Isang Manlilimbag na Nag-iwan ng Kaniyang Tatak
NINAIS mo na bang hanapin ang isang teksto sa Bibliya ngunit hindi maalaala kung saan iyon matatagpuan? Subalit, dahil sa isa lamang salita na natandaan mo, natagpuan mo iyon sa pamamagitan ng paggamit ng isang concordance sa Bibliya. O marahil ay nakadalo ka na sa isang Kristiyanong pagtitipon na kung saan ang daan-daan, o libu-libo pa nga, na naroroon ay nakapagbubuklat ng kanilang Bibliya upang basahin ang isang teksto mga ilang segundo lamang matapos na banggitin iyon.
Sa alinmang pagkakataon, may utang-na-loob ka sa isang taong maaaring hindi mo kilala. Ginawa niyang mas magaang ang pag-aaral mo ng Bibliya, at gumanap din siya ng bahagi upang tiyakin na tayo ngayon ay may wastong mga Bibliya. Naimpluwensiyahan pa nga niya ang kayarian ng maraming Bibliya.
Ang taong iyon ay si Robert Estienne.a Siya’y isang manlilimbag, anak na lalaki ng isang manlilimbag, sa Paris, Pransiya, bago magpasimula ang ika-16 na siglo. Iyon ang panahon ng Renaissance at ng Repormasyon. Ang makinang panlimbag ay naging kasangkapan para sa dalawang ito. Si Henri Estienne, ama ni Robert, ay isang kilalang manlilimbag, na gumawa ng ilan sa pinakamahuhusay na edisyon ng mga aklat na ginawa noong panahon ng Renaissance. Kasali sa kaniyang mga gawa ang mga akdang akademiko at mula sa Bibliya para sa Unibersidad ng Paris at sa paaralan nito ng teolohiya—ang Sorbonne.
Subalit magpako tayo ng pansin sa anak, si Robert Estienne. Bahagya lamang ang nalalaman tungkol sa kaniyang pormal na edukasyon. Gayunman, sa maagang edad, naging dalubhasa na siya sa Latin at di-nagtagal ay natuto ng Griego at gayundin ng Hebreo. Buhat sa kaniyang ama, natutuhan ni Robert ang sining ng paglilimbag. Nang hawakan na niya ang palimbagan ni Henri noong 1526, si Robert Estienne ay kilala na bilang isang iskolar na may mataas na pamantayan sa wika. Bagaman naglathala siya ng pinaghusay na mga edisyon ng panitikan sa Latin at iba pang akdang akademiko, ang kaniyang una at di-mapag-aalinlanganang pag-ibig ay ang Bibliya. Palibhasa’y sabik na magawa sa Bibliyang Latin ang nagawa na para sa mga klasikong Latin, sinimulan ni Estienne na muling itatag sa pinakamalapit na paraan hangga’t maaari ang orihinal na ikalimang-siglong teksto ng Latin Vulgate Bible ni Jerome.
Isang Dinalisay na Vulgate
Nagsalin si Jerome buhat sa orihinal na Bibliyang Hebreo at Griego, ngunit noong panahon ni Estienne, umiiral na ang Vulgate sa loob ng isang libong taon. Nakasingit na ang maraming pagkakamali at pagpapasamâ bunga ng mga salinlahi ng pagkopya sa Vulgate. Isa pa, noong Edad Medya, ang banal na kinasihang mga salita sa Bibliya ay nalatagan ng sala-salabat na labay ng mga alamat noong edad medya, mga tekstong pinakahulugan sa ibang pangungusap, at huwad na mga pagsisingit. Ang mga ito ay lubhang napahalo na sa teksto ng Bibliya anupat ang mga ito’y sinimulang tanggapin bilang kinasihang mga kasulatan.
