KABANATA 2
Siya ay “Lumakad na Kasama ng Tunay na Diyos”
1, 2. Anong proyekto ang ipinagagawa kay Noe at sa kaniyang pamilya, at anong mga hamon ang napaharap sa kanila?
INIUNAT ni Noe ang kaniyang likod at ang nananakit niyang mga kalamnan. Gunigunihing nakaupo siya sa isang malapad na kahoy habang nagpapahinga at pinagmamasdan ang napakalaking arka na ginagawa nila. Malalanghap ang matapang na amoy ng mainit na alkitran; maririnig ang ingay ng mga kagamitan sa pagtatayo. Mula sa kinauupuan niya, nakikita ni Noe ang kaniyang mga anak na abalang-abala sa pagtatrabaho. Ilang dekada na ring ginagawa ni Noe ang proyektong ito, kasama ng kaniyang mahal na asawa, ng kaniyang mga anak, at ng kani-kanilang asawa. Natapos na nila ang ilang bahagi ng arka, pero marami pang dapat gawin!
2 Iniisip ng mga tao na nababaliw na ang pamilyang ito. Habang nabubuo ang arka, lalo silang natatawa sa ideya na magkakaroon ng delubyo sa buong lupa. Ang kapahamakang ibinababala ni Noe ay parang imposibleng mangyari, isang malaking kalokohan! Hindi sila makapaniwalang sasayangin ng isang tao ang kaniyang buhay—at ang buhay ng kaniyang pamilya—sa gayong kamangmangan. Pero ibang-iba naman ang tingin kay Noe ng kaniyang Diyos na si Jehova.
3. Sa anong diwa lumakad si Noe na kasama ng Diyos?
3 Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Si Noe ay lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” (Basahin ang Genesis 6:9.) Ano ang ibig sabihin niyan? Hindi lumakad ang Diyos sa lupa, ni pumunta man si Noe sa langit. Sa halip, maingat na sinunod ni Noe ang kaniyang Diyos at lubos Siyang minahal, anupat siya at si Jehova ay parang magkasamang naglalakad bilang magkaibigan. Makalipas ang libu-libong taon, sinabi ng Bibliya tungkol kay Noe: ‘Sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya ay hinatulan niya ang sanlibutan.’ (Heb. 11:7) Paano nangyari iyon? Ano ang matututuhan natin sa kaniyang pananampalataya?
Matuwid na Lalaki sa Likong Sanlibutan
4, 5. Bakit lalong sumamâ ang daigdig noong panahon ni Noe?
4 Lumaki si Noe sa isang sanlibutang pasamâ nang pasamâ. Masama na ito noon pa mang panahon ni Enoc, ang lolo sa tuhod ni Noe at isa ring matuwid na taong lumakad na kasama ng Diyos. Inihula ni Enoc na may darating na araw ng paghuhukom sa masasamang tao sa daigdig. Noong panahon ni Noe, lalo pang sumamâ ang mga tao. Sa katunayan, sa paningin ni Jehova, nasira ang lupa dahil napuno ito ng karahasan. (Gen. 5:22; 6:11; Jud. 14, 15) Bakit lalong sumamâ ang kalagayan?
5 May masamang nangyari sa gitna ng mga espiritung anak ng Diyos, ang mga anghel. Ang isa sa kanila ay nagrebelde na kay Jehova at naging Satanas na Diyablo dahil siniraang-puri nito ang Diyos at inudyukang magkasala sina Adan at Eva. Noong panahon ni Noe, nagrebelde ang iba pang mga anghel laban sa matuwid na pamamahala ni Jehova. Iniwan nila ang kanilang dako sa langit, bumaba sa lupa, nagkatawang-tao, at nag-asawa ng magagandang babae. Ang mayayabang at makasariling mga rebeldeng anghel na iyon ay naging napakasamang impluwensiya sa mga tao.—Gen. 6:1, 2; Jud. 6, 7.
