Ayon kay Lucas
4 Pagkatapos, si Jesus na puspos ng banal na espiritu ay umalis sa Jordan; inakay siya ng espiritu sa ilang+ 2 sa loob ng 40 araw, at tinukso siya roon ng Diyablo.+ Hindi siya kumain, kaya pagkatapos ng mga araw na iyon, nagutom siya. 3 Sinabi sa kaniya ng Diyablo: “Kung ikaw ay anak ng Diyos, utusan mo ang batong ito na maging tinapay.” 4 Pero sumagot si Jesus: “Nasusulat, ‘Ang tao ay hindi mabubuhay sa tinapay lang.’”+
5 Kaya dinala niya siya sa mataas na lugar, at saglit niyang ipinakita sa kaniya ang lahat ng kaharian sa mundo.+ 6 Pagkatapos, sinabi ng Diyablo: “Ibibigay ko sa iyo ang awtoridad sa lahat ng ito at ang kaluwalhatian ng mga ito, dahil akin ang lahat ng kahariang ito+ at ibibigay ko ito kanino ko man gustuhin.+ 7 Kaya kung sasambahin mo ako nang kahit isang beses, magiging sa iyo ang lahat ng ito.” 8 Sumagot si Jesus: “Nasusulat, ‘Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lang ang dapat mong paglingkuran.’”*+
9 Pagkatapos, dinala niya siya sa Jerusalem, sa tuktok ng templo. Sinabi niya: “Kung ikaw ay anak ng Diyos, tumalon ka mula rito,+ 10 dahil nasusulat, ‘Uutusan niya ang mga anghel niya na ingatan ka,’ 11 at, ‘Bubuhatin ka nila para hindi tumama sa bato ang paa mo.’”+ 12 Sumagot si Jesus: “Nasusulat, ‘Huwag mong susubukin si Jehova na iyong Diyos.’”+ 13 Kaya matapos siyang tuksuhin ng Diyablo, humiwalay ito sa kaniya at naghintay ng ibang pagkakataon.+
14 At bumalik si Jesus sa Galilea puspos ng espiritu.*+ At napabalita sa lahat ng nakapalibot na lugar ang magagandang ulat tungkol sa kaniya. 15 Nagsimula rin siyang magturo sa kanilang mga sinagoga, at iginagalang siya ng lahat.
16 Pagkatapos, pumunta siya sa Nazaret,+ kung saan siya pinalaki, at gaya ng nakagawian niya tuwing araw ng Sabbath, pumasok siya sa sinagoga+ at tumayo para magbasa. 17 Kaya ibinigay sa kaniya ang balumbon ni propeta Isaias, at binuksan niya ang balumbon at nahanap ang pananalitang ito: 18 “Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin dahil inatasan* niya ako na maghayag ng mabuting balita sa mahihirap. Isinugo niya ako para ihayag ang paglaya ng mga bihag at paggaling ng mga bulag, at para palayain ang mga naaapi,+ 19 para ipangaral ang taon ng kabutihang-loob ni Jehova.”+ 20 Pagkarolyo sa balumbon, isinauli niya ito sa tagapaglingkod, at umupo siya; nakatingin sa kaniya ang lahat ng nasa sinagoga. 21 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila: “Ang kasulatang ito na karirinig lang* ninyo ay natutupad ngayon.”+
22 At nagsimula silang magsabi ng magagandang bagay tungkol sa kaniya at humanga sa nakagiginhawang pananalita na lumalabas sa kaniyang bibig.+ Sinasabi nila: “Hindi ba anak ito ni Jose?”+ 23 Sumagot siya: “Tiyak na ipatutungkol ninyo sa akin ang pananalitang ito, ‘Manggagamot, pagalingin mo ang sarili mo. Gawin mo rin dito sa sarili mong bayan ang mga narinig naming ginawa mo sa Capernaum.’”+ 24 Kaya sinabi niya: “Sinasabi ko sa inyo, walang propetang tinatanggap sa sarili niyang bayan.+ 25 Bilang halimbawa, sinasabi ko sa inyo ang totoo: Maraming biyuda sa Israel noong panahon ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlo at kalahating taon at magkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain.+ 26 Pero hindi isinugo si Elias sa sinuman sa mga babaeng iyon kundi sa isang biyuda sa Zarepat sa lupain ng Sidon.+ 27 Marami ring ketongin sa Israel noong panahon ni propeta Eliseo; pero walang isa man sa kanila ang pinagaling, si Naaman lang na taga-Sirya.”+ 28 Galit na galit ang lahat ng nasa sinagoga na nakarinig sa sinabi niya,+ 29 at dinala nila siya sa labas ng lunsod, sa itaas ng bundok* kung saan nakatayo ang lunsod, para ihagis siya patiwarik. 30 Pero dumaan siya sa gitna nila at nagpatuloy sa paglalakbay.+
31 Pagkatapos, pumunta siya sa Capernaum, na isang lunsod sa Galilea. Tinuruan niya sila noong Sabbath,+ 32 at hangang-hanga sila sa paraan niya ng pagtuturo+ dahil nagsasalita siya nang may awtoridad. 33 At may isang lalaki sa sinagoga na sinasapian ng demonyo, isang masamang espiritu, at sumigaw siya:+ 34 “Bakit nandito ka, Jesus na Nazareno?+ Nandito ka ba para puksain kami? Alam ko kung sino ka talaga, ikaw ang isinugo ng Diyos.”*+ 35 Pero sinaway ito ni Jesus: “Tumahimik ka, at lumabas ka sa kaniya.” Pagkatapos, itinumba ng demonyo ang lalaki at lumabas ito sa kaniya nang hindi siya sinasaktan. 36 Gulat na gulat silang lahat, at sinabi nila sa isa’t isa: “Talagang may awtoridad at kapangyarihan ang pananalita niya! Kahit ang masasamang espiritu ay sumusunod sa utos niya at lumalabas!” 37 Kaya ang balita tungkol sa kaniya ay kumalat sa bawat sulok ng nakapalibot na mga lugar.+
38 Pagkaalis niya sa sinagoga, pumunta siya sa bahay ni Simon. Mataas ang lagnat ng biyenang babae ni Simon, at hiniling nila sa kaniya na tulungan siya.+ 39 Kaya lumapit si Jesus kung saan siya nakahiga at pinababa* ang lagnat ng babae, at gumaling siya. Agad siyang bumangon at inasikaso sila.
40 Pero nang palubog na ang araw, dinala sa kaniya ng lahat ng tao ang mga kasama nila sa bahay na may sakit.* Pinagaling niya sila sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay niya sa bawat isa sa kanila.+ 41 Lumabas din ang mga demonyo mula sa maraming sinapian nila, at isinisigaw nila: “Ikaw ang Anak ng Diyos.”+ Pero sinasaway niya sila at hindi pinapahintulutang magsalita,+ dahil alam nilang siya ang Kristo.+
42 Nang mag-umaga na, pumunta siya sa isang liblib na lugar.+ Pero hinanap siya ng mga tao at nakarating kung nasaan siya. Pinigilan nila siyang umalis sa lugar nila. 43 Pero sinabi niya sa kanila: “Dapat ko ring ihayag sa ibang lunsod ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos dahil isinugo ako para dito.”+ 44 At nangaral siya sa mga sinagoga ng Judea.