Upang alisin ang lahat na hindi orihinal, ginamit ni Estienne ang mga pamamaraan ng pagsusuri sa teksto na ginamit sa pag-aaral ng klasikong panitikan. Hinanap niya ang pinakamatatanda at pinakamahuhusay na manuskrito na magagamit. Sa mga aklatan sa loob at palibot ng Paris at sa mga lugar gaya ng Évreux at Soissons, natuklasan niya ang maraming sinaunang mga manuskrito, na ang isa ay waring may petsa na ikaanim na siglo. Maingat na pinaghambing ni Estienne ang mga tekstong Latin nang bersikulo por bersikulo, na pinipili lamang ang mga bersikulong waring pinakaawtoridad. Ang gawa na naging resulta, ang Bibliya ni Estienne, ay unang inilathala noong 1528 at naging isang mahalagang hakbang tungo sa pagdadalisay ng tekstuwal na kawastuan ng Bibliya. Sumunod naman ang pinaghusay na mga edisyon ni Estienne. Ang ibang nauna sa kaniya ay nagtangkang ituwid ang Vulgate, ngunit ang kaniyang edisyon ang unang nakapaglaan ng mabisang kasangkapan sa pagsusuri. Sa mga palugit, ipinahiwatig ni Estienne kung saan niya inalis ang ilang nakapag-aalinlangang mga talata o kung saan posible ang higit pa sa isang pagbasa. Itinala rin niya ang mga pinagmulang manuskrito na nagbigay awtoridad para sa mga pagtutuwid na ito.
Nagharap si Estienne ng maraming iba pang katangian na totoong bago para sa ika-16 na siglo. Ipinakita niya ang pagkakaiba sa pagitan ng Apokripang mga aklat at ng Salita ng Diyos. Inilagay niya ang aklat ng Mga Gawa pagkatapos ng Mga Ebanghelyo at bago ng mga liham ni Pablo. Sa itaas ng bawat pahina, naglagay siya ng ilang susing salita upang matulungan ang mga mambabasa na matagpuan ang espesipikong mga talata. Ito ang pinakaunang halimbawa ng karaniwan nang tinatawag sa ngayon na running head. Sa halip na gumamit ng makapal na tipong Gothic, o black letter, na naimbento sa Alemanya, si Estienne ang isa sa mga unang naglimbag ng buong Bibliya sa mas manipis at madaling-basahin na tipong roman na karaniwan nang ginagamit sa ngayon. Naglaan din siya ng maraming panggilid na reperensiya at pilolohikong mga tala upang makatulong sa paglilinaw ng ilang talata.
Pinahalagahan ng maraming maharlika at matataas na opisyal ng simbahan ang Bibliya ni Estienne, sapagkat mas mainam ito kaysa anumang iba pang nilimbag na edisyon ng Vulgate. Dahil sa kagandahan, bihasang pagkagawa, at kapakinabangan, ang kaniyang edisyon ang naging pamantayan at di-nagtagal ay tinularan sa buong Europa.
Ang Manlilimbag ng mga Maharlika
“Nakakita ka ba ng isang taong dalubhasa sa kaniyang gawain? Siya’y tatayo sa harap ng mga hari,” sabi ng Kawikaan 22:29. Ang malikhaing kadalubhasaan at kakayahan sa wika ni Estienne ay hindi nakalampas sa pansin ni Francis I, ang hari ng Pransiya. Si Estienne ang naging manlilimbag ng hari sa wikang Latin, Hebreo, at Griego. Dahil dito, ginawa ni Estienne ang hanggang sa kasalukuyan ay ilan sa mga obra maestra ng tipograpiyang Pranses. Noong 1539 sinimulan niyang gawin ang una at pinakamainam na kumpletong Bibliyang Hebreo na inilimbag sa Pransiya. Noong 1540 nilagyan niya ng mga ilustrasyon ang kaniyang Bibliyang Latin. Subalit sa halip ng karaniwang imahinasyong paglalarawan ng mga pangyayari sa Bibliya na karaniwan na noong Edad Medya, naglaan si Estienne ng nakapagtuturong mga guhit batay sa ebidensiya ng arkeolohiya o sa mga sukat at paglalarawan na matatagpuan sa Bibliya mismo. Detalyadong inilarawan ng wood-block na mga limbag na ito ang mga paksang gaya ng kaban ng tipan, kasuutan ng mataas na saserdote, tabernakulo, at templo ni Solomon.
Sa paggamit ng pantanging set ng tipong Griego na kaniyang ipinagbilin para sa paglilimbag ng koleksiyon ng manuskrito ng hari, sinimulang gawin ni Estienne ang unang kritikal na edisyon ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Bagaman ang unang dalawang edisyon ng tekstong Griego ni Estienne ay hindi gaanong mainam kaysa sa gawa ni Desiderius Erasmus, sa ikatlong edisyon ng 1550, idinagdag ni Estienne ang mga paghahambing at mga reperensiya mula sa humigit-kumulang 15 manuskrito, kasali na ang ikalimang-siglo-C.E. na Codex Bezae at ang Bibliyang Septuagint. Gayon na lamang kalaganap ang pagtanggap sa edisyong ito ni Estienne anupat nang dakong huli ito ang naging saligan para sa tinaguriang Textus Receptus, o Tinanggap na Teksto, na pinagsaligan ng maraming sumunod na mga salin, kasali na ang King James Version ng 1611.
