“Kapayapaan ang Sumainyo”
“Dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila at sa kanila’y sinabi: ‘Kapayapaan ang sumainyo.’”—JUAN 20:19.
1. Bakit ang pagsisikap ng tao na magdala ng pandaigdig na kapayapaan ay tiyak na mabibigo?
“ANG buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot.” (1 Juan 5:19) Ito’y totoo noong kaarawan ni Juan, at lalo nang totoo ngayon, na nakagigimbal ang paglago ng personal na karahasan, terorismo, mga digmaan, at katiwalian. Ang kinasihang pangungusap ni Juan ay nagpapahiwatig din na walang pag-asang makamit ang pandaigdig na kapayapaan sa pamamagitan ng pagsisikap ng tao, sa kabila ng pagsusumikap ng papa, ng mga lider ng mga bansa, at ng UN. Bakit? “‘Walang kapayapaan,’ sabi ng aking Diyos, ‘sa mga balakyot.’”—Isaias 57:21.
2. Sa ano tumutukoy ang salitang “kapayapaan,” lalo na sa Hebreo at Griego?
2 Gayunman, ang salitang “kapayapaan” ay maaaring tumutukoy sa isang bagay bukod pa sa kawalan ng digmaan. Ang kapayapaan ay maaari ring “isang pangkaisipan o espirituwal na kalagayan na doo’y walang nanliligalig o gumagambala sa pag-iisip o emosyon: may katahimikan ng isip at puso.” Gayumpaman, ang salitang Hebreo para sa “kapayapaan” (sha·lohmʹ) at ang salitang Griego (ei·reʹne) ay mayroong mas malawak na kahulugan. Ang mga ito ay nangangahulugan din ng kabutihan, tulad sa mga salitang pamamaalam, “Yumaon kang payapa.” (1 Samuel 1:17; 29:7; Lucas 7:50; 8:48) Ito’y tumutulong sa atin na makita ang maibiging pagmamalasakit ni Jesus sa kaniyang mga alagad noong mga sandali ng kagipitan bago siya namatay.
3. Paano nagpakita si Jesus ng matinding pagmamalasakit sa kaniyang mga alagad pagkabuhay niyang mag-uli, at ano ang epekto?
3 Si Jesus ay namatay noong Biyernes, Nisan 14, noong taóng 33 C.E. Noong Linggo, Nisan 16, siya’y binuhay-muli. Palibhasa’y taglay niyang lagi ang matinding pagmamalasakit sa kapakanan ng kaniyang mga alagad, noon ay kaniyang hinanap sila. Sila’y nasa loob ng silid na nakakandado ang mga pinto dahil “sa takot nila sa mga Judio.” Mauunawaan, kung gayon, kung bakit sila nababalisa, natatakot. Subalit sinabi ni Jesus: “Kapayapaan ang sumainyo.” (Juan 20:19-21, 26) Nang malaunan, palibhasa’y pinalakas ng banal na espiritu, sila’y napasaayos naman. Lakas-loob na ginampanan nila ang iniatas na gawaing pangangaral, at tinulungan ang marami na magkamit ng maka-Diyos na kapayapaan.
Maka-Diyos na Kapayapaan Ngayon
4. Paanong ang mga lingkod ni Jehova ay makapananatiling may kapayapaan ang isip at puso sa mapanganib na mga panahong ito?
4 Tayo’y nabubuhay sa panahon ng kawakasan, sa “mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Ang mga mangangabayo na inihula sa Apocalipsis ay paroo’t parito na sa lupa—gaya ng makikita ninyo na pinatutunayan ng mga digmaan, kakapusan sa pagkain, at kamatayan buhat sa sakit. (Apocalipsis 6:3-8) Ang bayan ni Jehova ay apektado rin ng mga kalagayang nasa palibot nila. Kaya paano ka makapananatiling may maka-Diyos na kapayapaan ang isip at puso? Sa pamamagitan ng pamamalaging malapit sa dakilang Bukal ng kaaliwan at kapayapaan. Gaya ng ipinakita ng naunang artikulo, ito’y nangangailangan ng malimit na pananalangin at pagsusumamo. Sa ganiyang paraan “ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat sa inyong mga puso at sa inyong mga kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Filipos 4:6, 7.
