“Banal na Pagtuturo” na Kombensiyon ng Etiopia—Isang Panahon ng Natatanging Kagalakan
HINDI iyon ang unang malayang pandistritong kombensiyon sa Etiopia, ngunit tiyak na iyon ay natatangi. Buhat nang sila’y kilalaning legal noong Nobyembre 11, 1991, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtipon sa ikatlong pagkakataon sa pinakamalaking istadyum ng bansa, ang City Stadium, doon sa mismong sentro ng Addis Ababa. Palibhasa ang istadyum na ito noong una ay hindi maaaring okupahan kung Linggo at wala namang ibang makitang istadyum na may sapat na laki, ang programa ay napaikli sa tatlong araw, mula sa Huwebes hanggang Sabado, Enero 13-15, 1994.
Sa tatlong araw na ito ay tinamasa, hindi lamang ang kaiga-igayang panahon sa silong ng bughaw na kalangitan kundi pati ang espirituwal na kaliwanagan dahilan sa buong epekto ng “Banal na Pagtuturo.” Samantalang napalilibutan ng kaakit-akit na kaayusan ng bulaklak ang paligid ng plataporma, ang tema ng kombensiyong iyon ay litaw na litaw sa mga sulat Amharic.
Subalit bakit natatangi ang kombensiyon? Bukod sa kawili-wiling programa, ang kaisipan at damdamin ng bawat isa ay nakatutok sa ating maibiging pagkakapatiran sa buong daigdig at sa malinaw na katibayan ng pagpapala ng Diyos sa kaniyang bayan sa anyo ng paglaki ng Kaharian. May humigit kumulang na 270 banyagang mga delegado buhat sa 16 na bansa, kasali na ang Djibouti at Yemen. Mahigit na kalahati ang nanggaling sa Europa at Hilagang Amerika na may taglamig na klima. Kasali sa mga bisita ang dalawang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, sina Lloyd Barry at Daniel Sydlik.
Ang ugaling pagiging mapagpatuloy ng mga Etiope lakip ang taos-pusong pag-ibig sa kanilang dumadalaw na mga kapatid ay nagbunga ng isang kasabikan na nanaig sa mga balakid ng wika. Ang mga pagbati ay hindi mga pagkakamayan lamang kundi mga yakapan at paghahalikan, nang puspusan! Maraming panauhin ang nakabasa tungkol sa gawaing pang-Kaharian sa Etiopia at nakabatid na ang kanilang mga kapatid na Etiope ay subók na mga tagapag-ingat ng katapatan na nagtiyaga ng mga pagkabilanggo at iba pang mga anyo ng pag-uusig.a Subalit ang dumadalaw na mga delegado ay namangha nang makita ang maraming kabataang may masasayang mukha at isang pagkamagalang na naglalaho na sa karamihan ng bansa sa ngayon. Maraming sister na Etiope ang nagsuot ng kanilang puti, maganda ang pagkaburda na kinaugaliang kasuutan, na nakaragdag sa isang tunay na diwa ng pagsasaya.
Ang bautismo noong Biyernes ay napakasaya. Isang mahabang pila ng 530 bagong nag-alay, mula 10 hanggang 80 taóng gulang, ang nakahanay sa kalahati ng laruan sa istadyum. Ito’y higit pa sa inaasahan ng sinuman—mahigit na 1 para sa bawat 7 Saksi sa bansa. Anong laking patotoo ng pagpapala ni Jehova sa kaniyang bayan dito! Marami ang napaluha sa kagalakan sa tanawing ito, na nadagdagan pa ng magandang pag-awit ng mahigit na 40 delegadong Italyano. Marami ang nakaalaala sa makahulang mga salita ng Isaias 60:5: “Kung magkagayon ikaw ay makakakita at tunay na magniningning ka, at ang iyong puso ay titibok at lálakí, sapagkat ang kasaganaan ng dagat ay mapapauwi sa iyo; ang kayamanan ng mga bansa ay darating sa iyo.”
