MAY-ARI NG LUPAIN
Mula pa noong sinaunang mga panahon, kinikilala na ang mga karapatan ng mga may-ari ng lupain o ng mga may-ari ng lupa (sa Heb., beʽa·limʹ, sa literal, mga may-ari) sa kanilang mga pag-aari. Nakipagkasundo si Abraham kay Epron na Hiteo upang mapasakaniya ang isang dakong libingan para sa kaniyang asawang si Sara, anupat nang dakong huli ay binili niya ang isang parang sa isang itinakdang halaga at ang transaksiyong iyon ay ginawang legal sa harap ng taong-bayan. (Gen 23:1-20) Noong panahon ng isang taggutom sa Ehipto, bumili si Jose ng lupain para kay Paraon mula sa mga Ehipsiyong may-ari ng lupain kapalit ng pagkain. (Gen 47:20-26) Ang tapat na lingkod ng Diyos na si Job, na naninirahan noon sa lupain ng Uz, ay nagkaroon naman ng mga ari-ariang maipamamana, walang alinlangang ang iba nito ay lupain, na ibinigay niya sa kaniyang mga anak na lalaki at mga anak na babae. (Job 1:4; 42:15) Gayunman, si Jehova ang Kataas-taasang May-ari ng Lupain, at ipinakikita ng mga pakikitungo niya na mananagot sa kaniya ang mga tao sa paraan ng paggamit nila sa kaniyang ari-arian.—Aw 24:1; 50:10-12.
Sa Israel. Nang dalhin ni Jehova sa Canaan ang Israel, ginamit niya ang kaniyang karapatan bilang Panginoon at May-ari ng buong lupa upang itaboy ang mga Canaanita, na sa diwa ay mga iskuwater sa lupaing iyon. (Jos 3:11; 1Co 10:26) Ang yugto ng pagpapahintulot ng Diyos na gamitin nila ang lupain ay nagwakas na. Bagaman mahigit sa 450 taon bago nito ay ipinangako ng Diyos na ibibigay niya ang lupain sa binhi ni Abraham, sinabi niya kay Abraham: “Ang kamalian ng mga Amorita [isang termino na ginagamit kung minsan para sa lahat ng mga tribong Canaanita] ay hindi pa nalulubos.” (Gen 15:7, 8, 12-16) Kaya naman, gaya ng sinabi sa mga Judio ng Kristiyanong martir na si Esteban, ‘hindi binigyan ng Diyos si Abraham ng anumang pag-aaring mamanahin sa lupain, hindi, ni ng sinlapad-ng-talampakan; ngunit nangako siyang ibibigay ito sa kaniya bilang pag-aari, at sa kaniyang binhi na kasunod niya, samantalang noon ay wala pa siyang anak.’—Gaw 7:5.
Hindi dapat manalakay at makipagdigma ang Israel upang palawakin pa ang kanilang teritoryo sa pamamagitan ng pagkuha sa ari-arian ng nakapalibot na mga bansa. Binabalaan ni Jehova ang Israel na dapat nilang igalang ang mga karapatan sa pag-aari ng ilang bansa na tinakdaan niya ng lupain. Ang mga bansang ito ay ang Edom, Moab, at Ammon, mga kamag-anak ng mga Israelita sa pamamagitan ni Esau (Edom) at ni Lot (Moab at Ammon).—Deu 2:4, 5, 9, 19.
Ipinagkatiwala lamang ang Lupang Pangako. Maging ang bayang Israel, na sa kanila ibinigay ng Diyos ang lupain upang pakinabangan nila iyon bilang mga may-ari ng lupain, ay sinabihan ni Jehova na hindi sila ang aktuwal na mga may-ari niyaon kundi ipinagkatiwala lamang iyon sa kanila. Sinabi niya may kinalaman sa pagbibili ng lupaing ari-arian ng pamilya: “Kaya ang lupain ay hindi ipagbibili nang panghabang-panahon, sapagkat ang lupain ay akin. Sapagkat kayo ay mga naninirahang dayuhan at mga nakikipamayan ayon sa aking pangmalas.” (Lev 25:23) Pinatalsik ng Diyos ang mga Canaanita mula sa lupain dahil sa kanilang kasuklam-suklam na mga gawain. Nagbabala siya na kukunin din niya sa Israel ang lahat ng karapatan sa pagmamay-ari sa lupain at itataboy niya sila mula roon kung susunod sila sa gayong mga gawain, at nang gawin nga nila iyon noong dakong huli, sila ay pinayaon sa pagkatapon. (Lev 18:24-30; 25:18, 19; 26:27-33; Jer 52:27) Pagkatapos ng 70-taóng pagkatiwangwang ng kanilang lupain, mula 607 hanggang 537 B.C.E., may-kaawaan silang itinatag na muli roon ng Diyos, ngunit ngayon ay sa ilalim na ng pamumunong Gentil. Nang bandang huli, noong 70 C.E., lubusang winasak ng mga Romano ang Jerusalem at ipinangalat nila ang taong-bayan nito.
