Ang Iyong Kinabukasan ba ay Iginuhit ng Tadhana?
KUNG sakaling ikaw ay naligtas sa isang nakamamatay na aksidente, iniisip mo ba na ikaw ay pinalad dahil sa kapalaran? O sa halip pasasalamatan mo na ikaw ay nagkataon na nasa tamang lugar sa tamang panahon?
Ang pantas na taong si Solomon ay nagsabi: “Ako’y bumalik at nakita ko sa silong ng araw na hindi ang matutulin ang nananalo sa takbuhan, ni ang malalakas man ang sa pagbabaka, ni sa mga pantas man ang tinapay, ni ang mga kayamanan man ay sa mga taong may unawa, ni ang mga paglingap man ay yaong may kaalaman; sapagkat ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay dumarating sa kanilang lahat.” (Eclesiastes 9:11) Anong dalas na ang di-inaasahan ang nangyayari! Isang inaasahang mananalong manlalaro ang nasasaktan, at ang api-apihan ang nananalo. Isang di-inaasahang sakuna ang nagdadala ng pagbangkarote sa isang mapagtapat na negosyante, na nagbibigay ng pagkakataon sa kaniyang magdarayang kakompetensiya na yumaman. Subalit ang mga pangyayari bang ito ay isinisi ni Solomon sa tadhana? Hindi nga. Ang mga ito ay mga epekto lamang ng “panahon at di-inaasahang pangyayari.”
Ganiyan din ang napansin ni Jesu-Kristo. Tinukoy niya ang isang pangyayari na sa malas ay karaniwang alam ng kaniyang mga tagapakinig, kaya si Jesus ay nagtanong: “Yaong labingwalo na nalagpakan ng moog sa Siloe, at nangamatay ay inaakala ba ninyong sila’y lalong salarin kaysa lahat ng iba pang mga taong naninirahan sa Jerusalem?” (Lucas 13:4) Ang mga nasawing ito ay hindi isinisi ni Jesus sa isang mahiwagang tadhana o sa kalooban ng Diyos, ni siya man ay naniwala na ang mga biktima ay lalong malaki ang kasalanan kaysa iba. Ang malungkot na aksidente ay isa lamang halimbawa ng kung papaanong gumagana ang panahon at di-inaasahang pangyayari.
Saan man ay walang sinasabi ang Bibliya na ideya na itinakda na ng Diyos ang oras ng ating kamatayan. Totoo naman na sinasabi ng Eclesiastes 3:1, 2: “Sa bawa’t bagay ay may takdang panahon, samakatuwid baga’y panahon sa bawa’t pangyayari sa silong ng langit: panahon ng kapanganakan at panahon ng kamatayan; panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot ng itinanim.” Subalit ang tinatalakay lamang ni Solomon ay ang patuloy na siklo ng buhay at kamatayan na dumarating sa di-sakdal na sangkatauhan. Tayo ay ipinanganganak, at pagdating ng panahon, kapag narating na ang dulo ng normal na haba ng buhay—kadalasan pagkatapos ng 70 o 80 taon humigit-kumulang—tayo’y namamatay. Gayunman, ang eksaktong oras ng kamatayan ay hindi itinakda ng Diyos gaya rin ng oras na ipinasiya ng magsasaka na ‘magtanim’ o ‘bunutin ang itinanim.’
Sa katunayan, sa bandang huli ay ipinakikita ni Solomon na ang isang tao ay maaaring mamatay nang wala pa sa panahon, at ang sabi: “Huwag kang magpakasamang lubha, ni magpakamangmang man. Bakit ka mamamatay bago dumating ang iyong kapanahunan?” (Eclesiastes 7:17) Ano ang kabuluhan ng payong ito kung ang oras ng kamatayan ng isang tao ay itinakda na nang patiuna at hindi na mababago? Samakatuwid ang Bibliya ay hindi nagtuturo ng pagtatadhana. Ang apostatang mga Israelita na naniwala sa paganong ideyang ito ay lubusang kinundena ng Diyos. Ang Isaias 65:11 ay nagsasabi: “Kayong mga tao na umaalis kay Jehova, silang nakalilimot sa aking banal na bundok, silang naghahanda ng hapag para sa diyos ng Mabuting Kapalaran at silang ang saro ng alak ay pinupunô ng hinaluang alak para sa diyos ng Kapalaran.”
