“Si Jehova na Aming Diyos ang Paglilingkuran Namin”
“Sa ganang akin at ng aking sambahayan, kami ay maglilingkod kay Jehova.”—JOSUE 24:15.
1. Paano ang aklat ni Josue ay nagbibigay sa atin ng ikatitibay-loob at ng proteksiyon?
ANG nakapupukaw na mga pangyayari ng aklat ng Josue ay isinulat “para magturo sa atin” at bilang “mga halimbawa” na magpapatibay-loob at magbibigay-proteksiyon sa atin “na dinatnan ng mga katapusan ng mga sistema ng mga bagay.” (Roma 15:4; 1 Corinto 10:11) Ang maka-Diyos na mga katangian, gaya ng pagtitiis, pananampalataya, at pagsunod ay itinatampok. “Sa pananampalataya ang mga pader ng Jerico ay nagiba pagkatapos na kubkubin nang may pitong araw. Sa pananampalataya si Rahab na patutot ay hindi napahamak na kasama ng mga masuwayin, sapagkat kaniyang tinanggap ang mga espiya sa mapayapang paraan.” (Hebreo 11:30, 31) Ang pananampalataya ni Josue, Rahab, at iba pang tapat na mga tao noong lumipas na panahon ay dapat magpasigla sa atin na magpakatibay-loob at magpakalakas, upang matapos ang gawain ng Diyos sa ngayon.—Josue 10:25; Juan 4:34.
2. (a) Paano naging masunurin si Josue hanggang sa pinakamaliit na bagay? (b) Ano ang naganap sa mga bundok ng Ebal at Gerizim?
2 Pagkatapos ng malaking tagumpay sa Ai, si Josue ay nagbigay ng pansin sa detalyadong mga instruksiyon na nakasulat sa Deuteronomio 27:1–28:68. Sa Bundok Ebal ay nagtayo siya ng isang dambana ng buo-buong mga bato, at doo’y isinagawa niya ang pag-uutos: “Ikaw ay maghahain ng mga handog tungkol sa kapayapaan at iyong kakanin doon, at ikaw ay magagalak sa harap ni Jehova mong Diyos.” Ang mga iba pang bato ay itinayo roon bilang isang alaala, pinaputi, at ang mga salita ng Kautusan ay isinulat sa mga iyon. Pagkatapos ay binaha-bahagi ang mga tribo, ang isang grupo’y nakatayo sa Bundok Gerizim “upang basbasan ang bayan” at ang iba naman “upang sumumpa sa Bundok Ebal.” Sa malalakas na tinig ay sinalita ng mga Levita ang mga sumpa para sa pagsuway, at ang buong bayan ay tumugon: “Amen!” Pagkatapos ay sinalita naman ang mga pagpapala para sa pagsunod. Subalit sa aba ng Israel kung sila’y magkukulang ng ‘pagtupad sa lahat ng mga salita ng kautusan at ng pagkatakot sa maningning at kasindak-sindak na pangalan ng Diyos na Jehova’!—Josue 8:32-35.
3, 4. (a) Anong mahalagang aral ang ibinibigay sa atin ngayon ng naging hakbangin ng Israel? (b) Bakit tayo di dapat magsawa ng pakikinig sa iyon-din at iyon-ding mga bagay? (c) Ano ang kailangan upang makapasok sa “makipot na pintuan”?
3 Ang Israel ba’y nagpatuloy ng pagsunod sa ‘mga salita ng kautusan’? Sa kabila ng malimit uliting mga paalaala ni Moises, at nang malaunan ni Josue, sila’y nagkulang nang malaki. Isang mahalagang aral ang ibinibigay nito para sa atin ngayon! Sa kabila ng patuloy na mga babala, mayroon pa ring mga iba na nag-iisip na maaari nilang salansangin ang mga kahilingan ng Diyos, ‘patuloy na lumakad ng kanilang sariling lakad,’ at makaligtas pa rin. Anong laking kamangmangan! Sa pagtukoy sa nakalipas na mga karanasan ng Israel, sinabi ni Pablo: “Ang may akalang siya’y nakatayo ay mag-ingat na baka mabuwal.”—1 Corinto 10:12; Eclesiastes 2:13.
