Huwag Kayong Makipamatok sa mga Di-Sumasampalataya
“Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat . . . anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa di-sumasampalataya?”—2 CORINTO 6:14, 15.
1. Papaano nangyaring nakapag-asawa ng di-sumasampalataya ang isang sister?
ISA sa mga Saksi ni Jehova na tagagitnang-kanlurang Estados Unidos ang nabiyuda dahil sa nasawi ang kaniyang asawang lalaki sa isang aksidente ng kotse mga ilang taon na ngayon ang nakalipas. “Sa una ay sirang-sira ako,” ang naaalaala pa niya, “ngunit disidido ako na huwag hayaang makapigil ito ng aking paglilingkod kay Jehova. Bagaman ganoon, unti-unting nadama ko na ako’y parang isang taong di-nababagay sa gitna ng mga mag-asawa sa kongregasyon. Kami ng aking anak na babae ay hindi laging naaanyayahan sa mga pagliliwaliw ng pamilya. Pagka nakikita ko ang mga mag-asawang Kristiyano na nagpapakita ng pagmamahal sa isa’t isa, aking nadarama na ako’y lalong higit na itinatakuwil. Walang sinuman na tila man din nakapapansin na ako’y patuloy na nanghihina sa espirituwal. Kaya nang isang lalaking makasanlibutan na nakilala ko sa trabaho ang mag-anyaya sa akin sa pananghalian, pinaunlakan ko. Bago ko natanto iyon, ako pala’y umiibig na sa kaniya. Sa wakas, ako’y mahinang-mahina na at nadadaig ng aking kalungkutan kung kaya pumayag na akong pakasal sa kaniya.”
2. Bakit natural ang pagnanais na mag-asawa, at ang pag-aasawa’y dinisenyong bumuo ng ano?
2 Oo, ang pagnanais makatuwang sa buhay ang isang kabiyak ay maaaring napakatindi, at ito’y natural din naman. Gaya ng sinabi mismo ni Jehova: “Hindi mabuti na ang lalaki ay patuloy na mag-isa. Ako’y gagawa ng isang katulong para sa kaniya, bilang isang kapupunan [“kamukha,” isang bagay na angkop para sa kaniya] niya.” (Genesis 2:18, New World Translation Reference Bible, talababa) Ang pag-aasawa ay dinisenyo na bumuo ng isang matalik, permanenteng buklod ng pagkakaisa sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Hindi si Adan kundi si Jehova ang nagsabi: “Iiwan ng lalaki ang ama niya at ang ina niya at pipisan sa kaniyang asawa at sila’y magiging isang laman.” (Genesis 2:22-24; ihambing ang Mateo 19:4-6.) Marahil ang iyong puso ay nananabik sa gayong isang kamukha.
3, 4. (a) Papaanong ang Bibliya’y nagbababala laban sa pagbuo ng matalik na kaugnayan sa mga di-sumasampalataya? (b) Sa papaano maikakapit sa pag-aasawa ang payo ni Pablo tungkol sa pakikipamatok nang kabilan? (c) Ano kaya ang pagkaunawa ng mga Kristiyano sa Corinto sa pananalitang “mga di-sumasampalataya”? (Tingnan ang talababa.)
3 Bagaman gayon, ang Bibliya’y nagbibigay-babala laban sa pagbuo ng matalik na mga kaugnayan sa mga di-sumasampalataya. Gaya ng pagkasabi ni apostol Pablo: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan [“Huwag kayong magpasingkaw ng inyong sarili nang kabilan,” The Jerusalem Bible] sa mga di-sumasampalataya.a Sapagkat . . . anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa isang di-sumasampalataya.”b (2 Corinto 6:14, 15) Baka ang sumasaisip ni Pablo noon ay ang pagbabawal ng Kautusang Mosaiko laban sa paglalagay sa ilalim ng iisang pamatok sa isang baka at isang asno para sa pag-aararo. (Deuteronomio 22:10) Ang asno ay mas maliit at hindi kasinlakas ng baka at mahihirapan dahil sa gayong pamatok na kabilan. Yamang ang pag-aasawa’y mistulang isang pamatok na nagbubuklod sa mag-asawa, kung ang isang Kristiyano’y mag-aasawa ng di-sumasampalataya ang resulta’y isang pamatok na kabilan. (Mateo 19:6) Ang gayong pamatok ay kadalasan nagdadala ng karagdagang kagipitan at kaigtingan sa isang mag-asawa.—Ihambing ang 1 Corinto 7:28.
