BABOY-RAMO
[sa Heb., chazirʹ].
Ang hayop na ito ay binanggit sa Kasulatan sa Awit 80:13, kung saan tinukoy ang paninira nito sa di-nababantayang mga ubasan. Ipinapalagay na ang tinutukoy rito ay ang baboy-ramong gubat (hindi ang lalaking alagang baboy, na kamag-anak nito). Ang hayop na ito (Sus scrofa) ay makikita pa rin sa mga latian ng Palestina.
Ang isang malaking baboy-ramong gubat ay maaaring tumimbang nang mga 160 kg (350 lb), may haba na halos 1.5 m (5 piye), at may taas na 1 m (3 piye) hanggang sa balikat. Ang nguso ng baboy-ramong gubat ay bagay na bagay sa pagdudukal ng pagkain sa gitna ng maliliit na halaman sa kagubatan. Ang mga pangil, lalo na ng lalaki, ay isang nakatatakot na sandata, at sa pamamagitan nito ay kayang-kaya niyang wakwakin ang isang kabayo. Hindi lamang mapanganib ang hayop na ito kundi mapaminsala rin, at sinasabi na kayang sirain ng isang pulutong ng mga baboy-ramo ang isang buong ubasan sa magdamag. Bagaman mga halaman ang pangunahing kinakain nito, kumakain din ito ng mga ugat, butil, bulati, susô, maliliit na hayop, itlog ng mga ibon, at iba pang mga katulad nito.