Ilakip sa Inyong Pagtitiis ang Maka-Diyos na Debosyon
“Ilakip sa inyong pananampalataya . . . ang pagtitiis, sa inyong pagtitiis ang banal na debosyon.”—2 PEDRO 1:5, 6.
1, 2. (a) Pasimula sa dekada ng 1930, ano ang nangyari sa mga Saksi ni Jehova sa mga lupaing nasakop ng Nazi, at bakit? (b) Papaano nakapanindigang matatag ang bayan ni Jehova sa ilalim ng kalupitang ito?
IYON ay isang madilim na yugto ng panahon sa kasaysayan ng ika-20 siglo. Pasimula ng dekada ng 1930, libu-libong Saksi ni Jehova sa mga lupaing nasakop ng Nazi ang may kalupitang inaresto at itinapon sa mga concentration camp. Bakit? Sapagkat sila’y nangahas na manatiling walang kinikilingan at tumangging magbunyi ng “Heil Hitler.” Papaano sila pinakitunguhan? “Walang ibang grupo ng mga bilanggo . . . ang napalantad sa sadismo ng mga kawal ng SS na katulad ng mga Estudyante ng Bibliya [mga Saksi ni Jehova]. Ito’y sadismo na binubuo ng sunud-sunod at walang-katapusang mga pagpapahirap sa pisikal at sa mental, na anupat walang salita sa daigdig ang maaaring gamitin upang mailarawan ito.”—Karl Wittig, isang dating opisyal ng pamahalaang Aleman.
2 Papaano nakapanindigang matatag ang mga Saksi? Sa kaniyang aklat na The Nazi State and the New Religions: Five Case Studies in Non-Conformity,15 si Dr. Christine E. King ay nagsabi: “Tanging sa mga Saksi [kung ihahambing sa ibang mga grupong relihiyoso] bigo ang pamahalaan.” Oo, ang mga Saksi ni Jehova sa kabuuan ay nanindigang matatag, kahit na para sa daan-daan sa kanila, ito ay nangahulugan ng pagtitiis hanggang sa kamatayan.
3. Ano ang dahilan at ang mga Saksi ni Jehova ay nakapagtiis sa mahigpit na mga pagsubok?
3 Ano ang dahilan at nakapagtiis ang mga Saksi ni Jehova sa gayong mga pagsubok hindi lamang sa Alemanyang Nazi kundi sa buong daigdig? Ang kanilang Ama sa langit ang tumulong sa kanila na magtiis dahilan sa kanilang maka-Diyos na debosyon. “Si Jehova ay marunong magligtas buhat sa tukso sa mga taong may maka-Diyos na debosyon,” ang paliwanag ni apostol Pedro. (2 Pedro 2:9) Maaga sa liham ding ito, ang mga Kristiyano ay pinayuhan ni Pedro: “Ilakip sa inyong pananampalataya . . . ang pagtitiis, sa inyong pagtitiis, ang banal na debosyon.” (2 Pedro 1:5, 6) Kaya ang pagtitiis ay may malapit na kaugnayan sa maka-Diyos na debosyon. Ang totoo, upang makapagtiis hanggang wakas, tayo’y kailangang ‘magtaguyod ng banal na debosyon’ at ito’y ipakita. (1 Timoteo 6:11) Subalit ano nga ba ang maka-Diyos na debosyon?
Kung Ano ang Maka-Diyos na Debosyon
4, 5. Ano ba ang maka-Diyos na debosyon?
4 Ang pangngalang Griego para sa “maka-Diyos na debosyon” (eu·seʹbei·a) ay maisasalin sa literal na “nararapat na pagpapakundangan.”a (2 Pedro 1:6, Kingdom Interlinear) Ito’y nagpapakilala ng taos-pusong masiglang damdamin sa Diyos. Ayon kay W. E. Vine, ang pang-uri na eu·se·besʹ, na literal na nangangahulugang “karapat-dapat pakundanganan,” ay tumutukoy sa “lakas na, palibhasa’y inaakay ng banal na pagpapakundangan sa Diyos, nahahayag sa tapat na paglilingkod.”—2 Pedro 2:9, Int.