4 Ang mga ibang nasa bayan ng Diyos ay pumipintas sa mga babala na ibinigay, at sinasabi nila na sila’y nagsasawa na ng pakikinig sa iyon-din at iyon-ding mga bagay. Subalit ang mga ito ang kadalasan siyang mga unang nahuhulog sa silo ni Satanas. Ang kinasihang aklat ng Bibliya na Deuteronomio (sa Hebreo Mish·nehʹ hat·to·rahʹ, na ibig sabihin “Pag-ulit ng Kautusan”) ay binubuo ang malaking bahagi ng apat na diskurso ni Moises; nililiwanag nito sa Israel na sila’y kailangang sumunod sa dati nang ipinahayag na mga kautusan ni Jehova. Si Moises ay gumamit ng mahigit na makaapat na beses na daming mga salita sa pagbababala tungkol sa pagsuway at sa ibubungang “mga sumpa” gaya rin ng ginamit niya sa pagpapahayag tungkol sa “mga pagpapala.” Sa Bundok Ebal, si Josue ay muling nagbabala sa Israel na sila’y kailangang sumunod. Hindi baga ipinakikita nito sa atin kung gaano kahalaga ang pagsisikap na “pumasok sa makipot na pintuan”?—Mateo 7:13, 14, 24-27; 24:21, 22.
5. Anong nagsama-samang pangkat ang napaharap ngayon sa Israel, at anong kahawig na kalagayan ang nakikita natin sa ngayon?
5 Ngayo’y napipinto ang pagtatagisan ng lakas. Ang pinaka-pintuang lunsod ng Jerico ay naigiba na, gaya rin ng huwad na relihiyon na igigiba pagsisimula ng “malaking kapighatian.” Ang Ai ay bumagsak na. Subalit ngayon “lahat ng hari na nangasa dako roon ng Jordan sa lupaing maburol at sa Shepelah at sa buong baybayin ng Malaking Dagat at sa harap ng Lebanon, ang mga Hiteo at ang mga Amoreo, Canaaneo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo . . . ay nagsama-sama upang magkaisa-isa ng pakikidigma kay Josue at sa Israel.” (Josue 9:1, 2) Sa modernong-panahong kahalintulad nito, makikita natin na ang mga bansa sa lupa ngayon ay nagsama-sama sa isang di-umano’y Nagkakaisang mga Bansa. Sila’y humahanap ng kapayapaan at katiwasayan para sa kanilang sarili ayon sa kanilang sariling mga kondisyon ngunit sila’y “nagsama-sama sa pagkakaisa-isa laban kay Jehova at laban sa kaniyang pinahiran,” ang Lalong-dakilang Josue. (Awit 2:1, 2) Ano ang kalalabasan nito?
Mautak na Pagkilos
6, 7. (a) Sa ano nagpakita ng interes ang mga Gibeonita, at anong estratihiya ang kanilang ginamit? (b) Paano pinakitunguhan ni Josue ang bagay na iyon?
6 Gaya ni Rahab na nauna sa kanila, ang mga ibang di-Israelita ay nagsimula ngayon na magpakita ng interes sa kaligtasan. Ito’y ang mga naninirahan sa Gibeon (Gabaon), isang malaking lunsod sa gawing hilaga ng Jebus, o Jerusalem. Kanilang nabalitaan ang mga kababalaghang ginawa ni Jehova at sila’y desidido na makasumpong ng kapayapaan at katiwasayan batay sa mga kondisyon ni Jehova. Subalit paano? Sa kampamento ng Israel sa Gilgal sila’y nagsugo ng mga lalaking may dalang mga tuyot at kakatiting na mga pagkain at mga lumang bayong at sisidlang-balat at nangakasuot ng mga tagpi-tagping mga damit at sandalyas. Sila’y lumapit kay Josue, at ang sabi ng mga lalaking ito: “Sa isang pagkalayu-layong lupain nanggaling ang iyong mga lingkod at pumarito kami dahilan sa pangalan ni Jehova na inyong Diyos, sapagkat nabalitaan namin ang kaniyang kabantugan.” Nang marinig ito, “si Josue ay gumawa ng pakikipagpayapaan sa kanila at ng pakikipagtipan sa kanila upang sila’y mabuhay.”—Josue 9:3-15.