Anong laking kamangmangan nga, kung gayon, na ang mga aksidente at mga kapahamakan ay sabihing kagagawan ng tadhana o, lalong masama, kagagawan ng Diyos mismo! “Ang Diyos ay pag-ibig,” ang sabi ng Bibliya, at ang pagpaparatang sa kaniya na siya ang nagdudulot sa tao ng kahirapan ay tuwirang lumalabag sa mahalagang katotohanang ito.—1 Juan 4:8.
Ang mga Layunin ng Diyos Para sa Hinaharap
Ano, kung gayon, ang ating maaasahan para sa kaligtasan? Dahilan ba sa hindi kontrolado ng di-maiiwasang kapalaran ang ating mga buhay ay magpapatangay na lamang tayo sa agos? Hindi, sapagkat ang Diyos ang nagpasiya sa kinabukasan ng sangkatauhan sa pangkalahatan. Ang Bibliya ay may tinutukoy na paglikha ng “isang bagong lupa” na iyon ay “tatahanan ng katuwiran.”—2 Pedro 3:13.
Upang maisakatuparan ito, tuwirang makikialam na ang Diyos sa lakad ng pamumuhay ng tao. Wala kang kamalay-malay, marahil ay naidalangin mo na maganap na ito sa pamamagitan ng pananalangin: “Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung papaano sa langit, gayon din sa lupa.” (Mateo 6:10) Ang Kahariang ito ay isang tunay na gobyernong itinatag sa langit. Sa pananalangin na ito’y harinawang dumating, iyong idinadalangin na ang Kahariang iyon ang humalili sa pamamahala ng kasalukuyang mga pamahalaan.—Daniel 2:44.
Gawing Matatag ang Iyong Sariling Kinabukasan
Kung papaanong ang madulang mga pangyayaring ito ay makaaapekto sa iyong kinabukasan, depende iyan, hindi sa tadhana o maging sa panahon man at di-inaasahang pangyayari, kundi sa hakbangin na pipiliin mong sundin. Gunitain ang kapahamakang naganap tungkol sa tore ng Siloe. Ginamit ni Jesus ang malungkot na pangyayaring iyon upang magturo ng isang mahalagang aral. Ang mga biktima ng gumuhong toreng iyan ay hindi nakaligtas sa umabot na sakuna sa kanila. Bilang kaibahan naman, ang mga tagapakinig ni Jesus ay maaaring makaiwas sa kapahamakan na bunga ng kapootan ng Diyos. Si Jesus ay nagbabala sa kanila: “Maliban sa kayo’y mangagsisi, kayong lahat ay mapupuksa sa ganiyan ding paraan.” (Lucas 13:4, 5) Maliwanag, sila’y makapamimilì ng kanilang sariling kinabukasan.
Ganiyan ding pagkakataon ang inihaharap sa atin ngayon—gumawa ukol sa ating sariling kaligtasan. (Filipos 2:12) Ninanais ng Diyos na “lahat ng uri ng mga tao . . . ay magkaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) At bagama’t bawa’t isa sa atin ay apektado sa anumang paraan ng mga bagay na minana at mga karanasan natin, tayo’y binigyan ng Diyos ng malayang kalooban—ang kapasidad na magpasiya kung papaano nais natin na gamitin ang ating buhay. (Mateo 7:13, 14) Magagawa natin ang bagay na matuwid o ang bagay na masama. Tayo’y makapagtatamo ng isang may pagsang-ayong katayuan sa harap ng Diyos na Jehova at magtamo ng buhay, o tayo’y makasasalansang sa kaniya at mamatay.
