Pagpapaunlad ng mga Personalidad na Kristiyano sa Ating mga Anak
ANG ina ni Wanda, na hiniwalayan ng kaniyang asawa, ay nagpagal upang mapaunlad ang mga katangiang Kristiyano sa kaniyang anak na babae. Nang si Wanda ay edad 12, ang pagsasanay na ito ay nalagay sa pagsubok. Noon, si Wanda, kasama ang kaniyang nakababatang kapatid na lalaki at kapatid na babae, ay kinailangan na humiwalay sa kaniyang ina at mamuhay sandali kasama ng kaniyang ama. Ang kaniyang ama ay hindi isang mananampalataya, kaya papaano ngang kikilos si Wanda pagka wala roon ang kaniyang ina para magbantay sa kaniya?
Ang pangyayari na dumarating sa lahat ng magulang na Kristiyano ay pagka kailangang gumawa ang kanilang mga anak ng kanilang sariling pasiya, na isang pagsubok sa kanilang sariling pananampalataya. Ang mga anak ay marahil nakahiwalay sa kanilang mga magulang na Kristiyano, gaya na nga ni Wanda. Baka sila nakaharap sa panggigipit ng mga kasama sa paaralan upang gumawa ng hindi mabuti o maaari rin silang nakaharap sa mahigpit na tukso. Ang mga magulang na Kristiyano ay umaasa at dumadalangin na pagsapit ng panahong iyan, ang kanilang mga anak ay magkakaroon ng mga personalidad Kristiyano na may sapat na tibay upang makapanaig sa pagsubok.
Papaano mapauunlad ng mga magulang ang maiinam na mga katangiang Kristiyano sa kanilang mga anak? Bago alamin kung ano ang nangyari kay Wanda, tingnan natin kung papaano tumutulong sa atin ang Bibliya upang sagutin ang tanong na iyan. Ang saligan ng sagot ay makikita sa mga salitang ito ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto: “Walang taong makapaglalagay ng anumang ibang pundasyon kaysa roon sa nailagay na, na ito’y si Jesu-Kristo. Ngayon kung ang sinuman ay nagtatayo sa pundasyon ng ginto, pilak, mga mahahalagang bato, kahoy, tuyong damo, dayami, ang gawa ng bawat isa ay mahahayag, sapagkat ang araw ang magsasaysay, iyon ay mapapalantad sa pamamagitan ng apoy; at ang apoy rin ang susubok sa gawa ng bawat isa kung anong uri iyon.”—1 Corinto 3:11-13.
Ang Pundasyon
Bakit isinulat ni Pablo ang mga salitang ito? Siya’y nagsimula ng isang programa ng pagtatayo ng mga personalidad Kristiyano sa Corinto, subalit ang programa ay nagkaroon ng mga problema. Sabihin pa, ang programa ni Pablo sa pagtatayo ay walang kinalaman sa kaniyang sariling mga anak sa laman. Tungkol iyon sa mga naging Kristiyano sa pamamagitan ng kaniyang pangangaral. Ngunit ang mga ito ay kaniyang itinuring na espirituwal na mga anak, at ang kaniyang sinabi ay mahalaga sa mga magulang din ngayon.—1 Corinto 4:15.
Si Pablo ay naparoon sa Corinto nang maaga pa at nakapagtatag ng isang kongregasyong Kristiyano roon. Ang mga taong tumugon sa kaniyang pangangaral ay gumawa ng malalaking pagbabago sa kani-kanilang personalidad. Ang iba sa kanila ay dating taong imoral, magnanakaw, mananamba sa mga idolo, at mga lasenggo. (1 Corinto 6:9-11) Subalit sila’y nakapagbago upang magkaroon ng kaisipang Kristiyano sapagkat si Pablo ay nakapaglatag ng isang mabuting pundasyon, wika nga. Ano ba ang pundasyong iyon? “Walang taong makapaglalagay ng anumang ibang pundasyon kaysa roon sa nailagay na, na ito’y si Jesu-Kristo.”—1 Corinto 3:11.
