KABANATA 5
Nasa Kaniya ang “Lahat ng Karunungan”
1-3. Ano ang tagpo sa sermon ni Jesus noong tagsibol ng 31 C.E., at bakit namangha ang mga tagapakinig niya?
TAGSIBOL noon ng 31 C.E. Malapit si Jesu-Kristo sa Capernaum, isang abalang lunsod sa hilagang-kanlurang baybayin ng Lawa ng Galilea. Nasa itaas siya ng isang bundok, at buong magdamag siyang nanalangin. Kinaumagahan, tinawag niya ang mga alagad niya, at pumili siya mula sa kanila ng 12 apostol. Napakaraming tao ang sumunod kay Jesus sa lugar na ito at nagtipon sa isang patag na dako sa bundok. Nanggaling pa ang ilan sa kanila sa malalayong lugar. Gustong-gusto nilang marinig kung ano ang sasabihin ni Jesus at mapagaling sila sa mga sakit nila. Hindi sila binigo ni Jesus.—Lucas 6:12-19.
2 Nilapitan ni Jesus ang mga tao at pinagaling ang lahat ng maysakit. Pagkatapos, nang wala nang may sakit sa kanila, umupo siya at nagsimulang magturo.a Nang magsalita na siya, namangha ang mga tagapakinig niya. Ngayon lang sila nakarinig ng tao na gayon magturo. Hindi sumipi si Jesus mula sa mga kilalang Judiong rabbi. Paulit-ulit siyang sumipi sa Hebreong Kasulatan na isinulat sa ilalim ng patnubay ng espiritu ng Diyos. Gumamit siya ng simpleng mga salita, at nagturo sa paraang maiintindihan ng mga tao. Pagkatapos magturo ni Jesus, namangha ang mga tao. Narinig nila ang pinakamatalinong tao na nabuhay kailanman!—Mateo 7:28, 29.
3 Mababasa ang sermon na iyon, pati na ang marami pang bagay na sinabi at ginawa ni Jesus, sa Salita ng Diyos. Dapat nating pag-aralang mabuti ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus dahil nasa kaniya ang “lahat ng karunungan.” (Colosas 2:3) Ang karunungan ay ang kakayahang gamitin ang kaalaman at kaunawaan sa praktikal na paraan. Saan nakakuha si Jesus ng ganiyang karunungan? Paano niya ito ipinakita sa paraan ng pamumuhay niya, at paano natin siya matutularan?
“Saan Nakuha ng Taong ito ang Ganitong Karunungan?”
4. Ano ang itinanong ng mga tagapakinig ni Jesus sa Nazaret, at bakit?
4 Dumalaw si Jesus at nagsimulang magturo sa sinagoga sa bayan ng Nazaret noong naglalakbay siya para mangaral. Sa bayang iyon siya lumaki. Marami sa mga tagapakinig niya ang namangha at nagtanong: “Saan nakuha ng taong ito ang ganitong karunungan?” Kilala nila ang mga magulang at kapatid niya. Alam nilang mahirap lang ang pamilya nila. (Mateo 13:54-56; Marcos 6:1-3) Alam din nilang mahusay magturo si Jesus kahit hindi siya nakapag-aral sa anumang paaralan ng mga Judio at isang karpintero lang. (Juan 7:15) Dahil sa mga bagay na iyon, hindi na nakakapagtaka ang tanong nila.
5. Ayon kay Jesus, saan nagmula ang karunungan niya?
5 Ang karunungang ipinakita ni Jesus ay hindi lang basta resulta ng perpektong isip niya. Nang hayagang nagtuturo si Jesus sa templo, sinabi niya na galing sa isa na mas marunong sa kaniya ang karunungan niya. Sinabi niya: “Ang itinuturo ko ay hindi galing sa akin kundi sa nagsugo sa akin.” (Juan 7:16) Ibig sabihin, ang tunay na Pinagmumulan ng karunungan ni Jesus ay ang Ama na nagsugo sa kaniya. (Juan 12:49) Pero paano nagkaroon si Jesus ng karunungan mula kay Jehova?
