Ang Pag-aani ay Pagsasaya ang Dala sa Hapon
“MALIWANAG noon na ang mga Misyonero ay nakadarama ng malubhang pagkasira ng loob.” Ganiyan ang obserbasyon ni Charles T. Russell, ang unang pangulo ng Watch Tower Bible and Tract Society, pagkatapos ng kaniyang personal na pagsusuri sa kalagayan ng mga relihiyon sa Hapon noong 1912. Ang tinutukoy niya ay ang pagkabigo ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan at ang sabi pa niya: “Ang kailangan ng mga Hapones ay ‘ang Ebanghelyo ng kaharian.’”
Ang ganito bang pangangailangan ay masasapatan kaya? Ang silahis ng katotohanan ay sumikat sa mga Hapones sa pamamagitan ng ilang tapat na mga Saksi ni Jehova noong mga taon ng 1920 at 1930. Kahit na noon mang Digmaang Pandaigdig II, ang ilan ay nagpumilit na maipangaral ang mabuting balita sa kabila ng pag-uusig na ginawa ng pamahalaan ng imperyo. Gayunman, isang lalong higit na malawakang gawaing pag-aani ang nakatakdang maganap para sa pulutong ng mga islang ito sa Dulong Silangan.
Sa pagdating ng 15 misyonero ng Watchtower noong 1949, hiningahan ni Jehova ng panibagong buhay ang gawaing pangangaral ng Kaharian sa Hapon. Ang bagong kararating na mga misyonero ang nakasaksi ng mga kalagayan sa pinsalang naidulot sa lahat ng dako ng Digmaang Pandaigdig II: Ang mga siyudad ay naging bunton ng durug-durog na mga bato, at ang mga tao ay litung-lito, yamang ang kanilang sinaunang sistema ng mga minamahalagang bagay ay gumiba. Ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay muling nagpasigla rin naman ng kanilang aktibidad sa Hapon kasabay nito, subalit nabigo sila na gawing tunay na mga Kristiyano ang mga Hapones. Ang “49ers” at ang mahigit na 150 misyonero ng mga Saksi ni Jehova na sumunod sa kanila ay napaharap sa napakalaking hamon ng pagtatanim sa mga isip at puso ng mga Hapones ng pananampalataya sa Manlilikha, ang Diyos na Jehova. Papaano nila hinarap ang hamong ito?
Paglalatag ng Pundasyon
Ang kanilang pagsisikap bilang misyonero ay nagsimula sa isang munting dalawang-palapag na bahay sa Tokyo. Noong mga taon ng 1950, naging mabagal ang pag-aani. ‘Kakaunti lamang ang mapapasa-katotohanan sa Hapon bago sumapit ang Har–Magedon,’ ang naisip ng isa sa mga unang Hapones na tumugon sa mabuting balita noong mga panahong iyon. Nagugunita pa ng isa sa mga unang tagapangasiwa ng sirkito nang siya’y dumungaw sa bintana ng tren at kaniyang pinag-isipan kung ang mga bahay sa maliliit na bayan-bayanang kaniyang naraanan ay mararating pa kaya ng mabuting balita.
Kinailangan ang halos sampung taon ng pagsisikap ng mga misyonero para ang bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian sa Hapon ay makaabot sa daming isang libo. Subalit noong sumapit ang 1963, dahilan sa patuloy na paglago, ang marupok nang sangay sa Tokyo ay nilansag at isang anim-na-palapag na gusaling kongkreto ang itinayo sa dakong pinaglansagan.