6. Paano naimpluwensiyahan ng mga Nefilim ang saloobin ng mga tao, at ano ang ipinasiyang gawin ni Jehova?
6 Bukod diyan, ang di-likas na pagsisiping ng mga nagkatawang-taong anghel at ng mga babaing tao ay nagbunga ng mga anak na lalaking may pambihirang laki at lakas. Ang tawag sa kanila sa Bibliya ay Nefilim, na literal na nangangahulugang “Mga Tagapagbuwal.” Lalo pang pinalalâ ng malulupit at mararahas na Nefilim ang masamang kalagayan ng daigdig. Hindi kataka-takang sa paningin ng Maylalang, “ang kasamaan ng tao ay laganap sa lupa at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay masama na lamang sa lahat ng panahon.” Ipinasiya ni Jehova na lipulin ang masasamang taong iyon pagkaraan ng 120 taon.—Basahin ang Genesis 6:3-5.
7. Anong hamon ang napaharap kay Noe at sa kaniyang asawa sa pagpapalaki sa kanilang mga anak?
7 Isipin na lang kung gaano kahirap magpamilya noon! Pero nagtagumpay si Noe. Nagkaroon siya ng mabuting asawa. Nang sumapit si Noe sa edad na 500, nagkaanak sila ng tatlong lalaki—sina Sem, Ham, at Japet.a Dahil sa masasamang impluwensiya sa paligid, kinailangang protektahan ng mag-asawa ang kanilang mga anak. Karaniwan nang hangang-hanga ang mga batang lalaki sa “mga makapangyarihan” at “mga lalaking bantog”—at ganiyan ang mga Nefilim. Hindi laging mahahadlangan ni Noe at ng kaniyang asawa na marinig ng kanilang mga anak ang mga balita tungkol sa kasamaan ng mga higanteng iyon, pero maituturo nila ang kanais-nais na katotohanan tungkol sa Diyos na Jehova, ang isa na napopoot sa lahat ng kasamaan. Dapat nilang tulungan ang kanilang mga anak na maunawaang nasasaktan si Jehova sa karahasan at rebelyon sa daigdig.—Gen. 6:6.
8. Paano matutularan ng matatalinong magulang sa ngayon ang halimbawa ni Noe at ng kaniyang asawa?
8 Nauunawaan ng mga magulang sa ngayon ang naranasan ni Noe at ng asawa niya. Ang daigdig natin ay punô rin ng karahasan at rebelyon. Naglipana sa mga lunsod ang mga gang ng suwail na mga kabataan. Maging ang mga libangang pambata ay punung-puno ng karahasan. Para labanan ito, ginagawa ng matatalinong magulang ang buong makakaya nila sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanilang mga anak ng tungkol sa Diyos ng kapayapaan, si Jehova, na tatapos sa lahat ng karahasan balang-araw. (Awit 11:5; 37:10, 11) Posibleng magtagumpay! Nagtagumpay si Noe at ang kaniyang asawa. Ang mga anak nila ay lumaking mabubuting tao at nakapag-asawa ng mga babaing inuuna rin sa kanilang buhay ang tunay na Diyos, si Jehova.
“Gumawa Ka Para sa Iyo ng Isang Arka”
9, 10. (a) Anong utos ni Jehova ang bumago sa buhay ni Noe? (b) Ano ang isiniwalat ni Jehova kay Noe tungkol sa disenyo at layunin ng arka?
9 Isang araw, nagbago ang buhay ni Noe. Sinabi ni Jehova sa kaniyang mahal na lingkod ang tungkol sa Kaniyang layuning wakasan ang sanlibutang iyon. Inutusan ng Diyos si Noe: “Gumawa ka para sa iyo ng isang arka mula sa kahoy ng isang madagtang punungkahoy.”—Gen. 6:14.