Papaano inilagay ni Pablo ang pundasyong ito samantalang siya’y nagtuturo sa mga bagong mananampalatayang ito sa Corinto? Ganito ang sabi niya sa atin: “Ako, mga kapatid, nang pumariyan sa inyo, ay hindi ako napariyan nang may kagalingan sa pananalita o sa karunungan sa pagbabalita sa inyo ng banal na lihim ng Diyos. Sapagkat aking ipinasiyang huwag makaalam ng anuman sa gitna ninyo maliban kay Jesu-Kristo, at siya na ibinayubay.” (1 Corinto 2:1, 2; Gawa 18:5) Hindi niya itinawag-pansin ang kaniyang sarili o binago ang katotohanan upang magkaroon iyon ng pang-ibabaw na pang-akit sa mga matatalino. Bagkus, ang itinawag-pansin niya ay si Jesu-Kristo at ang paraan ng paggamit ng Diyos sa isang ito.
Sa katunayan, si Jesus ay isang totoong matibay na pundasyon para sa pagtatayong Kristiyano. Siya ang nagbigay ng haing pantubos. Siya ngayon ay isang makalangit na Hari at sa gayong tungkulin ay malapit nang puksain niya ang mga kaaway ng Diyos sa Armagedon. Pagkatapos ay kaniyang ipatutupad ang katuwiran ng Diyos sa loob ng sanlibong-taóng paghahari, at bilang Mataas na Saserdote ng Diyos, kaniyang unti-unting aakayin ang sangkatauhan tungo sa kasakdalan. Ano pa bang ibang pundasyon ang nanaisin ng isang tao?
Samakatuwid, sa pagpapaunlad ng Kristiyanong mga personalidad sa ating mga anak, makabubuting tularan natin si Pablo at tiyakin na kanilang nauunawaan ang mahahalagang katotohanang ito. Mula sa kanilang pagkasanggol, turuan natin ang ating mga anak na ibigin si Jesus dahil sa kaniyang ginawa at ginagawa pa para sa atin.—1 Pedro 1:8.
Ang Pagtatayo
Datapuwat, samantalang nailatag ni Pablo ang mainam na pundasyong ito, ang gawaing pagtatayo ay napaharap sa mga balakid pagkatapos na siya’y lumisan. (1 Corinto 3:10) Ang suliranin ay hindi naiiba sa dinaranas ngayon ng maraming magulang. Kanilang pinalalaki ang kanilang mga anak sa pananampalatayang Kristiyano at sila’y naniniwala na naiintindihan ng mga anak kung ano ang katotohanan. Subalit paglaki-laki nila, ang mga anak ay napapahiwalay o tumatanggi sa pananampalataya. Bakit nga ganiyan? Kadalasan ang dahilan ay nasa ginamit na mga materyales sa pagtatayo.
Sinabi ni Pablo na ang mga personalidad ay maitatayo sa pamamagitan ng mahahalagang materyales: ginto, pilak, at mamahaling mga bato. O maaaring maitayo sa pamamagitan ng mga murang materyales: kahoy, dayami, at tuyong damo. (1 Corinto 3:12) Bueno, kung ang isang nagtatayo ay gumagamit ng ginto, pilak, at mahahalagang bato, tiyak na siya’y nagtatayo ng isang mahusay na uri ng kayarian, na mahalaga. Ngunit ang nagtatayo na gumagamit ng kahoy, dayami, at tuyong damo ay walang itinatayo kundi isang bagay na pansamantala, panandalian, at mura.
Wari nga na walang kuwentang espirituwal na mga materyales ang ginagamit sa pagtatayo sa Corinto. Ang iba na sumubaybay sa paglalatag ni apostol Pablo ng pundasyon ay nagtatayo ng mumurahin, hindi matitibay, na mananatiling mga kayarian. Ang mga taga-Corinto ay nagsimulang sa mga tao tumingin, at ang makikita roon ay di-pagkakaisa, paninibugho, at pag-aalitan sa gitna nila. (1 Corinto 1:10-12; 3:1-4) Papaano nga kaya ito maiiwasan? Sa pamamagitan ng paggamit nila ng mahuhusay na klase, matitibay na materyales.
Ang mga ito ay kumakatawan sa mahahalagang katangian na isang kinakailangang bahagi ng personalidad ng Kristiyano. Anu-anong katangian? Si apostol Pedro ay bumanggit ng isa: “Ang subók na katangian ng inyong pananampalataya, na mas mahalaga kaysa ginto.” (1 Pedro 1:6, 7) Si Haring Solomon ay bumanggit ng dalawa pa: karunungan at pagkaunawa, na ang pagkakaroon nito “ay mas mainam kaysa pakinabang na pilak.” (Kawikaan 3:13-15) At tayo’y pinaalalahanan ni Haring David na ang pagkatakot kay Jehova at ang pagpapahalaga sa kaniyang mga utos “ay higit na kanais-nais kaysa ginto.”—Awit 19:9, 10.