5 Ang pananalitang “maka-Diyos na debosyon” samakatuwid ay tumutukoy sa pagpapakundangan o debosyon kay Jehova na nagpapakilos sa atin na gawin ang nakalulugod sa kaniya. Ito ay ginagawa kahit na sa gitna ng mahihirap na pagsubok dahil iniibig natin ang Diyos buhat sa puso. Ito ay isang tapat, personal na kaugnayan kay Jehova na nahahayag sa paraan ng ating pamumuhay. Ang tunay na mga Kristiyano ay pinapayuhan na manalangin upang sila’y “mangabuhay na tahimik at payapa kalakip ng buong maka-Diyos na debosyon.” (1 Timoteo 2:1, 2) Ayon sa mga leksikograpong sina J. P. Louw at E. A. Nida, “sa maraming wika ang [eu·seʹbei·a] sa 1 Tm 2.2 ay angkop na maisasalin na ‘mamuhay ayon sa ibig ng Diyos na maging pamumuhay natin’ o ‘mamuhay ayon sa sinabi sa atin ng Diyos na dapat nating maging pamumuhay.’ ”
6. Ano ba ang kaugnayan ng pagtitiis at ng maka-Diyos na debosyon?
6 Ngayon ay lalong mauunawaan natin ang kaugnayan ng pagtitiis at ng maka-Diyos na debosyon. Dahilan sa tayo’y namumuhay ayon sa ibig ng Diyos na maging pamumuhay natin—may maka-Diyos na debosyon—sa atin ay napopoot ang sanlibutan, na patuloy na nagdadala ng mga pagsubok sa pananampalataya. (2 Timoteo 3:12) Subalit walang paraan na tayo’y pakikilusin ng motibo na tiisin ang gayong mga pagsubok kung hindi sa ating personal na kaugnayan sa ating Ama sa langit. Bukod dito, si Jehova ay tumutugon sa gayong taos-pusong debosyon. Gunigunihin lamang kung ano ang madarama niya sa pagtanaw mula sa langit at pagmamasid sa kanila, na dahilan sa kanilang debosyon sa kaniya, ay nagsusumikap na palugdan siya sa kabila ng lahat ng paraan ng pananalansang. Hindi nga kataka-takang siya’y marunong “magligtas buhat sa tukso sa mga taong may maka-Diyos na debosyon”!
7. Bakit kailangang linangin ang maka-Diyos na debosyon?
7 Gayunman, tayo’y hindi isinisilang na taglay na ang maka-Diyos na debosyon, ni kusang namamana natin iyon buhat sa maka-Diyos na mga magulang. (Genesis 8:21) Sa halip, iyon ay kailangang linangin. (1 Timoteo 4:7, 10) Tayo’y kailangang gumawa upang mailakip ang maka-Diyos na debosyon sa ating pagtiiis at sa ating pananampalataya. Ito, sabi ni Pedro, ay nangangailangan ng “masigasig na pagsisikap.” (2 Pedro 1:5) Kung gayon, papaano natin matatamo ang maka-Diyos na debosyon?
Papaano Natin Matatamo ang Maka-Diyos na Debosyon?
8. Ayon kay apostol Pedro, ano ang susi sa pagtatamo ng maka-Diyos na debosyon?
8 Ipinaliwanag ni apostol Pedro ang susi sa pagtatamo ng maka-Diyos na debosyon. Sinabi niya: “Di-sana nararapat na awa at kapayapaan ang nawa ay sumagana sa inyo sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman sa Diyos at kay Jesus na ating Panginoon, yamang saganang ipinagkaloob sa atin ng kaniyang banal na kapangyarihan ang lahat ng bagay na nauukol sa buhay at sa banal na debosyon, sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman sa isa na tumawag sa atin sa pamamagitan ng kaluwalhatian at kagalingan.” (2 Pedro 1:2, 3) Kaya upang ang ating pananampalataya at pagtitiis ay malakipan ng maka-Diyos na debosyon, tayo’y kailangang sumulong sa tumpak, alalaong baga, sa buo, o ganap, na kaalaman sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo.
