KABANATA 16
Salansangin ang Diyablo at ang Kaniyang Tusong mga Gawa
“Salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya.”—SANTIAGO 4:7.
1, 2. Sino ang nagagalak sa panahon ng bautismo?
KUNG maraming taon ka nang naglilingkod kay Jehova, malamang na maraming beses ka na ring nakarinig ng mga pahayag sa bautismo sa ating mga asamblea at kombensiyon. Ngunit gaano ka man kadalas dumalo sa mga okasyong ito, malamang na natutuwa ka pa ring makita ang mga nakaupo sa unahan na tumatayo para iharap ang kanilang sarili sa bautismo. Sa pagkakataong iyon, damang-dama ang pananabik ng lahat ng naroroon, na sinusundan ng masigabong palakpakan. Maaari ka pa ngang maluha habang pinagmamasdan mo ang isa na namang grupo ng mga minamahal na indibiduwal na pumanig kay Jehova. Talagang nakagagalak ang gayong pagkakataon!
2 Maaaring ilang beses lamang tayong nakasasaksi ng bautismo sa ating lugar, pero ang mga anghel ay may pribilehiyong makasaksi nito nang mas madalas. Naguguniguni mo ba ang “kagalakan sa langit” habang pinagmamasdan nila ang libu-libong indibiduwal sa buong daigdig na napaparagdag sa nakikitang bahagi ng organisasyon ni Jehova bawat linggo? (Lucas 15:7, 10) Walang-alinlangan, tuwang-tuwa ang mga anghel na makita ang pagdaming ito!—Hagai 2:7.
ANG DIYABLO AY “GUMAGALA-GALA TULAD NG ISANG LEONG UMUUNGAL”
3. Bakit gumagala-gala si Satanas na “tulad ng isang leong umuungal,” at ano ang gusto niyang gawin?
3 Gayunman, sa kabaligtaran, may mga espiritung nilalang na nagngingitngit habang pinagmamasdan ang mga binabautismuhang iyon. Galít na galít si Satanas at ang mga demonyo na makitang libu-libo ang tumatalikod sa tiwaling sanlibutang ito. Ipinagyayabang kasi ni Satanas na walang taong maglilingkod kay Jehova udyok ng tunay na pag-ibig at walang mananatiling tapat sa ilalim ng matinding pagsubok. (Job 2:4, 5) Sa tuwing may mag-aalay ng kaniyang sarili kay Jehova, napatutunayang mali si Satanas. Para itong libu-libong sampal sa mukha ni Satanas sa bawat linggo ng taon. Hindi nga nakapagtatakang siya ay “gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila”! (1 Pedro 5:8) Gustung-gusto ng “leong” ito na silain tayo sa espirituwal na paraan para sirain o putulin pa nga ang ating kaugnayan sa Diyos.—Awit 7:1, 2; 2 Timoteo 3:12.
Sa tuwing may nag-aalay ng kaniyang sarili kay Jehova at nababautismuhan, napatutunayang mali si Satanas
4, 5. (a) Sa anong dalawang mahalagang paraan naglagay si Jehova ng hangganan sa impluwensiya ni Satanas? (b) Sa ano makatitiyak ang isang tunay na Kristiyano?
4 Bagaman mabangis ang ating kalaban, hindi tayo dapat matakot. Bakit? Dahil nilagyan ni Jehova ng hangganan ang impluwensiya ng “leong umuungal” na ito sa dalawang pangunahing paraan. Ano ang mga iyon? Una sa lahat, inihula ni Jehova na “isang malaking pulutong” ng mga tunay na Kristiyano ang makaliligtas sa dumarating na “malaking kapighatian.” (Apocalipsis 7:9, 14) Hindi nabibigo ang mga hula ng Diyos. Samakatuwid, tiyak na alam ni Satanas na hindi niya kayang silain ang bayan ng Diyos sa kabuuan.
