Dote—Ano ang Dapat na Maging Pangmalas Dito ng mga Kristiyano?
ANG sinaunang kaugalian ng pagbabayad ng dote ay ginaganap pa rin sa maraming lupain. Sa karamihan ng kaso, ang bayad ay salapi, at may kasamang mga regalong mahahalagang bagay. Ang halagang ibinabayad ay nagkakaiba-iba sa lugar at lugar at sa pami-pamilya, depende sa katayuan sa lipunan, sa edukasyon, at sa mga iba pang bagay-bagay. Iyon ay itinatakda ng batas sa mga ilang bansa, bagaman iilang mga tao ang may sinusunod na tiyak na halaga.
Ang maingat na pagsasaalang-alang ay nagpapakitang kasangkot sa modernong kaugalian ang hindi lamang pagbabayad ng dote. Kung gayon, isang katalinuhan na pag-isipan kung paano ito makaaapekto sa iyo bilang isang Kristiyano.
Sa Papua New Guinea, ang pagbabayad ng dote ay kagaya ng paglilipat ng mga ari-arian buhat sa isang grupong pampamilya, ang pamilya ng lalaking ikakasal, tungo sa katumbas na grupo sa panig naman ng babaing ikakasal. Ang halaga ay maaaring tumakbo buhat sa $100 hanggang $46,000, depende sa kung gaano kayaman ang pamilya ng lalaking ikakasal. Sa Sri Lanka, ang situwasyon ay baligtad. Ang mga magulang ng babaing ikakasal ang kailangang magbigay ng dote sa lalaking magiging manugang nila. Kasali na rito marahil ang alahas, ari-arian, bahay, at pera. Upang ang ari-arian ay huwag makalabas ng pamilya, ang kaugalian ay mag-asawa ng isang pinsambuo.
Sa maraming parte ng Aprika, ang pagbabayad ng dote ay isa sa kinaugaliang mga kahilingan upang makabuo ng isang kasunduan sa pag-aasawa at magkaroon ito ng bisa. “Sa mga Igbo,” ang sabi ng isang ama na taga-Nigeria nang ang anak na babae ay inihanda para sa pag-aasawa, “ang pagbabayad ng dote ay kinakailangan upang ang pag-aasawa’y magkaroon ng pagkakakilanlang kultura. Ang pagtanggap dito ay tanda ng pagsang-ayon ng pamilya ng babae. Sinasapatan nito ang pagkaunawa ng mga tao hinggil sa pag-aasawa. Kaya naman, kahit na ang isang kasal na ginanap sa simbahan o ng ministro ng gobyerno ay hindi kikilalanin sa lokal na komunidad maliban sa binayaran ang dote.”
Kung Paano Naaapektuhan ang Ama
Sa mga Aprikanong ito, ang dote ay kinikilalang isang simbolikong tanda na nagpapakilala sa kakayahan ng lalaki na bumuhay ng isang pamilya. Ang mga miyembro ng kaniyang pamilya ay dumadalaw sa mga magulang ng babae para sa pakikipagtawaran para sa pinakamababang halaga ng dote. Sa maraming lugar ay hindi na ganito ang nangyayari, sapagkat ang mga ama ngayon ay aktuwal na nakikipagtawaran para sa pinakamataas na presyo na posibleng makamit nila. Ang hinihinging halaga’y mula sa humigit-kumulang $12, na takda ng batas sa mga ilang lugar sa Nigeria, hanggang $1,400 o higit pa. Maaaring umasang tatanggap ng pera o mga regalo bago maganap ang unang-unang pagdalaw ng mga magulang ng lalaking manliligaw. Pagkatapos, gaya sa Zaire, higit pa sa riyan marahil ay kailangang ibayad upang “magbukas ng bibig ang ama,” samakatuwid nga, upang hikayatin siya na makipagtawaran ng presyo para sa kaniyang anak na babae. Kahit na pagkatapos na maibayad ang isang tiyak na halaga, maaaring humiling ng mga iba pang bayad at mga regalo.
Ang ganiyang mga kaugalian ay maaaring magpaningas ng kasakiman sa salapi. Sa kabila nito, ang Bibliya’y nagsasabi: “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan.” (1 Timoteo 6:10) Dahilan sa kasakiman, ang mga tao ay baka mahulog sa pangingikil, at ito’y hindi kinalulugdan ng Diyos. Ang Bibliya’y nagsasabi sa atin na walang “taong masakim—na nangangahulugang pagiging isang mananamba sa idolo—ang may anumang mamanahin sa kaharian ng Kristo at ng Diyos.”—Efeso 5:5; ihambing ang Kawikaan 20:21; 1 Corinto 5:11; 6:10.