Sa loob ng bansa, ang mga tribo ay inatasan ng kani-kaniyang seksiyon ng lupain o ng mga lunsod na nasa loob ng mga hangganan ng ibang mga tribo. Ang mga saserdote at mga Levita ay binigyan ng mga lunsod na may mga pastulan. (Jos 15-21) Sa loob naman ng mga tribo, ang mga pamilya ay tinakdaan ng kanilang mana. Ang mga bahaging ito ay lumiit pa habang hinahati-hati ng mga pamilya ang kani-kanilang takdang bahagi dahil sa pagdami nila. Bilang resulta, lubusang nasaka at nagamit ang lupain. Ang mga mana ay hindi pinahintulutang magpalipat-lipat sa tribo at tribo. Upang maiwasan ito, ang mga babaing nagmana ng lupain (dahil wala silang buháy na mga kapatid na lalaki) ay kailangang mag-asawa sa loob lamang ng kanilang tribo upang mapanatili sa kanila ang kanilang mana.—Bil 36:1-12.
Kung ang isang lalaki ay mamatay na walang anak na lalaki, maaaring kunin ng kaniyang kapatid na lalaki (o ng pinakamalapit niyang kamag-anak, kung wala siyang kapatid na lalaki) ang kaniyang balo bilang asawa upang magkaroon ito ng supling mula sa nabalong babae. Maaari ring tubusin ng lalaking nag-asawa sa balong iyon ang mana ng namatay na lalaki, kung ito ay ipinagbili. (Ru 4:9, 10, 13-17) Kukunin ng panganay na anak ng babae ang pangalan, hindi ng tunay niyang ama, kundi ng unang asawa ng babae, sa gayon ay aariin niya ang lupaing mana nito at pananatilihin niyang buháy ang pangalan ng namatay na lalaki sa mana nito sa Israel.—Deu 25:5, 6.
Ang taon ng Jubileo. Sinabi ng Diyos sa Israel: “Walang sinuman ang dapat maging dukha sa gitna mo.” (Deu 15:4, 5) Hangga’t ipinangingilin nila ang taon ng Jubileo, hindi masasadlak ang bansa sa isang situwasyon kung saan may dalawang uri lamang ng tao, ang mayamang-mayaman at ang dukhang-dukha. Tuwing ika-50 taon (binilang mula sa panahon ng pagpasok ng Israel sa Canaan), ang bawat tao ay babalik sa kaniyang mana, at anumang lupaing ipinagbili niya ay isasauli sa kaniya. Dahil sa kautusang ito, bumababa ang halaga ng lupain taun-taon habang papalapit ang Jubileo. Ang totoo, sa diwa ay inuupahan lamang ng taong bumili ang lupain, anupat ang halaga nito ay depende sa bilang ng pag-aani hanggang sa taon ng Jubileo. (Lev 25:13-16, 28) Ang mana ng isang tao ay hindi naman laging nananatili sa nakabili hanggang sa Jubileo. Kung ang orihinal na may-ari ay magkaroon ng sapat na salapi, maaari niyang tubusin ang lupain. Gayundin, maaari itong tubusin ng sinumang manunubos (malapit na kamag-anak) para sa orihinal na may-ari.—Lev 25:24-27.
Hindi maaaring pilitin ang isang tao na ipagbili ang kaniyang ari-arian. Ni may karapatan man ang pamahalaan na ariin ang alinmang lupain sa Israel. Ang isang halimbawa nito ay nang tanggihan ni Nabot na ipagbili kay Haring Ahab ang isang bukid na minana niya.—1Ha 21:1-4, 17-19; ihambing ang Eze 46:18.