5 Ang ikalawang hangganan na inilagay ni Jehova ay makikita sa isang saligang katotohanan na sinabi ng isa sa mga tapat na lingkod ng Diyos noon. Sinabi ni propeta Azarias kay Haring Asa: “Si Jehova ay sumasainyo hangga’t kayo ay sumasakaniya.” (2 Cronica 15:2; 1 Corinto 10:13) Ipinapakita ng maraming nakaulat na halimbawa na palaging nabibigo noon si Satanas na silain ang sinuman sa mga lingkod ng Diyos na nananatiling malapít sa Diyos. (Hebreo 11:4-40) Sa ngayon, kapag nananatiling malapít sa Diyos ang isang Kristiyano, makakayanan niyang salansangin o daigin ang Diyablo. Sa katunayan, tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos: “Salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.”—Santiago 4:7.
“TAYO AY MAY PAKIKIPAGBUNO . . . LABAN SA BALAKYOT NA MGA PUWERSANG ESPIRITU”
6. Paano inaatake ni Satanas ang mga indibiduwal na Kristiyano?
6 Hindi mananalo si Satanas sa espirituwal na digmaan pero kaya niya tayong silain bilang mga indibiduwal kung hindi tayo mag-iingat. Alam ni Satanas na masisila niya tayo kung mapahihina niya ang ating kaugnayan kay Jehova. Paano ito sinisikap gawin ni Satanas? Ginagawa niya ito sa tatlong pangunahing paraan: (1) puspusan niya tayong sinasalakay; (2) sinasalakay niya tayo bilang indibiduwal; at (3) sinasalakay niya tayo sa pamamagitan ng mga tusong pakana. Talakayin natin ang mga paraang ito ni Satanas.
7. Bakit puspusan ang pagsalakay ni Satanas sa bayan ni Jehova?
7 Puspusang pagsalakay. Sinabi ni apostol Juan: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Ang mga salitang iyon ay babala para sa lahat ng tunay na Kristiyano. Yamang nasila na ni Satanas ang buong di-makadiyos na sanlibutan ng sangkatauhan, mapagtutuunan na niya ngayon ng pansin at puspusan na niyang masasalakay ang mga hindi niya nasila—ang bayan ni Jehova. (Mikas 4:1; Juan 15:19; Apocalipsis 12:12, 17) Malaki ang kaniyang galit dahil alam niyang maikli na ang kaniyang panahon. Kaya lalo pa niyang pinatitindi ang panggigipit. Napapaharap tayo ngayon sa kaniyang pangwakas at napakatinding pagsalakay para sirain ang ating kaugnayan sa Diyos. Kaya ngayon higit kailanman, kailangan nating ‘mapag-unawa ang mga panahon upang malaman kung ano ang dapat nating gawin.’—1 Cronica 12:32.
8. Ano ang ibig sabihin ni apostol Pablo nang sabihin niyang mayroon tayong “pakikipagbuno” laban sa balakyot na mga espiritu?
8 Pakikipagbuno bilang indibiduwal. Nagbabala si apostol Pablo sa mga kapuwa Kristiyano: “Tayo ay may pakikipagbuno . . . laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” (Efeso 6:12) Bakit ginamit ni Pablo ang salitang “pakikipagbuno”? Dahil ito ay nagpapahiwatig ng harapang pakikipaglaban at malapitang pakikipagtunggali. Kaya sa paggamit ng salitang iyon, idiniin ni Pablo na ang bawat isa sa atin ay may pakikipagbuno sa balakyot na mga espiritu. Laganap man o hindi sa bansang pinaninirahan natin ang paniniwala sa balakyot na mga espiritu, huwag nating kalilimutan na nang mag-alay tayo kay Jehova, sumali na tayo sa pakikipagbunong iyon, wika nga. Oo, ang bawat Kristiyano ay bahagi ng labanang ito. Kaya talagang nakita ni Pablo ang pangangailangang himukin nang tatlong beses ang mga Kristiyano sa Efeso na ‘tumayong matatag’!—Efeso 6:11, 13, 14.
9. (a) Bakit gumagamit si Satanas at ang mga demonyo ng iba’t ibang “tusong mga gawa”? (b) Bakit sinisikap ni Satanas na parumihin ang ating pag-iisip, at paano natin ito malalabanan? (Tingnan ang kahong Mag-ingat sa Katusuhan ni Satanas!”) (c) Anong tusong gawa ang tatalakayin natin ngayon?