Gayunman, walang tiwali sa pagbibigay ng isang dote sa ama bilang maliit na pabuya dahil sa pag-alis sa piling niya ng isang anak na babaing kaniyang pinalaki at pinag-aral. Para sa isang mamanugangin maaaring malasin niya ito na isang kabayaran na tanda ng kaniyang pagpapahalaga sa pagsasanay na ibinigay sa kaniyang magiging kabiyak. Datapuwat, may mga magulang na nagsisikap na mabawi ang lahat ng kanilang nagugol, sa paniniwala nila na ang kanilang mga anak na babaing nag-asawa ay hindi tutulong sa pagpapaaral sa nakababatang mga anak. Ang hinahangad ng gayung mga magulang ay ang pinakamalaking halagang posibleng makuha nila bilang dote, na para bagang ang kanilang mga anak na babae ay mga kalakal lamang na ibinibenta. Subalit obligasyon nila sa kanilang mga anak na palakihin ang mga ito sa mabuting paraan. Ang dapat nilang ipagmalaki ay ang pagkaganap nila sa obligasyong ito, hindi ang sikapin na makabawi sila sa pamamagitan ng malaking halaga o prestihiyo na maaari nilang makamit pagka binigyan sila ng labis-labis na halaga bilang dote. Sa halip na akayin ng mga magulang na ang pag-isipa’y materyal na mga pakinabang na maidudulot ng kanilang mga anak, ang Bibliya ay nagsasabi: “Hindi nararapat ipagtipon ng mga anak ang kanilang mga magulang, kundi ng mga magulang ang kanilang mga anak.”—2 Corinto 12:14.
Sa paghiling na ginagawa ng mga ilang nag-aangking mga amang Kristiyano ay hindi isinasaalang-alang ang kakayahan sa pananalapi ng nanliligaw na mga binatang Kristiyano. Siyanga pala, may mga gayong ama, na tumanggi sa makatuwirang alok ng mga kapatid na Kristiyano sapagkat mas higit ang alok ng makasanlibutang mga lalaki! Mayroong iba na ang pakikipag-ayos ay ipinauubaya sa makasanlibutang mga kamag-anak, na kung magkagayon humihingi ng labis-labis na malaking halaga. Samantalang nagaganap ang ganitong pakikipagtawaran, sa gayong katayuan ay baka mahila sa gawang pakikiapid ang dalawang nagbabalak pakasal. Ganito ang nangyayari sa mga taong makasanlibutan. Kadalasa’y nangyayari na ang gagamitin ng nabigong magkasintahan ay ang pagbubuntis bilang pinakamadaling paraan upang tanggapin ng pamilya ng babae ang halagang abot-kaya ng lalaking manliligaw.
Hindi ganito ang dapat na mangyari sa mga Kristiyano. Ibinabawal ng Salita ng Diyos ang pakikiapid, at ang mga taong nagkakasala ng pakikiapid ay maaaring matiwalag sa kongregasyon. (1 Corinto 6:9; Hebreo 13:4) Ang isang ama ang sa tuwina’y masisisi kung dahil sa kaniyang labis-labis na mga kahilingan ay mahulog sa paggawa ng imoralidad ang kaniyang anak na babae. Ang gayong kapintasan ay may malaking epekto sa kaniyang katayuan sa kongregasyon. Gayundin naman, ang pagtanggap ng anumang halaga na pinakadote buhat sa isang taong makasanlibutan upang maging asawa niya ang isang nag-alay na babaing Kristiyano ay di-teokratiko. Sa paggawa nito ay nagiging diskuwalipikado ang isang kapatid para sa mga ilang pantanging pribilehiyo sa kongregasyon. Nanaisin ng mga magulang na Kristiyano na ang kanilang mga anak ay manatiling malakas sa kongregasyong Kristiyano at dapat na tulungan ang mga ito upang manatiling may malinis na asal. Dapat nilang hangarin na ang kanilang mga anak na dalaga’y lumigaya sa pag-aasawa sa “tanging nasa Panginoon lamang,” sa mga lalaking umiibig din kay Jehova at may matinding paggalang sa kaniyang mga batas at mga simulain.—1 Corinto 7:39.
Di-makakristiyano na ituring ang dote bilang isang paraan ng pagkakakitaan para sa anak ng isang tao, na sumisingil ng labis-labis kaysa sa kinakailangan. Ang isang amang Kristiyano ay kailangang umiwas sa kasakiman at kaimbutan, sapagkat ito’y maaaring labis na makaapekto sa kaniyang espirituwalidad at sa kaniyang mga pribilehiyo na tinatamasa niya sa kongregasyon.—1 Corinto 6:9, 10.
