“Matakot Kayo sa Diyos at Magbigay-Kaluwalhatian sa Kaniya”
“Matakot kayo sa Diyos at magbigay-kaluwalhatian sa kaniya.”—APOCALIPSIS 14:7.
1. Kanino tayo dapat matakot, at ano ang hindi natin dapat katakutan?
KANINO TAYO DAPAT MATAKOT? Tiyak na hindi sa matingkad-pulang dragon, si Satanas, at sa kaniyang mga hukbo ng mga demonyo! Ang mga ito ay ibinulusok na rito sa lupa ni Kristo Jesus nang sila’y palayasin sa langit pagkatapos na maisilang ang Kaharian noong 1914. Subalit ang mga pangitain sa Apocalipsis ay sumunod na nagsisiwalat ng organisasyon na ginagamit dito sa lupa ni Satanas sa kaniyang huling-puspusang pagsisikap na biguin ang mga layunin ng Diyos. Nangingibabaw sa ganiyang paglalarawan ang dalawang mababangis at maiilap na hayop at isang lasing na patutot—ang Babilonyang Dakila. Dapat ba nating katakutan ang mga ito? Malayo! Bagkus, ang dapat nating katakutan ay si Jehova at ang kaniyang Kristo, na ang Kaharian ay nagdala ngayon sa bulok na sanlibutan ni Satanas ng kaniyang katapusang hatol.—Kawikaan 1:7; Mateo 10:28; Apocalipsis 12:9-12.
Mamumusong na mga Hayop
2. Anong mabangis na hayop ang lumilitaw sa ikawalong pangitain, at ito’y sa ano kumakatawan?
2 Samantalang nahahayag ang ikawalong pangitain ng Apocalipsis, isang mabangis na hayop ang umaahon buhat sa maligalig na dagat ng sangkatauhan. Ito’y may pitong ulo at sampung sungay na may sampung diadema, na kumakatawan sa makaharing kapangyarihan na ibinigay dito ni Satanas. Ito’y namumusong kay Jehova, sinasalakay nito ang Kaniyang mga lingkod gaya ng pagsalakay na ginagawa ng isang leopardo, isang oso, o isang leon; subalit ang kapangyarihan nito ay pansamantala, sapagkat nanggagaling sa dragon, si Satanas, na lubhang nahahawig sa kaniya. Una pa rito’y inilarawan ni propeta Daniel ang makalupang pulitikal na mga pamahalaan na mistulang mga hayop, at ang mga pamahalaan mismo ay kalimitang pumipili ng mga hayop sa gubat bilang kanilang pambansang mga simbolo, tulad halimbawa ng leon ng Britanya at ng agila ng Amerika. (Daniel 8:5-8, 20-22) Subalit, ngayon ay nakikita natin ang isang hayop na maraming bahagi, kasali na ang lahat ng pulitikal na mga makapangyarihang bansa sa kasaysayan sa Bibliya na kadalasa’y naniniil sa tunay na mga lingkod ng Diyos sa lupa. Ang litaw na “mga ulo” nito noong nakaraan ay ang Ehipto, Asirya, Babilonya, Medo-Persya, Gresya, Roma, at kahuli-hulihan ay ang Anglo-Amerikanong Magkasanib na Kapangyarihang Pandaigdig.—Apocalipsis 13:1, 2; 12:3, 7-9.
3. (a) Paanong ang isa sa mga ulo ng mabangis na hayop ay tumanggap ng “sugat ng tabak”? (b) Paanong ang dalawahang-sungay na mabangis na hayop ay nanguna sa paggawa ng larawan sa unang mabangis na hayop? (c) Ano ang pangalan ng unang mabangis na hayop at ano ang kahulugan ng pangalan?