9 Mga tusong pakana. Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na tumayong matatag laban sa “tusong mga gawa” ni Satanas. (Efeso 6:11, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References) Pansinin na ang salitang ginamit ni Pablo ay nasa anyong pangmaramihan. Hindi lamang isa kundi iba’t ibang tusong mga paraan ang ginagamit ng balakyot na mga espiritu—at may dahilan sila para gawin iyon. Sa paglipas ng panahon, may ilang mananampalataya na nakapanindigang matatag sa isang uri ng pagsubok, pero nasilo ni Satanas nang mapaharap sa ibang pagsubok. Kaya naman minamanmanan ng Diyablo at mga demonyo ang kilos ng bawat isa sa atin para makita kung saan tayo mahina. Pagkatapos ay sasamantalahin nila ang anumang kahinaan natin sa espirituwal. Gayunman, mabuti na lamang at maaari nating malaman ang maraming pamamaraan ng Diyablo dahil isinisiwalat ang mga ito sa Bibliya. (2 Corinto 2:11) Sa naunang mga kabanata ng aklat na ito, tinalakay natin ang gayong mga pakana gaya ng silo ng materyalismo, nakapipinsalang pakikipagsamahan, at seksuwal na imoralidad. Talakayin naman natin ngayon ang isa pa sa tusong mga gawa ni Satanas—ang espiritismo.
PAGSASAGAWA NG ESPIRITISMO—ISANG PAGTATAKSIL
10. (a) Ano ang espiritismo? (b) Ano ang tingin ni Jehova sa espiritismo, at ano naman ang pananaw mo rito?
10 Sa pagsasagawa ng espiritismo, o demonismo, ang isa ay tuwirang nakikipag-ugnayan sa balakyot na mga espiritu. Ang ilang anyo ng espiritismo ay panghuhula, panggagaway, pangkukulam, at pagsangguni sa mga patay. Gaya ng alam na alam natin, ang espiritismo ay “karima-rimarim” kay Jehova. (Deuteronomio 18:10-12; Apocalipsis 21:8) Yamang kailangan din nating “kamuhian . . . ang balakyot,” hinding-hindi tayo dapat makipag-ugnayan sa balakyot na mga puwersang espiritu. (Roma 12:9) Isa itong malaking kataksilan sa ating makalangit na Ama, si Jehova!
11. Bakit napakalaking tagumpay kay Satanas kung maaakit niya tayo na bumaling sa espiritismo? Ilarawan.
11 Gayunman, dahil malaking kataksilan kay Jehova ang paminsan-minsang pakikisangkot sa espiritismo, determinado si Satanas na akitin ang ilan sa atin na makisangkot dito. Sa bawat pagkakataon na maakit ni Satanas ang isang Kristiyano na bumaling sa demonismo, napakalaking tagumpay nito para sa kaniya. Bakit? Pag-isipan ito: Kung mahihikayat ang isang sundalo na iwan at pagtaksilan ang kaniyang pangkat at sumama sa puwersa ng mga kalaban, matutuwa ang kumandante ng kalaban. Baka ipagmalaki pa nga niya ang taksil na ito na parang tropeo upang insultuhin ang dating kumandante ng sundalong ito. Sa katulad na paraan, kung ang isang Kristiyano ay babaling sa espiritismo, kusa niyang iniiwan si Jehova at tuwiran siyang pumapanig kay Satanas. Isipin na lamang ang kasiyahan ni Satanas na ipagmalaki ang taksil na iyon na parang tropeo! Gusto ba nating ibigay sa Diyablo ang gayong tagumpay? Hinding-hindi nga! Hindi tayo mga taksil.
PAGTATANONG PARA LUMIKHA NG ALINLANGAN
12. Anong pamamaraan ang ginagamit ni Satanas para impluwensiyahan ang pananaw natin hinggil sa espiritismo?
12 Hangga’t kinamumuhian natin ang espiritismo, hindi magtatagumpay si Satanas sa paggamit nito laban sa atin. Dahil diyan, nakita niya na dapat niyang baguhin ang ating pag-iisip. Paano? Naghahanap siya ng paraan para lituhin ang mga Kristiyano hanggang sa puntong mag-isip ang ilan na “ang mabuti ay masama at ang masama ay mabuti.” (Isaias 5:20) Para magawa ito, kadalasan nang ginagamit ni Satanas ang isa sa kaniyang subok nang mga paraan—ang pagtatanong para lumikha ng alinlangan.