5. Bakit natitiyak ni Pablo na “ang kapayapaan ng Diyos” ay makapag-iingat sa ating mga puso?
5 Si apostol Pablo mismo, na sumulat ng mga salitang iyan, ay nagtiis ng mga panganib at mga kahirapan. Siya’y nabilanggo at ginulpi ng mga Judio at mga Romano. Siya’y binato at iniwan na halos patay na. Ang paglalakbay nang mga araw na iyon ay mapanganib; makaitlong lumubog ang sinasakyang barko ni Pablo, at malimit na siya’y nanganganib sa mga tulisan. Siya’y gumugol ng maraming gabi na walang tulog at malimit na dumaranas ng kahirapan dahil sa ginaw, gutom, at uhaw. Sa kabila ng lahat ng iyan, sa araw-araw ay nakadama siya ng “pagkabahala sa lahat ng mga kongregasyon.” (2 Corinto 11:24-28) Kaya batid ni Pablo buhat sa marami niyang karanasan kung gaano kahalaga “ang kapayapaan ng Diyos” na makapag-iingat sa ating mga puso.
6. Bakit napakahalaga na makapagtatag ng isang masigla, at matalik na kaugnayan sa ating Maylikha at mapanatili iyon?
6 “Ang kapayapaan ng Diyos” ay maaaring ipaliwanag bilang isang pagkadama ng katahimikan at kahinahunan, na nagbabadya ng isang mabuting kaugnayan sa Diyos. Ito’y napakahalaga sa mga Kristiyano, lalo na pagka sila’y nakaharap sa pag-uusig o kapighatian. Bakit? Bueno, lahat tayo ay di-sakdal; kaya naman, pagka tayo’y ginigipit ng mga problema, pagkabalisa, pananalansang, o sarisaring uri ng kagipitan, tayo’y madaling kinakapitan ng takot. Iyan ay maaaring umakay sa atin tungo sa pagkawala ng ating integridad. Iyan ay magdadala ng upasala sa pangalan ng Diyos, maiwawala natin ang pagsang-ayon ni Jehova, at ito’y maaaring humantong sa pagwawala natin ng buhay na walang-hanggan. Kaya napakahalaga na magsikap kamtin “ang kapayapaan ng Diyos” na tutulong sa atin sa pagharap at pagtatagumpay sa gayong mga hamon. Ang kapayapaang iyan ang tunay na isa sa ‘mabubuting kaloob at sakdal na handog’ na ibinibigay ng ating makalangit na Ama.—Santiago 1:17.
7, 8. (a) Sa ano nakasalig ang “kapayapaan ng Diyos,” at paano ito “di-masayod ng pag-iisip”? (b) Paanong ang gayong kapayapaan ay naipakita ng isa nating kapatid sa Aprika?
7 Marahil ay nakakita ka na ng mga tao na nakakaraos sa buhay nang tahimik at may tiwala. Malimit na ito ay dahilan sa natural na abilidad, impluwensiya ng pamilya, kayamanan, pinag-aralan, o iba pang mga bagay-bagay. “Ang kapayapaan ng Diyos” ay ibang-iba. Ito ay hindi nakasalig sa kaaya-ayang mga kalagayan, ni ito man ay resulta ng abilidad o pangangatuwiran ng tao. Ito’y nanggagaling sa Diyos at “di-masayod ng pag-iisip.” Sang-ayon sa pagkasalin ni J. B. Phillips ng Filipos 4:7 ito “ang kapayapaan ng Diyos . . . na higit pa kaysa nauunawaan ng tao.” Ang makasanlibutang mga tao ay malimit na nanggigilalas sa paraan ng mga Kristiyano ng pagharap sa malulubhang problema, sa kapinsalaan ng katawan, at maging sa kamatayan.
