Isang Hiwaga—Sino ang Patutot na Babilonyang Dakila?
ISANG babae, isang walang kasinsamang patutot, na nakaimpluwensiya sa buhay ng bilyun-bilyong mga tao, ang pinapatay, binibitay. Subalit ito’y hindi isang karaniwang pagbitay. Ano’t ito’y naiiba? Ang tagabitay ay isang hayop, isang mabangis na hayop na sa kaniya’y humuhubad, kumakain ng kaniyang laman, at pagkatapos ay iniiwanan na lamang ang kaniyang bangkay upang tupukin ng apoy. Sino nga ba ang maimpluwensiyang babaing ito? Bakit siya inaatake ng isang mabangis na hayop? Ano ba ang kaniyang ginawa upang sumapit sa ganitong marahas na pagkamatay?a—Apocalipsis 17:16, 17.
Ito’y maaaring maging batayan ng isang nakaiintrigang mahiwagang kuwento—kaya lamang ay hindi ito ang balangkas para sa isang nobela. Ito ay isang totoong kasaysayan na kasalukuyang natutupad. At ito ay mahalaga sa iyo sapagkat ang walang kasinsamang patutot na ito ay baka umiimpluwensiya sa iyong buhay sa mismong sandaling ito. Isa pa, ang pagtatamo mo ng buhay o kaya’y kamatayan ay depende sa kung mananatili kang kapiling niya o dili kaya’y hihiwalay ka sa kaniya. Kaya’t sino nga ba siya?
Ang mga Kliyente ng Mahiwagang Babae
Ang haliparot na ito, itong di-nahihiyang manunuksong ito, ay inilalarawan sa makahulang aklat ng Bibliya na Apocalipsis, na kung saan ay mababasa natin: “At ako’y dinala [ng anghel] na nasa kapangyarihan ng espiritu sa isang ilang. At nakita ko ang isang babae na nakasakay sa isang matingkad-pulang mabangis na hayop na punô ng mga pangalang pamumusong at may pitong ulo at sampung sungay. At ang babae ay nararamtan ng kulay-ube at matingkad na pula, at nahihiyasan ng ginto at mamahaling bato at mga perlas at may hawak sa kamay ng isang gintong kopa na punô ng mga kasuklam-suklam na bagay at ng maruruming bagay ng kaniyang pakikiapid. At sa kaniyang noo ay nakasulat ang isang pangalan, isang hiwaga: ‘Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng mga kasuklam-suklam na bagay sa lupa.’”—Apocalipsis 17:3-5.
Ngayon ang ‘Babilonyang Dakilang’ ito ay tiyak na isang maimpluwensiyang babae, sapagkat sa Apoc 17 talatang 1 ay iniuulat na siya’y “nakaupo sa maraming tubig.” Ano ba ang ibig sabihin niyan? Ang anghel ng Diyos ang nagpaliwanag kay Juan: “Ang nakita mong mga tubig, na inuupuan ng patutot, ay nangangahulugan na mga bayan at mga karamihan at mga bansa at mga wika.” (Apocalipsis 17:15) Tiyak na ito’y isang patutot na may impluwensiya sa buong daigdig. Subalit siya’y hindi karaniwang patutot. Siya “ang ina ng mga patutot,” ang pinaka-reyna ng institusyon. Kung pakikiapid ang pag-uusapan, siya ang nagbibigay ng utos. Subalit siya ay mayroon din namang natatanging kliyente.
Isinisiwalat ng anghel kung sino itong mga paboritong kliyente ng dakilang patutot. Paano ipinakikilala ng anghel ang mga ito? Kaniyang sinasabi na ang Babilonyang Dakila ang siyang “pinakiapiran ng mga hari sa lupa, at ang mga nananahan sa lupa ay nalasing sa alak ng kaniyang pakikiapid.” (Apocalipsis 17:2) Ito’y tiyak na isang kaakit-akit na patutot na may mahuhusay na koneksiyon upang makaakit sa mga pulitikong pinuno ng sanlibutan, ang mismong “mga hari sa lupa”! Kaya sino nga ba siya?
Sinasabi ng anghel na siya ay may pangalan, isang mahiwagang pangalan, “Babilonyang Dakila.” Ngayon ay mayroon nang dalawang himatong tungkol sa kung sino nga ba siya—ang isa ay mga kliyenteng paborito niya at ang isa pa ay ang kaniyang pangalan, Babilonyang Dakila. Sa anong konklusyon umaakay sa atin ang mga himatong na iyan?
[Talababa]
a Ito ang una sa apat na labas ng Ang Bantayan na tatalakay sa mga ito at sa kaugnay na mga tanong tungkol sa mahiwagang babaing ito.