3 Nang nagaganap ang digmaang pandaigdig noong 1914-18, ang Gran Britanya, bilang ang ikapitong kapangyarihang pandaigdig, ay tumanggap ng isang “sugat ng tabak” na posibleng ikamatay sana niya noon. Subalit ang Estados Unidos ng Amerika ay tumulong sa kaniya. Magmula noon, ang Amerika at Britanya ay nagtulungan bilang isang magkasanib na kapangyarihang pandaigdig, na patuloy na tinutukoy ni Juan bilang isang mabangis na hayop na may dalawang sungay, at umaahon buhat sa tatag na lipunan ng tao, “ang lupa.” Ang dalawang-sungay na hayop na ito ay nanguna sa paggawa ng isang larawan sa unang mabangis na hayop at sa pagbibigay rito ng buhay, anupa’t inilalarawan kung paanong ang Anglo-Amerikanong Kapangyarihang Pandaigdig ay naging pangunahing tagapagtaguyod at tagapagbigay-buhay kapuwa sa Liga ng mga Bansa at sa kahalili nito, ang Nagkakaisang mga Bansa. Ang unang mabangis na hayop ay may bilang-na-pangalan, na 666. Ang anim ay isang di-sakdal na bilang—kulang kung ihahambing sa sakdal na bilang na pito sa Bibliya—kung kaya’t ang anim na makaitlong uulitin ay nagpapahiwatig ng kaaba-abang di-kasakdalan ng mga pinunong tao sa ngayon. Bagaman iginagalang ng mga Saksi ni Jehova ang pamahalaan at sila’y uliran sa pagsunod sa mga batas ng lupain na kinaroroonan nila, sila’y lakas-loob na tumatangging sumamba sa “mabangis na hayop” o sa larawan nito.—Apocalipsis 13:3-18; Roma 13:1-7.
Matakot sa Diyos—Bakit?
4. (a) Sino ang nakikitang nakatayo sa makalangit na Bundok Sion at sino ang inilalarawan ng 24 na matatanda na nasa harap ng trono ng Diyos? (b) Ano ang pagkakaiba ng “bagong awit” na inaawit ng pinahiran at ng “bagong awit” na inaawit ng malaking pulutong?
4 Para sa kasalukuyan, sapat na ang tungkol sa mga hayop na iyon! Bilang isang nakagiginhawang pagkakaiba naman, ang ikasiyam na pangitain ay nakatutok sa Kordero. Siya’y nakatayo sa Bundok Sion, kasama ang 144,000 na kaniyang binili bilang mga pangunang bunga buhat sa sangkatauhan. Bagaman ang ilan sa mga ito ay naglilingkod pa sa lupa, sa isang espirituwal na diwa lahat ng 144,000 ay “nagsiakyat sa Bundok Sion at sa . . . makalangit na Jerusalem.” (Hebreo 12:22) Angkop naman, ang 24 na matatanda ay nakikita rin dito na nasa harap ng trono ng Diyos, sapagkat kanilang inilalarawan ang grupo ring iyon ayon sa isang naiibang pangmalas—bilang mga binuhay na at iniluklok bilang mga hari at saserdote. Ang 144,000 ay nagsisiawit ng “isang bagong awit.” Ito’y nagbuhat sa kanilang pambihirang karanasan na sila’y binili sa lupa upang maging mga tagapagmana ng Kaharian. Ang malaking pulutong ay ‘umaawit din kay Jehova ng isang bagong awit,’ subalit ito’y naiiba dahil sa sila’y umaawit sa pag-asang magtatamo ng buhay na walang-hanggan sa makalupang sakop ng Kaharian.—Apocalipsis 7:9; 14:1-5; Awit 96:1-10; Mateo 25:31-34.
5. (a) Anong balita ang inihahayag ng anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, at bakit iyon ay walang-hanggan? (b) Anong utos ang isinisigaw ng anghel sa malakas na tinig, at bakit iyon ay angkop na angkop?
5 Ang pangitain ay lumalawak ngayon. Nakita ni Juan ang isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit. At anong pagkasaya-saya ang balitang kaniyang inihahayag! Ito’y walang-hanggang mabuting balita, sapagkat nangangahulugan ito ng buhay na walang-hanggan para sa mga tao sa bawat bansa at tribo at wika at bayan na tumatalima sa Diyos sa oras na ito ng kaniyang paghuhukom. Tuwirang kakaiba sa kasindak-sindak na mga hayop na kalalarawan lamang ni Juan, bakit nga ba hindi sasambahin ang kahanga-hangang Diyos na ito, oo, pakamamahalin? Siya ang Isang lumalang sa langit at sa lupa. Siya ang Bukal ng lahat ng bagay na umiiral, may buhay at walang buhay. May matibay na dahilan, kung gayon, na ipag-utos ng anghel sa napakalakas na tinig: “MATAKOT KAYO SA DIYOS AT MAGBIGAY-KALUWALHATIAN SA KANIYA”! Ang tinig ng anghel ay naririnig sa buong lupa, at ang alingawngaw ng pumupukaw na paanyayang ito ay dinadala ng mga Saksi ni Jehova sa buong sangkatauhan sa humigit-kumulang 200 wika.—Apocalipsis 14:6, 7; Isaias 45:11, 12, 18.
