Ang Kabutihan ba ng Diyos ay Nakaaakit sa Iyo?
IKAW ba ay may isang napakatalik na kaibigan? Kung gayon, iyo bang napag-isip-isip na kung ano ang umakit sa iyo sa taong iyon? Ang kaniya kayang kagandahan? Iyon kaya ay dahil sa kapuwa kayo interesado sa pare-parehong mga bagay? O dili kaya ay yaong mga katangian na lalong kanais-nais, tulad baga ng kabaitan o karunungan? Kung ang katangiang iyon na nagpatibay ng inyong pagkakaibigan ay kabutihan, tunay nga na kayo’y may mayamang relasyon. Ang tunay na kabutihan ay pambihirang matatagpuan sa ngayon na, sa kalakhang bahagi, ang mga tao ay “walang pag-ibig sa kabutihan.”—2 Timoteo 3:3.
Para sa isang Kristiyano, ang pinakamahalagang relasyon sa buhay ay hindi yaong pakikipag-ugnay sa kapuwa tao kundi sa Diyos. Kaya pagka iyong pinag-iisipan ang relasyong ito, iyo bang isinasaalang-alang: ‘Alin sa mga katangian ng Diyos ang pangunahing nakaaakit sa akin sa Diyos?’
Ang mga Pangunahing Katangian ng Diyos
Ang totoo, inilalarawan ng Bibliya ang maraming mahalagang mga katangian ng Diyos. Karaniwan nang ang apat na itinatampok ay ang kaniyang pag-ibig, ang kaniyang katarungan, ang kaniyang karunungan, at ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan. (Deuteronomio 32:4; Job 12:13; Awit 147:5; 1 Juan 4:8) Kung tayo’y papipiliin sa apat na mahalagang mga katangiang ito, marahil ay sasabihin natin na ang pag-ibig ng Diyos ang unang-unang nakaakit sa atin. Gayunman, ang may malaking kaugnayan sa kaniyang pag-ibig ay ang kaniyang walang makakatulad na kabutihan. Ang mga manunulat ng Bibliya ay sumulat nang buong husay tungkol dito, at ang kaniyang kabutihan ay nakaaakit sa mga tao upang sila’y magkaroon ng isang mainam, kaaya-ayang kaugnayan sa kanilang Maylikha.
Halimbawa, noong may katapusan ng ikaanim na siglo B.C.E., ang propetang si Zacarias ay bumulalas tungkol kay Jehova: “Anong pagkalaki-laki ng kaniyang kabutihan, at anong pagkalaki-laki ng kaniyang kagandahan!” (Zacarias 9:17) Maraming taon bago pa kay Zacarias, pinuri rin ni Isaias ang Diyos nang kaniyang isulat: “Ang maibiging-awa ni Jehova ay babanggitin ko, . . . samakatuwid nga’y ang saganang kabutihan sa bahay ni Israel na kaniyang ipinagkaloob sa kanila.”—Isaias 63:7.
Tatlong siglo ang una rito, si Haring David ay sumulat ng lubhang nakababagbag ng damdamin tungkol sa kabutihan ng Diyos. Si David ay sumulat buhat sa kaniyang karanasan, palibhasa’y tinamasa niya ang kabutihang ito sa lahat ng araw ng kaniyang buhay. Ang Diyos ay labis na mabuti kay David, lalo na pagkatapos ng kaniyang napakalubhang mga kasalanan may kaugnayan kay Bath-sheba at sa kaniyang asawang si Uriah, nang siya’y pagpakitaan ng Diyos ng awa. (2 Samuel 12:9, 13) Sa Awit 31:19, ipinahayag ni David nang may pagpapahalaga: “Anong pagkadaki-dakila ng iyong kabutihan, na iyong iningatan para sa kanila na nangatatakot sa iyo!”
Iyo bang pinahahalagahan ang kabutihan ng Diyos na gaya ng pagpapahalaga ng mga sinaunang mananamba sa kaniya? Kung gayon, tatamasahin mo ang tunay na “kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng buong pag-iisip,” at lubhang maaantig ang iyong damdamin upang gawin ang kalooban ng Diyos sa lahat ng panahon. (Filipos 4:7) Ating isaalang-alang nang ilang sandali ngayon kung anu-ano ang saklaw ng kabutihan ng Diyos at kung papaano lubhang kahanga-hanga ang lawak nito. Ito’y tiyak na magpapatindi ng ating pagpapahalaga sa ating maibiging Ama sa langit.