong, ‘Saan ka pupunta?’ 6 Pero dahil sinabi ko sa inyo ang mga ito, napuno ng lungkot ang puso ninyo.+ 7 Gayunman, sinasabi ko sa inyo, para sa ikabubuti ninyo ang pag-alis ko. Dahil kung hindi ako aalis, ang katulong+ ay hindi darating sa inyo; pero kung aalis ako, ipadadala ko siya sa inyo. 8 At kapag dumating ang isang iyon, magbibigay siya sa mundo* ng nakakukumbinsing katibayan may kinalaman sa kasalanan at sa katuwiran* at sa paghatol: 9 una, may kinalaman sa kasalanan,+ dahil hindi sila nananampalataya sa akin;+ 10 pagkatapos, may kinalaman sa katuwiran,* dahil pupunta ako sa Ama at hindi na ninyo ako makikita; 11 pagkatapos, may kinalaman sa paghatol, dahil ang tagapamahala ng mundong* ito ay hinatulan na.+
12 “Marami pa sana akong sasabihin sa inyo, pero hindi pa ninyo iyon mauunawaan sa ngayon.+ 13 Pero kapag dumating ang isang iyon, ang espiritu ng katotohanan,+ gagabayan niya kayo para lubusan ninyong maunawaan ang katotohanan, dahil hindi siya magsasalita nang mula sa sarili niya, kundi sasabihin lang niya ang mga narinig niya, at ipaaalam niya sa inyo ang mga bagay na darating.+ 14 Luluwalhatiin ako ng isang iyon,+ dahil sasabihin niya sa inyo ang narinig niya mula sa akin.+ 15 Ang lahat ng taglay ng Ama ay sa akin.+ Iyan ang dahilan kaya sinabi kong sasabihin niya sa inyo ang narinig niya mula sa akin. 16 Kaunting panahon na lang at hindi na ninyo ako makikita,+ pero pagkalipas ng kaunting panahon ay makikita ninyo ako.”
17 Kaya sinabi ng ilan sa mga alagad niya: “Ano kaya ang ibig niyang sabihin sa ‘Kaunting panahon na lang at hindi na ninyo ako makikita, pero pagkalipas ng kaunting panahon ay makikita ninyo ako’ at ‘dahil pupunta ako sa Ama’?” 18 At paulit-ulit nilang sinasabi: “Ano ang ibig niyang sabihin sa ‘kaunting panahon’? Hindi natin maintindihan ang sinasabi niya.” 19 Alam ni Jesus na gusto nila siyang tanungin, kaya sinabi niya: “Tinatanong ba ninyo ang isa’t isa dahil sinabi ko: ‘Kaunting panahon na lang at hindi na ninyo ako makikita, pero pagkalipas ng kaunting panahon ay makikita ninyo ako’? 20 Tinitiyak ko sa inyo, iiyak kayo at hahagulgol,+ pero magsasaya ang mundo; mamimighati kayo, pero mapapalitan ng kagalakan ang inyong pamimighati.+ 21 Kapag nanganganak ang isang babae, napakatindi ng paghihirap niya* dahil dumating na ang oras niya, pero kapag naisilang na niya ang sanggol, nakakalimutan na niya ang naranasan niyang hirap dahil sa kagalakan na isang sanggol ang ipinanganak sa mundo.* 22 Kayo rin naman ay namimighati sa ngayon; pero makikita ko kayong muli, at magsasaya ang mga puso ninyo,+ at walang sinumang makapag-aalis ng inyong kagalakan. 23 Sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin. Tinitiyak ko sa inyo, kung hihingi kayo sa Ama ng anuman,+ ibibigay niya iyon sa inyo sa pangalan ko.+ 24 Hanggang sa ngayon, hindi pa kayo humihingi ng kahit isang bagay sa pangalan ko. Humingi kayo, at kayo ay tatanggap, para maging lubos ang kagalakan ninyo.
25 “Sinasabi ko sa inyo ang mga ito sa pamamagitan ng mga paghahambing. Darating ang panahon na hindi na ako gagamit sa inyo ng mga paghahambing, kundi sasabihin ko sa inyo nang malinaw ang tungkol sa Ama. 26 Sa araw na iyon, hihingi kayo sa Ama sa pangalan ko; pero hindi na kailangang ako ang humiling para sa inyo. 27 Mahal kayo ng Ama, dahil minahal ninyo ako+ at naniwala kayo na dumating ako bilang kinatawan ng Diyos.+ 28 Dumating ako sa mundo* bilang kinatawan ng Ama. Pero ngayon, iiwan ko ang mundo at pupunta ako sa Ama.”+
29 Sinabi ng mga alagad niya: “Malinaw na ngayon ang sinasabi mo, at hindi ka na gumagamit ng mga paghahambing! 30 Alam na namin ngayon na alam mo ang lahat ng bagay at hindi ka namin kailangang tanungin. Dahil dito, naniniwala kaming galing ka sa Diyos.” 31 Sumagot si Jesus: “Talaga bang naniniwala na kayo? 32 Sinasabi ko sa inyo, malapit nang dumating ang oras na mangangalat kayo, bawat isa sa sarili niyang bahay, at iiwan ninyo akong mag-isa.+ Pero hindi ako nag-iisa dahil kasama ko ang Ama.+ 33 Sinabi ko sa inyo ang mga ito para magkaroon kayo ng kapayapaan sa pamamagitan ko.+ Daranas kayo ng kapighatian sa sanlibutan,+ pero lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.”+