8 Isang halimbawa nito sa ngayon ay tungkol sa isa sa mga Saksi ni Jehova na nangunguna sa isang pulong Kristiyano sa isang bansa sa Aprika na kung saan ang mga Saksi, dahilan lalung-lalo na sa sulsol ng mga Katoliko roon, ay inakusahan ng pagiging mga terorista. Biglang-bigla, sa-darating ang mga pulis militar na nakakasa ang mga bayoneta. Kanilang pinauwi ang mga babae at mga bata ngunit ginulpi nila ang mga lalaki. Ganito ang sabi ng Saksi: “Wala akong sapat na mga salitang magamit upang ilarawan ang ginawang trato sa amin. Ang nangangasiwang kabo ay hayagang nagsabi na kami ay gugulpihin hanggang sa mamatay. Nakaranas ako ng gayong mga paggulpi sa pamamagitan ng isang garoteng kahoy kung kaya noong magtagal ay sumuka ako ng dugo sa loob ng 90 araw. Subalit ang ikinabahala ko ay ang buhay ng aking mga kasamahan. Nanalangin ako kay Jehova na pangalagaan ang buhay ng mga ito, ang kaniyang mga tupa,” na pawang nakaligtas naman. Anong gandang halimbawa ng pananatiling mahinahon sa gitna ng kakila-kilabot na kagipitan at ng maibiging konsiderasyon sa iba! Oo, ang ating maibiging Ama sa langit ay sumasagot sa mga kahilingan ng kaniyang tapat na mga lingkod, at pinagkakalooban sila ng kaniyang kapayapaan. Isa sa mga sundalong namangha sa pangyayaring iyan ang nagsabi na ang Diyos ng mga Saksi ay “tiyak na siyang tunay.”
9. Ano ang maaaring maging epekto ng pagbabasa ng Bibliya at pagbubulay-bulay rito?
9 Sa mga panahong ito ng kahirapan, maraming mga Kristiyano ang may mga problema na nagpapadama sa kanila ng kabiguan at panghihina ng loob. Ang isang mainam na paraan upang mapanatili ang kapayapaan ng isip ay ang pagbabasa ng Bibliya at pagbubulay-bulay rito. Nabibigyan nito ang isa ng lakas at determinasyon na magpatuloy at tumayong matatag. “Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa.”—Hebreo 4:12.
10. Paanong ang pagkaalaala ng mga teksto ay isang pagpapala?
10 Subalit, ano kung mapaharap tayo sa kagipitan na kung saan wala tayong magamit na Bibliya? Halimbawa, ang isang Kristiyano ay baka maarestong biglang-bigla at makulong sa isang piitan na kung saan doo’y walang Bibliya. Sa ganiyang pangyayari, isang tunay na pagpapala na maalaala ang mga teksto na tulad baga ng Filipos 4:6, 7; Kawikaan 3:5, 6; 1 Pedro 5:6, 7; at Awit 23. Hindi baga lubhang pasasalamatan mo kung maaalaala mo at mabubulay-bulay ang gayong mga teksto? Sa malagim na kapaligiran ng isang bilangguan, si Jehova mismo ang nakikipag-usap sa iyo. Ang Salita ng Diyos ay maaaring magsilbing lunas sa nasaktang mga isip, magpalakas sa mga pusong nanlulupaypay, at ang pagkaligalig ng isip ay maaaring halinhan ng kapayapaan ng isip. (Tingnan ang Awit 119:165.) Oo, napakahalaga na tayo’y magsaulo ng mga teksto ngayon habang tayo’y may pagkakataon pang gumawa ng gayon.