9. Papaano maipaghahalimbawa na ang pagkakaroon ng tumpak na kaalaman sa Diyos at kay Kristo ay higit pa ang nasasangkot kaysa pagkakilala lamang kung sino sila?
9 Ano ang kahulugan ng magkaroon ng tumpak na kaalaman sa Diyos at kay Kristo? Maliwanag, kasangkot dito ang higit pa kaysa pagkakilala lamang kung sino sila. Halimbawa: Maaaring kilalá mo ang iyong pinakamalapit na kapitbahay at binabati mo pa siya sa pangalan. Subalit pahihiramin mo ba siya ng isang malaking halaga? Hindi, maliban kung talagang kilalang-kilala mo kung anong uri siya ng tao. (Ihambing ang Kawikaan 11:15.) Gayundin naman, ang tumpak, o lubos na pagkakilala kay Jehova at kay Jesus ay higit pa ang kahulugan kaysa paniniwala lamang na sila’y umiiral at sa pagkaalam ng kanilang pangalan. Upang tayo’y makapagtiis ng mga pagsubok hanggang sa kamatayan alang-alang sa kanila, kailangang talagang kilalang-kilala natin sila. (Juan 17:3) Ano ba ang kasangkot dito?
10. Anong dalawang bagay ang kasangkot sa pagkakaroon ng tumpak na kaalaman kay Jehova at kay Jesus, at bakit?
10 Ang pagkakaroon ng tumpak, o ganap na kaalaman tungkol kay Jehova at kay Jesus ay kinasasangkutan ng dalawang bagay: (1) ang pagkakilala sa kanila bilang mga persona—ang kanilang mga katangian, damdamin, at mga paraan—at (2) ang pagtulad sa kanilang halimbawa. Kasangkot sa maka-Diyos na debosyon ang isang taos-puso, personal na kaugnayan kay Jehova at ito’y nakikita sa pamamagitan ng ating pamumuhay. Samakatuwid, upang matamo iyon, kailangang makilala natin nang personal si Jehova at lubusang malaman natin ang kaniyang kalooban at mga paraan hanggang sa sukdulang magagawa ng tao. Tunay na upang makilala si Jehova, na kawangis natin, kailangang gamitin natin ang gayong kaalaman at tayo’y magsikap na makatulad niya. (Genesis 1:26-28; Colosas 3:10) At yamang ganap na tinularan ni Jesus si Jehova sa kaniyang sinabi at ginawa, ang tumpak na pagkakilala kay Jesus ay isang mahalagang tulong sa paglinang sa maka-Diyos na debosyon.—Hebreo 1:3.
11. (a) Papaano tayo makapagtatamo ng tumpak na kaalaman sa Diyos at kay Kristo? (b) Bakit mahalaga na bulay-bulayin natin ang ating nababasa?