7 Subalit, hindi nagtagal ay napag-alaman ng Israel na ang mga Gibeonita (Gabaonita) ay doon pala ‘naninirahang kasa-kasama nila’! Ano ngayon ang ginawa ni Josue nang kaniyang mapag-alaman na siya pala’y kanilang napaglalangan? Kaniyang tinupad ang sinumpaang pangako niya sa kanila, ‘na sila’y pabayaang mabuhay, at maging tagapanguha ng kahoy at mga tagaigib ng tubig para sa buong kapisanan.’—Josue 9:16-27; ihambing ang Deuteronomio 20:10, 11.
8. Sa paano inilarawan ng mga Gibeonita ang “malaking pulutong”?
8 Marami sa mga Nethinim, na noong bandang huli ay naglingkod sa templo ni Jehova, ang malamang na mga inapo ng mga Gibeonita. Kung gayon ang mga Gibeonita ay maaaring isang mainam na larawan ng “malaking pulutong” na ngayo’y naghahandog sa Diyos ng “banal na paglilingkod araw at gabi sa kaniyang templo.” (Apocalipsis 7:9, 15) Bagama’t sila’y namumuhay sa isang daigdig na tulad-Canaan, sa kanilang puso ay ‘hindi sila bahagi ng sanlibutan.’ Dati, sila’y nagkakasiya na lamang sa “kakatiting” na mga espirituwal na pagkain, gaya ng matatagpuan sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, at sila’y walang “alak” ng kagalakan. Nang kanilang makilala ang bayan ng Diyos, kanilang napagkilala na si Jehova ay gumagawa ng mga kababalaghan sa pamamagitan ng kaniyang mga Saksi. Sila’y naglakbay ng mahabang paglalakbay buhat sa sanlibutan ni Satanas upang ang gula-gulanit na ‘mga kasuotan’ ay maipagpalit nila ng mga bagong kasuotang pagkakakilanlan sa kanila bilang mapagpakumbabang mga lingkod ni Jehova, na nagbihis ng isang bagong personalidad.—Juan 14:6; 17:11, 14, 16; Efeso 4:22-24.
Pagsuporta sa Organisasyon
9. (a) Anong kagipitan ang sumunod na bumangon? (b) Paano tumugon si Josue, at anong kasiguruhan ang ibinigay sa kaniya?
9 Nang si Adoni-zedek, hari ng Jerusalem, ay makabalita na ang mga Gibeonita’y nakipagpayapaan sa Israel, “siya’y natakot nang ganiyan na lamang sapagkat ang Gibeon ay isang dakilang lunsod, tulad ng isa sa mga maharlikang lunsod, . . . at lahat ng mga lalaki roon ay malalakas.” Ang kaniyang hukbo ay isinanib niya sa hukbo ng apat pang mga hari, at sila’y lumusob sa Gibeon. Agad-agad, ang mga Gibeonita ay nakiusap kay Josue: “Pumarito kang madali at iligtas mo kami at tulungan mo kami.” Karakaraka, si Josue ay tumugon, at binigyan siya ni Jehova ng kasiguruhan na ang sabi: “Huwag kang matakot sa kanila sapagkat ibinigay ko sila sa iyong kamay. Walang isa mang lalaki sa kanila ang titindig laban sa iyo.” Si Josue at ang kaniyang matatapang at malalakas na lalaki ay nagmartsa “buong magdamag” upang biglain ang kaaway.—Josue 10:1-9.
10. (a) Anong uri ng pagkilos ngayon ang kahawig ng pagkubkob sa Gibeon? (b) Anong determinasyon ang ipinakikita ng modernong-panahong mga Gibeonita?
10 Tulad ng limang haring iyon, ang mga ibang pangulo ng pamahalaan ngayon ay nagagalit pagka nakita na napakarami ng kanilang mga mamamayan, maging ang “malalakas”—ang naninindigan sa panig ng Lalong-dakilang Josue at ng kaniyang pangglobong Kaharian ng katuwiran. Ang mga pinunong ito ay naniniwala na dapat panatilihin ang mga hangganan ng mga bansa, kahit na ang mga bansa ay palaging nag-aaway-away at nakikipagdigmaan sa isa’t isa. Sa gayo’y sinisikap nila na putulan ng panustos na espirituwal na pagkain ang maibigin sa kapayapaan na “malaking pulutong,” ibawal ang mga pulong kung saan doon sila’y kumakain ng “pagkain” na ito, at pahintuin sila ng pagsasalita sa iba tungkol sa espirituwal na mga bagay. Subalit ang modernong mga Gibeonitang ito ay nananatiling tapat sa espirituwal na Israel, at nagsasabi: “Kami’y sasama sa inyo na mga tao.”—Zacarias 8:23; ihambing ang Gawa 4:19, 20; 5:29.