13. Paano ginamit ni Satanas ang pagtatanong para lumikha ng alinlangan?
13 Pansinin kung paano ginamit noon ni Satanas ang paraang ito. Sa Eden, tinanong niya si Eva: “Talaga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain mula sa bawat punungkahoy sa hardin?” Noong panahon ni Job, sa pulong ng mga anghel sa langit, nagbangon ng tanong si Satanas: “Natatakot ba si Job sa Diyos nang walang dahilan?” At sa pasimula ng ministeryo ni Kristo sa lupa, hinamon ni Satanas si Jesus sa pagsasabi: “Kung ikaw ay anak ng Diyos, sabihin mo sa mga batong ito na maging mga tinapay.” Pag-isipan ito—sa situwasyon ni Jesus, may kapangahasang sinalungat ni Satanas ang mismong mga salita ni Jehova na binigkas mga anim na linggo lamang ang nakalilipas: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan”!—Genesis 3:1; Job 1:9; Mateo 3:17; 4:3.
14. (a) Paano ginagamit ni Satanas ang kaniyang pakana na lumikha ng alinlangan may kinalaman sa espiritismo? (b) Ano ang isasaalang-alang natin ngayon?
14 Sa ngayon, naghahasik din ang Diyablo ng mga pag-aalinlangan upang papaniwalain tayo na walang masama sa espiritismo. Nakalulungkot, nagtagumpay siya sa paanuman dahil napaniwala niya ang ilang mananampalataya. Nagsimula silang mag-alinlangan kung talaga nga kayang masama ang ilang anyo ng espiritismo. Sa diwa, itinatanong nila, ‘Talaga nga bang masama ito?’ (2 Corinto 11:3) Paano natin matutulungan ang gayong mga tao na baguhin ang kanilang pag-iisip? Paano natin matitiyak na hindi tayo maiimpluwensiyahan ng pakana ni Satanas? Para masagot iyan, isaalang-alang natin ang dalawang bahagi ng buhay na may-katusuhang binahiran ni Satanas ng espiritismo. Ito ay ang libangan at pangangalaga sa kalusugan.
PAGSASAMANTALA SA ATING MGA KAGUSTUHAN AT PANGANGAILANGAN
15. (a) Ano ang pananaw ng maraming taga-Kanluran sa espiritismo? (b) Paano naimpluwensiyahan ng pananaw ng sanlibutan hinggil sa espiritismo ang ilang Kristiyano?
15 Lalung-lalo na sa mga taga-Kanluran, nagiging karaniwan na lamang ang okultismo, pangkukulam, at iba pang anyo ng espiritismo. Nagiging palasak na sa mga pelikula, aklat, palabas sa TV, at mga laro sa computer ang makademonyong mga gawain. Ipinapakita ito bilang isang katuwaan lamang at hindi mapanganib, at na ang mga nagsasagawa nito ay may kakaibang kakayahan. Ang ilang pelikula at aklat na nagtatampok ng okultismo ay naging sikat na sikat anupat ang mga tagasuporta nito ay nagtayo pa nga ng mga fan club. Maliwanag na nagtagumpay ang mga demonyo na ipasok sa isip ng mga tao na ang okultismo ay hindi naman talaga mapanganib. Naiimpluwensiyahan ba sa paanuman ang mga Kristiyano ng ganitong kaisipan? May ilan na naimpluwensiyahan. Sa paanong paraan? Halimbawa, pagkatapos mapanood ng isang Kristiyano ang isang pelikulang nagtatampok ng okulto, sinabi niya, “Pinanood ko nga ’yung pelikula, pero hindi naman ako nagsagawa ng espiritismo.” Bakit mapanganib ang gayong pangangatuwiran?