11 Subalit, papaano tayo makapagtatamo ng gayong tumpak na kaalaman sa Diyos at kay Kristo? Sa pamamagitan ng masigasig na pag-aaral ng Bibliya at ng salig-sa-Bibliyang mga publikasyon.b Gayunman, kung ibig natin na ang personal na pag-aaral natin ng Bibliya ay magbunga ng pagtatamo natin ng maka-Diyos na debosyon, mahalaga na tayo’y magkaroon ng panahon na magbulay-bulay, samakatuwid nga, magmuni-muni, o pag-isipan ang ating nabasa. (Ihambing ang Josue 1:8.) Bakit ito mahalaga? Tandaan na ang maka-Diyos na debosyon ay isang masigla, taos-pusong damdamin tungkol sa Diyos. Sa Kasulatan, ang pagbubulay-bulay ay paulit-ulit na iniuugnay sa makasagisag na puso—ang panloob na pagkatao. (Awit 19:14; 49:3; Kawikaan 15:28) Pagka tayo’y nagmuni-muni nang may pagpapahalaga sa ating binabasa, ito’y tumatagos hanggang sa panloob na pagkatao, sa gayo’y pinupukaw ang ating damdamin, at may impluwensiya sa ating pag-iisip. Tanging sa ganiyan lamang mapatitibay ng pag-aaral ang ating personal na kaugnayan kay Jehova at magpapakilos sa atin na mamuhay sa paraan na nakalulugod sa Diyos kahit na sa harap ng mga kalagayan na nagsisilbing hamon o mahihirap na pagsubok.
Pagkakapit ng Maka-Diyos na Debosyon sa Tahanan
12. (a) Ayon kay Pablo, papaano maikakapit ng isang Kristiyano ang maka-Diyos na debosyon sa tahanan? (b) Bakit ang tunay na mga Kristiyano ay nag-aasikaso sa kanilang matatanda nang magulang?
12 Ang maka-Diyos na debosyon ay dapat na unang ikapit sa tahanan. Ang sabi ni apostol Pablo: “Ngunit kung ang sino mang biyuda ay may mga anak o mga apo, ang mga ito’y hayaang matuto muna na mamuhay ayon sa maka-Diyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at patuloy na gumanti ng kaukulan sa kani-kanilang mga magulang at mga ninuno, sapagkat ito’y kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.” (1 Timoteo 5:4) Ang pag-aasikaso sa matatanda nang magulang, gaya ng pagkabanggit ni Pablo, ay isang pagpapakita ng maka-Diyos na debosyon. Ginagawa ng tunay na mga Kristiyano ang gayong pag-aasikaso hindi lamang dahil sa ito’y tungkulin nila kundi dahil sa pag-ibig sa kanilang mga magulang. Ngunit, higit pa riyan, kanilang kinikilala ang pagpapahalaga ni Jehova sa pag-aasikaso sa pamilya. Alam na alam nila na ang pagtangging tulungan ang kanilang mga magulang sa panahon ng pangangailangan ay para na ring ‘pagtatakwil sa pananampalatayang Kristiyano.’—1 Timoteo 5:8.
13. Bakit isang tunay na hamon ang pagkakapit ng maka-Diyos na debosyon sa tahanan, subalit anong kasiyahan ang resulta ng pag-aasikaso sa mga magulang?
13 Totoo, hindi laging madaling ikapit sa tahanan ang maka-Diyos na debosyon. Ang mga miyembro ng pamilya ay baka hiwa-hiwalay dahilan sa malalayo sa isa’t isa ang kanilang tahanan. Baka ang malalaki nang anak ay nag-aasikaso ng kani-kanilang pamilya at maaaring nagpupunyagi sa paghahanap-buhay. Ang uri o ang antas ng pag-aasikaso na kailangan ng isang magulang ay maaaring makaapekto nang malaki sa pisikal, mental, at emosyonal na kalusugan ng mga nag-aasikaso. Gayunpaman, makapagdudulot ng tunay na kasiyahan ang pagkaalam na ang pag-aasikaso sa mga magulang ay hindi lamang nagbibigay ng “isang kaukulang kabayaran” kundi nagpapalugod din sa Isa na ‘pinagkakautangan ng pangalan ng bawat sambahayan sa langit at sa lupa.’—Efeso 3:14, 15.
14, 15. Maglahad ng isang halimbawa ng pag-aasikaso ng mga anak sa kanilang magulang.