Natatanging mga Dahilan ng Kagalakan
Ang pagpapala ni Jehova ay lalo pang pinatingkad noong Biyernes, nang ang maliit na pasimula ng gawaing pang-Kaharian sa Etiopia ay muling sinariwa sa mga pakikipanayam. Ang mga ito ay isinagawa sa isang grupo ng mga unang misyonero na naglingkod doon noong mga taon ng 1950 at 1970. Mahigit na 8,000 ang nakapakinig kina Ray Casson, John Kamphuis, at Haywood Ward na nagsaysay ng kanilang gawaing pagtuturo ng Bibliya, na nagsimula noong Setyembre 14, 1950, nang sila’y dumating sa Addis Ababa. Ang imperyal na pamahalaan ng mga araw na iyon ay humiling na sila’y maging aktibo sa pangkalahatang edukasyon. Kaya sila’y nagtayo ng isang paaralan para sa edukasyon ng mga adulto sa sentro ng bayan, na nagtatampok ng sari-saring asignatura. Subalit sa kanilang libreng panahon, sinikap ng mga misyonerong ito na pasulungin ang edukasyon na nakatutok sa banal na pagtuturo. Sila’y nagpunyagi upang matuto ng Amharic, isang masalimuot na wika na may abakadang binubuo ng 250 karakter. Mga kalahating taon ang lumipas bago sila nagtagumpay sa pagdaraos ng kanilang unang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Pagkalipas ng mga 43 taon, nakasalubong nila sa kalye ang mga tao na naalaala pa ang dating mga gurong ito sa paaralan. Gayunman, sa kombensiyon sila ay nagalak na muling makasama ang marami sa kanilang dating mga estudyante sa Bibliya na naging matatag sa pananampalataya, at nagpakilala sa kanila ng kanilang sariling espirituwal na mga anak at mga apo.—1 Tesalonica 2:19, 20.
Ang masaya at matamang nakikinig na mga naroroon ay nagpalakpakan nang matagal hindi lamang sa mga pakikipanayam sa dating mga misyonero kundi pati sa mga ulat at pagbati buhat sa Britanya, Canada, Alemanya, Israel, Italya, Kenya, ang Netherlands, at ang Estados Unidos—na dala ng mga kinatawang banyaga. Muling idiniin nito ang maibiging pambuong daigdig na pagkakapatiran ng bayan ng Diyos. Ang pangunahing mga pahayag ng pinahirang mga kapatid buhat sa Lupong Tagapamahala, gayundin ang kanilang taos-pusong mga panalangin ay lubhang nakaantig sa mga tagapakinig. Nakilala ng mga kabataan sa istadyum ang kanilang mga sarili sa mga karakter sa drama tungkol sa mga kabataan na hindi nakalilimot sa kanilang Maylikha, palibhasa ang drama ay itinanghal sa natural na natural at masiglang paraan. Bukod sa bagong labas na mga lathalain sa Ingles, ang tatlong bagong labas na mga lathalain sa wikang Amharic ay nagdulot ng malaking kasiglahan.b
Kung intermisyon at iba pang panahon, may magagandang pagkakataon na makilala ang maraming mahahalagang tao. Halimbawa, doon mismo sa unang hanay, taglay ang isang gawang-kamay na tungkod, ay nakaupo ang pinakamatandang mamamahayag sa Etiopia, si Tulu Mekuria. Noong nakaraang taon, sa edad na 113, siya ay nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Sa kombensiyong ito ay nagkaroon siya ng kagalakang masaksihan ang kaniyang 80-taóng-gulang na asawa na sumunod sa kaniyang halimbawa, anupat naging kaniyang espirituwal na kapatid din. Ang pagkanaroroon niya sa buong programa ay isang mainam na inspirasyon sa mga kabataan. Isa na sa kanila si Yohanes Gorems, na sa edad na 16 at nag-aaral pa ay nagkapaglingkod na nang apat na taon bilang isang regular pioneer na mamamahayag. Siya at ang ibang payunir na nasa edad ng pag-aaral at mas bata pa ay natutong bumili ng naaangkop na panahon, tulad halimbawa ng pagpapatotoo kung umaga habang patungo sa paaralan o sa pamamagitan ng paggamit sa mga rises at mga oras pagkatapos ng klase.