Nakatutuwa naman, maraming mga ama na Kristiyano ang nagpakita ng konsiderasyon sa kanilang paghingi ng dote, at nagpapakita ito ng isang mahusay na saloobin. Mayroon pa ngang iba na hindi na humihingi ng dote, upang maiwasan ang pag-aabuso sa kaugaliang iyan at pagkaranas ng mga suliranin sa espirituwal.
Kung Paano Ito Makaaapekto sa Magpapakasal na Magkasintahan
Ang kasakiman ng isang babae, sa mga ilang kaso, ang nakaimpluwensiya sa halagang takda ng mga magulang bilang dote. Mayroong mga taong humihingi ng isang napakamagastos at marangyang kasalan, at kanila pang patuloy na sinusulsulan ang kanilang mga magulang tungkol dito. Ang mga iba’y humihiling sa kanilang mga magulang na bumili ng mga mamahaling gamit para sa bagong sambahayan. Upang matugunan ang gayong mga kahilingan, baka maisip ng ama na kailangang dagdagan niya ang hinihinging dote.
Sa kabilang panig, ang lalaking ikinasal ay nagsisimula ng kaniyang buhay may-asawa pasan ang maraming utang na ginastos sa isang marangyang kasal at sa mamahaling mga muwebles. Ang Salita ng Diyos ay nagsasabi na “ang karunungang nagmumula sa itaas ay . . . makatuwiran.” Hahayaan ng mga ikakasal na ang kanilang “pagkamakatuwiran ay makita ng lahat ng tao” sa pamamagitan ng pagpaplano ng kanilang kasal na hindi nag-aatang nang mabigat na gastusin sa kaninuman.—Santiago 3:17; Filipos 4:5.
Pagkatapos ng kasal, ang isang babae ay baka sukatin ang pag-ibig sa kaniya ng kaniyang asawa ayon sa halagang ibinayad ng asawang lalaki bilang dote. Baka akalain niyang siya’y walang katatagan kung ang asawang lalaki’y maliit lamang ang ibinayad. Baka isipin niya na pagsasawaan siya ng asawang lalaki at kung nais nito na paalisin na siya, madaling magagawa iyon ng lalaki, at hindi na bale kung hindi man niya mabawi ang maliit na halaga na kaniyang ibinayad. Totoo naman na may mga asawang lalaking nagsauli ng kani-kanilang asawa sa kani-kanilang magulang nang dahil sa iba’t ibang kadahilanan, tulad halimbawa kung ang babae ay hindi magkaanak o nagpapakita ng isang kaloobang mapaghimagsik. Sa di-kinukusa’y ganito ang hinihimok niyaong mga taong nagsasabi sa isang binatang kababayad lamang ng dote: “Ikaw ay bumili ng isang asawa.” Kung siya’y nagbayad ng isang malaking halaga, baka matukso ang lalaki na ituring ang kaniyang maybahay bilang isang biniling utusan sa halip na kaniyang pinakamatalik na kaibigan. At, sa sarisaring kadahilanan, isinauli ng ama ang dote at pinilit na lisanin ng kanilang mga anak na babae ang kani-kanilang asawa.
Mayroon namang iba na ngangatuwirang ang malaking dote ay tumutulong upang huwag mangyari ang ganito dahilan sa mahirap na isauli o ibalik ang isang malaking halaga. Sila’y may paniwala rin na ang isang malaking halaga ay nakahahadlang sa maagang pag-aasawa, yamang mas matagal na panahon ang kailangan upang ang isang lalaki’y makapagtipon ng pera para sa pag-aasawa. Ang pagsasaalang-alang nito, ayon sa kanilang paniwala, ay may resultang mga asawang lalaki na maygulang at responsable at higit na matatag ang pag-aasawa.
Bagaman ito ay marahil totoo sa mga ilang kaso, ang katatagan ng pag-aasawa ng Kristiyano ay di dapat mapasalig sa gayong materyalistikong punto-de-vista. Ang katapatan ng isang Kristiyanong asawang lalaki ay hindi dapat dumipende sa materyal na mga bagay na maaaring maiwala niya kung magkahiwalay silang mag-asawa. Bagkus, ang dapat na maging panuntunan niya ay ang simulain ng Kasulatan: “Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” (Mateo 19:6) Sa halip na ang mga asawang babae ay ituring na pag-aaring binili, sa mga asawang lalaki ay iniutos na ‘pakundanganan sila.’ (1 Pedro 3:7) Sinabi ni Jesus na ang isang lalaki at ang isang babae ay nagiging “iisang laman” pagka sila’y nakasal na. (Mateo 19:5; Genesis 2:24) Ang Bibliya’y nagpapayo sa mga lalaki na ibigin ang kani-kanilang asawa, sila’y pakamahalin at alagaan, tulad ng ginagawa nila sa kanilang sariling katawan. (Efeso 5:28, 29) Isa pa, ang tunay na sukat ng pag-ibig ng isang lalaki ay sa paraan ng pakikitungo niya sa kaniyang asawa sa loob ng mga taon pagkatapos na sila’y makasal. Nagbayad man o hindi ng dote ang isang lalaki, kung kaniyang inaalagaang mabuti ang kaniyang asawa at tapat ang kaniyang pag-ibig, mapag-aalinlanganan ba ng sinuman na kaniyang iniibig ang asawang babae?