10 Ang arkang ito ay hindi barko, gaya ng iniisip ng ilan. Wala itong proa o popa, kilya o timon—at wala ring kurba. Para lang itong isang napakalaking baul, o kahon. Ibinigay ni Jehova kay Noe ang eksaktong sukat ng arka, ang ilang detalye ng disenyo, at ang tagubilin na balutan ito ng alkitran sa loob at sa labas. At sinabi niya kay Noe kung bakit: “Narito, dadalhin ko ang delubyo ng tubig sa ibabaw ng lupa . . . Bawat bagay na nasa lupa ay papanaw.” Pero nakipagtipan, o nakipagkasundo, si Jehova kay Noe: “Pumasok ka sa arka, ikaw at ang iyong mga anak at ang iyong asawa at ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo.” Dapat ding dalhin ni Noe ang mga hayop mula sa bawat uri nito. Tanging ang mga nasa loob ng arka ang makaliligtas sa Delubyo!—Gen. 6:17-20.
11, 12. Anong napakabigat na trabaho ang ibinigay kay Noe, at paano siya tumugon sa hamong iyon?
11 Napakabigat na trabaho nito para kay Noe. Ang arkang ipinagagawa ay napakalaki—mga 133 metro ang haba, 22 metro ang lapad, at 13 metro ang taas. Di-hamak na mas malaki ito kaysa sa pinakamalaking barkong kahoy na nagawa kailanman. Tinanggihan ba ni Noe ang atas na iyon, nagreklamo ba siya, o binago ba niya ang mga detalye para hindi siya mahirapan? Sinabi ng Bibliya: “Ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos ng Diyos sa kaniya. Gayung-gayon ang ginawa niya.”—Gen. 6:22.
12 Inabot nang ilang dekada ang paggawa ng arka, marahil 40 hanggang 50 taon. Kailangang pumutol ng mga puno, maghakot ng mga troso, at magtabas ng mga bigang pagkakabit-kabitin. Ang arka ay dapat na may tatlong palapag, mga silid, at isang pinto sa gilid. May mga bintana ito sa itaas, at padalisdis ang bubong nito para hindi maipon doon ang tubig.—Gen. 6:14-16.
13. Anong gawain ni Noe ang maaaring mas mahirap kaysa sa paggawa ng arka, at paano tumugon ang mga tao?
13 Habang lumilipas ang panahon at nabubuo ang arka, tiyak na tuwang-tuwa si Noe sa suporta ng kaniyang pamilya! Pero may isa pang gawain na maaaring mas mahirap kaysa sa paggawa ng arka. Sinasabi ng Bibliya na si Noe ay “isang mangangaral ng katuwiran.” (Basahin ang 2 Pedro 2:5.) Kaya buong-tapang niyang pinangunahan ang pagbibigay ng babala sa masama at di-makadiyos na lipunang iyon tungkol sa darating na kawakasan. Paano tumugon ang mga tao? Nang banggitin ni Jesu-Kristo ang tungkol sa panahong iyon, sinabi niyang “hindi sila nagbigay-pansin.” Ayon sa kaniya, abalang-abala ang mga ito sa pang-araw-araw na gawain—kumakain, umiinom, at nag-aasawa—anupat hindi sila nakinig kay Noe. (Mat. 24:37-39) Tiyak na marami ang tumuya kay Noe at sa kaniyang pamilya; maaaring may mga nagbanta at marahas na sumalansang. Baka sinabotahe pa nga nila ang pagtatayo.
14. Ano ang matututuhan ng mga pamilyang Kristiyano sa ngayon mula kay Noe at sa kaniyang pamilya?
14 Pero hindi sumuko sina Noe. Patuloy pa rin sila kahit iniisip ng mga tao na ang kanilang ginagawa ay walang halaga, mali, o isang kalokohan. Kaya malaki ang matututuhan ng mga pamilyang Kristiyano sa ngayon sa pananampalataya nina Noe. Nabubuhay tayo sa tinatawag ng Bibliya na “mga huling araw” ng sistemang ito ng mga bagay. (2 Tim. 3:1) Sinabi ni Jesus na ang panahon natin ngayon ay magiging gaya ng panahon ni Noe. Kapag ang mga tao ay walang interes sa mensahe ng Kaharian ng Diyos, nanunuya, o nang-uusig pa nga, makabubuting alalahanin ng mga Kristiyano si Noe. Hindi lang tayo ang napaharap sa gayong mga hamon.
