ARALIN 53
Pasayahin si Jehova sa mga Pinipili Mong Libangan
Si Jehova ay “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Gusto niya na maging masaya tayo at mag-enjoy sa buhay. Natutuwa siyang makita kapag nagbibigay tayo ng panahon para magrelaks. Sa araling ito, tatalakayin natin kung paano tayo pipili ng mga libangang mag-e-enjoy tayo at magpapasaya rin kay Jehova.
1. Ano ang mga dapat pag-isipan kapag pumipili ng mga libangan?
Ano ang gusto mong gawin kapag nagrerelaks ka? May ilan na gusto lang sa bahay—magbasa ng aklat, makinig ng musika, manood ng pelikula, o mag-Internet. May ilan naman na gustong lumabas kasama ng mga kaibigan nila—mag-hiking, mag-swimming, o maglaro. Anuman ang gusto mong gawin, siguraduhin na ang mga pipiliin mong libangan ay “kalugod-lugod sa Panginoon.” (Efeso 5:10) Mahalagang maunawaan natin ito kasi karamihan sa mga popular na libangan sa ngayon ay may mga bagay na ayaw ni Jehova gaya ng karahasan, seksuwal na imoralidad, o espiritismo. (Basahin ang Awit 11:5.) Ano ang makakatulong para makapili tayo ng tamang libangan?
Kung pipili tayo ng mga kaibigan na mahal si Jehova, magiging magandang impluwensiya sila sa atin at sa mga pipiliin nating libangan. Gaya ng natutuhan na natin, “ang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong.” Pero kung lagi tayong makikisama sa mga tao na hindi sumusunod sa mga pamantayan ng Diyos, “mapapahamak” tayo.—Kawikaan 13:20.
2. Bakit mahalagang pag-isipan ang dami ng panahong ginagamit natin sa paglilibang?
Kahit nakakasunod sa mga pamantayan ni Jehova ang mga libangan natin, kailangan pa rin nating pag-isipan kung sobra na ang panahong nagagamit natin para dito. Kung hindi natin ito gagawin, baka mawalan na tayo ng panahon sa mas mahahalagang gawain. Nagpapayo ang Bibliya: “Gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.”—Basahin ang Efeso 5:15, 16.
PAG-ARALAN
Alamin kung paano ka pipili ng tamang libangan.
3. Iwasan ang masasamang libangan
Bakit mahalagang piliing mabuti ang mga libangan natin? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang pagkakatulad ng sinaunang laro ng mga gladiator sa ilang libangan sa ngayon?
Ano ang natutuhan ni Danny tungkol sa mga libangan?
Basahin ang Roma 12:9. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano makakatulong sa iyo ang tekstong ito para makapili ka ng tamang libangan?
Ano ang ilang bagay na kinapopootan ni Jehova? Basahin ang Kawikaan 6:16, 17 at Galacia 5:19-21. Sa bawat pagbasa ng teksto, talakayin ang tanong na ito:
Alin sa mga bagay na ito ang nakikita mo sa mga libangan ngayon?
Kung paano pipili ng tamang libangan
Tanungin ang sarili:
Ano? Mayroon ba itong mga bagay na kinapopootan ni Jehova?
Kailan? Nauubos ba nito ang panahon ko na para sana sa mas mahahalagang bagay?
Sino? Nagiging dahilan ba ito para mapalapít ako sa mga taong hindi mahal si Jehova?
Para maging ligtas, siguradong lalayo tayo sa anumang panganib. Iyan din ang dahilan kung bakit lalayo tayo sa mga libangan na posibleng makasamâ sa atin
4. Gamitin nang tama ang panahon mo
Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Sa video, kahit hindi masama ang pinapanood ng isang brother, ano ang epekto sa kaniya ng paggamit niya ng maraming panahon sa paglilibang?
Basahin ang Filipos 1:10. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano makakatulong sa iyo ang tekstong ito para makapagdesisyon kung gaano karaming panahon ang gagamitin mo sa paglilibang?
5. Pumili ng mga libangang makakabuti sa iyo
May ilang libangan na ayaw ni Jehova, pero marami pa ring libangan na nakakasunod sa mga pamantayan niya. Basahin ang Eclesiastes 8:15 at Filipos 4:8. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Anong mabubuting libangan ang nae-enjoy mo?
MAY NAGSASABI: “Wala namang masama sa mga libangang may karahasan, imoralidad, at espiritismo, basta hindi mo gagayahin ’yon.”
Ano ang isasagot mo?
SUMARYO
Gusto ni Jehova na pumili tayo ng mabubuting libangan at mag-enjoy.
Ano ang Natutuhan Mo?
Anong mga libangan ang dapat iwasan ng mga Kristiyano?
Bakit dapat mong pag-isipan ang dami ng panahong ginagamit mo sa paglilibang?
Bakit tayo pipili ng mga libangan na magpapasaya kay Jehova?
TINGNAN DIN
Tingnan kung sino talaga ang magdedesisyon sa pipiliing libangan ng isang tao.
Alamin kung paano ka makakagawa ng tamang desisyon pagdating sa paglilibang.
“Kapaki-pakinabang Ba ang Iyong Paglilibang?” (Ang Bantayan, Oktubre 15, 2011)
Sa kuwentong “Napagtagumpayan Ko Pa Nga ang Pagtatangi,” tingnan kung bakit binago ng isang lalaki ang mga libangan niya.
“Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay” (Ang Bantayan, Pebrero 1, 2010)
Tingnan kung paano nakagawa ng tamang desisyon ang isang nanay tungkol sa panooring may kinalaman sa espiritismo.