Anong Inam na mga Halimbawa ng Katapatan!
Daan-daan sa mga tagapakinig ang nakaranas ng pagkabilanggo at pagpapahirap sa ilalim ng nakalipas na mga pamahalaan. Nagugunita pa ni Mandefro Yifru ang lima ng gayong mga taon sa bilangguan, subalit ngayon ay natutuwa siyang maglingkod sa Addis Ababa sa bagong katatatag na tanggapan, na nag-aasikaso ng pagsasalin, paglilimbag, at pagpapadala. Isa pang kabataang lalaki na naglilingkod kasama niya, si Zecarias Eshetu, ay hindi lumihis sa kaniyang katapatan walong taon na ngayon ang nakalipas nang paslangin ang kaniyang ama dahil sa pananatiling neutral bilang Kristiyano sa loob ng tatlong taóng pagkabilanggo. Si Zecarias, na isa sa limang anak, ay sampung taóng gulang nang mabilanggo ang kaniyang ama. Si Meswat Girma at ang kaniyang ate, si Yoalan, na ngayon ay nasa kanilang mga huling taon ng pagkatin-edyer at nag-aaral pa, ay natatandaan ang kanilang ama buhat sa mga larawan lamang, palibhasa sila’y napakaliliit pa noon nang siya’y biglang paslangin dahil sa kaniyang pagkaneutral. Ang kaniyang katapatan ay nagsilbing inspirasyon sa kanila, at kapuwa sila naglilingkod bilang mga regular pioneer, gaya ng ginagawa ng kanilang ama nang ito ay mamatay.
Isa pang tagapag-ingat ng katapatan ay si Tamirat Yadette, na ngayon ay naglilingkod bilang isang special pioneer sa magandang rehiyon ng Rift Valley. Dahil sa kaniyang pagkaneutral bilang Kristiyano, gumugol siya ng tatlong taon sa pitong iba’t ibang bilangguan, kung minsan siya’y nakakadena at binubugbog. Gayunpaman, sa bilangguan ay natulungan niya ang mahigit sa labingdalawang katao na manindigan sa panig ng Kaharian ng Diyos.
Si Tesfu Temelso, na naglilingkod ngayon bilang isang tagapangasiwa ng sirkito, ay ibinilanggo nang 17 beses sa panahon na siya’y isang special pioneer. Siya’y may mga pilat na likha ng mga panggugulpi, subalit siya’y natutuwang makita na mayroon nang mga kongregasyon sa dati niyang mga atas. Maraming kapatid buhat sa Akaki Congregation ang nabilanggo at pinagmalupitan, gayunma’y lumaki ang kongregasyon hanggang sa mahigit na sandaang mamamahayag. Sila ang nagtayo ng unang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Etiopia. Mula sa Dese, isang bayan sa isang kaakit-akit na tanawin mga 300 kilometro sa hilaga ng kabisera, ay nanggaling ang isang grupo ng limang katao na napaharap sa kamatayan at nakita ang isang kapatid sa lugar na iyon na namatay pagkatapos na siya’y pahirapan. Isang hinirang na matanda sa kanila, si Maseresha Kasa, ang nagpaliwanag na siya’y nakapagtiis sa loob ng anim na taóng pagkabilanggo, hindi dahil sa siya’y natatangi sa anumang paraan, kundi dahil siya’y natutong umasa kay Jehova.—Roma 8:35-39; ihambing ang Gawa 8:1.
