Si William Whiston—Erehes o Tapat na Iskolar?
ISASAKRIPISYO mo ba ang iyong karera alang-alang sa iyong paniniwala? Gayon ang ginawa ni William Whiston.
Siya’y nakilala bilang siyang dahilan ng kontrobersiya sa relihiyon maaga noong ika-18 siglo, nang gumawa siya ng isyu laban sa Church of England tungkol sa mga turo ng Bibliya. Bilang resulta, siya’y binansagang isang erehes. Ang ginawa niya ay nagdulot ng panlilibak sa kaniya ngunit naging dahilan din naman upang igalang siya.
Sino nga ba si William Whiston? At ano ang nagawa niya?
Isang Iskolar sa Bibliya
Si William Whiston ay isang napakatalinong kasamahan ni Sir Isaac Newton sa Cambridge University. Kung kukunsulta ka sa edisyong Ingles ng mga isinulat ng Judiong istoryador noong unang siglo na si Flavius Josephus, malamang na ang binabasa mo’y ang salin na ginawa ni Whiston noong 1736. Bagaman mayroon din namang iba pang salin, ang kaniyang pantas na pagkasalin, kasama ng kaniyang mga nota at mga sanaysay, ay hindi pa nahihigitan at may makukuha pa rin niyaon. Marami ang nagtuturing na ang akdang ito ang pinakarurok ng tagumpay ni Whiston.
Gayunman, hindi rin naman dapat kaligtaan ang Primitive New Testament, ang salin ni Whiston ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Iyon ay inilathala noong 1745, sa kaniyang ika-78 taóng gulang. Isinalin ni Whiston ang apat na Ebanghelyo at Mga Gawa ng mga Apostol mula sa Codex Bezae, ang mga liham ni Pablo mula sa Clermont Codex, at ang natitirang bahagi, kasali na ang Apocalipsis, mula sa Manuskritong Alexandrine. Maingat niyang inalis ang palsipikadong bahagi ng 1 Juan 5:7. Pinili ni Whiston ang tatlong Griegong akdang ito bilang pinakamahusay sa lahat noong panahong iyon.
Ang pagmamahal sa Bibliya ang nakikitang dahilan ng ginawa ni Whiston. Palasak noong kapanahunan niya ang deismo, ang turo na ang pangangatuwiran lamang ay sapat nang batayan upang maniwala sa Diyos. Ayon sa aklat na William Whiston—Honest Newtonian, masigasig niyang ipinagtanggol “ang tradisyunalistang pangmalas na ang Bibliya ay isang di-nagkakamaling pinagmumulan ng sinaunang kasaysayan.” Ang terminong “Newtonian” dito ay tumutukoy kay Isaac Newton, lubos na nakilala sa kaniyang Principia, na doo’y ipinaliwanag niya ang batas ng pansansinukob na grabitasyon. Ang pag-iisip ni Newton ay nagkaroon ng matinding epekto kay William Whiston. Papaano?
Magkaibang Personalidad
Si William Whiston ay ipinanganak noong 1667, anak ng isang klerigo ng Church of England. Pagkatapos ng kaniyang ordinasyon noong 1693, bumalik siya sa Cambridge University upang mag-aral ng matematika at naging kawani ni Newton. Naging napakalapit nila sa isa’t isa. Nang iwan ni Newton ang kaniyang posisyon bilang Lucasianong Propesor ng Matematika mga tatlong taon pagkaraan, tiniyak niya na si Whiston ang mahirang na pumalit sa kaniyang lugar. Sa pagpapatuloy ng kaniyang karera, nagbigay siya ng mga panayam tungkol sa astronomiya at matematika, ngunit ang impluwensiya ni Newton ay nag-udyok din sa kaniya upang magkaroon ng mas malalim na interes sa kronolohiya at doktrina ng Bibliya.
Si Newton ay isang taong relihiyoso. Bilang isang desididong naniniwala sa Milenyo sa Bibliya, siya’y malawak na sumulat tungkol sa mga hula ng Daniel at Apocalipsis. Gayunman, halos hindi nailathala ang alinman sa mga isinulat na ito noong kaniyang kapanahunan. Tinanggihan niya ang doktrina ng Trinidad. Subalit nang dumating ang panahon ng paglalathala ng kaniyang patunay laban sa doktrina ng Trinidad, “umurong si Newton sa takot na ang kaniyang anti-Trinitaryong pangmalas ay mapabalita,” puna ng The New Encyclopædia Britannica. Ganito naman ang pagkasabi ni F. E. Manuel sa Isaac Newton, Historian: “Ang pangkat ni Newton ay alinman sa naglihim ng kanilang opinyon o nagpigil ng kanilang interes. . . . Samantalang si Newton ay totoong malihim si Whiston naman ay hindi makapigil sa pagsasalita.” Ang dalawang lalaki sa gayon ay may magkaibang personalidad.