Ang mga misyonero ay naglatag ng isang mahusay na pundasyon para sa hinaharap sa pamamagitan ng pagtatanim ng espiritu ng pagpapayunir sa mga puso ng kanilang mga inaralan ng Bibliya. Pinagpala naman ni Jehova ang nagkakaisang pagsisikap ng mga misyonero at mga payunir na Hapones, at ang bilang ng mga Saksi ay umakyat hanggang sa sampung libo noong 1970. Noong 1972, upang makasubaybay sa pagsulong, isang tatlong-palapag na gusaling palimbagan at isang limang-palapag na tirahan ang itinayo sa Numazu, mga 120 kilometro sa timog-kanluran ng Tokyo. Ngayon, imbis na isang kompanya sa labas ang lumimbag ng mga magasin, Ang Bantayan at Gumising! ay nililimbag ng sariling palimbagan ng sangay sa Hapon upang magamit sa lokal na gawaing pangangaral ng Kaharian.
Sino nga ba ang mag-aakalang ang gawaing pag-aani ay hindi na makakayanan ng mga pasilidad sa Numazu sa susunod na sampung taon? Subalit iyan ang nangyari, at si Jehova ay may higit na pagpapalawak ng gusali na inilaan upang mag-asikaso sa lumalaking pag-aani.
Sumusulong sa Kabila ng Kahirapan
Isang bagong sangay na complex na makatatlong beses ang laki kaysa Numazu ang natapos noong 1982 sa Ebina, may bahagyang layo sa gawing timog ng Tokyo. Nang panahon na ito’y ialay noong Mayo ng taóng iyon, pinagpala ni Jehova ang mga Saksi sa Hapon nang sunud-sunod na buwanang peak ng mamamahayag sa loob ng mahigit na tatlong taon. Ang pagsulong ay nagpatuloy, at noong Mayo 1985 ang bilang ng mga mamamahayag na Hapones ay umabot sa isang daang libo. Oo, pinabibilis ni Jehova ang gawain sa kaniyang sariling kapanahunan, kaya’t di maiiwasan ang patuloy na pagpapalawak ng mga pasilidad ng sangay. (Isaias 60:22) Makalipas ang mga ilang taon lamang pagkatapos ialay ang unang complex sa Ebina, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang pagtatayo ng isang bagong anim-na-palapag na pabrika na may basement at isang walong-palapag na tirahan.
Marahil, si Satanas ay hindi natutuwa sa paglagong ito na nagaganap sa gitna ng mga lingkod ni Jehova sapagkat noong buwan na matapos marating ang markang isang daang libong mamamahayag, isang malubhang kaso ng pagsasalin ng dugo ang bumangon sa Hapon. Isang sampung-taóng-gulang na batang lalaki ang namatay pagkatapos—ngunit hindi dahilan sa—ang kaniyang magulang ay tumanggi na salinan siya ng dugo. (Gawa 15:29) Kaya naman, ang media ay nagalit sa mga Saksi. Bagaman ang ama ng bata ay hindi pa noon isang nag-alay na Saksi, napaglabanan niya ang malupit na pakikialam ng mga reporter. Nang malaunan ay nabautismuhan siya at ngayo’y naglilingkod kasama ng kaniyang asawang babae bilang isang regular payunir.
Papaano naapektuhan ng pag-atakeng ito ang gawaing pag-aani? Bahagyang-bahagya. Ang ilang mga inaaralan ng Bibliya ay huminto ng kanilang pakikipag-aral, subalit ang buwan-buwang mga sukdulang bilang ng mga mamamahayag ay nagpatuloy nang walang patumangga at noong Disyembre 1988 ay sampung taon ang sunud-sunod na peak. Noong pitong-taóng yugto ng panahon sa pagitan ng pag-aalay ng unang Ebina complex at ng pag-aalay ng bagong complex, ang bilang ng mga mamamahayag ay nadoble mula sa 67,000 hanggang sa mahigit na 135,000, samantalang ang bilang ng mga regular payunir ay naging tatlong suson mula sa 12,000 hanggang sa 36,000, at ang bilang ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya ay halos nadoble mula sa 97,000 hanggang sa 172,000. Anong kapuna-punang katunayan ng pagwawagi ni Jehova sa mga pag-atake ni Satanas sa kaniyang bayan!—Kawikaan 27:11.