4 Gayunman, gaya ng ipinakikita ng pambungad na karanasan, ang ibang mga Kristiyano ay nagpasiyang mag-asawa ng mga di-sumasampalataya. Bakit para sa iba’y nahihirapan sila na mag-asawa nang “nasa Panginoon lamang”?—1 Corinto 7:39.
Kung Bakit ang Ilan ay sa Iba Humahanap
5. Magbigay ng halimbawa kung bakit ang ilan ay napaiibig ng isang di-sumasampalataya.
5 Hindi masasabing sadyang gumagawa sila ng hakbang upang ipagwalang-bahala ang payo ng Diyos. Isaalang-alang ang katayuan ng isang sister na Kristiyano na marahil ay ibig mag-asawa. Baka inaasam-asam niyang makapag-asawa ng isang Kristiyano, subalit sa tingin ay walang maraming mapagpipiliang mga kapatid na lalaki sa grupo ng kaniyang sumasampalatayang mga kaibigan. Siya’y palaisip tungkol sa kaniyang edad. Baka ibig niyang magkaroon ng pamilya. Ang pangambang siya’y tatanda na nag-iisa at dahil sa ibig niyang madama na may nagmamahal sa kaniya siya ay madaling matutukso. Kaya naman, kung isang lalaking makasanlibutan ang magpapakita na ito’y interesado sa kaniya, mahirap na paglabanan iyon. Ang lalaki’y baka sa tingin ay mabait, malumanay. Marahil ito’y hindi naninigarilyo o gumagamit ng pangit na mga pananalita. Saka ngayon papasok ang ganitong mga pangangatuwiran: ‘Aba, mas mabuti siya kaysa maraming mga kapatid na lalaking kilala ko!’ ‘Interesado naman siya sa pag-aaral.’ ‘Mayroon akong nalalamang mga kaso na kung saan ang isang sister ay nag-asawa ng isang di-sumasampalataya at nang bandang huli siya’y naging isang sumasampalataya.’ ‘May mga pag-aasawang Kristiyano na bigo!’—Tingnan ang Jeremias 17:9.
6, 7. (a) Papaano tinukoy ng isang sister na dalaga ang kaniyang pagkasiphayo? (b) Anong tanong ang nararapat nating isaalang-alang?
6 Oo, ito’y lubhang nakasisiphayo para sa isang Kristiyanong walang asawa na ibig mag-asawa. Mayroon pa nga riyan na nag-iisip na sila’y wala nang pag-asa. “Totoong kakaunti ang bilang ng mapagpipiliang mga kapatid na binata,” ang sabi ng isang sister na dalaga sa pagtukoy sa kalagayan sa kaniyang lugar. “Pero ang bilang ng mga sister na walang asawa ay totoong malaki. Habang nakikita ng isang sister na siya’y mabilis na nagkakaedad, ang kaniyang mapagpipilian ay ang tuluyan nang hindi pag-aasawa o pag-aasawa sa unang pagkakataong dumating.”
7 Gayumpaman, maliwanag ang payo ng Bibliya: ‘Huwag kayong makikipamatok sa mga di-sumasampalataya.’ (2 Corinto 6:14) Ito bang kinasihang babalang ito ay malupit o walang katuwiran?