Ang mga Levita. Bilang proteksiyon sa mga Levita, ang kanilang mga bukid ay hindi maaaring ipagbili; ito’y sa dahilang walang indibiduwal na lupaing mana ang mga Levita—mga bahay lamang sa mga lunsod ng mga Levita ang ibinigay sa kanila at ang mga pastulang nakapalibot sa mga iyon. Kapag ipinagbili ng isang Levita ang kaniyang bahay sa isang lunsod ng mga Levita, ang karapatang tumubos ay nananatili sa kaniya, at sa Jubileo, pinakamatagal na, ay ibabalik iyon sa kaniya.—Lev 25:32-34.
Habang nagluluwal ng ani ang mabungang lupain, ang Dakilang Propyetaryo ng buong lupain ay hindi dapat kaligtaan. Sa pamamagitan ng kaayusan ng pagbibigay ng ikapu, ang ikasampung bahagi ng ani ay dapat gamitin bilang panustos ng mga Levita sa kanilang mahahalagang gawain may kaugnayan sa pagsamba kay Jehova, sa gayon ay nakikinabang ang buong Israel sa espirituwal na paraan.—Bil 18:21-24; Deu 14:22-29.
Ang santuwaryo. Ang santuwaryo ni Jehova ay maituturing ding isang may-ari ng lupa dahil sa mga bukid na “pinabanal” kay Jehova; samakatuwid nga, ang mga ani mula sa mga bukid na ito ay napupunta sa santuwaryo sa isang yugto ng panahon na itinalaga ng may-ari. (Lev 27:16-19) Kung ang isang bukid na “pinabanal” ng may-ari ay hindi tinubos, kundi ipinagbili sa ibang tao, ang bukid na iyon ay magiging permanenteng pag-aari ng santuwaryo sa panahon ng Jubileo. (Lev 27:20, 21) Gayundin, ang mga bukid na “itinalaga” naman ng mga may-ari para sa santuwaryo ay mananatiling permanenteng pag-aari ng santuwaryo.—Lev 27:28.
Sa Kongregasyong Kristiyano. Malinaw na makikita sa Bibliya na kinilala sa kongregasyong Kristiyano ang indibiduwal na mga karapatan sa pag-aari. Nang maitatag ang kongregasyon, noong araw ng Pentecostes, 33 C.E., maraming Judio at proselita ng relihiyong Judio mula sa ibang mga lupain ang nagtipon sa Jerusalem upang ipangilin ang kapistahan. Marami sa mga ito ang naroon at nakapakinig sa diskurso ni Pedro at nagsimulang maging mga mananampalataya ni Kristo. (Gaw 2:1, 5, 9-11, 41, 42, 47) Nanatili sila upang matuto pa nang higit. Kaya, kusang-loob na ipinagbili ng mga Kristiyano ang kanilang mga pag-aari at ipinamahagi ang pinagbilhan upang matulungan ang mga dumalaw na ito at ang iba pang mga nangangailangan. Ang “lahat ng bagay [ay naging] para sa lahat.” (Gaw 2:44-46) Hindi iyon sosyalismo o komunismo, kundi isang kusang-loob na pagbabahagi sa iba upang makatulong sa mga taong interesado sa mabuting balita at sa higit pang pagpapalaganap nito.
Nang maglaon, sa ganito ring kadahilanan, at dahil na rin sa pag-uusig sa mga Kristiyano ng mga tagapamahala ng Jerusalem, nagpatuloy ang kinagawiang iyon sa patnubay ng espiritu at ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos. Ipinagbili ang mga bukid at ang pinagbilhan ay dinala sa mga apostol, na siya namang nangasiwa sa programa ng pagtulong. (Gaw 4:31-37) Ngunit ang ari-arian ng bawat Kristiyano ay sarili niyang pag-aari at ang mga karapatan niya rito ay hindi maaaring panghimasukan; hindi siya obligadong ilagay ang kaniyang ari-arian sa isang pondo para sa lahat. Itinuring na isang pribilehiyo ang paggawa niyaon, hindi isang tungkulin. Tamang motibo ang nangibabaw at nagpakilos sa bukas-palad na mga Kristiyanong ito.