Pagbagsak ng Dakilang Babilonya
6. Anong kagulat-gulat na balita ang inihahayag ng isa pang anghel?
6 Isa pang anghel ang lumilitaw. Kagulat-gulat nga ang mensaheng kaniyang inihahayag: “Siya’y bumagsak na! Ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na, siyang nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng galit ng kaniyang pakikiapid!” (Apocalipsis 14:8) Sino ba ang Babilonyang Dakila, na anupa’t kaniyang nararahuyo maging ang mga bansa at sila’y nalalasing ng alak ng kaniyang pakikiapid?
7. Ano ba ang Babilonyang Dakila, at paano iyon umunlad?
7 Ang sinaunang Babilonya ang bukal na pinagmulan ng huwad na relihiyon, na lumawak nang lumawak sa buong lupa upang maging isang demonistikong imperyong pandaigdig, na angkop ang pangalang itinawag na “Babilonyang Dakila.” Sa paglakad ng panahon, ang Roma ay naging prominente sa imperyong iyan ng relihiyon, sapagkat sa ilalim ng Roma umunlad ang apostatang pagka-Kristiyano. Ang Roma ay nagpapatuloy na isang pandaigdig na sentro para sa maka-Babilonyang relihiyon. Ito’y malinaw na nakita noong 1986 nang ang relihiyosong mga lider ng daigdig ay tumugon sa panawagan ng papa ng Roma sa pamamagitan ng pakikipagtipong kasama niya sa Assisi, malapit sa Roma, upang manalangin alang-alang sa Internasyonal na Taon ng Kapayapaan na ipinahayag ng Nagkakaisang mga Bansa.
8. (a) Paanong ang Babilonyang Dakila ay dumanas ng malubhang pagbagsak, at ito’y pinatutunayan magmula pa kailan? (b) Ano ang nagpapakita na ang mga panalangin ukol sa kapayapaan na hinihiling ng mga pinunong relihiyoso ay hindi sinasagot?
8 Gayunman, ang Babilonyang Dakila ay dumanas ng malubhang pagbagsak! Sapol noong 1919 ito’y pinatutunayan ng umuurong na pagsuporta sa huwad na relihiyon sa buong daigdig. Kontrolado ngayon ng ateyistikong komunismo ang malawak na bahagi ng lupa. Ang kabataan sa ngayon ay tinuturuan ng ebolusyon, na salungat sa Salita ng Diyos. Sa Protestanteng Europa kakaunti nang mga tao ang nagsisimba, at isang papang mahilig maglibot ang nakikipagpunyagi upang huwag magkawatak-watak ang kaniyang imperyong Katoliko. Ang mga panalangin sa napakaraming mga diyos ng mga relihiyon ng sanlibutan ay maliwanag na hindi sinasagot. Ganito ang pag-uulat ni Ruth L. Sivard: “Dalawampu’t dalawang digmaan ang naganap noong 1987, higit na maraming digmaan kaysa anumang lumipas na taon sa napasulat na kasaysayan. Ang kabuuang bilang ng mga nangamatay sa mga digmaang ito hanggang sa ngayon ay humigit-kumulang 2,200,000—at mabilis na dumarami.”a Walang-walang nagawa ang pagtitipon sa Assisi para sa pananalangin! Sa kabila nito ang 1987 anibersaryo ng kapulungang iyon ay tinandaan ng papa sa pamamagitan ng paggawa ng isang medalya na may larawang kawangis niya sa isang panig at sa kabilang panig naman ay may simbolo ng pagtitipong iyon sa pananalangin. Sila’y patuloy na “nagsasabi, ‘May kapayapaan! May kapayapaan!’ gayong walang kapayapaan.”—Jeremias 6:14.