16. Bakit mapanganib na pumili ng libangan na nagtatampok ng okultismo?
16 Bagaman may pagkakaiba ang mismong pagsasagawa ng espiritismo at ang panonood nito, hindi ito nangangahulugan na walang panganib sa panonood ng mga pelikula at programang nagtatampok ng okultismo. Bakit? Isaalang-alang ito: Ipinapakita ng Salita ng Diyos na walang kakayahan si Satanas o ang kaniyang mga demonyo na basahin ang ating mga kaisipan.a Kaya, gaya ng naunang binanggit, para malaman kung ano ang ating iniisip at kung ano ang ating espirituwal na kahinaan, minamanmanan ng balakyot na mga espiritu ang ating mga kilos—pati na ang ating pinipiling libangan. Kapag ang kilos ng isang Kristiyano ay nagpapakitang nasisiyahan siya sa pelikula o aklat na nagtatampok ng mga espiritista, pang-eengkanto, pagsapi ng mga demonyo, o iba pang katulad nito, binibigyan niya ng ideya ang mga demonyo. Sa diwa, ipinaaalam niya sa kanila kung saan siya mahina! Sa gayon ay patitindihin ng mga demonyo ang kanilang pakikipagbuno sa Kristiyanong iyon at sasamantalahin ang kaniyang kahinaan hanggang sa mapabagsak nila siya. Sa katunayan, ang ilan sa mga nagkainteres sa espiritismo dahil sa libangan na nagtatampok ng okultismo ay nagsagawa na rin nito nang bandang huli.—Galacia 6:7.
17. Sa pamamagitan ng anong tusong gawa maaaring samantalahin ni Satanas ang kalagayan ng mga maysakit?
17 Sinasamantala ni Satanas hindi lamang ang ating pagnanais na maglibang kundi pati na ang ating pagkabahala sa ating kalusugan. Paano? Baka ang isang Kristiyano na may malubhang sakit ay mawalan ng pag-asang makahanap ng lunas sa kaniyang karamdaman. (Marcos 5:25, 26) Maaari itong samantalahin ni Satanas at ng mga demonyo. Alam na alam nila na nagbababala ang Salita ng Diyos laban sa paghahanap ng “tulong ng mga nagsasagawa ng bagay na nakasasakit.” (Isaias 31:2) Para maudyukan ang isang Kristiyano na ipagwalang-bahala ang babalang ito, baka papaniwalain ng mga demonyo ang isang maysakit na wala na siyang magagawa kundi ang bumaling na lamang sa paggagamot o pamamaraang gumagamit ng “mahiwagang kapangyarihan,” o espiritismo—isang bagay na talagang nakasasakit. Kapag nagtagumpay ang tusong gawang iyan ng mga demonyo, mapahihina nito ang kaugnayan sa Diyos ng isang maysakit. Paano?
18. Anong uri ng paggagamot ang dapat tanggihan ng isang Kristiyano, at bakit?
18 Binabalaan ni Jehova ang mga Israelitang bumaling sa “mahiwagang kapangyarihan”: “Kapag iniuunat ninyo ang inyong mga palad, ikinukubli ko ang aking mga mata mula sa inyo. Kahit nananalangin kayo ng marami, hindi ako nakikinig.” (Isaias 1:13, 15) Sabihin pa, lagi nating gustong iwasan ang anumang maaaring maging hadlang sa ating mga panalangin at maging dahilan para hindi na tayo alalayan ni Jehova—lalung-lalo na sa panahon ng pagkakasakit. (Awit 41:3) Kaya nga, kung ang ilang paraan ng pagsusuri o paggagamot ay may bahid ng espiritismo, dapat itong tanggihan ng isang tunay na Kristiyano.b (Mateo 6:13) Sa ganitong paraan, makatitiyak siya sa patuloy na pag-alalay ni Jehova.—Tingnan ang kahong “Espiritismo Nga Kaya Ito?”
KAPAG MARAMING KUWENTO TUNGKOL SA MGA DEMONYO
19. (a) Nalinlang ng Diyablo ang marami na paniwalaan ang ano tungkol sa kaniyang kapangyarihan? (b) Anong mga kuwento ang dapat iwasan ng mga tunay na Kristiyano?
19 Kung iniisip ng maraming taga-Kanluran na mahina ang kapangyarihan ni Satanas para pinsalain sila, kabaligtaran naman ang nangyayari sa ibang bahagi ng mundo. Nalinlang ng Diyablo ang marami roon na maniwalang may higit siyang kapangyarihan kaysa sa talagang taglay niya. Ang ilang tao ay nabubuhay, kumakain, nagtatrabaho, at natutulog na takót sa balakyot na mga espiritu. Maraming kuwento tungkol sa makapangyarihang mga gawa ng mga demonyo. Ang gayong mga kuwento ay kadalasan nang ginagawang kapana-panabik kaya naaaliw ang mga tao rito. Dapat din ba nating ipagkalat ang gayong mga kuwento? Hindi. May dalawang mahalagang dahilan kung bakit iniiwasan ng mga lingkod ng tunay na Diyos ang pagkukuwento nito.