Isang Kapahayagan ng Maibiging Pangangalaga ng Diyos
8. Papaano ipinakita ni Jehova na ang pinakamagaling na ikabubuti natin ang sumasa-puso niya?
8 Si Jehova ay lubhang nababahala tungkol sa ating walang-hanggang ikabubuti. Hindi ba napakalaking halaga ang kaniyang ibinayad nang ibigay niya ang kaniyang Anak bilang “isang pantubos na kapalit ng marami”? (Mateo 20:28) Hindi baga siya ‘ang Isa na nagtuturo sa atin ng mapapakinabang’? (Isaias 48:17) Hindi baga siya ang nangako na ‘hindi niya itutulot na tayo’y tuksuhin nang higit sa ating makakaya’? (1 Corinto 10:13) Makatuwiran, kung gayon, na sa pagsasabi niyan na huwag tayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya, tiyak na ang pinakamagaling na ikabubuti natin ang sumasa-puso niya! Pag-isipan kung papaanong ang babalang ito ay isang kapahayagan ng kaniyang maibiging pangangalaga sa atin.
9. (a) Anong babala ang ibinibigay ni Pablo laban sa pagbuo ng isang Kristiyano ng matalik na buklod sa isang di-sumasampalataya? (b) Ano ang kahulugan ng salitang Griego na isinaling “armoniya,” at papaano ipinaghahalimbawa nito ang kahirapan na bumabangon pagka ang isang Kristiyano’y nakipamatok nang kabilan sa isang di-sumasampalataya?
9 Nilayon ng Maylikha na ang pag-aasawa’y magsilbing pinakamatalik na buklod sa pagitan ng mga tao, na ang mag-asawa’y nagiging “isang laman.” (Genesis 2:24) Matalino ba para sa isang Kristiyano na bumuo ng gayong matalik na buklod sa isang di-sumasampalataya? Sinasagot iyan ni Pablo sa pamamagitan ng pagbabangon ng sunud-sunod na matatalim na katanungan, na bawat isa’y may negatibong kasagutan na sa unang-una pa lamang: “Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa kalikuan? O anong pakikibahagi mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman? Isa pa, anong pakikipagkasundo [Griego, sym·phoʹne·sis] mayroon si Kristo kay Belial [Satanas]? O anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa isang di-sumasampalataya?” (2 Corinto 6:14, 15) Ang salitang Griego na sym·phoʹne·sis ay literal na nangangahulugang “isang sama-samang pagpapatunog” (galing sa syn, “kasama,” at pho·neʹ, “isang tunog”). Ito’y may kinalaman sa armoniya o pagkakatugma-tugma na likha ng mga instrumento sa musika. Mangyari pa, hindi nagkakatugma o nagkakasundo si Kristo at si Satanas. Sa katulad na paraan, sa isang pamatok na magkabilan, napakahirap para sa mag-asawa na ‘magkaisa ng tugtugin.’ Sila’y mistulang dalawang instrumento sa musika na hindi magkatugma, anupa’t ang lumalabas ay tunog na disintunado sa halip na musika.
10. Anu-ano ang mahalagang mga elemento sa isang maligayang pag-aasawa, at anong mga bentaha mayroon kung ang dalawa’y magkaisá ng pamatok?
10 Kung gayon, papaano tatamasahin ng isang taong espirituwal ang lubusang pakikipagkasundo sa isang taong pisikal o ayon sa laman? (1 Corinto 2:14) Ang nagkakaisang mga paniwala, prinsipyo, at tunguhin ay mahalagang mga elemento sa isang maligayang pag-aasawa. Walang nagbibigay ng higit na lakas sa isang pag-aasawa kaysa dalawang magkatuwang ng debosyon sa Maylikha. Kung ang dalawa’y magkaisa ng pamatok, ang mag-asawa’y kapuwa makapagpapatibay-loob sa isa’t isa sa pagsamba. Kapuwa sila makaaasang ang Kasulatan ang lulutas ng kanilang di-pagkakaunawaan. Kung gayon, hindi baga maliwanag na sinasabi sa atin ni Jehova na tayo’y huwag makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya sapagkat ibig niyang tamasahin natin ang pinakamatalik na posibleng mabuong buklod sa pagitan ng mag-asawa?