Gayunman, sa kaso nina Ananias at Sapira, nagpakana sila ng isang mapagpaimbabaw na palabas upang purihin at parangalan sila ng mga tao. Nagsabuwatan sila na ipagbili ang isang bukid at na isang bahagi lamang ng pinagbilhan nito ang ibigay sa mga apostol, anupat kanilang inangkin na bukas-palad nilang ibinigay ang buong pag-aari. Sa patnubay ng banal na espiritu, nahalata ni Pedro kung ano ang ginagawa nila. Hindi niya sinabi, ‘Bakit hindi ninyo ibinigay sa amin ang lahat ng salaping natanggap ninyo kapalit ng bukid?’ na para bang obligado silang gawin iyon. Sa halip, sinabi niya: “Ananias, bakit pinalakas ni Satanas ang iyong loob na magbulaan sa banal na espiritu at lihim na ipagkait ang bahagi ng halaga ng bukid? Hangga’t nananatili pa iyon sa iyo, hindi ba iyon nananatiling iyo, at pagkatapos na maipagbili iyon, hindi ba nasa pamamahala mo pa rin iyon? Bakit mo nga nilayon sa iyong puso ang ganitong gawa? Nagbulaan ka, hindi sa mga tao, kundi sa Diyos.”—Gaw 5:1-4.
Pagkaraan ng mga tatlong oras, si Sapira, na hindi alam ang nangyari, ay pumasok at gumawa ng gayunding pag-aangkin, at sumagot si Pedro: “Bakit nga pinagkasunduan ninyong dalawa na subukin ang espiritu ni Jehova?” (Gaw 5:7-9) Nagkasala sila ng pagsisinungaling kay Jehova, anupat nilibak nila siya at ang kaniyang kongregasyon, na para bang wala roon ang espiritu ng Diyos. (Gal 6:7) Hindi naman sila pinilit na ibigay ang kanilang ari-arian batay sa isang uri ng koleksiyon para sa lahat.
Dapat Kilalanin ang Pagmamay-ari ni Jehova. Yamang si Jehova ang May-ari ng lahat ng lupain, dapat na igalang ng taong nagmamay-ari ng lupain sa planetang Lupa ang kaniyang pag-aaring ito at dapat niyang gamitin ito sa wastong paraan. Kung hindi, masisira ito at sa bandang huli ay tuluyan itong mawawala sa kaniya. (Kaw 24:30-34) Dapat ding kilalanin ng mga bansa ang bagay na ito. (Isa 24:1-6; Jer 23:10) Sa bandang huli, yaon mismong mga nagwawalang-bahala sa simulaing ito ay ipapahamak.—Apo 11:18.
Ang pagkilala na ang Diyos ang tunay na nagmamay-ari ng lupain ay hahadlang din sa isang tao na sikaping ariin ang isang lupain sa sakim o maling paraan. (Kaw 20:21; 23:10, 11) Nang iwan ng Israel ang kautusan ng Diyos, may mga tao na laban sa kanila ay nagpahayag ng kahatulan ang Diyos, anupat sinabi niya: “Sa aba ng mga nagdurugtong ng bahay sa bahay, at ng mga nagsusudlong ng bukid sa bukid hanggang sa wala nang dako at kayo na lamang ang tumatahan sa gitna ng lupain!”—Isa 5:8; Mik 2:1-4.
Sa kabilang dako, sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.” (Mat 5:5; Aw 37:9, 22, 29) Tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na manalangin sa Diyos: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mat 6:10) Sa ilalim ng pang-Kahariang soberanya ng Dakilang May-ari ng Lupain, yaong mga tapat na gumagamit sa lupaing ipinagkatiwala niya sa kanila ay lubos na magagalak na magmay-ari nito sa ilalim ng ganap na katiwasayan. Nang magbigay ang Diyos ng mga hula ng pagsasauli sa pamamagitan ng bibig nina Isaias at Mikas, sinabi niya kung ano ang kaniyang pangmalas hinggil sa wastong mga kalagayan ng pagmamay-ari ng lupain. Ipinakikita ng mga ito kung anong situwasyon ang paiiralin niya kapag ‘nangyari na ang kaniyang kalooban sa lupa.’ Sinabi niya tungkol sa kaniyang bayan: “Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain.” “At uupo sila, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.”—Isa 65:21, 22; Mik 4:4; tingnan ang BAYAN (MGA TAO) NG LUPAIN, TAO SA LUPA.