Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
‘Ang Nakakasumpong ng Karunungan ay Nakakasumpong ng Buhay’
“ANG KATOTOHANAN ay umaakit ng ‘lahat ng uri ng mga tao,’ na galing sa sarisaring komunidad na bumubuo ng modernong Estado ng Israel,” ang isinulat ng tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa bansang iyan. Ang tapat-pusong mga naghahanap na ito ng katotohanan ay binibigyan ng katiyakan: “Ang nakakasumpong sa akin [karunungan] ay tunay na makakasumpong ng buhay, at magtatamo ng kabutihang-loob buhat kay Jehova.” (Kawikaan 8:35) Ito’y pinatutunayan ng karanasan ng isang babae sa Israel.
◻ Isa sa mga Saksi ni Jehova ay dumalaw sa isang suskritor ng Watchtower at isinaayos na magdaos sa kaniya ng pag-aaral sa Bibliya. Sumang-ayon ang babaing iyon na siya’y aralan. Nabalitaan iyon ng isa niyang kapitbahay at ito’y dumalo. Ang kapitbahay na iyon ay “agad nakaunawa na ito na nga ang kaniyang hinahanap noong lumipas na mga ilang taon,” sabi ng ulat. At anong daling nabago niya ang kaniyang buhay! Siya at ang kaniyang asawa ay maghihiwalay na sana mga ilang araw na lamang ngunit kanilang iniurong iyon at sila’y nakipagpayapaan sa isa’t isa. Ang babaing ito ay nakalulong sa astrolohiya at kaugnay sa isang kulto, ngunit kaniyang ipinagtatapon ang mamahaling mga aklat at lahat ng bagay na may kaugnayan sa demonismo. Siya’y dumalo na sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova at nangaral na sa mga kamag-anak at mga kaibigan tungkol sa kaniyang bagong-katutuklas na pananampalataya. Tungkol sa mga kaibigan na nagsilayo sa kaniya ng dahil dito, sinabi niya: “Maliwanag, sila’y hindi mga tunay na kaibigan.”
Ngayon ang babaing ito ay nagpapatotoo nang buong sigla sa mga namimili sa tindahan nila at palagiang nakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita sa bahay-bahay. Anong tuwa niya at kaniyang nasumpungan ang karunungan at napag-alaman ang kahanga-hangang mga paglalaan ni Jehova para sa pagtatamo ng buhay na walang hanggan sa Kaniyang bagong sistema! Ang kaniyang kapitbahay na siyang talagang suskritor ay nagpapatuloy din na makipag-aral at sumusulong.
◻ Si Lloyd ay doon nakatira sa Guyana. Matagal din ang kaniyang pinagtiisan upang makamit ang kalayaan ng relihiyon. Sinimulan niya ang paghahanap bilang isang Presbiteryano. Siya’y nag-asawa ng isang babaing Hindu at ito’y naging isang Presbiteryano rin. “Nasiraan ako ng loob dahil sa nakita kong pagpapaimbabaw” sa relihiyong iyan, ang nang malaunan ay inamin niya. Kaya’t siya’y lumipat sa Islam, subalit dito’y hindi siya nasiyahan sa kaniyang paghahanap ng kalayaan. Pagkatapos ay sinubok niya ang Hinduismo. Pagkatapos na matututo ng marami tungkol sa reinkarnasyon at sa mga batas ng Karma, siya’y nagsimulang mag-alinlangan sa mga doktrinang ito. Siya’y lumipat naman sa okultismo, nagtayo ng isang dambana at kaniyang dinoktrinahan ang kaniyang pamilya sa turong iyan. “Subalit ang nakasisindak at kakila-kilabot na mga karanasan ko at ng aking pamilya ang humila sa akin na umalis sa relihiyong ito,” aniya. Ang sinunod naman niya ay isang materyalistikong paraan ng pamumuhay, ngunit ang kaniyang pamilya ay nagkakawatak-watak. Kaya’t ang sabi niya: “Ako’y nanalangin sa Diyos, sa Ama, si Allah, at kay Ram at sinabi ko sa kaniya na ako’y nakikipag-usap sa Maylikha ng lahat ng bagay. Ipinabatid ko sa kaniya na ibig kong paluguran siya at hindi ang tao.”
Sa puntong ito isang “maganda ang bihis, marahang magsalita, at mahinahon” na Saksi ni Jehova ang dumalaw sa bahay ni Lloyd at sinagot ang kaniyang mga tanong sa ikinasiya niya. Iniwanan siya ng Saksi ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang Hanggan at ng isang Bibliya. Hindi nagtagal at isang pag-aaral sa Bibliya ang sinimulan upang aralan si Lloyd at ang kaniyang maybahay. Sila’y sumulong sa kaalaman, humiwalay sa Babilonyang Dakila, ang pambuong daigdig na sistema ng huwad na relihiyon. At nang sumapit ang panahon ay nag-alay sila ng sarili kay Jehova at nabautismuhan. Ang sabi ni Lloyd: “Ang pag-ibig, tunay na pag-ibig ang humalili sa pagkapoot at galit; at pinakamahalaga sa lahat, nagkaroon ng kabuluhan at layunin ang aming buhay.”
Ngayon sila ay nagagalak sa ‘katotohanan na nagpalaya sa kanila.’—Juan 8:32.
◻ Isang kabataang babae sa Seychelles ang nakakilala rin kay Jehova, at ang resulta’y pagtatamo ng pagpapala. Siya’y kinakasama ng isang lalaki at sila’y maraming naging anak. Naunawaan ng babae ang katotohanan na kaniyang natututuhan buhat sa Bibliya ngunit nahirapan siya na manindigan upang maging karapat-dapat maglingkod kay Jehova. Siya’y naninirahan sa isang magandang tahanan na may mga kaginhawahan na iilan lamang mga tao ang nagtatamasa. Pagkatapos ng panalangin at pampatibay-loob buhat sa tagapangasiwa ng sirkito, sa kaniyang kinakasamang lalaki ay iniharap niya ang dapat gawin—sila’y kailangang magpakasal nang legal, o maghiwalay. Alinman diyan ay hindi gusto ng lalaki, kaya’t ang babaing ito ang humiwalay. Anong tuwa niya at ngayon ay karapat-dapat na siyang mangaral ng mabuting balita at ialay kay Jehova ang kaniyang buhay at mabautismuhan! Ganito nga ang kaniyang ginawa. Mangyari pa, ang lalaking kinakasama niya noon ay totoong humanga sa kaniyang paninindigan sa mga simulain ng Bibliya kung kaya’t ito’y nagsimulang magsaayos na pagkaisa-isahin ang sambahayan sa pamamagitan ng legal na pagpapakasal.
Sinabi ng salmista: “Sapagkat nasa iyo [Jehova] ang bukal ng buhay.” (Awit 36:9) Ito’y kinikilala rin ng mga taong ito at sila’y humanap ng karunungan upang makilala si Jehova at ang kaniyang mga kahilingan ukol sa buhay. Anong laki ng kanilang pagpapahalaga sa katotohanan na “ang isang nakakasumpong ng [karunungan] ay tunay na makakasumpong ng buhay”!