Ang dote ay maaari ring makaapekto sa pagkakilala ng isang lalaki sa mga magulang ng kaniyang asawa. Kung siya’y nagbayad ng malaking dote, baka isipin niya na wala na siyang dapat na itulong pa sa kanila, kahit na kung sila’y datnan ng pangangailangan. Subalit, ang Bibliya ay nagsasabi: “Kung ang sinumang biyuda ay may mga anak o mga apo, ang mga ito’y hayaang matuto muna na mamuhay ayon sa makadiyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at patuloy na gumanti ng kaukulan sa kani-kanilang mga magulang at mga nuno, sapagkat ito’y kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.” (1 Timoteo 5:4) Ang mga Kristiyano’y sumusunod sa payong ito, subalit isang suliranin ang maaaring bumangon kung papayagan ng asawang lalaki na yamang siya’y nagbayad ng dote ay wala na siyang obligasyon na dapat panagutan pa.
Manatiling May Timbang na Pangmalas
Mayroong mga kaugaliang may kaugnayan sa dote na maaaring lumikha ng mga pantanging suliranin para sa isang lalaking pakakasal sa isang espirituwal na sister na hindi mga Kristiyano ang mga magulang. Baka hilingin sa kaniya na sumali sa mga seremonyang nakasalig sa pagsamba sa mga ninuno at sa paniniwala sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa. (Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4) Subalit magagawa kaya niya ito nang hindi naiwawala ang pagsang-ayon ng Diyos at ang pagpapalang pinagkakaloob ni Jehova sa mga taong ‘naglinis ng kanilang mga kaluluwa sa pamamagitan ng kanilang pagtalima sa katotohanan’? (1 Pedro 1:22; Apocalipsis 18:4) Pagka napaharap sa ganiyang mga kahilingan, ang isang nag-alay na Kristiyano ay kailangang sa tuwina’y maging desidido na “tumalima sa Diyos bilang pinuno bago sa mga tao.”—Gawa 5:29.
Ang naunang mga komento tungkol sa pangingikil, pag-iwas sa pakikiapid, at pag-aasawa tanging sa mga kapananampalataya lamang ay kumakapit din pagka ang pamilya ng babaing ikakasal ang nagbibigay ng dote. Ang isang dalagang Kristiyano at ang kaniyang mga magulang ay di dapat patnubayan ng makasanlibutang mga pamantayan sa kanilang pagpili ng isang lalaking mapapangasawa ng kanilang anak. Ang pag-aasawa sa isang di-Kristiyano ay isang gawang pagsuway sa Diyos. Sa pamamagitan ni Moises, Kaniyang sinabi sa mga Israelita: “Huwag kang papasok sa kasunduan na pakikipag-asawa sa kanila. Ang iyong anak na babae ay huwag mong pag-aasawahin sa kaniyang anak na lalaki, at ang kaniyang anak na babae ay huwag mong pag-aasawahin sa iyong anak na lalaki.” (Deuteronomio 7:3, 4; 1 Corinto 7:39) Malinaw, hindi nararapat na ang Kristiyanong mga lalaki o mga babae ay magpaanunsiyo ng kanilang sarili sa pangmadlang mga pahayagan sa paghahanap ng mapapangasawa. Sa gitna ng kanilang mga kapatid na Kristiyano dapat silang humanap ng karapat-dapat maging asawa.
Ang pag-aasawa ay isang banal na kaayusan ni Jehova, at lahat tayo ay dapat na akayin ng kaniyang sinasabi tungkol dito sa kaniyang Salita. Ang ating maningas na pag-ibig kay Jehova, sa ating mga anak, at sa ating mga kapananampalataya ang dapat umakay sa atin na lumayo sa lahat ng gawain na labag sa matuwid at sa mabuti. (Awit 119:105; Hebreo 4:12) Ang pagpapala ni Jehova ay tiyak na magpapatuloy sa mga taong sumusunod sa kaniyang Salita sa paggawa ng desisyon hindi lamang tungkol sa dote at bigay-kaya kundi sa lahat ng mga iba pang pitak ng buhay.—Kawikaan 10:22.