11. Bakit ang pag-aasawa sa mga di-sumasampalataya ay ibinawal sa Israel, at anong pumupukaw-kaisipang tanong ang bumabangon?
11 Ang pakikinig sa babala ng Bibliya ay nagliligtas din sa atin sa masaklap na kahihinatnan na kadalasa’y resulta ng pakikipamatok nang kabilan ng isang Kristiyano sa isang di-sumasampalataya. Halimbawa, posible na ang asawang Kristiyano’y hahadlangan sa paglilingkod kay Jehova ng di-sumasampalataya. Pag-isipan ang babala ni Jehova sa sinaunang Israel. Ang pag-aasawa sa mga di-sumasampalataya ay ibinawal. Bakit? “Sapagkat kaniyang ihihiwalay ang iyong anak na lalaki sa pagsunod sa akin,” ang babala ni Jehova, “at sila’y tiyak na maglilingkod sa mga ibang diyos.” (Deuteronomio 7:3, 4) Palibhasa’y nakaharap sa pananalansang ng isang di-sumasampalatayang asawa, baka may posibilidad na ang isa’y doon mapatungo sa landas na hindi mahirap lakaran. Madaling isipin, ‘Hindi mangyayari iyan sa akin!’ Subalit nangyari iyan sa isang taong may malaking karunungan na gaya ni Solomon. Hindi kaya mangyari rin iyan sa iyo?—1 Hari 11:1-6; ihambing ang 1 Hari 4:29, 30.
12. Papaano nagsilbing proteksiyon sa mga Israelita ang kautusan ng Diyos na nagbabawal ng pag-aasawa sa mga tagaibang bayan? Magbigay ng halimbawa.
12 Kahit na kung ang isang mananampalataya ay hindi naihihiwalay sa tunay na pagsamba, nariyan pa rin ang mga suliranin ng mga kagipitan na kadalasa’y makikita sa isang tahanang nababahagi sa relihiyon. Pag-isipang muli ang kautusan ng Diyos sa Israel. Halimbawa isang babaing Israelita ang sumang-ayong mag-asawa sa isang lalaking Cananeo. Sa kabila ng umiiral na mga kaugalian sa pagtatalik na uso sa lupain ng Canaan, ano’t igagalang ng lalaki ang kautusan ng Diyos ng babaing Israelita? Halimbawa, kusang gagawin kaya ng lalaki na huwag makipagtalik sa kaniyang asawa sa panahon na ito’y dumaranas ng buwanang bisita, gaya ng hinihiling ng Kautusang Mosaiko?c (Levitico 18:19; 20:18; ihambing ang Levitico 18:27.) Sa kaso ng isang lalaking Israelita na nag-asawa ng isang babaing Cananeo, gaanong suporta ang ibibigay niya pagka ang asawang lalaki’y nagpupunta sa Jerusalem makatatlong beses taun-taon upang dumalo sa taunang mga kapistahan? (Deuteronomio 16:16) Maliwanag, ang kautusan ng Diyos na nagbabawal ng gayong mga pag-aasawa ay nagsisilbing proteksiyon para sa mga Israelita.
13. (a) Bakit ang isang taong makasanlibutan ay hindi maaaring magkaroon ng isang budhing Kristiyano na nasanay sa Bibliya? (b) Anong mga panggigipit at suliranin ang napapaharap sa ilan na nasa mga tahanang nababahagi sa relihiyon?