11. Paano ipinakita ng isang kapatid sa Olanda na kailangan ang espirituwal na pagkain?
11 Si Arthur Winkler ay isang may matinding pagpapahalaga sa Bibliya, lalo na noong sakop ng Nazi ang Olanda, nang palihim na isinasagawa ng mga Saksi ang kanilang aktibidad Kristiyano. Pinaghahanap noon ng Gestapo si Brother Winkler. Nang sa wakas ay mahuli nila siya, sinubukan nila na hikayatin siya na kumumpromiso ngunit sila’y nabigo. Pagkatapos ay kanilang ginulpi siya hanggang sa mawalan ng malaytao. Nalagas ang kaniyang ngipin, nalinsad ang kaniyang ibabang panga, at ginulpi siya nang husto, pagkatapos ay inilagay siya sa isang madilim na selda. Subalit ang kaniyang guwardiya ay naawa at naging palakaibigan sa kaniya. Nanalangin si Brother Winkler na harinawang akayin siya ni Jehova. Kaniya ring nadama na lubhang kailangan niya ang espirituwal na pagkain at siya’y humingi ng tulong sa guwardiya. Nang malaunan, bumukas ang pinto ng selda, at isang Bibliya ang inihagis sa loob. “Anong laking kagalakan,” ang nagunita ni Brother Winkler, “na sa araw-araw ay tamasahin mo ang ligaya ng pagbabasa ng kalugud-lugod na mga salita ng katotohanan . . . Nadama kong ako’y patuloy na lumalakas sa espirituwal.”a
Maka-Diyos na Kapayapaan ang Mag-iingat sa Iyo
12. Bakit may tanging pangangailangan na ingatan ang ating mga puso at mga kaisipan?
12 Nangangako si Jehova na ang kaniyang kapayapaan “ang mag-iingat sa inyong mga puso at sa inyong mga kaisipan.” (Filipos 4:7) Ito’y lubhang mahalaga! Ang puso ang sentro ng motibo at emosyon. Sa mga huling araw na ito, ang ating puso ay madaling mapahihina ng takot o pagkabalisa, o mahikayat tayo na gumawa ng masama. Ang pangkalahatang kalakaran ng buhay ay mabilis na sumasamâ. Tayo’y kailangang palaging nagbabantay. Bukod sa pangangailangan ng matatag na puso, kailangan din na ang ating “kaisipan” ay palakasin at akayin ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kaniyang kongregasyon.
13. Ano ang mapapakinabang kung iingatan natin ang ating kaisipan?
13 Ayon kay W. E. Vine, ang salitang Griego na noʹe·ma (isinaling “kaisipan”) ay may diwa ng “layunin” o “paraan.” (An Expository Dictionary of New Testament Words) Sa gayon, ang kapayapaan ng Diyos ay maaaring magpatibay sa ating layuning Kristiyano at ingatan tayo laban sa anumang hilig na panghinain o baguhin ang ating isip nang walang mabuting dahilan. Ang pagkasira ng loob o ang mga problema ay hindi madaling magpapahinto sa atin. Halimbawa, kung tayo’y may layunin na maglingkod kay Jehova sa isang natatanging pribilehiyo, tulad baga ng pagiging isang buong-panahong ministrong payunir o paglipat upang maglingkod sa kung saan lubhang kinakailangan ang mga ministro, “ang kapayapaan ng Diyos” ay magiging isang malaking tulong sa atin sa patuloy na pagtataguyod ng tunguhin niya. (Ihambing ang Lucas 1:3; Gawa 15:36; 19:21; Roma 15:22-24, 28; 1 Tesalonica 2:1, 18.) Upang higit pang mapatibay ang iyong kaisipan, magbigay ng sapat na panahon sa pag-aaral ng Salita ng Diyos at sa pakikisama sa mga kapuwa Kristiyano. Sa ganoo’y pinapasukan mo ang iyong isip at puso ng malinis, nagpapatibay na mga kaisipan. Ikaw ba ay nakapagbibigay ng sapat na panahon upang isangkot ang iyong sarili sa kinasihang “mga sabi” ng Diyos? Dapat bang bigyan mo ito ng higit pang pansin?