Ang mga ito at ang iba pang mahahalagang materyales ay maaaring gawing bahagi ng mga personalidad na Kristiyano upang matulungan ang ating mga anak na makalampas sa mga pagsubok. Ngunit, papaano natin matitiyak na tayo’y nagtatayo sa tulong ng gayong mga materyales? Sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa mga puso kapuwa ng ating mga anak at ng ating sarili.
Isang Matagumpay na Gawaing Pagtatayo
Ang bahaging ginagampanan ng puso ng isang magulang sa gawaing pagtatayong ito ay makikita sa isang utos na ibinigay ni Jehova sa mga magulang sa sinaunang bansa ng Israel: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay kailangang patunayang nasa iyong puso.” Pagkatapos ay nagpatuloy siya ng pagsasabi: “At iyong ituturo ang mga ito sa iyong anak.” (Deuteronomio 6:6, 7) Samakatuwid, bago natin mapatibay ang iba, kailangang patibayin natin ang ating sarili, dapat makita ng ating mga anak sa mga bagay na ating sinasabi at ginagawa na ang ating personalidad ay binubuo ng tamang mga materyales.—Colosas 3:9, 10.
Pagkatapos, ang ating turo ay kailangang umabot sa kanilang puso. Si Jesus, na pinakamatagumpay na tagapagtayo ng mga personalidad Kristiyano, ay napaabot sa mga puso ang mga turo sa kaniyang paggamit ng mga ilustrasyon at mga tanong. (Mateo 17:24-27; Marcos 13:34) Nakikita ng mga magulang na ang ganitong mga pamamaraan sa pagtuturo ay napakaepektibo. Sila’y gumagamit ng mga ilustrasyon upang ang mga katotohanang Kristiyano ay makaakit sa mga puso ng kanilang mga anak na kabataan, at sila’y gumagamit ng puspusang-pinag-isipang mga katanungan upang malaman kung ano talaga ang iniisip ng kanilang nakatatandang mga anak, kung papaano sila nangangatuwiran sa kanilang mga puso.—Kawikaan 20:5.
Nang sinisikap ni Moises na pukawin sa mga Israelita ang pagnanasang manatiling tapat, sinabi niya: “Sundin ninyo ang mga utos ni Jehova at ang kaniyang palatuntunan . . . ukol sa inyong ikabubuti.” (Deuteronomio 10:13) Sa katulad na paraan, makabubuti na ang mga magulang ay hindi lamang magpaliwanag nang buong-linaw sa kanilang mga anak kung ano ang pamantayan ng Diyos kundi kailangang ipakita nila sa paraang kapani-paniwala kung bakit ang gayong mga bagay na gaya ng pagkamatapat, kalinisan ng moral, at mabubuting kasama ay ukol sa kanilang ikabubuti.
Sa wakas, sinabi ni Jesus: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang pagkuha nila ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at ang isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Pagka si Jehova ay personal na nakilala ng mga anak sa kanilang kamusmusan, sila’y natututong makipag-usap sa kaniya tungkol sa kanilang mga suliranin, at nararanasan nila ang pagsagot niya sa kanilang mga panalangin, sa ganito’y mapauunlad nila ang pinakamahalagang bahagi ng isang Kristiyanong personalidad: isang personal na kaugnayan sa kanilang Maylikha.
Ang Apoy
Nakita ni Pablo na nang hindi wasto ang pagkagawa ng gawaing pagtatayo sa Corinto, makasanlibutang mga ugali, tulad halimbawa ng pagsesekta-sekta at pagkakabaha-bahagi, ang nag-ugat. Ito ay mapanganib sapagkat, gaya ng kaniyang ipinaliwanag, “ang apoy rin ang susubok sa gawa ng bawat isa kung anong uri iyon.”—1 Corinto 3:13.