6, 7. Paano tumanggap si Jesus ng karunungan mula sa Ama?
6 Kumikilos ang banal na espiritu ni Jehova sa puso at isip ni Jesus. Inihula ni Isaias tungkol kay Jesus, ang ipinangakong Mesiyas: “Sasakaniya ang espiritu ni Jehova, ang espiritu ng karunungan at ng kaunawaan, ang espiritu ng payo at ng kalakasan, ang espiritu ng kaalaman at ng pagkatakot kay Jehova.” (Isaias 11:2) Dahil kumikilos kay Jesus ang espiritu ni Jehova at ginagabayan ang pag-iisip at mga desisyon niya, kitang-kita kay Jesus ang perpektong karunungan ni Jehova.
7 May isa pang paraan kung paano tumanggap ng karunungan si Jesus mula sa kaniyang Ama. Gaya ng natutuhan natin sa Kabanata 2, bago naging tao si Jesus, kasama niya sa langit sa loob ng napakahabang panahon ang kaniyang Ama. Nagkaroon siya ng pagkakataon na malaman kung paano mag-isip ang kaniyang Ama. Hindi natin kayang isipin kung gaano kalalim ang karunungang nakuha ng Anak bilang “dalubhasang manggagawa.” Kasama siya ng Ama sa paglalang ng lahat ng iba pang bagay. Makatuwiran lang na ilarawan ang Anak bilang personipikasyon ng karunungan bago siya naging tao. (Kawikaan 8:22-31; Colosas 1:15, 16) Nang mangaral si Jesus, ginamit niya ang karunungang natutuhan niya noong kasama niya ang kaniyang Ama sa langit.b (Juan 8:26, 28, 38) Kaya hindi na tayo dapat magtaka sa karunungan at kaunawaan na ipinakita ni Jesus sa lahat ng sinabi niya at ginawa.
8. Bilang mga tagasunod ni Jesus, paano tayo magkakaroon ng karunungan?
8 Bilang mga tagasunod ni Jesus, kailangan din nating umasa kay Jehova dahil siya ang Pinagmumulan ng karunungan. (Kawikaan 2:6) Hindi ibig sabihin nito na makahimala tayong bibigyan ni Jehova ng karunungan. Pero kapag hihingi tayo ng karunungan sa kaniya sa panalangin, ibibigay niya iyon para makayanan natin ang mga problema sa buhay. (Santiago 1:5) Kailangan nating magsikap para patuloy na makakuha ng ganiyang karunungan na “gaya ng nakatagong kayamanan.” (Kawikaan 2:1-6) Makakakuha tayo ng karunungan ng Diyos sa Salita niya, kaya dapat natin itong patuloy na pag-aralan at isabuhay ang mga natutuhan natin dito. At ang isang magandang paraan para makakuha ng karunungan ay ang pag-aralan ang mga sinabi at ginawa ni Jesus. Pag-aralan natin ngayon kung paano nagpakita ng karunungan si Jesus sa ilang bahagi ng buhay niya at kung paano natin siya matutularan.
Mga Pananalita ng Karunungan
9. Bakit masasabing punô ng karunungan ang mga turo ni Jesus?
9 Napakaraming tao ang lumapit kay Jesus para makinig sa kaniya. (Marcos 6:31-34; Lucas 5:1-3) At hindi na ito kataka-taka dahil punong-puno ng karunungan ang mga pananalita ni Jesus. Makikita sa mga turo niya kung gaano kalalim ang kaalaman niya sa Salita ng Diyos at kung gaano niya kakilala ang mga tao. Hindi nagbabago ang mga turo niya at kapaki-pakinabang ang mga ito mula noon hanggang ngayon. Tingnan natin kung paano makikita ang karunungan sa pananalita ni Jesus, ang inihulang “Kamangha-manghang Tagapayo.”—Isaias 9:6.