20. Paano maikakalat ng isa, marahil nang hindi sinasadya, ang propaganda ni Satanas?
20 Una, kapag ikinukuwento ng isa ang tungkol sa nagagawa ng mga demonyo, siya ay aktuwal na tumutulong kay Satanas. Paano? Pinatutunayan ng Salita ng Diyos na may kakayahan si Satanas na gumawa ng makapangyarihang mga gawa, pero nagbababala rin ito na gumagamit siya ng “kasinungalingang mga tanda” at “panlilinlang.” (2 Tesalonica 2:9, 10) Yamang pusakal na mandaraya si Satanas, alam niya kung paano iimpluwensiyahan ang isip ng mga nakahilig sa espiritismo at kung paano sila mapapaniwala sa mga bagay na hindi totoo. Maaaring totoong-totoo sa gayong mga tao ang nakita o narinig nilang kababalaghan at baka ikuwento nila ito sa iba. Sa kalaunan, nadaragdagan na ang mga ito dahil sa paulit-ulit na pagkukuwento. Kung ikakalat ng isang Kristiyano ang gayong mga kuwento, para na rin niyang ginagawa ang kalooban ng Diyablo—ang “ama ng kasinungalingan.” Propaganda ni Satanas ang ikinakalat niya.—Juan 8:44; 2 Timoteo 2:16.
21. Saan natin gustong isentro ang ating mga pag-uusap?
21 Pangalawa, kahit totoong napaharap noon sa balakyot na mga espiritu ang isang Kristiyano, hindi pa rin niya dapat paulit-ulit na ikuwento ang mga ito sa kaniyang mga kapananampalataya. Bakit? Pinapayuhan tayo: ‘Tuminging mabuti sa Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus.’ (Hebreo 12:2) Oo, dapat na nakatuon ang ating pansin sa Kristo, hindi kay Satanas. Kapansin-pansin na noong nasa lupa pa si Jesus, hindi niya inaliw ang kaniyang mga alagad ng mga kuwento tungkol sa balakyot na mga espiritu kahit na marami siyang masasabi tungkol sa kaya o di-kayang gawin ni Satanas. Sa halip, itinuon ni Jesus ang kaniyang pansin sa mensahe ng Kaharian. Kung gayon, bilang pagtulad kay Jesus at sa kaniyang mga apostol, gusto nating isentro ang ating mga pag-uusap sa “mariringal na mga bagay ng Diyos.”—Gawa 2:11; Lucas 8:1; Roma 1:11, 12.
22. Ano ang magagawa natin para patuloy tayong magdulot ng “kagalakan sa langit”?
22 Totoo, gumagamit si Satanas ng iba’t ibang tusong mga gawa, kasama na ang espiritismo, para sirain ang ating kaugnayan kay Jehova. Gayunman, kapag namumuhi tayo sa balakyot at nangungunyapit sa mabuti, hindi natin binibigyan ng pagkakataon ang Diyablo na pahinain ang ating determinasyong tanggihan ang lahat ng anyo ng espiritismo. (Efeso 4:27) Isip-isipin na lamang ang malaking “kagalakan sa langit” kung patuloy tayong ‘tatayong matatag laban sa tusong mga gawa ng Diyablo’ hanggang sa mawala na siya!—Efeso 6:11; talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References.
a Hindi ipinahihiwatig ng mga katawagang ginagamit para kay Satanas (Mananalansang, Maninirang-Puri, Manlilinlang, Manunukso, Sinungaling) na may kakayahan siyang alamin kung ano ang nasa puso at isip natin. Sa kabaligtaran, si Jehova ay inilalarawan bilang “tagasuri ng mga puso,” at si Jesus, bilang ang isa na “sumasaliksik ng mga bato at mga puso.”—Kawikaan 17:3; Apocalipsis 2:23.
b Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang artikulong “Isa Bang Pagsusuri sa Kalusugan Para sa Iyo?” sa Disyembre 15, 1994, isyu ng Ang Bantayan, pahina 19-22, at ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Ang Pipiliin Mong Paraan ng Paggamot—Mahalaga ba Ito?” sa Enero 8, 2001, isyu ng Gumising!