14. Anong kinasihang payo ang dapat nating maingat na pakinggan, at bakit?
14 Makikita mo na kapuwa ang puso at ang isip, o kaisipan, ay kasangkot sa pagkakamit at pakikinabang sa “kapayapaan ng Diyos.” Ito’y pinatutunayan ng kinasihang payo: “Anak ko, makinig ka sa aking mga salita. Ikiling mo ang iyong pakinig sa aking mga sabi. Huwag nawang mangahiwalay sa iyong mga mata. Ingatan mo sa kaibuturan ng iyong puso. Sapagkat buhay sa nangakakasumpong at kagalingan sa buo nilang katawan. Higit sa lahat na dapat ingatan, pakaingatan ang iyong puso, sapagkat dinadaluyan ng buhay.”—Kawikaan 4:20-23.
15. Anong bahagi ang ginagampanan ni Jesus sa pagkakaroon natin ng “kapayapaan ng Diyos”?
15 “Ang kapayapaan ng Diyos” na resulta ng isang masigla at matalik na kaugnayan kay Jehova ay nag-iingat sa ating puso at kaisipan “sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:7) Anong bahagi ang ginagampanan ni Jesus dito? Ganito ang paliwanag ni Pablo: “Sumainyo nawa ang di-sana-nararapat na awa at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Kristo. Kaniyang ibinigay ang sarili niya alang-alang sa ating mga kasalanan upang tayo ay mailigtas niya buhat sa kasalukuyang balakyot ng sistema ng mga bagay ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama.” (Galacia 1:3, 4) Oo, buong pag-ibig na ibinigay ni Jesus ang kaniyang buhay upang tayo’y matubos. (Mateo 20:28) Samakatuwid “sa pamamagitan ni Kristo Jesus” maaari tayong tanggapin ni Jehova bilang kaniyang nag-alay na mga lingkod at kamtin ang maka-Diyos na kapayapaang iyan na mag-iingat sa atin.
Mga Panganib na Nagbabanta sa maka-Diyos na Kapayapaan
16. Anong payo ang ibinigay ni Pablo na tutulong sa atin upang ating mapanatiling nasa atin “ang kapayapaan ng Diyos”?
16 Minsang tinanggap na natin at ating tinatamasa na ang kapayapaang galing sa Diyos, pakaingat tayo upang ating mapanatiling nasa atin iyon. Maraming bagay ang maaaring umagaw sa Kristiyano ng kapayapaan. Isa sa pinakakaraniwan, at tunay na pinakamapanganib, ay ang mga pita ng kabataan. Sa ikalawang liham ni Pablo kay Timoteo, na noong panahong iyon ay malamang na mahigit lamang na treinta anyos, kaniyang inilakip ang ganitong payo: “Layuan mo ang masasamang pita ng kabataan, at sundin mo ang kabanalan, ang pananampalataya, ang pag-ibig, ang kapayapaan, kasama ng nagsisitawag sa Panginoon mula sa pusong malinis.”—2 Timoteo 2:22.
17. Ano ang malimit mangyari may kaugnayan sa sekso na isang paglalaan ni Jehova?
17 Kasali na sa mga pitang iyan ang pita sa sekso, na may marangal na dako sa kaayusan ng pag-aasawa. Datapuwat, sa buong kasaysayan, ang pitang ito ay inabuso sa seksuwal na pagtatalik bago ang isa’y mag-asawa o kahit na siya’y may asawa na, na kapuwa hindi sinasang-ayunan ng ating pantas na Maylikha. (Hebreo 13:4; Genesis 34:1-3) Ang panganib na pagpapadaig sa seksuwal na imoralidad ang nagbabanta sa mga Kristiyano sa ngayon, kapuwa sa mga taong nasa kabataan pa at sa mga may edad na. Sa mga huling araw na ito ng isang sanlibutang mahilig sa kalibugan, para sa marami ang sekso ay naging hamak na pagbibigay kasiyahan lamang sa laman, kadalasan sa mga gawain na palasak sa mga homoseksuwal, lalaki at babae.—Roma 1:24-27.