11. Paano hinaharap ng mga Saksi ni Jehova ang mga kagipitan ngayon?
11 Pagka ang “malaking pulutong” ay humingi ng tulong sa kanilang “inang” organisasyon, ito’y agad-agad ibinibigay at nang sagana. Ang kasiglahan ng mga Saksi ni Jehova sa paggawa ng mga bagay-bagay ay makikita rin sa maraming iba pang mga paraan—tulad halimbawa sa paggawa ng mga kaayusan upang agad matulungan ang mga biktima ng mga natural na kalamidad at sa mabilis na pagtatayo ng kinakailangang mga Kingdom Hall at iba pang mga dako na pinagtitipunan para sa pamamahagi ng “pagkain.” Nang isaayos ang isang kombensiyon nitong nakaraang Hunyo sa Yankee Stadium, New York, isang pangkat ng mga boluntaryong tagapaglinis ang agad nagsimula ng paglilinis doon noong hatinggabi pagkatapos ng larong baseball; ang estadyum na iyon ay higit kailanman naging malinis at maayos noong sumunod na apat na araw. Ang responsableng mga hinirang na matatanda ng mga Saksi ni Jehova ay dagling kumikilos din naman upang harapin ang mga kagipitang bumabangon sa pangangaral ng mabuting balita.—Filipos 1:6, 7.
Ipinaglaban ni Jehova ang Israel
12. Anong mga himala ang ginawa ni Jehova sa pakikipaglaban para sa Israel sa pagtatanggol sa mga Gibeonita? (Ihambing ang Habacuc 3:1, 2, 11, 12.)
12 Subalit masdan, ngayon, ang Gibeon. Nililito ni Jehova ang hukbong iyon ng mga kaaway. Sila’y hinahabol ng Israel upang lipulin. At ano pa ang nakikita nating bumabagsak buhat sa langit? Malalaking tipak ng yelo! Mas marami ang namamatay sa bumabagsak na pagkalalaking mga granisong ito kaysa napapatay ng mga mandirigma ng Israel. Ngayon, pakinggan. Si Josue ay nakikipag-usap kay Jehova, at ano nga ang kaniyang sinasabi “sa harap ng Israel”? Ito: “Araw, tumigil ka sa Gibeon, at ikaw, buwan, sa libis ng Aijalon.” Isa pang kagila-gilalas na himala! “Halos maghapon,” na ang araw ay sumikat sa larangan ng digmaan, hanggang sa malubos ang paghihiganti ng Diyos. Hindi para sa atin na pagtalunan kung paano ginawa ni Jehova ang himalang iyon, kung paano hindi rin natin makukuwestiyon kung paano ‘ginawa’ niya ang dalawang dakilang tanglaw upang sumikat noong ikaapat na “araw” ng kaniyang paglalang. (Genesis 1:16-19; Awit 135:5, 6) Ang ulat ay nagtatapos: “Hindi nagkaroon ng araw na gaya niyaon bago nangyari iyon o pagkatapos niyaon, na si Jehova ay nakinig sa tinig ng isang tao, sapagkat si Jehova mismo ang nakipaglaban para sa Israel.”—Josue 10:10-14.
13. Paanong higit pang pinalakas-loob ni Josue ang mga punong-kawal, at ano ang naging resulta sa wakas?
13 Ang panghuling bahagi ng labanan ay ang pagpatay sa limang hari, at sa panahong iyon ay sinabi ni Josue sa kaniyang mga punong kawal: “Huwag kayong matakot ni manglupaypay man. Kayo’y magpakatibay-loob at magpakalakas, sapagkat ganito ang gagawin ni Jehova sa lahat ninyong mga kaaway na inyong kinakalaban.” Ito’y natupad sa pitong hari ng Canaan, at patuloy na natupad samantalang ibinabagsak noon ang 24 na mga kaharian lahat-lahat. At nang magkagayon, pagkaraan lamang ng anim na taon ng pakikidigma, napatahimik ang lupain.—Josue 10:16-25; 12:7-24.