13 Kumusta naman tayo sa ngayon? Ang mga pamantayang-asal ng mga taong makasanlibutan ay malayung-malayo sa nasa Bibliya. Gaano mang kalinis kung titingnan ang mga ilang taong makasanlibutan, sila’y walang isang budhing Kristiyano, na sinanay sa Bibliya. Sila’y hindi gumugol ng mga taon sa pag-aaral ng Salita ng Diyos, na ‘binabago ang kanilang isip’ at ‘hinuhubad ang dating pagkatao.’ (Roma 12:2; Colosas 3:9) Samakatuwid, ang Kristiyanong nakikipamatok nang kabilan sa isang di-sumasampalataya ay kalimitang naghahantad ng kaniyang sarili sa maraming dalamhati at matinding kalungkutan. Ang iba ay napapaharap sa paulit-ulit na panggigipit upang makibahagi sa napakahahalay na mga kaugalian sa sekso o sa selebrasyon ng mga kapistahang makasanlibutan. At ang iba’y nagrereklamo pa man din ng pagdaranas ng kalumbayan. Gaya ng isinulat ng isang sister: “Ang kalumbayan na nadarama mo pagka ikaw ay nag-asawa sa isang hindi umiibig kay Jehova ang pinakamalubhang kalumbayan na maguguniguni mo. Alam mo, wala kang sinuman na maaaring bahaginan mo ng katotohanan, na siyang pinakamahalagang bagay sa iyong buhay.”
14. (a) Sa isang nababahaging tahanan, bakit mahirap na palakihin ang mga anak sa “disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova”? (b) Ano ang maaaring maging epekto sa mga anak na nasa isang tahanang nababahagi?
14 Sa isang nababahaging tahanan, maaaring maging napakahirap na palakihin ang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Halimbawa, kusang papayagan kaya ng di-sumasampalataya na ang mga anak ay dumalo sa mga pulong o makibahagi sa ministeryo sa larangan? Malimit na ang mga anak ay dumarating sa punto na sila’y nahahati sa kanilang pinag-uukulan ng kanilang pagmamahal—minamahal nila ang kapuwa magulang, subalit isang magulang lamang ang umiibig kay Jehova. Sabi ng isang sister na nag-asawa ng isang di-sumasampalataya: “Dumanas ako ng maraming dalamhati sa loob ng aking 20-taóng pagkapag-asawa. Ang aking mga anak na lalaki ay nagsilaki na maraming suliranin at emosyonal na kabalisahan at ngayo’y bahagi na sila ng sanlibutan. Ang aking anak na babae ay kalimitang may problema dahil sa malimit na pagkahiwalay sa akin dahilan sa mga karapatan sa kaniya ng kaniyang ama na siya’y madalaw. Lahat ng mga problemang ito ay dahil sa nang ako’y 18 taóng gulang, hindi ko sinunod ang isa sa mga prinsipyo ni Jehova.” Anong prinsipyo? Huwag kayong makikipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya!
15. Bakit tayo pinapayuhan ni Jehova na huwag makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya?
15 Maliwanag, ibig ni Jehova na kamtin natin ang pinakamalaking kapakinabangan sa buhay. Ang kaniyang hinihiling sa atin, kasali na ang kaniyang payo na huwag tayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya, iyon ay para sa ating ikabubuti. (Deuteronomio 10:12, 13) Ang pag-aasawa sa isang di-sumasampalataya ay hindi pakikinig sa payo ng Kasulatan, praktikal na karunungan, at kalimitan sa masaklap na karanasan ng iba.
Mga Katanungang Karaniwang Itinatanong
16, 17. (a) Kung tayo’y hindi maingat, papaano maaaring ang damdamin ang mangibabaw sa mahinahong kaisipan? (b) Ang payo ba ng Diyos ay dapat ipagwalang-bahala dahilan sa pambihirang kalagayan na kung saan ang isang Kristiyano’y nakapag-asawa ng isang di-sumasampalataya at ngayon kapuwa sila naglilingkod kay Jehova? Ipaliwanag.
16 Ngayon, kung tayo’y hindi maingat, baka ang damdamin ang mangibabaw sa mahinahong kaisipan. Baka maisip natin na isang kasong pambihira ang kaso natin. Isaalang-alang ang ilan sa mga katanungang karaniwang itinatanong.