10. Sinabi ni Jesus na dapat tayong magkaroon ng anong magagandang katangian, at bakit?
10 Ang Sermon sa Bundok, na binanggit kanina, ang pinakamalaking koleksiyon ng mga turo ni Jesus. Wala itong kasamang pananalita ng ibang tao. Sa sermon na ito, hindi lang tayo basta pinapayuhan ni Jesus na magsalita at kumilos nang tama. Alam niya na puwede tayong magsalita o kumilos base sa naiisip at nararamdaman natin kaya gusto niyang magkaroon tayo ng magagandang katangian. Kasama na diyan ang pagiging mahinahon, matuwid, maawain, mapagpayapa, at mapagmahal sa iba. (Mateo 5:5-9, 43-48) Habang sinisikap nating magkaroon ng ganiyang mga katangian, magiging kaayaaya kay Jehova ang pananalita at pagkilos natin, at magkakaroon din tayo ng mabuting kaugnayan sa iba.—Mateo 5:16.
11. Paano ipinakita ni Jesus ang mga dahilan kung bakit nagkakasala ang isa?
11 Hindi lang basta sinabi ni Jesus na iwasan ang paggawa ng masama. Sinabi niya na dapat tayong mag-ingat sa mga kaisipang umaakay sa paggawa ng kasalanan. Halimbawa, hindi lang niya basta sinabing huwag tayong maging marahas. Sinabi rin niya na huwag tayong magkimkim ng galit. (Mateo 5:21, 22; 1 Juan 3:15) Hindi lang niya sinabi na huwag mangalunya. Nagbabala rin siya na kapag nagsimulang magkaroon ng pagnanasa ang isa, aakay ito sa pagtataksil. Dahil doon, pinayuhan niya tayo na huwag tumingin sa mga bagay na puwedeng pagmulan ng maling pagnanasa. (Mateo 5:27-30) Tinuruan ni Jesus ang mga tao na suriin ang motibo nila, hindi lang ang mga ikinikilos nila. Idiniin niya na nagsisimula ang pagkakasala ng mga tao sa mga iniisip nila at saloobin.—Awit 7:14.
12. Paano nakakatulong ang mga payo ni Jesus sa mga tagasunod niya, at bakit?
12 Talagang punô ng karunungan ang mga pananalita ni Jesus! Hindi nga kataka-takang “namangha ang mga tao sa paraan niya ng pagtuturo.” (Mateo 7:28) Para sa mga tagasunod ni Jesus, gabay sa buhay ang matatalinong payo niya. Sinisikap nating magkaroon ng mabubuting katangiang ipinapayo niya, gaya ng pagiging maawain, mapagpayapa, at mapagmahal. Dahil alam natin na kapag nagpakita tayo ng mabubuting katangian, mapapasaya natin si Jehova. Nagsisikap din tayong alisin sa puso natin ang mga negatibong damdamin at pagnanasa na sinabi ni Jesus na iwasan, gaya ng galit at imoralidad. Dahil alam natin na kapag ginawa natin iyan, maiiwasan nating magkasala.—Santiago 1:14, 15.
Pamumuhay na Ginagabayan ng Karunungan
13, 14. Paano makikita ang karunungan sa mga naging desisyon ni Jesus?
13 Ipinakita ni Jesus ang karunungan sa salita at gawa. Kitang-kita ang karunungan sa mga naging desisyon niya, tingin sa sarili, at pakikitungo sa iba. Tingnan natin ang ilang halimbawa kung paano nagpakita si Jesus ng ‘karunungan at kakayahang mag-isip.’—Kawikaan 3:21.