“Pumasok Ka . . . sa Loob ng Arka”
15. Sinong mga mahal sa buhay ni Noe ang namatay noong malapit na siya sa edad na 600?
15 Lumipas ang ilang dekada at patapos na ang arka. Noong malapit na si Noe sa edad na 600, namatayan siya ng mga mahal sa buhay. Ang kaniyang amang si Lamec ay namatay.b Pagkalipas ng limang taon, ang ama naman ni Lamec na si Matusalem, lolo ni Noe, ang namatay sa edad na 969—ang pinakamahabang buhay ng tao na napaulat sa Bibliya. (Gen. 5:27) Sina Matusalem at Lamec ay mga kapanahon ng unang taong si Adan.
16, 17. (a) Anong bagong mensahe ang tinanggap ni Noe noong kaniyang ika-600 taon? (b) Ilarawan ang di-malilimutang tanawin na nakita ni Noe at ng kaniyang pamilya.
16 Noong ika-600 taon ng patriyarkang si Noe, tumanggap siya ng bagong mensahe mula sa Diyos na Jehova: “Pumasok ka, ikaw at ang iyong buong sambahayan, sa loob ng arka.” Sinabi rin ng Diyos na ipasok sa arka ang lahat ng uri ng hayop—tigpipito sa malilinis na karapat-dapat ihandog at tigalawa sa iba pa.—Gen. 7:1-3.
17 Tiyak na di-malilimutan ang tanawing iyon. Mula sa malayo, makikitang sunud-sunod na dumarating ang libu-libong hayop na iba’t iba ang laki, anyo, at ugali—may naglalakad, may lumilipad, at may gumagapang. Tiyak na hindi nahirapan si Noe na papasukin sa arka ang lahat ng maiilap na hayop na iyon. Sinasabi ng ulat na “sila ay pumasok . . . kay Noe sa loob ng arka.”—Gen. 7:9.
18, 19. (a) Paano tayo mangangatuwiran kapag may kumuwestiyon sa pangyayaring inilarawan sa ulat tungkol kay Noe? (b) Paano natin makikita ang karunungan ni Jehova sa pinili niyang paraan ng pagliligtas sa mga hayop na nilalang niya?
18 Pero baka may kumuwestiyon: ‘Posible ba iyon? Puwede bang pagsama-samahin sa arka ang lahat ng hayop na iyon?’ Pag-isipan ito: Hindi ba kaya ng Maylalang ng buong uniberso na kontrolin ang mga hayop, o paamuin at pasunurin pa nga ang mga ito kung kailangan? Tandaan, si Jehova ang Diyos na lumalang sa mga hayop. Nang maglaon, hinati rin niya ang Dagat na Pula at pinatigil ang paglubog ng araw. Hindi ba niya magagawa ang lahat ng pangyayaring inilarawan sa ulat tungkol kay Noe? Siyempre kaya niya, at ginawa niya iyon!
19 Totoo, maaari namang iligtas ng Diyos sa ibang paraan ang mga hayop na nilalang niya. Pero pinili niya ang isang paraan na magpapaalaala sa atin na ipinagkatiwala niya sa mga tao ang pangangalaga sa lahat ng nabubuhay na nilalang sa lupa. (Gen. 1:28) Sa ngayon, ginagamit ng maraming magulang ang kuwento tungkol kay Noe para ituro sa kanilang mga anak na mahalaga kay Jehova ang mga hayop at mga tao na kaniyang nilalang.
20. Ano ang maaaring pinagkaabalahan ni Noe at ng kaniyang pamilya noong huling linggo bago ang Delubyo?
20 Sinabi ni Jehova kay Noe na isang linggo na lang at darating na ang Delubyo. Tiyak na abalang-abala noon ang pamilya. Kailangan nilang ayusin ang mga hayop at ang pagkain ng mga ito. Kailangan din nilang ipasok sa arka ang kanilang mga pagkain at gamit. Maaaring abala ang mga babae sa pag-aayos ng isang lugar na magsisilbing tirahan nila sa arka.