Nabunyag ang Pagpapatutot ng Babilonya
9. Ang klero ng Babilonyang Dakila ay napatanyag dahil sa anong gawang imoralidad?
9 Ipinakita ng Apocalipsis 14:8 na ang Babilonyang Dakila ay isang mapakiapid. Ang kaniyang klero ay napatanyag dahilan sa kanilang ginagawang imoralidad. Ang mga kawan ay ginatasan ng kanilang mga ebanghelisador sa TV ng daan-daang milyong dolyar, at kasabay nito sila ay gumagawa ng hayagang imoralidad. Ang mga paring Katoliko naman ay pinagdududahan din, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na report sa The Beacon Journal ng Philadelphia, Pennsylvania, noong Enero 3, 1988: “Daan-daang mga batang hinalay ng mga paring Katoliko sa Estados Unidos noong nakalipas na limang taon ang dumanas ng matinding emosyonal na kapinsalaan, ang sabi ng mga magulang, sikologo, mga pinuno ng pulisya at mga abogado na kasangkot sa mga kaso.” Ang seksuwal na imoralidad ang naging batik sa pangalan ng marami sa klero ng Babilonyang Dakila.
10. (a) Sa Apocalipsis 18:3, sa ano tumutukoy ang “pakikiapid” ng Apocalipsis 18:24, bakit ang klero ng Babilonyang Dakila ay karamay sa mabigat na kasalanang pagbububo ng dugo? (b) Gaya ng mapapansin sa sinasabi ng Apocalipsis 18:24, bakit ang klero ng Babilonyang Dakila ay karamay sa mabigat na kasalanang pagbububo ng dugo?
10 Subalit ang “alak ng galit ng kaniyang pakikiapid,” ay partikular na tumutukoy sa huwad na relihiyon sa kaniyang panliligaw sa mga pangulo, pagsuporta sa kanilang kampanya sa pulitika at sa mga digmaan, at paghikayat sa mga tao na sapilitang sumamba sa anumang makabansang bahagi ng mabangis na hayop. Malimit na natuklasan ng mga pulitiko na ang relihiyon ay isang mabisang kapareha sa pagtatamo ng kanilang mithiin, gaya ng makikita sa kasunduang ginawa ni Hitler sa Vaticano noong 1933 at sa Kastilang Giyera Sibil noong 1936-39. Noong panahon ng Pandaigdig na Digmaan II, ang klerong Katoliko, Protestante, Budhista, at iba pang mga relihiyon sa magkabilang panig ay kumilos na parang lasing dahil sa makabansang kainitan sa digmaan. Sila’y karamay sa mabigat na mga kasalanang pagbububo ng dugo ng angaw-angaw na mga kawal at mga sibilyan na nangamatay sa digmaan sapol noong 1914. Ang klero na sumuporta sa mga Fascista at mga Nazi ay nagkasala rin ng pagbububo ng dugo nang dahil sa ginawa nila sa mga Saksi ni Jehova, at sa mga iba pa, na mga pinaslang o nangamatay sa mga concentration camp.—Jeremias 2:34; Apocalipsis 18:3, 24.
11. (a) Ano ang tinanggihang sambahin ng pinahirang mga Kristiyano at ng malaking pulutong? (b) Anong kahanga-hangang mga pag-asa ang nagbibigay ng matinding dahilan na matakot sa Diyos at magbigay-kaluwalhatian sa kaniya?
11 Noong nakalipas na 74 na taon, ang tapat na pinahirang mga Kristiyano, kasama na ang dumaraming mga nasa malaking pulutong, ay patuloy na NATATAKOT SA DIYOS AT NAGBIBIGAY-KALUWALHATIAN SA KANIYA. Tayo’y matatag na tumangging sumamba sa anumang makabansang bahagi ng mabangis na hayop. Tayo’y tumangging magbigay-kaluwalhatian sa larawan ng hayop—ang Liga ng mga Bansa at ang UN—sapagkat batid natin na “ang kaharian ng ating Panginoon [si Jehova] at ng kaniyang Kristo” lamang ang makapagbibigay ng tunay na kapayapaan at katiwasayan. Tayo ay desidido na sumunod “sa mga utos ng Diyos at sa pananampalataya kay Jesus.” Ang pagtitiis ngayon ay may gantimpala! Ang pinahirang mga Kristiyano na “namamatay na kaisa ng Panginoon” ay ibinilang na maliligaya, sapagkat “ang mga bagay na ginawa nila ay kasa-kasama na nila.” Para naman sa sinuman na nasa malaking pulutong na posibleng mamatay dahil sa pag-uusig, sakit, o sa aksidente, ang pakikipagkaibigan sa Diyos na kanilang pinaunlad ang tumitiyak sa pagtatamo nila ng isang maagang pagkabuhay-muli sa lipunan ng “bagong lupa.” Ang kahanga-hangang mga pag-asang ito ang nagbibigay ng matinding dahilan para sa PAGKATAKOT SA DIYOS AT PAGBIBIGAY-KALUWALHATIAN SA KANIYA.—Apocalipsis 11:15, 17; 12:10; 14:9-13; 21:1.