18. Bakit ang mga puso ng ilan ay hindi pa matatag, at sa ano maaaring humantong ito?
18 Palibhasa’y namumuhay tayo sa ganiyang kapaligiran kaya naman lubhang kailangan na tayo’y magkaroon ng matibay at matatag na puso na nakatalaga kay Jehova. Mayroong ilan na tumanggap sa mensahe ng Kaharian, sila’y naniniwala sa mga pangunahing katotohanan na itinuturo ng Bibliya, at regular na nakikisama sa bayan ni Jehova ngunit hindi nagkakaroon ng matinding pagpapahalaga kay Jehova, sa kaniyang Salita, at sa kaniyang pambuong-daigdig na kongregasyon. Ang kanilang puso ay hindi pa matatag. Sila’y madaling mailihis ng “masasamang pita ng kabataan.” Marahil ang iba sa kanila ay may kakayahang paglabanan ang tukso na magkasala ng pakikiapid o ng pangangalunya, subalit, gaya ng babala ni Pablo, sila’y, “maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:4) Higit na malaking panahon ang ginugugol nila sa panonood ng TV, sa pagbabasa ng mga nobela, o pakikinig sa malibog na tugtugin kaysa personal na pag-aaral, pagdalo sa mga pagpupulong Kristiyano, o paglilingkod sa Kaharian. Ito’y madaling humahantong sa panghihina sa espirituwal, at, sa bandang huli, nahuhulog sila sa malubhang pagkakasala.
19. Ano ang kailangan nating gawin upang tayo’y huwag maanod ng agos?
19 Ang gayong mga tao, na mistulang isang bangka na walang sinipete, ay iniaanod ng agos patungo sa kapahamakan. Ano ang kailangan nilang gawin? Ganito ang payo ni Pablo: “Iyan ang dahilan kung bakit kailangang magbigay tayo ng higit kaysa karaniwang pansin sa mga bagay na pinakikinggan natin upang tayo’y huwag maanod.” (Hebreo 2:1) Kaya yaong mga nanganganib ay dapat na ‘magbigay ng higit kaysa karaniwang pansin’ sa pag-aaral ng Salita ng Diyos, sa paghahanda para sa mga pulong Kristiyano, at sa pamamahagi sa iba ng mga katotohanan ng Kaharian. Mangyari pa, madaling isipin na, ‘Iyon ay mabuting payo, ngunit wala naman ako sa ganiyang kalagayan, kaya hindi kapit iyan sa akin.’ Lalong matalino nga para sa bawat isa sa atin na taimtim na pag-isipan kung paano natin malilinis pa ang ating mga puso, kaloob-loobang mga pag-iisip, at mga pita at ‘sundin ang kabanalan, ang pananampalataya, ang pag-ibig, ang kapayapaan, kasama ng nagsisitawag sa Panginoon mula sa pusong malinis.’ (2 Timoteo 2:22) Higit sa lahat, hilingin natin sa Diyos ang kaniyang patnubay at ang nagpapatibay na tulong ng kaniyang espiritu.
20. Ano ang dapat gawin ng sinuman na nakagawa ng malubhang pagkakasala?
20 Kung sakaling may nakagawa ng malubhang pagkakasala at pinagtatakpan iyon, maliwanag na iwawala nila ang pagsang-ayon ni Jehova at “ang kapayapaan ng Diyos” na taglay nila. Kanila ring iwawala ang kanilang kapayapaan ng isip. (Ihambing ang 2 Samuel 24:10; Mateo 6:22, 23.) Makikita mo, kung gayon, kung bakit mahalaga para sa sinumang Kristiyano na nahulog sa malubhang pagkakasala na ipagtapat iyon kay Jehova at sa mapagmahal na matatanda, na maaaring tumulong upang ang isa’y mapagaling sa espirituwal na sakit. (Isaias 1:18, 19; 32:1, 2; Santiago 5:14, 15) Pagka ang isang taong nadupilas sa madulas na landas ng kasalanan ay humingi ng tulong sa maygulang na mga kapatid, siya’y hindi patuloy na liligaligin ng isang nababagabag na budhi o mawawalan ng maka-Diyos na kapayapaan.