21, 22. (a) Bakit hindi tayo dapat magtaka sa pagwawalang-bahala ng mga tao noong panahon ni Noe? (b) Kailan natapos ang panunuya ng mga tao kina Noe?
21 Kumusta naman ang mga tao sa labas ng arka? ‘Hindi pa rin sila nagbigay-pansin’—kahit kitang-kita na ang ebidensiyang pinagpapala ni Jehova si Noe at ang kaniyang mga pagsisikap. Tiyak na napansin nila ang mga hayop na kusang pumapasok sa arka. Pero hindi na tayo dapat magtaka sa kanilang pagwawalang-bahala. Ang mga tao sa ngayon ay hindi rin nagbibigay-pansin sa napakaraming ebidensiyang nabubuhay na tayo sa mga huling araw ng sistemang ito ng mga bagay. At gaya ng inihula ni apostol Pedro, ang mga manunuya ay darating na may pagtuya, anupat lilibakin ang mga nakikinig sa babala ng Diyos. (Basahin ang 2 Pedro 3:3-6.) Tiyak na tinuya ng mga tao si Noe at ang kaniyang pamilya.
22 Kailan natapos ang panunuya? Ayon sa ulat, nang maipasok na ni Noe sa arka ang kaniyang pamilya at ang mga hayop, “isinara ni Jehova ang pinto sa likuran niya.” Kung may mga manunuyang malapit sa arka, tiyak na napatahimik sila nang gawin iyon ng Diyos. Kung hindi man, napatahimik sila nang umulan! At bumuhos nang bumuhos ang ulan—inapawan ng tubig ang buong lupa, gaya ng sinabi ni Jehova.—Gen. 7:16-21.
23. (a) Paano natin nalaman na hindi ikinatuwa ni Jehova ang pagkamatay ng masasama noong panahon ni Noe? (b) Bakit isang katalinuhang tularan ang pananampalataya ni Noe?
23 Ikinatuwa ba ni Jehova ang pagkamatay ng masasamang taong iyon? Hindi! (Ezek. 33:11) Binigyan niya sila ng sapat na pagkakataong magbago at gawin ang tama. Magagawa ba nila iyon? Nasagot iyan ng naging buhay ni Noe. Sa paglakad na kasama ni Jehova at pagsunod sa kaniyang Diyos sa lahat ng bagay, ipinakita ni Noe na posible ang kaligtasan. Sa diwa, hinatulan ng kaniyang pananampalataya ang sanlibutan noong panahon niya; pinatunayan ni Noe na posibleng mamuhay sa paraang nakalulugod sa Diyos. Dahil sa kaniyang pananampalataya, nakaligtas siya at ang kaniyang pamilya. Kung tutularan mo ang pananampalataya ni Noe, maililigtas mo rin ang iyong sarili at ang mga mahal mo sa buhay. Gaya ni Noe, makalalakad ka ring kasama ng Diyos na Jehova bilang iyong Kaibigan. At puwede kayong maging magkaibigan magpakailanman!
a Mas mahaba ang buhay ng mga tao noon kaysa sa ngayon, maliwanag na dahil malapit pa sila sa kalakasan at kasakdalang naiwala nina Adan at Eva.
b Pinangalanan ni Lamec ang kaniyang anak na Noe—malamang na nangangahulugang “Kapahingahan” o “Kaaliwan”—at inihulang tutuparin ni Noe ang kahulugan ng kaniyang pangalan sa pamamagitan ng pag-akay sa mga tao sa kapahingahan mula sa pagpapagal sa lupang isinumpa. (Gen. 5:28, 29) Hindi na nakita ni Lamec ang katuparan ng kaniyang hula. Ang ina at mga kapatid ni Noe ay maaaring namatay sa Baha.