Pagtatakwil
Noong Hulyo 1708, sumulat si Whiston sa arsobispo ng kapuwa Canterbury at York, na humihimok ng pagbabago ng doktrina ng Church of England may kinalaman sa maling turo ng Trinidad ayon sa nakatala sa Athanasian Creed. Mangyari pa, siya’y pinayuhan na mag-ingat. Subalit nagpumilit si Whiston. “Pinag-aralan ko na ang mga puntong ito mula sa pasimula,” sabi niya, “at ako’y lubusang kumbinsido na ang buong kapulungan ng mga Kristiyano ay malaon na at malubhang dinadaya tungkol dito; at, sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, kung ito’y nasa kapangyarihan ko, ito’y hindi na pahihintulutang dayain pa.”
Pinangambahan ni Newton ang kaniyang sosyal at akademikong kalagayan. Si Whiston, sa kabilang dako naman, ay hindi. Palibhasa’y malinaw na sa kaniya ang kaniyang anti-Trinitaryong paniniwala, sumulat siya ng isang pamplet na naghaharap ng kaniyang mga pangmalas. Ngunit noong Agosto 1708, tumanggi ang Cambridge University na bigyan si Whiston ng lisensiya na ilathala ang materyal na ito, yamang ipinalalagay na ito’y di-matatanggap.
Noong 1710, si Whiston ay pinaratangang nagtuturo ng doktrinang taliwas sa pinaniniwalaan ng Church of England. Siya’y napatunayang nagkasala, inalis sa kaniyang pagiging propesor, at pinalayas sa Cambridge. Gayunman, sa kabila ng mga paglilitis sa kaniya, na nagpatuloy pa hanggang halos limang taon, si Whiston ay hindi kailanman nahatulan ng pagiging erehes.
Bagaman ang kaniyang anti-Trinitaryong pangmalas ay katulad ng kay Whiston, hindi ipinagtanggol ni Newton ang kaniyang kaibigan at sa wakas ay itinakwil siya. Noong 1754, ang Biblikong karunungan ni Newton na nagsisiwalat sa Trinidad ay nailathala rin sa wakas—27 taon pagkamatay niya. Subalit iyon ay huling-huli na upang makatulong kay Whiston, na dalawang taon nang namamatay.
Si Newton ay itinuring ding siyang may pananagutan sa pagkahadlang kay Whiston mula sa bantog na Royal Society. Subalit hindi nawalan ng loob si Whiston. Siya at ang kaniyang pamilya ay lumipat sa London, kung saan itinatag niya ang isang Samahan para sa Pagtataguyod ng Primitibong Kristiyanismo. Ginugol niya ang lahat ng kaniyang lakas sa pagsusulat, anupat ang kaniyang pinakamahalagang akda sa panahong iyon ay ang apat na tomo ng Primitive Christianity Revived.
Pinagtatalunan Hanggang Katapusan
Bilang isang siyentipiko, si Whiston ay lumikha para sa mga marino ng iba’t ibang paraan ng pag-alam ng pahabang-sukat sa dagat. Bagaman ang kaniyang mga idea ay hindi sinunod, ang kaniyang katiyagaan ay nang maglaon umakay sa pagbuo ng marine chronometer. Bagaman marami sa mga pangmalas ni Whiston sa mga hula sa Bibliya, na gaya ng sa kaniyang mga kasamahan, ay napatunayang hindi wasto, ginawa niya ang lahat ng kaniyang magagawa sa paghanap niya ng katotohanan. Ang kaniyang mga pulyeto hinggil sa landas ng mga kometa at ang kaniyang mga panuntunan sa mga epekto ng Delubyo noong kaarawan ni Noe ay ilan lamang sa maraming isinulat niya upang ipagtanggol ang kapuwa siyentipiko at Biblikong katotohanan. Gayunman, ang nakahihigit sa iba niyang isinulat ay yaong nagsisiwalat na ang doktrina ng Trinidad ay hindi maka-Kasulatan.
Natural lamang, iniwan ni Whiston ang Church of England noong 1747. Ginawa niya iyon, kapuwa sa literal at sa makasagisag na paraan, nang lumabas siya sa simbahan habang pinasisimulang basahin ng isang klerigo ang Athanasian Creed. Ganito ang sabi tungkol kay Whiston ng A Religious Encyclopædia: “Kahanga-hanga ang katatagan at katapatan ng kaniyang pagkatao, ang pagkakasuwato ng kaniyang buhay, at walang-itinatagong pag-uugali.”
Para kay William Whiston, hindi dapat ikompromiso ang katotohanan, at ang personal na mga pananalig ay mas mahalaga kaysa sa papuri at pagbubunyi ng mga tao. Bagaman kontrobersiyal, si Whiston ay isang tapat na iskolar na walang-takot na ipinagtanggol ang Bibliya bilang Salita ng Diyos.—2 Timoteo 3:16, 17.
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Copyright British Museum