17 Kumusta naman ang mga kalagayan na kung saan ang isang kapatid na lalaki o isang kapatid na babae ay nag-asawa ng isang di-sumasampalataya, at ngayon kapuwa sila naglilingkod kay Jehova? Gayumpaman, ang mga simulain ni Jehova ay nilabag. Ganiyan ba ang dapat tularan dahilan sa mabuting kinalabasan? Bilang halimbawa ng pangmalas ng Diyos sa mga hindi nakikinig sa kaniyang payo ay nariyan ang kaso ng mga Judiong nagsibalik galing sa pagkabihag sa Babilonya. Nang ang ilan sa kanila’y mag-asawa ng mga babaing pagano, ang mga manunulat ng Bibliya na sina Ezra at Nehemias ay tahasang nagsalita laban sa kanilang mga ginawa. Ang mga Judiong iyon ay “nagsisalansang,” nagkasala ng “malaking kasamaan,” at kanilang “pinalala” ang kasalanan. (Ezra 10:10-14; Nehemias 13:27) Isa pang bagay na dapat isaalang-alang: Kung ating ipagwawalang-bahala ang payo ng Diyos, baka masugatan natin ang ating espirituwalidad, na naiiwanang may pilat ang ating budhi. Isang kapatid na babae na ang di-sumasampalatayang asawa’y naging isang sumasampalataya sa wakas ay nagsabi: ‘Nararamdaman ko pa rin ang mga hapdi ng damdamin na mistulang mga pilat. Hindi ko masabi sa inyo ang nadarama kong sakit ng damdamin pagka ang iba’y nakaturo sa akin at nagsasabing, “Pero tagumpay naman sila.”’
18. Ano ba ang landas ng karunungan na dapat mong lakaran kung ikaw ay naaakit sa isang taong hindi pa bautismado, at sa pamamagitan niyaon ay ano ang ipakikilala mo?
18 Ano naman kung ikaw ay naaakit sa isang nag-aaral ng Bibliya at dumadalo sa mga pulong, bagaman siya ay hindi pa bautismado? Ating ikinatutuwa pagka may nagpapakita ng interes sa katotohanan sa Bibliya. Gayunman, ang tanong ay: Dapat bang magpatuloy ka sa iyong hilig? Tahasan, ang landas ng karunungan ay ang maghintay ng ilang panahon pagkatapos na ang iyong kaibigan ay mabautismuhan at sumusulong sa pagpapakita ng mga bunga ng espiritu ng Diyos bago kayo mag-date. (Galacia 5:22, 23) Baka hindi madali na ikapit ang ganiyang payo, subalit sa paggawa mo ng gayon ipakikilala mo ang iyong pagsunod sa simulain ng Bibliya; ito’y maglalatag ng isang mainam na saligan para sa tunay na kaligayahan sa pag-aasawa. Kung ang iyong kaibigan ay talagang may pagtingin sa iyo at talaga namang tinutubuan na ng pag-ibig kay Jehova, walang alinlangan na siya ay papayag na maghintay hanggang kapuwa kayo “nasa Panginoon”—nag-alay at bautismado—bago kayo magligawan. Alalahanin din, na ang tunay na pag-ibig ay hindi nasasaktan sa paglipas ng panahon.—1 Corinto 7:39; Genesis 29:20.
19. Ano ang dapat mong isaisip kung ikaw ay nahihirapang makasumpong ng magiging asawa buhat sa mga kapuwa mo sumasampalataya?