14. Taglay ang anong saloobin at pagtitiwala dapat tayong humarap sa Armagedon?
14 Sa ngayon, samantalang tayo’y nakaharap sa pangkatapusang digmaan ng Armagedon, tayo sana ay magpakatibay-loob at magpakalakas na gaya ni Josue, ng kaniyang malalakas na lalaki, at ng lahat ng naroroon sa malaking kampamento ng Israel. Tayo’y makapagtitiwala na, kung paano pinapangyari ni Jehova na ang milyun-milyong mga Israelita’y makarating nang ligtas sa Lupang Pangako, ganoon din siya makagagawa ng higit pang nakasisindak na mga himala upang ang milyung-milyon ng kaniyang matatapang na mga lingkod ay maitawid sa Armagedon tungo sa kaniyang bagong sistema.—Apocalipsis 7:1-3, 9, 14; 19:11-21; 21:1-5.
Ang Ating Pasiya
15. Anong uri ng mga atas ang maaasahan ng “mga ibang tupa” sa bagong sistema ng Diyos?
15 Bagaman si Josue ngayon ay malapit nang maging 90 taon, siya’y napaharap sa isa pang malaking gawain—ang paghahati-hati ng lupain sa mga tribo ng Israel. Hindi ibig sabihin nito na magiging madali ang pamumuhay para sa mga Israelita. Sa katunayan, si Caleb ay humingi ng teritoryo sa Hebron, na kung saan naninirahan ang mga higanteng Anakim; nais niyang patuloy na makipagbaka hanggang sa magapi ang huling-huling mga kaaway ni Jehova. Hindi ibig sabihin nito na sa panahon ng Isang Libong Taong paghahari ni Kristo sa pamamahala sa lupa ay magkakaroon ng mga kaaway na tao. Subalit magkakaroon ng gawain na kailangang gawin. Sa bagong sistema ng mga bagay, hindi tayo dapat umasa na ang iiral doon ay isang sistema ng pamumuhay na may katamaran at pulos pagpapaginhawa. Pagkatapos na tanggapin ang kanilang atas sa “bagong lupa,” ang “mga ibang tupa” ng Panginoon ay magkakaroon ng maraming gawain sa malawak na proyekto na pagpapaganda sa lupa upang ito’y maging ang literal na Paraiso.—Josue 14:6-15; Marcos 10:29, 30; Roma 12:11.
16. Ano sa ngayon ang inilalarawan ng kaayusan ni Jehova para sa “mga ampunang lunsod”?
16 Sa pag-aatas ng kaniya-kaniyang bahagi ng lupain, si Josue ay nagtabi ng anim na lunsod ng mga Levita upang maging “ampunang lunsod,” tatlo sa bawat panig ng Jordan. Ito ang kaayusan ni Jehova para bigyang-proteksiyon ang taong di-sinasadyang nakapatay na tatakas sa isa sa mga lunsod na ito. Ang gayong nakapatay ay kailangang magpatunay na siya’y may malinis na budhi sa harap ng Diyos, at ito’y ginagawa niya sa pamamagitan ng paglagi sa lunsod na iyon hanggang sa mamatay ang mataas na saserdote. Sa katulad na paraan, dahilan sa noong una’y pakikihalubilo nila sa mapagbubo-ng-dugong sanlibutang ito, ang “malaking pulutong” sa ngayon ay kailangang magkaroon ng isang mabuting budhi sa harap ng Diyos. Kanilang natatamo ang mabuting budhing iyon sa pamamagitan ng pagkilala sa kanilang mga kasalanan, pagsisisi, pagbabalik-loob, pag-aalay ng sarili kay Jehova, at pagpapabautismo sa tubig. Pagkatapos ay kailangang manatili sila sa ganoong katayuan. Ang “malaking pulutong” ay kailangang mamalagi sa “lunsod” hanggang sa mamatay si Jesus, sa simbolikong pangungusap, may kaugnayan sa kaniyang gawain bilang mataas na saserdote, sa katapusan ng kaniyang 1,000-taóng Paghahari.—Josue 20:1-9; Apocalipsis 20:4, 5; 1 Corinto 15:22, 25, 26.