Pagtatayo sa mga Bagong Gusali
Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nagtatayo ng mararangyang gusali upang hangaan ng mga tao. Subalit samantalang binabagayan nila ang pagdami ng mga tagapagbalita ng Kaharian, kalimitan ang kanilang mga gusali ay kailangang gawing napakalalaki. Ang bagong pabrikang Hapones ay isang magandang halimbawa. Ito’y may lawak ng sahig na halos 22,500 metro kuwadrado, makalawa ng laki ng dating sahig ng pabrika. Ang Bindery (tagapagbuo ng aklat), ang Machine Shop, at ang Export/Shipping Department ay lumipat sa bagong pabrika, at halos dalawang palapag ang ginagamit para bodegahan. Sa kabila ng lahat ng ito, sa bagong pabrika ay magkakasya ang higit pa. Naglatag ng pundasyon sa basement para sa dalawang karagdagang high-speed rotary offset press, at dalawang buong palapag ang wala pang laman, handa para sa panghinaharap na pagpapalawak.
Ang bagong walong-palapag na tirahang gusali ay may maganda at kaakit-akit ang dekorasyong lobby. May 128 pribadong kuwarto para sa mga manggagawa sa Bethel at 8,980 metro kuwadradong lawak ng sahig—maihahambing sa lawak ng sahig ng daong ni Noe. Isang kapitbahay ang nagtanong pa man din sa mga manggagawa sa konstruksiyon kung papaano siya makapag-aaplay para sa mga bagong “condominium”!
Lahat ng nagkaroon ng bahagi sa pagtatayo ay kay Jehova ibinigay ang kredito ng pangangasiwa sa gawaing pagtatayo. (Awit 127:1, 2) Ang kalakhang bahagi ng mga manggagawa ay binubuo ng nagboluntaryong mga kabataan na edad 20 anyos pataas, lipos ng sigasig subalit walang karanasan sa pagtatayo. “Sa primero,” ang bida ng isang arkitekto na nagtrabaho sa proyekto, “nahirapan ako na gumuhit ng plano sa paraan na mauunawaan ng mga kapatid na wala pang karanasan.” Gayunman, dahil sa espiritu ng pakikipagtulungan sa lahat ng panig, ang mga balakid ay napagtagumpayan.
Ang ganitong pagiging handang makipagtulungan ang nagpadali upang ang espiritu ni Jehova ay kumilos sa gitna ng mga manggagawa. “Nang aming ginagawa ang paghuhukay,” naaalaala pa ng isa sa kanila, “sa tuwina’y umuulan—maging iyon man ay maaga sa umaga o atrasado na sa gabi—ako’y nagpupunta sa lugar ng konstruksiyon upang tingnan kung ang mga pader na bagong katatayo ay hindi naaano. At sa tuwina, laging nakasusumpong ako roon ng mga iba pang nag-aalalang mga kapatid, at lahat kami ay sama-samang gumagawa, basang-basa kami, upang matugunan ang anumang pangangailangan. Ang gayong mga karanasan ay lalong nagpatibay ng aming pagsasamahan.”
Suporta Para sa Internasyonal na Pag-aani
Sapol nang maitayo ang mga bagong gusali upang masuportahan ang gawain ni Jehova na pag-aani, angkop na ang mga ito’y ialay sa kaniya minsang ito’y matapos na. Ang programa ng pag-aalay ay ginanap noong Mayo 13, 1989, at dumalo roon sina Carey Barber, John Barr, at Lloyd Barry ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, kasama ang kani-kanilang asawa. Mahigit na isang libo sa mga unang Hapones na nabautismuhan ang inanyayahan upang dumalo sa programa ng pag-aalay, at sila’y nagalak na mákatagpô ang mga dating kaibigan na buong katapatang naglilingkod pa rin kay Jehova. Mga kinatawan buhat sa 13 bansa ang tumanggap ng imbitasyon na dumalo at makibahagi sa masayang okasyong ito. “Ito’y mistulang isang maliit na internasyonal na kombensiyon,” ang sabi ng isang delegado.