14 Nakakagawa ng matatalinong desisyon ang isang taong marunong. Ipinakita ni Jesus ang karunungan sa pinili niyang paraan ng pamumuhay. Naiisip mo ba kung ano sana ang naging buhay ni Jesus? Baka nakapagtayo siya ng magandang bahay, naging matagumpay na negosyante, o nagkaroon ng mataas na posisyon sa gobyerno. Pero alam ni Jesus na kapag ginawa niya ang mga iyon, magiging “walang kabuluhan [at] paghahabol lang sa hangin” ang buhay niya. (Eclesiastes 4:4; 5:10) Ang ganiyang pamumuhay ay kamangmangan, na kabaligtaran ng karunungan. Dahil diyan, pinili ni Jesus na manatiling simple ang buhay niya. Hindi niya inisip na magpayaman o magkaroon ng maraming materyal na bagay. (Mateo 8:20) Isinabuhay niya ang itinuro niya at nanatiling nakapokus sa paggawa ng kalooban ng Diyos. (Mateo 6:22) Ginamit ni Jesus ang panahon at lakas niya para sa Kaharian, na talagang mas mahalaga at kapaki-pakinabang kaysa sa mga materyal na bagay. (Mateo 6:19-21) Isa ngang napakagandang halimbawa na dapat nating tularan!
15. Paano maipapakita ng mga tagasunod ni Jesus na nakapokus sila sa Kaharian, at bakit matalinong paraan ng pamumuhay ito?
15 Alam ng mga tagasunod ni Jesus ngayon na katalinuhan ang pag-una sa Kaharian ng Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit hindi sila nangungutang nang di-kinakailangan at umiiwas sa mga bagay na umuubos ng panahon at lakas. (1 Timoteo 6:9, 10) Marami ang nagpasimple ng buhay nila para mas marami silang panahon sa pangangaral ng mabuting balita o makapagpayunir pa nga. Gumagawa tayo ng matalinong desisyon kapag inuuna natin ang Kaharian. Talagang magiging masaya at maganda ang buhay natin ngayon kung gagawin natin iyan.—Mateo 6:33.
16, 17. (a) Paano ipinakita ni Jesus na mapagpakumbaba siya at alam niya ang mga limitasyon niya? (b) Paano natin maipapakitang mapagpakumbaba tayo at alam natin ang mga limitasyon natin?
16 Sa Bibliya, magkaugnay ang karunungan at kapakumbabaan, pati na ang pag-alam sa mga limitasyon natin. (Kawikaan 11:2) Mapagpakumbaba si Jesus at alam niya ang mga limitasyon niya. Alam niyang hindi lahat ng makikinig sa kaniya ay magiging tagasunod niya. (Mateo 10:32-39) Alam din niyang hindi siya makakapangaral sa lahat ng tao. Iyan ang dahilan kung bakit niya sinanay ang mga tagasunod niya na gumawa ng mga alagad. (Mateo 28:18-20) Sinabi niya na ang “gagawin [nila] ay makahihigit” sa mga ginawa niya. (Juan 14:12) Alam niya na mas maraming tao ang mapapangaralan nila sa mas malawak na lugar at sa mas mahabang panahon. Kinilala rin ni Jesus na kailangan niya ng tulong. Tinanggap niya ang tulong ng mga anghel na dumating para maglingkod sa kaniya sa ilang, pati na ang pampatibay-loob ng isang anghel sa Getsemani. Sa pinakamahirap na sitwasyong naranasan niya, nakiusap siya sa Diyos at humingi ng tulong.—Mateo 4:11; Lucas 22:43; Hebreo 5:7.
17 Dapat din tayong maging mapagpakumbaba at alamin ang mga limitasyon natin. Siguradong gusto nating maglingkod nang buong kaluluwa at gawin ang buong makakaya sa pangangaral at paggawa ng mga alagad. (Lucas 13:24; Colosas 3:23) Pero tandaan na hindi tayo ikinukumpara ni Jehova sa iba, kaya hindi natin iyon dapat gawin. (Galacia 6:4) Makakatulong ang karunungan para makapagtakda tayo ng makatotohanang mga tunguhin. Makakatulong din sa mga may responsibilidad sa kongregasyon ang karunungan para tanggapin nilang may mga limitasyon din sila at kailangan nila ang tulong ng iba. Alam nilang puwedeng gamitin ni Jehova ang ibang kapatid para palakasin sila.—Colosas 4:11.