19 Ano naman kung ikaw ay nahihirapang makasumpong ng isang nababagay na maging asawa buhat sa mga kapuwa mo sumasampalataya? “Ako’y 26 na taóng gulang, dalaga, at talagang nalulungkot,” ang sabi ng isang sister. Totoo naman, ang pagkawalang-asawa ay baka mahirap para sa iyo, subalit ang mga problemang resulta ng pakikipamatok nang kabilan sa pag-aasawa ay maaaring maging lalong mahirap! Ang pagsunod sa payo ng Diyos ay maaaring mangailangan ng pananampalataya, pagpipigil sa sarili, at pagtitiis, subalit tiyak na nalalaman ni Jehova at ang hinahangad niya’y ang pinakamagaling para sa iyo. (1 Pedro 5:6, 7) Daanin mo iyon sa panalangin, at pagkatapos ay maghintay ka kay Jehova. (Awit 55:22) Sa sistemang ito ng mga bagay, walang sinuman na may lubusang nakasisiyang buhay. Ang puso mo ay maaaring manabik sa isang asawa. Ang iba naman ay may kani-kanilang problema, na ang iba ay hindi malulunasan sa sistemang ito. Tanging sa dumarating na bagong sanlibutan lubusang mabibigyang-kasiyahan “ang nasa ng bawat bagay na nabubuhay.”—Awit 145:16.
20. Papaano ipinahayag ng isang kapatid na dalaga ang kaniyang determinasyon, at sa pagkakaroon ng ganoon ding determinasyon, ikaw ay magkakaroon ng anong kasiyahan?
20 Samantala, maging disidido kang huwag makipamatok nang kabilan sa isang di-sumasampalataya. Isang 36-anyos na kapatid na dalaga ang nagpahayag ng kaniyang determinasyon na ganito: “Ako’y nananalangin kay Jehova araw-araw para magkaroon ng asawa. Wala akong hangad na humanap sa labas ng organisasyon ni Jehova, subalit ang tukso ay nariyan pa rin. Samantala, balak ko na pasulungin ang mga katangian na lalong magpapahusay ng aking pagkatao upang ako’y maging yaong uri ng espirituwal na babaing hinahanap ng isang espirituwal na lalaki.” Ganiyan ba rin ang determinasyon mo? Kung gayon, ikaw ay may kasiyahan na nanggagaling sa pagpapatunay ng iyong katapatan sa Diyos ng banal na katarungan.—Awit 37:27, 28.
[Mga talababa]
a Sa 1 Corinto 14:22, ginamit ni Pablo ang terminong “mga di-sumasampalataya” bilang naiiba sa “mga sumasampalataya,” o mga taong bautismado. Kung gayon, ang magiging pagkaunawa ng mga taga-Corinto sa salitang “mga di-sumasampalataya” ay tumutukoy sa mga taong di-bautismado.—Tingnan ang Gawa 8:13; 16:31-34; 18:8.
b “Sa pinalawak na paraan ang simulain ay masasabi na ganito: ‘Huwag magtatatag ng anumang relasyon, pansamantala man o permanente, sa mga di-sumasampalataya na hahantong sa pakikipagkompromiso ng mga pamantayang Kristiyano o magsasapanganib sa patotoong Kristiyano dahil sa pagiging pabagu-bago. At bakit may gayong paghihiwalay? Sapagkat ang di-sumasampalataya ay walang sinusunod na pamantayan, simpatiya, o mga tunguhin ng Kristiyano.’”—The Expositor’s Bible Commentary, Tomo 10, pahina 359.
c Tingnan ang The Watchtower ng Setyembre 15, 1972, pahina 575-6.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Papaano nagbibigay-babala ang Bibliya laban sa pagbuo ng matalik na mga kaugnayan sa mga di-sumasampalataya?
◻ Bakit ang mga ibang nag-alay na Kristiyano ay sa labas naghahanap ng isang magiging asawa?
◻ Sa papaano ang babala ni Jehova tungkol sa pakikipamatok nang kabilan ay talagang isang kapahayagan ng kaniyang mapagmahal na pangangalaga sa atin?
◻ Anong mga tanong tungkol sa paghanap ng asawa ang karaniwang itinatanong, at papaano mo sasagutin ang mga ito?