14 Isaalang-alang ang isang tunay na makabagbag-damdaming halimbawa. Si Ellis at ang lima sa kaniyang mga kapatid ay nakaharap sa isang hamon ng pag-aasikaso sa kanilang ama sa tahanan. “Noong 1986 ang aking ama ay naatake serebral (stroke), anupat siya’y naging lubusang paralisado,” ang sabi ni Ellis. Ang anim na anak ay may kani-kaniyang bahagi sa pag-aasikaso sa kanilang ama, mula sa pagpapaligo sa kaniya hanggang sa pagtiyak na siya’y regular na ipinipihit sa kaniyang pagkahiga upang hindi magpaltos ang kaniyang likod. “Amin siyang binabasahan, kinakausap, tumutugtog ng musika para sa kaniya. Hindi namin natitiyak kung siya’y may kamalayan sa mga nangyayari sa kaniyang paligid, ngunit pinakikitunguhan namin siya na parang siya’y may lubusang kamalayan sa lahat ng nangyayari.”
15 Bakit ang mga anak ay nag-aasikaso sa kanilang ama nang ganoon? Nagpatuloy si Ellis: “Pagkamatay ng aming ina noong 1964, si Itay na lamang ang nagpalaki sa amin. Noon, ang edad namin ay mula 5 taon hanggang 14. Siya’y naroon na handang tumulong sa amin noon; kami naman ay narito para tumulong sa kaniya ngayon.” Maliwanag, hindi madali ang gayong pag-aasikaso, at nasisiraan ng loob kung minsan ang mga anak. “Pero natatalos namin na pansamantala lamang ang kalagayan ng aming ama,” ang sabi ni Ellis. “Inaasam-asam namin ang panahon pagka ang aming ama ay naisauli na sa kalusugan at magkakasama-sama uli kami ng aming ina.” (Isaias 33:24; Juan 5:28, 29) Tunay, ang gayong mapagmahal na pag-aasikaso sa magulang ay tiyak na nagpapagalak sa puso ng Isa na nag-uutos na igalang ng mga anak ang kanilang mga magulang!c—Efeso 6:1, 2.
Ang Maka-Diyos na Debosyon at ang Ministeryo
16. Ano ang dapat na maging pangunahing dahilan sa ating ginagawa sa ministeryo?
16 Nang ating tanggapin ang paanyaya ni Jesus na ‘sumunod sa kaniya nang patuluyan,’ sumasailalim tayo sa isang banal na utos na mangaral ng mabuting balita ng Kaharian at gumawa ng mga alagad. (Mateo 16:24; 24:14; 28:19, 20) Maliwanag, ang pagkakaroon ng bahagi sa ministeryo ay isang obligasyon ng Kristiyano sa “mga huling araw” na ito. (2 Timoteo 3:1) Gayunman, ang ating motibo sa pangangaral at pagtuturo ay dapat na higit pa kaysa pagkadama lamang na ito’y isang tungkulin o obligasyon. Ang matimyas na pag-ibig kay Jehova ang dapat na pangunahing dahilan sa ating ginagawa at kung gaano ang nagagawa natin sa ministeryo. “Sa kasaganaan ng puso nagsasalita ang bibig,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 12:34) Oo, pagka ang ating puso ay nag-uumapaw sa pag-ibig kay Jehova, nadarama natin na tayo’y nauudyukan na magpatotoo sa iba tungkol sa kaniya. Pagka ang pag-ibig sa Diyos ang ating motibo, ang ating ministeryo ay isang makabuluhang kapahayagan ng ating maka-Diyos na debosyon.