18, 19. (a) Paano naging mabait at makatuwiran si Jesus sa mga alagad niya? (b) Bakit dapat tayong maging mabait at makatuwiran sa iba, at paano natin ito magagawa?
18 “Ang karunungan mula sa itaas ay . . . makatuwiran,” ang sabi sa Santiago 3:17. Mabait at makatuwiran si Jesus sa mga alagad niya. Alam niyang nagkakamali sila, pero ang mabubuting katangian nila ang tinitingnan niya. (Juan 1:47) Alam niyang iiwan siya ng mga alagad niya noong gabing aarestuhin siya, pero hindi siya nagduda sa katapatan nila. (Mateo 26:31-35; Lucas 22:28-30) Tatlong beses pa nga na ikinaila ni Pedro si Jesus. Pero nagsumamo pa rin si Jesus para kay Pedro at ipinakitang nagtitiwala siya sa katapatan nito. (Lucas 22:31-34) Noong gabi bago mamatay si Jesus, hindi niya sinabi sa panalangin niya ang mga pagkakamali ng mga alagad niya. Sa halip, nagpokus siya sa magagandang bagay na ginawa nila hanggang nang gabing iyon at sinabi: “Tinupad nila ang iyong salita.” (Juan 17:6) Hindi sila perpekto, pero ipinagkatiwala niya sa kanila ang gawaing pangangaral tungkol sa Kaharian at ang paggawa ng mga alagad. (Mateo 28:19, 20) At dahil ipinakita ni Jesus na nagtitiwala siya sa kanila, napatibay silang patuloy na gawin ang iniutos niya sa kanila.
19 Dapat tularan ng mga tagasunod ni Jesus ang halimbawa niya. Perpekto ang Anak ng Diyos, pero naging matiyaga siya sa pakikitungo sa mga di-perpektong alagad niya. Kaya lalo nating kailangan na maging mas makatuwiran sa pakikitungo sa isa’t isa. (Filipos 4:5) Imbes na magpokus sa pagkakamali ng mga kapatid, dapat tayong magpokus sa magagandang katangian nila. Tandaan na inilapit sila ni Jehova kay Jesus. (Juan 6:44) Siguradong nakita ni Jehova ang mabuti sa kanila, kaya dapat na ganiyan din tayo. Makakatulong sa atin ang pagpopokus sa mabubuting katangian ng iba para ‘mapalampas ang pagkakamali’ nila at makapagbigay tayo ng komendasyon. (Kawikaan 19:11) Kapag ipinapakita nating nagtitiwala tayo sa mga kapatid, tinutulungan natin silang gawin ang buong makakaya nila at maging masaya sa paglilingkod kay Jehova.—1 Tesalonica 5:11.
20. Ano ang dapat nating gawin sa maraming karunungan na makikita sa mga Ebanghelyo, at bakit?
20 Napakarami nating makukuhang karunungan sa mga Ebanghelyo! Ano ang dapat nating gawin sa napakahalagang regalong ito? Sa pagtatapos ng Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus sa mga tagapakinig niya na hindi lang basta makinig sa mga turo niya, kundi gawin din o isabuhay ang mga iyon. (Mateo 7:24-27) Kung hahayaan nating maimpluwensiyahan ng mga turo at ginawa ni Jesus ang kaisipan, motibo, at pagkilos natin, magkakaroon tayo ng masayang buhay ngayon. Tutulong din ito sa atin na manatili sa daang papunta sa buhay na walang hanggan. (Mateo 7:13, 14) Wala nang iba pang mas magandang paraan ng pamumuhay!
a Nakilala ang pahayag ni Jesus nang araw na iyon bilang ang Sermon sa Bundok. Mababasa ito sa Mateo 5:3–7:27, at binubuo ng 107 talata. Posibleng aabutin ng mga 20 minuto para ipahayag ito.
b Noong mabautismuhan si Jesus, “ang langit ay nabuksan.” Lumilitaw na naalala na niya ang buhay niya sa langit.—Mateo 3:13-17.