12. Anong dalawang pag-aani ang nagaganap, at kailan?
12 Sa pagpapatuloy ng paghuhukom, may tinukoy ang mga anghel na dalawang pag-aani. Ang unang Mang-aani ay malinaw na si Jesus, samantalang nakaluklok sa kaluwalhatian ng Kaharian magmula noong 1914, sapagkat siya’y nakasakay sa ibabaw ng isang maputing alapaap, pinutungan ng korona, at “katulad ng isang anak ng tao.” Ngayon, sa araw ng Panginoon, kaniyang ginagapasan ang lupa, ang unang nagapas ay ang natitira pa na mga pinahirang Kristiyano at pagkatapos ay ang angaw-angaw na kabilang sa malaking pulutong. (Ihambing ang Mateo 25:31-34; Juan 15:1, 5, 16.) Ibang-iba, ang ikalawang pag-aani ay yaong sa “ubasan sa lupa,” na inihagis sa “malaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos.” Ito ang hatol na isinasakatuparan sa Har-Magedon, kung kailan isang balakyot at sali-salimuot na lipunan ng tao ang binubuwag at ang nakalalasong bunga nito ay lubusang pinipisa hanggang sa mawala. Harinawang purihin si Jehova sa pag-aalis sa lupa nitong nakalalasong ubasang ito!—Apocalipsis 14:14-20; 16:14, 16.
“Si Jehova . . . Matuwid at Tunay”
13. (a) Sa ikasampung pangitain, anong awit ang inaawit ng binuhay-muling mga pinahiran, at ano ang mga salita nito? (b) Paanong ang matuwid na mga kahatulan ng Diyos ay malinaw na inihahayag sa pangitaing ito?
13 Sa ikasampung pangitain ng Apocalipsis, tayo’y muling nakasasaksi ng makalangit na mga pangyayari sa harap ng trono ng Diyos. Anong laking kasayahan ang nagaganap sa harapan niya! Binuhay-muling mga pinahiran—na sa wakas mga nagtagumpay dahilan sa PAGKATAKOT SA DIYOS AT PAGBIBIGAY-KALUWALHATIAN SA KANIYA—ang nagsisiawit ng ‘awit ni Moises at ng Kordero’: “Dakila at kagila-gilalas ang iyong mga gawa, Jehovang Diyos, na Makapangyarihan-sa-lahat. Matuwid at tunay ang iyong mga daan, ikaw na Haring walang-hanggan. Sino nga ang hindi matatakot sa iyo, Oh Jehova, at luluwalhati sa iyong pangalan, sapagkat ikaw lamang ang matapat? Sapagkat lahat ng bansa ay darating at sasamba sa harap mo, dahilan sa nahayag ang iyong matuwid na mga utos.” Ang mga kahatulan ng Diyos ay matuwid nga at tunay, gaya ng totoong malinaw na nahahayag sa buong pangitaing ito! Ibinubuhos ng mga anghel ang pitong mangkok ng galit ng Diyos, na humahantong sa pagtitipon sa lahat ng mga bansa sa Har–Magedon at isang tagapagpagunita na “ang Babilonyang Dakila ay naalaala sa harap ng Diyos”! Napapanahon nga ang panawagan na MATAKOT SA DIYOS AT MAGBIGAY-KALUWALHATIAN SA KANIYA.—Apocalipsis 15:1–16:21.
14. Sa pangitaing 11 at 12, anong prominenteng bahagi ang ginagampanan ng Babilonyang Dakila, at bakit lubhang napapanahon nang lumabas sa kaniya?