Ang pinipili ng marami ay mamuhay na hiwalay sa Diyos. Ang kanilang buhay ay nakatalaga sa paghanap ng materyal na mga bagay, kalayawan, o katanyagan. Subalit si Jesus ay nagbabala: “Kayo’y manatiling gising at mag-ingat kayo laban sa lahat ng uri ng kasakiman, sapagkat kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nanggagaling sa mga bagay na pag-aari niya.” (Lucas 12:15) Kung gayon, sa ano dumidepende ang ating buhay? Sa 1 Juan 2:15-17, ang Bibliya ay nagpapaliwanag: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. . . . Lahat ng nasa sanlibutan—ang pita ng laman at ang pita ng mga mata at ang mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan—ay hindi mula sa Ama, kundi mula sa sanlibutan. Isa pa, ang sanlibutan ay lumilipas at ang pita niyaon, datapuwat ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”
Pagpili ng Buhay
Papaano mo matitiyak na talagang ginagawa mo ang kalooban ng Diyos? Sumagot si Jesus: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Ang tumpak na kaalaman buhat sa Bibliya ang batayan ng pananampalataya. “Kung walang pananampalataya ay hindi makalulugod na mainam sa kaniya, sapagkat ang lumalapit sa Diyos ay kailangang sumampalataya sa kaniya at na siya ang tagapagbigay-gantimpala sa mga nagsisihanap nang masikap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Ang kaalaman na kailangan mo na makamit ay maaari mong makamit agad. Ang mga Saksi ni Jehova ay nakatulong sa milyun-milyon na kamtin ito sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Bibliya.a
Upang mapalugdan mo ang Diyos, kailangang gumawa ka ng ilang mga pagbabago. Marahil ay may mga ilang masasamang kaugalian na kailangan mong daigin o mga gawaing imoralidad na kailangang ihinto. Huwag kang hihinto sa iyong pagsisikap, na para bagang imposible na ikaw ay magbago. Ang ideya na ang mga bagay ay hindi maaaring mabago ay isa lamang ideya na nagmula sa huwad na doktrina ng fatalismo. Sa tulong ni Jehova, posible na ang sinuman ay ‘magbago ng kaniyang isip’ at kamtin “ang bagong pagkatao.” (Roma 12:2; Efeso 4:22-24) Ang iyong pagsisikap na palugdan ang Diyos ay hindi mangyayari na di-mapansin. Siya’y handang magpala sa mga gumagawa ng kaniyang kalooban.
Sasang-ayon ang sinuman, na ang pagkatuto sa Bibliya ay hindi makalulutas ng lahat ng iyong suliranin. Ang tunay na mga lingkod ng Diyos ay nakararanas ng mga kapahamakan at mahihirap na kalagayan, tulad din ng iba. Gayunman, tayo’y mabibigyan ng Diyos ng karunungan upang mapagtagumpayan ang kahirapan. (Santiago 1:5) Nariyan din ang kagalakan ng pagkaalam na ang isa ay may mabuting kaugnayan sa Diyos. “Maligaya siya na nagtitiwala kay Jehova,” ang sabi ng Kawikaan 16:20.
Sa isinauling Paraiso sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, tayo ay hindi na magiging biktima ng panahon at di-inaasahang pangyayari. Oo, aalisin ng Diyos ang lahat ng bagay na sa kasalukuyan sumisira ng kaligayahan ng tao. “Papahirin niya ang bawa’t luha sa [ating] mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man, o ng panambitan man o ng hirap pa man,” ang pangako ng Bibliya. (Apocalipsis 21:4) Di-mabilang na mga biktima ng aksidente ang makararanas ng pagkabuhay-muli.—Juan 5:28, 29.
Mamanahin mo ba ang maningning na kinabukasang ito? Nang ang mga Israelita ay papasok na lamang sa Lupang Pangako, sinabi sa kanila ni Moises: “Aking inilagay sa harap mo ang buhay at ang kamatayan, ang pagpapala at ang sumpa; kaya piliin mo ang buhay upang ikaw ay mabuhay, ikaw at ang iyong binhi, na ibigin mo si Jehova na iyong Diyos, makikinig ka sa kaniyang tinig at huwag kang hihiwalay sa kaniya; sapagkat siya ang iyong buhay at ang kahabaan ng iyong mga araw.”—Deuteronomio 30:19, 20.
Hindi, tayo’y hindi hamak na mga laruan na pinaglalaruan lamang ng isang walang habag na tadhana. Ang iyong kaligayahan sa hinaharap, sa katunayan nga ang iyong walang-hanggang kinabukasan, ay nasa iyong mga kamay. Aming hinihimok ka na piliin ang buhay.
[Talababa]
a Ang gayong pag-aaral ay maaaring isaayos sa pamamagitan ng pagsulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.
[Blurb sa pahina 5]
Ang apostatang mga Israelita na sumunod sa paganong paniniwala ng pagtatadhana ay dumanas ng mahigpit na kahatulan ng Diyos