21. Anong dahilan ang mag-uudyok sa atin na magpasalamat nang marami kay Jehova ngayon, at ano ang dapat na maging determinasyon natin?
21 Anong laking pribilehiyo ang maging isa sa nag-alay na mga Saksi ni Jehova ngayon! Sa buong palibot natin, ang maka-Satanas na sanlibutang ito ay nagkakawatak-watak at nagiging isang bunton ng mga kagibaan. Hindi na magtatagal at ito’y lilipas. Maraming mga tao ang “nanlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay ng mga bagay na darating sa tinatahanang lupa.” Subalit ating maitataas ang ating mga ulo sapagkat alam natin na ang ating “kaligtasan ay malapit na.” (Lucas 21:25-28) Upang ipakita ang laki ng ating pasasalamat kay Jehova dahil sa kaniyang “kapayapaan . . . na di-masayod ng pag-iisip,” gawin natin ang ating buong kaya na maglingkod nang may katapatan sa “Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.”—Roma 15:33; 1 Corinto 15:58.
[Talababa]
a Tingnan ang 1986 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 154-7.
Mga Punto sa Repaso
◻ Paanong “ang kapayapaan ng Diyos” ay tumutulong sa atin ngayon, at paanong ito ay “di-masayod ng pag-iisip”?
◻ Anong mga bagay ang tumutulong sa atin upang mapanatili ang kapayapaan ng isip?
◻ Anong mapandayang panganib ang nagbabanta sa maraming Kristiyano sa ngayon, at sa ano maaaring humantong iyon?
◻ Kung ang isang Kristiyano ay nakagawa ng malubhang pagkakasala, ano ang dapat niyang gawin?
[Kahon/Larawan sa pahina 18]
Napag-alaman Niya na Iyon ay Totoo
Noong Digmaang Pandaigdig II ang asawa ni Elsa Abt ay ipinadala ng mga Nazi sa kampong piitan sa Sachsenhausen dahilan sa kaniyang pangangaral bilang Kristiyano. Noong Mayo 1942, ang Gestapo ay naparoon sa kaniyang tahanan, kinuha ang kaniyang maliit na anak na babae at ipinadala si Elsa upang magtrabaho at maghirap sa iba’t ibang kampo. Ganito ang sabi niya:
“Nang ako’y bilanggo sa mga kampong piitan ng Aleman natuto ako ng isang mahalagang aral. Ito ay, kung paano kumikilos ang espiritu ni Jehova upang palakasin ka pagka ikaw ay nasa ilalim ng sukdulang pagsubok! Bago ako naaresto, nakabasa ako ng isang liham ng isang sister na nagsasabi na sa ilalim ng matinding pagsubok ay pinapangyayari ng espiritu ni Jehova na magkaroon ka ng kahinahunan. Noon ay naisip ko na baka siya’y medyo sumusobra. Subalit nang ako ay makaranas ng gayong mga pagsubok napatunayan ko na totoo nga pala ang kaniyang sinabi. Talagang ganoon ang nangyayari. Mahirap maguniguni iyon, kung hindi mo pa nararanasan. Subalit talagang nangyari iyon sa akin. Tumutulong nga si Jehova.”
[Larawan sa pahina 16]
Nabatid ni Pablo buhat sa karanasan na ang ating mga puso’y maiingatan ng kapayapaan ng Diyos
[Larawan sa pahina 19]
Ikaw ba ay nanganganib na maanod sa espirituwal?