Ano ba ang apoy? Maaaring ito ay anumang pagsubok na dinadala ni Satanas sa isang Kristiyano. Maaaring ito ay panggigipit ng mga kasama, makalamang tukso, materayalismo, pag-uusig, pati na ang tagapag-agnas na impluwensiya ng pag-aalinlangan. Ang gayong mga pagsubok ay tiyak na darating. Ang gawa ng bawat isa ay mahahayag sapagkat ang araw ang magsasaysay, dahil sa iyon ay mapapalantad sa pamamagitan ng apoy.” Ang matatalinong mga magulang ay nagpapaunlad ng personalidad ng kanilang mga anak sa pag-asang ang mga anak ay daraan sa pagsubok. Ngunit sila’y nagtitiwala na sa tulong ni Jehova, ang kanilang mga anak ay magtatagumpay sa pagsubok. Kung ang mga magulang ay may ganitong saloobin, sila ay magkakamit ng malaking pagpapala.
Ang Gantimpala
Sinabi ni Pablo: “Kung ang gawa ng sinuman ay manatili, na kaniyang itinayo sa ibabaw niyaon, siya’y tatanggap ng gantimpala.” (1 Corinto 3:14) Si apostol Pablo ay tumanggap ng isang gantimpala. Sa mga Kristiyano sa siyudad ng Tesalonica, na kung saan siya’y nakapagtayo rin, siya ay sumulat: “Sapagkat ano ang aming pag-asa o kagalakan o putong na ipinagmamalaki—aba, hindi nga ba kayo?—sa harapan ng ating Panginoong Jesus sa kaniyang pagkanaririto? Kayo nga ang aming kaluwalhatian at kagalakan.”—1 Tesalonica 2:19, 20.
Ganito ang gantimpala na nakamit ng ina ni Wanda. Nang ang 12-anyos na si Wanda ay mapahiwalay sa kaniyang ina, sa simula’y nag-iiyak siya hanggang sa makatulog. Pagkatapos ay kaniyang naalaala ang payo ng kaniyang ina na ang kaniyang suliranin ay ipakipag-usap kay Jehova sa panalangin. Siya’y nanalangin at di-nagtagal nagkaroon ng ideya na tunghayan ang katalogo ng telepono upang alamin kung mayroong sinumang Saksi ni Jehova sa malapit. Kaniyang tinawagan sila at napag-alaman niya na isang pamilya ang doon nakatira mismo sa kalye na kinaroroonan ng bahay ng kaniyang ama. “Anong tuwa ko!” ang sabi ni Wanda.
Taglay ang pampatibay-loob na ibinigay ng pamilyang ito, isinaayos ni Wanda ang kaniyang nakababatang mga kapatid upang makabalik sa gawaing Kristiyano. “Ako ang responsable na makapaghanda kami para sa mga pulong,” ang sabi niya. “Ako’y naglalaba ng aming mga damit, sumusuklay ng aming buhok, at tinitiyak ko na kami’y malilinis at presentable.” Iyon ay isang malaking gawain para sa isang bata, ngunit ginawa niya iyon. Minsan sinubok ng kaniyang ama na pahintuin sila sa kanilang pagdalo sa mga pulong, ngunit namanhik sa kaniya ang mga anak, at sila’y pinayagan niya na dumalo.
Nang bandang huli, ang mga anak ay muling nakapiling ng kanilang ina. Nang si Wanda ay 15 anyos, siya’y naging isang bautismadong Kristiyano, at sa wakas sinabi niyang ang kaniyang pangarap ay maging isang misyonera. Oo, ang gawain ng ina ni Wanda ay nakapasa sa pagsubok. Kaniyang tinatamasa ang gantimpala na makita ang kaniyang anak na naninindigang matatag sa ganang kaniyang sarili sa panig ng katotohanan. Harinawang lahat ng mga magulang na Kristiyano ay magkaroon ng nakakatulad na tagumpay samantalang sila’y gumagawa upang paunlarin ang mga personalidad na Kristiyano sa kanilang mga anak.
[Kahon sa pahina 27]
Bagaman, gaya ng ipinakikita ng artikulong ito, pinagsusumikapan ng mga magulang na paunlarin sa kanilang mga anak ang mga personalidad na Kristiyano, ang mga anak mismo ay mayroon ding pananagutan. Sila, tulad ng lahat ng Kristiyano, ay kailangang magtayo sa ganang sarili nila. (Efeso 4:22-24) Bagaman ang mga magulang ay may kahanga-hangang pagkakataon na tumulong sa bagay na ito, sa katapus-tapusan bawat tao ay kinakailangang gumawa ng kaniyang sariling pasiya na maglingkod kay Jehova.