Kahit kamakailan lamang, nagpamalas ang iba ng katapatan sa ilalim ng pagsubok. Isang malaking grupo ang dumating sa kombensiyon galing sa isang kalapit-bansa na kung saan, dahil sa kanilang pagkaneutral, ang mga Saksi ay pinagkaitan ng proteksiyon ng pulisya, ng mga dokumento sa paglalakbay, mga sertipiko sa kasal, karapatang magpagamot sa ospital, at mga trabaho. Nang nagdidigmaan malapit sa Mesewa, isang daungan ng Eritrea sa Dagat na Pula, ang buong kongregasyon, 39 lahat-lahat, kasali na ang mga bata, ay nanirahan sa ilalim ng isang mababang tulay sa disyerto sa loob ng mga apat na buwan upang maiwasan ang mga pagbomba sa kanilang mga tahanan ng dating pamahalaan. Sa ganitong tanawin ng init at kakapusan, ang kanilang araw-araw na pagtalakay ng teksto at iba pang mga pulong ay nagbigay sa kanila ng matibay na lakas at ng isang malapit na kaugnayan kay Jehova gayundin sa isa’t isa. Dalawang sister na special pioneer na naglilingkod malapit sa inaagusan ng Blue Nile ang nagtiis ng mga banta ng pang-uumog at panliligalig na kagagawan ng Orthodox Church, subalit ang dalawa ay nagtiyaga at nasaksihan nila ang maraming estudyante ng Bibliya na sinagisagan ang kanilang pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo sa kombensiyong ito.
Isang kapatid ang nagsalaysay ng naranasan niyang pagsubok nang siya’y mabukod dahil sa isang trabaho sa kasuluk-sulukan ng tigang na rehiyon ng Ogaden, hindi kalayuan sa Somalia. Siya’y nanatiling masigla sa espirituwal sa pamamagitan ng pangangaral at pagkatapos ay pagdaraos ng mga pulong kasama ng mga interesado, kasali na ang mga doktor, na nakinabang sa banal na pagtuturo at ngayon ay nagtuturo sa iba pa. Isa pang mainam na halimbawa ng pag-iingat ng katapatan ay ang isang special pioneer sa Addis Ababa na, noong 1992, buong lupit na ginulpi at iniwang halos patay na ng mga mang-uumog na sinulsulan ng mga paring Ortodokso. Nakatutuwa naman, siya’y gumaling at nagpapatuloy na naglilingkod sa teritoryo ring iyon. Sa kaniyang nagniningning na ngiti ay walang mababakas na pagkapoot. Para sa kaniya, tulad din sa lahat ng iba pang nasubok at sa mga baguhan, ang “Banal na Pagtuturo” na Kombensiyong ito ay isang kapistahan ng kagalakan.
Ang organisasyon ng kombensiyon ay naging maayos, anupat inakala ng mga panauhin na ang mga boluntaryong kasali roon ay may marami nang taon ng karanasan. Ang totoo, naging mabilis ang pagsulong nila sa nakalipas na dalawang taon. Ang tatlong-araw na kombensiyon ay waring madaling natapos. Ang pinakamaraming dumalo noong Sabado ay 9,556. Ang pambansang telebisyon, radyo, at mga pahayagan ay nagbigay ng mainam na pamamahayag. Nakikita ng lahat na ang kaniyang bayan ay pinayayaman ni Jehova sa espirituwal. Kasali sa mga tagapakinig ang libu-libong interesado na nagsisimula nang makinabang buhat sa “Banal na Pagtuturo.” Isang malawak na larangan ang bukas sa mga Saksi ni Jehova sa bansang ito na may mga 50 milyong katao, at ang kombensiyon ay nagpatibay sa lahat sa kanilang determinasyon na gamitin ang natitira pang panahon sa sistemang ito ng mga bagay upang tulungan ang mga taimtim na makinabang din buhat sa banal na pagtuturo.
[Mga talababa]
a Tingnan ang 1992 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, inilathala ng Watch Tower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Ang Iyong Kabataan—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito, Pinaliligaya Ang Inyong Buhay Pampamilya, at Mga Saksi ni Jehova—Nagkakaisang Paggawa ng Kalooban ng Diyos sa Buong Daigdig.
[Mga larawan sa pahina 23]
Addis Ababa, Enero 13-15, 1994
[Mga larawan sa pahina 24]
Isang grupo ng mga payunir sa Addis Ababa (kanan); mga tagapag-ingat ng katapatan na pawang nabilanggo (ibaba); 113-taóng-gulang na Saksi at ang kaniyang maybahay