14 Ang Babilonyang Dakila ay paulit-ulit na binabanggit sa Apocalipsis. Siya’y muli na namang nakikita natin bilang isang pangunahing karakter sa mga pangitaing 11 at 12. Siya’y “nakaupo sa maraming tubig,” kontrolado niya ang mga bayan at kaniyang nilalasing sila ng kaniyang nakalalason, kasinungalingang mga doktrina. Siya mismo ay lasing sa “dugo ng mga banal,” na kaniyang pinaslang sa mga pag-uusig, at siya’y nagkakasala ng pagbububo ng dugo ng “lahat niyaong mga pinaslang sa lupa,” dahilan sa kaniyang taksil na pakikialam sa digmaan. Ang kaniyang pagsosyo sa malalaking negosyo at ang kaniyang pangingikil ng salapi sa mga tao ay nagpanhik sa kaniya ng malaking nakaw na kayamanan. Ang totoong karimarimarim ay ang kaniyang pakikilaguyo sa mga pulitiko, hanggang sa sukdulang makipagtawaran para mapatanyag sa pagsakay sa hayop ukol sa kapayapaan at katiwasayan—ang UN. Ngunit ang sandatahang mga sungay ng mismong hayop na iyan ang malapit nang maghubad at magwasak sa kaniya. Lubhang napapanahon nga para sa lahat na NATATAKOT SA DIYOS AT NAGBIBIGAY-KALUWALHATIAN SA KANIYA, na lumabas sa kaniya, “sapagkat ang kaniyang kasalanan ay umabot hanggang sa langit, at naalaala ng Diyos ang kaniyang mga katampalasanan.”—Apocalipsis 17:1–18:24.
15. Ang pagkapuksa ng dakilang patutot ay humahantong sa anong mga awit ng papuri at sinusundan ng anong iba pang napakaligayang pangyayari?
15 Ang paglipol sa Babilonyang Dakila ay dumarating, samakatuwid, bilang isang matuwid na kahatulan buhat kay Jehova. Sa pagpapahalaga rito, mga ‘Hallelujah’ (Aleluya) ang maririnig, sa langit at pagkatapos ay sa lupa, anupa’t tinutukoy nito na kay Jehova nanggagaling ang kaligtasan, kaluwalhatian, at kapangyarihan. Ang mga pag-awit ng “Purihin mo bayan si Jah!” ay kapahayagan ng malaking kagalakan sa walang-hanggang pagkapuksa ng dakilang patutot. Ang kaniyang pagkawasak ay kabaligtaran naman ng isang napakaligayang pangyayari sa langit—ang kasal ng Kordero, si Kristo Jesus, at ng kaniyang kasintahan, ang 144,000 tapat na mga nagwagi! Isang mistulang kulog na pag-aawitan ng papuri ang inaawit kay “Jehovang ating Diyos, ang Makapangyarihan-sa-lahat,” oo, ‘tayo’y mangagalak at tayo’y mangagsayang mainam, at siya’y ating luwalhatiin, sapagkat dumating na ang kasal ng Kordero at ang kaniyang asawa ay naghanda na ng kaniyang sarili’!—Apocalipsis 19:1-10.
16. Ayon sa pangitaing 13, anong usapin sa wakas ang lulutasin, at paano?
16 Gayunman, bago ganapin ang makalangit na kasalang iyan, ipinakikita ng pangitaing 13 kung paanong nilulutas ang usapin na kinasasangkutan ng pagkasoberano ni Jehova. Ang kaniyang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon, si Jesus, kasama ang hukbu-hukbong mga anghel, ay “humahatol at nakikipagbaka ayon sa katuwiran,” na niyuyurakan ang pisaan ng ubas ng kabangisan ng galit ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Lahat ng natitira pang bahagi ng makalupang pamamalakad ni Satanas ay pinagdudurug-durog, pinupulbos! (Apocalipsis 19:11-21) Samantalang ating natatanaw ang mabilis na papalapit na tagumpay na iyan sa pamamagitan ng mga pangitain sa Apocalipsis, tiyak na mayroon tayo ng lahat ng dahilan na MATAKOT SA DIYOS AT MAGBIGAY-KALUWALHATIAN SA KANIYA!
Ang Walang-Hanggang Pagluwalhati sa Diyos
17. Ano ang isinisiwalat ng mga pangitaing 14 at 15 tungkol sa maligayang resulta sa lahat ng natatakot sa Diyos at nagbibigay-kaluwalhatian sa kaniya?