Ang gumawa upang ang programa’y maging tunay na internasyonal ay yaong mga pag-uulat buhat sa siyam na mga bansang iyon. Isang matibay na buklod ng pakikipagkapatiran ang nadama nang ang mga kinatawan buhat sa iba’t ibang bansa sa Asia ay maglahad ng mga halimbawa ng internasyonal na pagtutulungan at tinukoy nila na ang bagong pabrika’y nagsisilbi sa pangangailangan ng kani-kanilang mga bansa at gayundin sa larangang Hapones. Ang sangay sa Hapon ay lumilimbag ngayon ng mga publikasyon sa 13 wika at nagpapadala ng pididong literatura sa maraming bansa.
Noong hapon, si Brother Barber ay nagpahayag sa mga tagapakinig at idiniin ang kahalagahan ng mga hula ni Ezekiel. Pagkatapos ay nagbigay si Brother Barr ng pahayag sa temang “Pinúpunô ang Lupa ng Kaluwalhatian ni Jehova,” anupa’t tinulungan ang mga tagapakinig na pahalagahan ang tumatagos na bisa ng katotohanan.
Ang diskurso sa pag-aalay ay ipinahayag ni Brother Barry, na nakapaglingkod sa Hapon bilang isang misyonero sa loob ng mahigit na 25 taon. Sa kaniyang pahayag na pinamagatang “Kayo’y Mangagalak sa Harap ng Inyong Diyos, si Jehova,” kaniyang hinimok ang mga tagapakinig na ikagalak na sila’y nabubuhay sa yugto ng panahong inilarawan ng Kapistahan ng mga Kubol, o Pag-aani, sa sinaunang Israel. Kaniyang binanggit ang mga dahilan upang magalak habang kaniyang inilalahad ang maikling kasaysayan ng gawain sa Hapon. Nang irekumenda ni Brother Barry na ialay kay Jehova ang mga bagong gusali, lahat ng dumalo ay tumugon kasabay ng masiglang palakpakan.
Nang sumunod na araw, ang kinatawan ng Lupong Tagapamahala ay nagpahayag sa 233,780 katao na nagtipon sa 46 na mga lugar na pinag-ugnay-ugnay ng mga linya ng telepono sa buong kapuluan ng Hapon. Totoo nga, gaya ng obserbasyon ni Pastor Russell noong 1912, kailangan ng mga Hapones ang mabuting balita ng Kaharian. Tinugon ni Jehova ang pangangailangang iyan sa pamamagitan ng paglalatag ng pundasyon sa pamamagitan ng aktibidad ng mga misyonero at pagtatanim ng espiritu ng pagpapayunir sa mga Saksing Hapones. Ang bagong kaaalay na mga gusali ay isang patotoo ng ‘pagpapabilis’ ni Jehova sa pag-aani sa panahon ng antitipikong Kapistahan ng mga Kubol.—Isaias 60:22.
[Mga larawan sa pahina 24]
Kaliwa: ang bagong pabrika sa Ebina samantalang (sa ibaba gawing kaliwa) kasalukuyang ginaganap ang programa ng pag-aalay at (sa ibaba gawing kanan) ang lobby ng bagong gusaling tirahan
[Mga larawan sa pahina 25]
Ang bagong gusaling tirahan at (kalakip) ang aklatan sa pangalawang palapag ng gusaling tanggapan
[Mga larawan sa pahina 26]
Ang 19 na misyonerong ito ng ika-11 klase ng Gilead ang dumalo sa pag-aalay. Ang buong-panahong paglilingkod ng mga ito—lakip ang lima pang iba buhat sa ika-11 klase na nangamatay na tapat sa kanilang atas sa Hapon—ay may kabuuang 1,023 taon
Tatlong miyembro ng Lupong Tagapamahala—Si Carey Barber, John Barr, at Lloyd Barry—ang nagkaroon ng bahagi sa programa ng pag-aalay