AMALEK, MGA AMALEKITA
Anak ng panganay ni Esau na si Elipaz, sa babae nito na si Timna. (Gen 36:12, 16) Si Amalek, apo ni Esau, ay isa sa mga shik ng Edom. (Gen 36:15, 16) Tinutukoy rin ng pangalan ni Amalek ang mga inapo ng kaniyang tribo.—Deu 25:17; Huk 7:12; 1Sa 15:2.
Ang paniniwala ng ilan na ang mga Amalekita ay nanggaling sa mas sinaunang pinagmulan at hindi mga inapo ng apo ni Esau na si Amalek ay hindi batay sa matibay at makatotohanang saligan. Ang ideya na ang mga Amalekita ay nauna pa kay Amalek ay salig sa kasabihan ni Balaam: “Ang Amalek ay siyang una sa mga bansa, ngunit ang kaniyang kawakasan sa dakong huli ay ang kaniya ngang pagkalipol.” (Bil 24:20) Gayunman, hindi tinutukoy rito ni Balaam ang kasaysayan sa pangkalahatan at ang pinagmulan ng mga bansa pito o walong siglo bago nito. Ang tinutukoy niyang kasaysayan ay yaong may kaugnayan lamang sa mga Israelita, na inupahan siyang sumpain at na malapit nang pumasok sa Lupang Pangako. Kaya nga, pagkatapos itala ang Moab, Edom, at Seir bilang mga kalaban ng Israel, ipinahayag ni Balaam na sa katunayan ang mga Amalekita ang “siyang una sa mga bansa” na babangon upang sumalansang sa mga Israelita sa paghayo ng mga ito palabas ng Ehipto patungong Palestina, at sa dahilang ito, ang kawakasan ng Amalek “ay ang kaniya ngang pagkalipol.”
Kaya nga, sa paglalahad ni Moises ng mga pangyayari noong mga araw ni Abraham bago ipanganak si Amalek, binanggit niya “ang buong kaparangan ng mga Amalekita,” maliwanag na inilalarawan ang rehiyon na alam ng mga tao noong panahon ni Moises, sa halip na ipahiwatig na ang mga Amalekita ay nauna kay Amalek. (Gen 14:7) Ang sentro ng Amalekitang teritoryo na ito ay sa H ng Kades-barnea sa disyerto ng Negeb sa timugang bahagi ng Palestina na ang mga sakop na kampo nito ay nakapangalat patungong Peninsula ng Sinai at hilagang Arabia. (1Sa 15:7) Maaaring umabot noon ang kanilang impluwensiya hanggang sa mga burol ng Efraim.—Huk 12:15.
Ang mga Amalekita ay “siyang una sa mga bansa” na naglunsad ng di-inaasahang pagsalakay sa mga Israelita pagkatapos ng Pag-alis, sa Repidim malapit sa Bundok Sinai. Dahil dito, itinalaga ni Jehova ang ganap na pagkalipol ng mga Amalekita. (Bil 24:20; Exo 17:8-16; Deu 25:17-19) Pagkaraan ng isang taon, nang tangkain ng mga Israelita na pumasok sa Lupang Pangako salungat sa salita ni Jehova, itinaboy sila ng mga Amalekita. (Bil 14:41-45) Makalawang ulit noong mga araw ng mga Hukom, ang mga kalabang ito ng Israel ay nakibahagi sa pagsalakay sa Israel. Ginawa nila ito noong mga araw ni Eglon na hari ng Moab. (Huk 3:12, 13) Muli, kasama ng mga Midianita at ng mga taga-Silangan, sinamsaman nila ang lupain ng Israel pitong taon bago sila lubusang tinalo ni Gideon at ng 300 tauhan nito.—Huk 6:1-3, 33; 7:12; 10:12.
Dahil sa namamalaging pagkapoot na ito, noong kapanahunan ng mga hari, ‘hiningan ni Jehova ng sulit’ ang mga Amalekita, anupat iniutos kay Haring Saul na pabagsakin ang mga ito, na ginawa naman niya “mula sa Havila hanggang sa Sur, na nasa tapat ng Ehipto.” Gayunman, bilang paglabag sa utos ni Jehova, pinaligtas ni Saul si Agag na hari ng mga ito. Ngunit ang Diyos ay hindi nalibak, sapagkat “pinagtataga ni Samuel si Agag sa harap ni Jehova sa Gilgal.” (1Sa 15:2-33) Kabilang sa mga nilusob ni David ang mga nayon ng mga Amalekita, at nang salakayin naman ng mga ito ang Ziklag at tangayin ang mga asawa at mga pag-aari ni David, ang mga ito ay naabutan niya at ng 400 lalaki, anupat nabawi ang lahat ng ninakaw. (1Sa 27:8; 30:1-20) Noong panahon ng paghahari ni Hezekias, nilipol ng ilan sa tribo ni Simeon ang nalabi sa mga Amalekita.—1Cr 4:42, 43.
Wala nang iba pang tuwirang pagbanggit sa mga Amalekita sa kasaysayan ng Bibliya o sa sekular na kasaysayan. Gayunman, si “Haman na anak ni . . . na Agagita” ay malamang na isang inapo, sapagkat “Agag” ang titulo o pangalan ng ilang Amalekitang hari. (Es 3:1; Bil 24:7; 1Sa 15:8, 9) Kaya ang mga Amalekita, kabilang na yaong mga binanggit sa pangalan, ay pinawi “upang malaman ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.”—Aw 83:6-18.