17. Papaano mapauunlad ang tamang motibo sa ministeryo?
17 Papaano natin mapauunlad ang tamang motibo sa ministeryo? Pag-isipan nang may pagpapahalaga ang tatlong dahilan na ibinigay ni Jehova sa atin upang ibigin siya. (1) Iniibig natin si Jehova dahilan sa nagawa na niya para sa atin. Wala nang lalong dakilang pag-ibig ang maipakikita pa niya kaysa paglalaan ng pantubos. (Mateo 20:28; Juan 15:13) (2) Iniibig natin si Jehova dahilan sa ginagawa niya ngayon para sa atin. Tayo’y may kalayaan ng pakikipag-usap kay Jehova, na sumasagot sa ating mga panalangin. (Awit 65:2; Hebreo 4:14-16) Samantalang inuuna natin ang mga kapakanan ng Kaharian, ipinagkakaloob sa atin ang mga pangangailangan sa buhay. (Mateo 6:25-33) Tumatanggap tayo ng patuluyang panustos na espirituwal na pagkaing tumutulong sa atin na harapin ang mga suliranin na napapaharap sa atin. (Mateo 24:45) At taglay natin ang pagpapala na pagiging bahagi ng isang pambuong daigdig na pagkakapatirang Kristiyano na talagang nagbubukod sa atin buhat sa natitirang bahagi ng sanlibutan. (1 Pedro 2:17) (3) Iniibig din natin si Jehova dahilan sa gagawin pa niya para sa atin. Dahilan sa kaniyang pag-ibig, tayo’y ‘nakahawak nang mahigpit sa tunay na buhay’—ang buhay na walang-hanggan sa hinaharap. (1 Timoteo 6:12, 19) Pagka isinaalang-alang natin ang pag-ibig sa atin ni Jehova, tiyak na pakikilusin tayo ng ating puso na magkaroon ng isang tapat na bahagi sa pagsasabi sa iba ng tungkol sa kaniya at sa kaniyang mahalagang mga layunin! Hindi na kailangang sabihin pa sa atin ng iba kung ano ang dapat gawin o gaano ang dapat gawin sa ministeryo. Ang ating puso ang magpapakilos sa atin na gawin ang ating makakaya.
18, 19. Anong hadlang ang napagtagumpayan ng isang sister upang magkaroon ng bahagi sa ministeyo?
18 Maging sa harap ng mahihirap na kalagayan, mauudyukan na magsalita ang isang pusong pinukaw ng maka-Diyos na debosyon. (Ihambing ang Jeremias 20:9.) Ito ay ipinakikita sa kaso ni Stella, isang labis na mahiyaing babaing Kristiyano. Nang magsimula siya ng pag-aaral ng Bibliya, naisip niya, ‘Hindi ako makapagbabahay-bahay kailanman!’ Ang kaniyang paliwanag: “Ako’y talagang mahiyain. Hindi ako makalalapit sa iba upang magpasimula ng pakikipag-usap.” Habang siya’y patuloy na nag-aaral, lumalaki ang kaniyang pag-ibig kay Jehova, at tinubuan siya ng nagniningas na hangaring makipag-usap sa iba tungkol sa kaniya. “Natatandaan ko na sinabi ko sa aking guro sa Bibliya, ‘Talagang gusto kong magsalita, pero hindi ko magawa, at iyan nga ang gumagambala sa akin.’ Hindi ko makakalimutan ang kaniyang sinabi sa akin: ‘Stella, pasalamat ka at ibig mong magsalita.’ ”
19 Hindi nagtagal at si Stella ay nagpapatotoo na sa kaniyang pinakamalapit na kapitbahay. Pagkatapos ay gumawa siya ng para sa kaniya ay isang napakalaking hakbang—siya’y nakibahagi sa ministeryo ng pagbabahay-bahay sa unang-unang pagkakataon. (Gawa 20:20, 21) Nagugunita pa niya: “Isinulat ko ang aking presentasyon. Ngunit takot na takot ako noon na bagaman nasa harapan ko iyon, dahil sa nerbiyos ay hindi ako makatingin sa aking mga nota!” Ngayon, makalipas ang mahigit na 35 taon, likas na napakamahiyain pa rin si Stella. Gayunman, mahal niya ang ministeryo sa larangan at nagpapatuloy na magkaroon ng makabuluhang bahagi rito.