17. Ano ang masayang inaasam-asam natin sa ngayon?
17 Kahanga-hanga ang ginawang pagpapala ni Jehova sa kaniyang bayang Israel! Naging mahirap ang daan, at marami ang naging problema. Subalit sa wakas dumating din sila sa Lupang Pangako at nanirahan doon. Ganiyan na lamang ang kagalakan ng kanilang puso bilang pagpapasalamat kay Jehova! At sa pananatiling tapat sa ating Diyos, tayo’y maaaring magkaroon din ng ganitong kagalakan habang pumapasok tayo sa kaniyang bagong sistema, na doo’y kasali na ang “bagong lupa.” Oo, matutupad sa atin ang gaya ng natupad noong kaarawan ni Josue: “Walang pangako na hindi natupad sa lahat ng mabuting ipinangako ni Jehova sa sambahayan ng Israel; lahat ay nangyari.” (Josue 21:45) Harinawang magkaroon ka ng isang maligayang bahagi rito!
18. (a) Ano ang isinalaysay ni Josue sa mga matatanda ng Israel? (b) Ano ang dapat na maging pagnanais natin kung tungkol sa bagong sistema ni Jehova?
18 Sa wakas, sa edad na 110 taon, pinisan ni Josue ang nakatatandang mga lalaki ng Israel. Kaniyang isinalaysay sa kanila ang kamangha-manghang paraan ng pagpapala ni Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod mula noong panahon ni Abraham hanggang sa araw na iyon. Ngayon ay sinabihan sila ni Jehova: “At aking binigyan kayo ng lupain na hindi ninyo pinagpaguran at ng mga lunsod na hindi ninyo itinayo, at inyong tinatahanan. Mga ubasan at mga olibuhan na hindi ninyo itinanim ay inyong kinakain.” Sa ganitong saganang biyaya, tunay na hahangarin ng Israel na “matakot kay Jehova at maglingkod sa kaniya ng walang kapintasan at sa katotohanan” sa lahat ng panahon. At samantalang tayo’y nakatanaw sa napipintong maluwalhating bagong sistema ni Jehova para sa lupang ito, tunay na bawat isa sa atin ay dapat magkaroon ng katulad na pagnanais.—Josue 24:13, 14.
19. (a) Sa ano pinapili ngayon ni Josue ang bayan, at paano sila tumugon? (b) Sino ang gusto nating tularan? (c) Ano ang dapat nating piliin, at taglay ang anong pasiya?
19 Nang magkagayo’y malinaw na sinabi ni Josue sa bayan: “Kung inaakala ninyong masama na maglingkod kay Jehova, piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran. . . . SA GANANG AKIN AT NG AKING SAMBAHAYAN, KAMI AY MAGLILINGKOD KAY JEHOVA.” Ang mga salita bang ito ay maaaring ulit-ulitin ng bawat isa sa atin, ng sumasampalatayang mga miyembro ng ating mga pami-pamilya, ng ating mga kongregasyon, ng pambuong daigdig na “sambahayan ng Diyos”? Oo, puwede! (Efeso 2:19) Ang mga tao noong kaarawan ni Josue ay tumugon sa kaniya, na ang sabi: “Si Jehova na aming Diyos ang paglilingkuran namin, at sa kaniyang tinig kami makikinig!” (Josue 24:15, 24) Subalit, nakalulungkot sabihin, noong bandang huli ay nagkulang sila na gawin ito. Hindi natin gustong tularan yaong mga nagkulang na iyan. Gusto nating tularan si Josue at ang kaniyang sambahayan, si Caleb, ang mga Gibeonita, at si Rahab. Oo, ‘TAYO AY MAGLILINGKOD KAY JEHOVA.’ Sana nga ay gawin natin ito nang may tibay-loob at taglay ang lubos na pagtitiwala na walang ano mang bagay na “makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na ating Panginoon.”—Roma 8:39.
Kung Ano ang Natutuhan Natin sa Aklat ng Josue—
◻ Tungkol sa pakikinabang sa paulit-ulit na payo?
◻ Tungkol sa pag-aasikaso sa modernong mga Gibeonita?
◻ Tungkol sa kung paano makikipagbaka si Jehova sa Armagedon?
◻ Tungkol sa pangangailangan na tumakas sa isang “ampunang lunsod”?
◻ Tungkol sa pagpili kung sino ang ating paglilingkuran?