17 Ang mga pangitaing 14 at 15 ng Apocalipsis ay nagsisiwalat ng maligayang resulta sa lahat ng NATATAKOT SA DIYOS AT NAGBIBIGAY-KALUWALHATIAN SA KANIYA. Ngayong si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay nakakulong na sa kalaliman nang isang libong taon, ang makalangit na kasal ng Kordero at ng kaniyang kasintahan ay nagaganap, at ang 144,001 na mga hari at mga saserdote ay maghahari nang isang libong taon samantalang ang sangkatauhan ay kanilang ibinabangon tungo sa kasakdalan. Pagkatapos ng pangkatapusang pagsubok, yaong mga patuloy na NATATAKOT SA DIYOS AT NAGBIBIGAY-KALUWALHATIAN SA KANIYA ay magwawagi at tatanggap ng pagsang-ayon para sa buhay na walang-hanggan. Kasali na rito ang bilyun-bilyong mga bubuhaying-muli, “ang malalaki at ang maliliit,” na magpapatunay na ang kanilang mga pangala’y nasusulat sa aklat ng buhay. “Isang bagong langit at isang bagong lupa” ang magdadala ng di-kawasang mga pagpapala sa sangkatauhan, mga pagpapalang tiyak na darating, sapagkat bilang Maylikha ng ‘lahat ng bagay na bago,’ si Jehova’y nagpapahayag: “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.”—Apocalipsis 20:1–21:8.
18. Ayon sa pangitaing 16, ano ang sukdulan ng aklat ng Apocalipsis?
18 Sa pangitaing 16 ay makikita ang sukdulan ng Apocalipsis. Ano iyon? Iyon ay isang pangitain ng isang lunsod. Ang lunsod na ito, ang bagong Jerusalem, ay malayung-malayo sa anumang lunsod na naitayo rito sa lupa ng tao—ibang-iba sa Babilonyang Dakila, ang lunsod na ang taglay na apostasya, kasuklam-suklam na moral, at pulitikal na pagpapatutot ay isang malaking pagkalapastangan sa Diyos. Ang banal na lunsod ay dalisay, malinis, mahal. Ito ang kasintahan ng Kordero, ang kaniyang katu-katulong sa pagkakaloob ng buhay na walang-hanggan sa sanlibutan ng sangkatauhan. (Juan 3:16) Hindi nga katakataka na ang panawagan na lumabas sa huwad na lunsod, ang Babilonyang Dakila, ay buong lakas, buong linaw na inihahayag!—Apocalipsis 18:4; 21:9–22:5.
19. (a) Anong paanyaya ang ibinibigay sa pamamagitan ng uring kasintahan, at paano tumutugon ang mga maaamo? (b) Ano ang ibubunga ng pagbibigay natin ng positibong tugon sa utos na “matakot kayo sa Diyos at magbigay-kaluwalhatian sa kaniya”?
19 Sa pamamagitan ng dinamikong espiritu ni Jehova ay pinararating sa pamamagitan ng uring kasintahan ang nagpapasiglang paanyaya: “Halikayo!” Oo, lahat kayong maaamo na naghahangad ng buhay na walang hanggan sa isang pambuong globong paraiso, halikayo sa “ilog ng tubig ng buhay,” at tanggapin ang lahat ng paglalaan ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo at ng kaniyang kasintahan sa pagtatamo ng buhay na walang-hanggan! Anong kahanga-hangang pag-asa—ang mabuhay na isang taong sakdal sa isang lupang paraiso! Ito ang magiging gantimpala sa maraming may positibong tugon sa utos na: “MATAKOT KAYO SA DIYOS AT MAGBIGAY-KALUWALHATIAN SA KANIYA”!—Apocalipsis 22:6-21.
[Talababa]
a World Military and Social Expenditures 1987-88.
PAANO MO SASAGUTIN?
□ Ano ang napapanahong aral sa atin sa pangitain tungkol sa dalawang mababangis na hayop?
□ Paano tayo dapat tumugon sa paghahayag ng anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit?
□ Paanong ang Babilonyang Dakila ay kasangkot sa pakikiapid, at paano ito itinuturing niyaong mga natatakot sa Diyos?
□ Paanong pinag-aanihan ang lupa sa panahon ng araw ng Panginoon?
□ Sa anong maliligayang pangyayari nagtatapos ang Apocalipsis, at paano maaaring magkaroon ng bahagi roon ang bayan ng Diyos?
[Larawan sa pahina 23]
Ang medalyang tansong ito ay inilabas noong Oktubre 1987 sa anibersaryo ng Panalangin Ukol sa Kapayapaan sa Assisi. Sa isang panig ay ang larawan ng “Santo Papa” na may sulat sa palibot na: “John Paul II Pontifex Maximus” at ang petsa. Ang nasa kabilang panig naman ay si “Saint Francis” ang nananawagan para sa “Kapayapaan na Kaloob ng Diyos” sa Assisi sa Pananalangin sa Pagtitipon Ukol sa Kapayapaan