20. Anong halimbawa ang nagpapakita na kahit ang pag-uusig o pagkabilanggo ay hindi makapagpapatikom ng bibig ng tapat na mga Saksi ni Jehova?
20 Maging ang pag-uusig o pagkabilanggo ay hindi makapagpapatikom ng bibig ng tapat na mga Saksi ni Jehova. Isaalang-alang ang halimbawa nina Ernst at Hildegard Seliger ng Alemanya. Dahilan sa kanilang pananampalataya, kung pagsasamahin ay nakagugol sila ng mahigit na 40 taon sa mga kampong piitan ng mga Nazi at mga bilangguang Komunista. Kahit sa bilangguan, sila’y mapilit na nagpatotoo sa ibang mga bilanggo. Nagunita pa ni Hildegard: “Ako’y inuri ng mga opisyal sa bilangguan bilang ang pinakamapanganib, dahilan sa, gaya ng sinabi ng isang bantay na babae, ako’y nagsasalita tungkol sa Bibliya buong maghapon. Kaya ako’y inilagay sa isang selda sa basement.” Matapos na sila’y palayain sa wakas, sina Brother at Sister Seliger ay gumugol ng kanilang buong panahon sa ministeryong Kristiyano. Sila kapuwa ay naglingkod nang buong katapatan hanggang sa kanilang kamatayan, si Brother Seliger ay noong 1985 at ang kaniyang kabiyak ay noong 1992.
21. Ano ang kailangan nating gawin upang malakipan ng maka-Diyos na debosyon ang ating pagtitiis?
21 Sa masigasig na pag-aaral ng Salita ng Diyos at paggugol ng panahon sa pagbubulay-bulay nang may pagpapahalaga sa ating natutuhan, tayo’y lalago sa tumpak na kaalaman sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. Ito, sa kabilang dako, ay magbubunga ng higit na pagtatamo natin ng mahalagang katangiang iyan—ang maka-Diyos na debosyon. Kung walang maka-Diyos na debosyon ay walang paraan upang matiis ang sari-saring pagsubok na dumarating sa atin bilang mga Kristiyano. Kaya sundin natin ang payo ni apostol Pedro, na patuloy na ‘lakipan ang ating pananampalataya ng pagtitiis at ang ating pagtitiis ng maka-Diyos na debosyon.’—2 Pedro 1:5, 6.
[Mga talababa]
a Tungkol sa eu·seʹbei·a, ganito ang sabi ni William Barclay: “Ito ang seb- na bahagi [ang ugat] ng salita na nangangahulugang pagpapakundangan o pagsamba. Ang eu- ang salitang Griego para sa nararapat; samakatuwid, ang eusebia ay pagsamba, ang pagpapakundangan na karapat-dapat at matuwid na ibigay.”—New Testament Words.
b Para sa pagtalakay sa paraan ng pag-aaral upang mapalawak ang ating kaalaman sa Salita ng Diyos, tingnan Ang Bantayan ng Agosto 15, 1993, pahina 12-17.
c Para sa isang buong pagtalakay kung papaano ikakapit ang maka-Diyos na debosyon sa may edad nang mga magulang, tingnan Ang Bantayan ng Hunyo 1, 1987, pahina 13-18.
Ano ba ang Inyong Sagot?
◻ Ano ba ang maka-Diyos na debosyon?
◻ Ano ang kaugnayan ng pagtitiis at ng maka-Diyos na debosyon?
◻ Ano ang susi sa pagtatamo ng maka-Diyos na debosyon?
◻ Papaano maikakapit ng isang Kristiyano ang maka-Diyos na debosyon sa tahanan?
◻ Ano ang dapat na maging pangunahing dahilan sa ating ginagawa sa ministeryo?
[Larawan sa pahina 18]
Ang pagtitiis at maka-Diyos na debosyon ay ipinamalas ng mga Saksi ni Jehova na ibinilanggo sa concentration camp ng mga Nazi sa Ravensbrück