Unang Liham sa mga Taga-Corinto
3 Kaya, mga kapatid, hindi ko kayo nakausap na gaya ng mga taong espirituwal,+ kundi gaya ng mga taong makalaman, mga sanggol+ sa pagiging Kristiyano. 2 Binigyan ko kayo ng gatas, at hindi ng matigas na pagkain, dahil hindi pa ninyo kayang kainin iyon. Ang totoo, hindi pa rin ninyo kaya ngayon,+ 3 dahil makalaman pa kayo.+ Mayroon pang inggitan at pag-aaway sa gitna ninyo,+ kaya hindi ba makalaman kayo+ at namumuhay na gaya ng mga tao sa sanlibutan? 4 Dahil kapag sinasabi ng isa, “Kay Pablo ako,” pero sinasabi naman ng iba, “Kay Apolos+ ako,” hindi ba gaya lang din kayo ng mga tao sa sanlibutan?
5 Sino ba si Apolos? Sino si Pablo? Mga lingkod+ lang na nagsasagawa ng gawaing ibinigay ng Panginoon at tumulong lang para maging mananampalataya kayo. 6 Ako ang nagtanim,+ si Apolos ang nagdilig,+ pero ang Diyos ang patuloy na nagpapalago, 7 kaya ang dapat purihin ay hindi ang nagtanim o ang nagdilig, kundi ang Diyos na nagpapalago.+ 8 Ang nagtanim at ang nagdilig ay iisa, pero ang bawat isa ay gagantimpalaan ayon sa sarili niyang gawa.+ 9 Dahil kami ay mga kamanggagawa ng Diyos.+ Kayo ang bukid ng Diyos na sinasaka niya, ang gusaling itinayo ng Diyos.+
10 Dahil sa walang-kapantay* na kabaitan ng Diyos sa akin, naging gaya ako ng isang mahusay na tagapagtayo. Naglagay ako ng pundasyon+ pero iba ang nagtatayo rito. Kaya patuloy na bantayan ng bawat isa kung paano siya nagtatayo rito. 11 Dahil walang makapaglalagay ng iba pang pundasyon maliban sa nailagay na, si Jesu-Kristo.+ 12 At kung ang sinuman ay magtayo sa pundasyon gamit ang ginto, pilak, mamahaling bato, kahoy, dayami, o pinaggapasan, 13 makikita* sa araw ng pagsubok kung ano ang ginawa niya. Maisisiwalat ito sa pamamagitan ng apoy,+ at ipapakita ng apoy ang kalidad ng gawa ng bawat isa. 14 Kung hindi masira ang itinayo rito ng isang tao, gagantimpalaan siya; 15 kung masunog ito, mawawalan siya, pero siya mismo ay maliligtas; gayunman, magiging gaya siya ng isang taong nakaligtas sa sunog.
16 Hindi ba ninyo alam na kayo ang templo ng Diyos+ at nasa inyo ang espiritu ng Diyos?+ 17 Kung sirain ng sinuman ang templo ng Diyos, pupuksain siya ng Diyos; dahil banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyon.+
18 Huwag dayain ng sinuman ang sarili niya: Kung iniisip ng sinuman sa inyo na marunong siya sa sistemang ito, magpakamangmang siya para maging marunong siya.+ 19 Dahil ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos, gaya nga ng nasusulat: “Ang marurunong ay hinuhuli niya sa sarili nilang bitag.”*+ 20 Gayundin: “Alam ni Jehova na walang saysay ang mga pangangatuwiran ng marurunong.”+ 21 Kaya huwag ninyong ipagmalaki ang mga tao; dahil sa inyo ang lahat ng bagay, 22 maging si Pablo o si Apolos o si Cefas+ o ang sanlibutan o ang buhay o ang kamatayan o ang mga bagay na narito ngayon o ang mga bagay na darating, ang lahat ng bagay ay sa inyo; 23 kayo naman ay kay Kristo;+ at si Kristo naman ay sa Diyos.