Astrolohiya sa mga Sinagoga?
Iniulat ng Biblical Archaeology Review ng Mayo/Hunyo 1984 ang natuklasang naingatang-maigi na gawang mosaic sa panahon ng isang arkeolohikal na paghuhukay sa dako ng isang sinagoga. Ito ay nasa isang lugar na kilala bilang Hammath Tiberias, sa gilid ng Dagat ng Galilea. Ang antas ng nahukay ay malabong pinetsahan na sa pagitan ng ikalawa at ikalimang siglo C.E. Gaya ng sinasabi ng artikulo: “May pambihirang kaguluhan sa gitna ng mga eskolar tungkol sa pagbibigay ng petsa sa sinaunang mga sinagoga.”
Subalit ano ang gumagawa sa mosaic na lubhang di-pangkaraniwan? “Ito ay binubuo ng Griegong diyos na si Helios [ang diyos ng araw] na pinaliligiran ng isang zodiac. . . . Ang mga tanda ng 12 buwan ay inilalarawan sa paligid ng bilog ng Helios.” Pagkatapos pag-usapan ang katanungan kung baga ang gawang mosaic ay ginawa ng isang Judio o ng isang hindi Judio, ganito ang sabi ng artikulo: “Gayunman, ang mas malaking problema ay, Ano ang ginagawa ng isang zodiac at ng isang Griegong diyos sa isang sinagoga? . . . Ang problema ay nadaragdagan pa ng bagay na ang zodiac at Helios ay bumubuo ng isang tema na makikita sa ibang sinaunang mga sinagoga, na doon ang Hammath Tiberias ay isa lamang sa pinakamaaga.”
Subalit ito ba ang unang pagkakataon na ang mga Judio noong sinaunang panahon ay isinama ang mga simbolo at mga diyos na pagano sa kanilang pagsamba? Hindi, sapagkat ipinakikita ng Bibliya na noong panahon ni Haring Manases (716-661 B.C.E.), ang astrolohiya ay napasama rin sa pagsambang Judio. Ang ulat ng Bibliya ay nagsasabi sa atin: “Sapagkat kaniyang itinayo uli ang mga mataas na dako na iginiba ni Hezekias na kaniyang ama, at kaniyang ipinagtayo ng mga dambana si Baal at gumawa ng asera, gaya ng ginawa ni Ahab na hari ng Israel; at siya ay yumukod sa lahat ng natatanaw sa langit at naglingkod sa kanila.”—2 Hari 21:3.
Nang dakong huli, nilinis ng masigasig na tagapagsauli ng tunay na pagsambang si Haring Josias ang lahat ng huwad na mga gawaing ito. “At inutusan ng hari si Hilcias na dakilang saserdote at ang mga saserdote sa ikalawang hanay at ang mga tagatanod-pinto na ilabas sa templo ni Jehova ang lahat na kasangkapan na ginawa kay Baal at sa mga asera at sa lahat ng natatanaw sa langit. At kaniyang sinunog sa labas ng Jerusalem sa mga parang ng Kidron, at dinala ang mga abo niyaon sa Bethel. At kaniyang inalis ang mga saserdote na palasamba sa mga diyus-diyosan, na inihalal ng mga hari sa Juda na nagpasunog ng kamangyan sa mga mataas na dako sa mga bayan ng Juda at sa mga dako na nasa palibot ng Jerusalem, pati silang nagsisipagsunog ng kamangyan kay Baal, sa araw at sa buwan at sa konstelasyon ng zodiac at sa lahat ng natatanaw sa langit.”—2 Hari 23:4, 5.
Anong mga aral ang makukuha natin sa makasaysayang mga pangyayaring ito? Una, na walang dako para sa astrolohiya, mga horoscope, at iba pang mga gawaing espiritistiko sa pagsamba sa tunay na Diyos, si Jehova. Ikalawa, na napakadaling mahulog sa mga gawaing ito kung pinababayaan ng isa ang kaniyang kaugnayan kay Jehova at nakikinig sa pilosopya ng tao at sa tinatawag na karunungan. Sa gayon madaling ‘sumamba at maglingkod sa nilalang sa halip na sa Isa na lumalang.’ Ang hadlang sa gayong mga gawain ay ang ‘manghawakan sa tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos,’ talagang kilalanin ang Soberanong Panginoon ng sansinukob, si Jehova, at ang kaniyang Anak, si Kristo Jesus.—Roma 1:20-25, 28; Juan 17:3.