Ang Sorbonne Laban sa Repormasyon
Sa paglaganap sa buong Europa ng mga idea ni Luther at ng iba pang mga Repormador, sinikap ng Simbahang Katoliko na supilin kung ano ang iniisip ng mga tao sa pamamagitan ng pagkontrol sa kung ano ang binabasa nila. Noong Hunyo 15, 1520, si Papa Leo X ay nagpalabas ng isang dekreto na nag-uutos na walang aklat na naglalaman ng “mga hidwang pananampalataya” ang ililimbag, ipagbibili, o babasahin sa alinmang lupaing Katoliko at iginigiit na ipatupad ng sekular na mga awtoridad ang liham sa kanilang nasasakupan. Sa Inglatera, ipinaubaya ni Haring Henry VIII ang gawain ng pagsusuri sa Katolikong obispo na si Cuthbert Tunstall. Gayunman, sa kalakhang bahagi ng Europa, ang talagang awtoridad sa mga bagay tungkol sa doktrina, pangalawa sa papa, ay ang pakultad ng mga teologo sa Unibersidad ng Paris—ang Sorbonne.
Ang Sorbonne ang siyang tinig ng Katolikong ortodoksiya. Sa loob ng mga siglo ito ang itinuring na balwarte ng pananampalatayang Katoliko. Sinalansang ng mga manunuri sa Sorbonne ang lahat ng kritikal na edisyon at mga salin ng Vulgate sa karaniwang mga wika, anupat itinuturing ang gayon bilang hindi lamang “walang-kabuluhan sa simbahan kundi nakapipinsala.” Hindi ito kataka-taka sa panahon na pinag-aalinlanganan ng mga Repormador ang mga doktrina, seremonya, at mga tradisyon ng simbahan na hindi salig sa awtoridad ng Kasulatan. Gayunman, itinuring ng maraming teologo sa Sorbonne na ang iginagalang na mga doktrina ng simbahan ay mas mahalaga kaysa sa wastong pagkasalin ng Bibliya mismo. Ganito ang sabi ng isang teologo: “Sa sandaling taglayin na ang mga doktrina, ang Kasulatan ay gaya ng mga andamyo na inaalis pagkatapos maitayo ang isang pader.” Karamihan sa pakultad ay walang-alam sa Hebreo at Griego, subalit hinamak nila ang mga pag-aaral ni Estienne at ng iba pang iskolar ng Renaissance na sinasaliksik ang orihinal na mga kahulugan ng mga salitang ginamit sa Bibliya. Nagmagaling pa nga ang isang propesor sa Sorbonne sa pagsasabing “ang pagpapalawak ng kaalaman sa Griego at Hebreo ay hahantong sa pagkasira ng lahat ng relihiyon.”
Umatake ang Sorbonne
Bagaman ang naunang mga edisyon ng Vulgate ni Estienne ay nakapasa sa mga manunuri ng pakultad, nagkaroon naman ng kontrobersiya. Noon pa mang ika-13 siglo, pinakaingatan na ang Vulgate bilang ang opisyal na Bibliya ng unibersidad, at para sa maraming tao ay hindi maaaring magkamali ang teksto nito. Kinondena pa nga ng pakultad ang iginagalang na iskolar na si Erasmus dahil sa kaniyang gawa tungkol sa Vulgate. Ang bagay na ang isang lokal na ordinaryong manlilimbag ay may lakas ng loob na ituwid ang opisyal na teksto ay nakababahala sa ilan.
Marahil higit sa lahat, ang panggilid na mga nota ni Estienne ang nakabahala sa mga teologo. Ang mga nota ay naglagay ng alinlangan tungkol sa pagiging wasto ng teksto ng Vulgate. Ang hangarin ni Estienne na linawin ang ilang talata ay humantong sa pagpaparatang sa kaniya na siya’y nanghihimasok sa larangan ng teolohiya. Itinanggi niya ang paratang, anupat inangkin na ang kaniyang mga nota ay maiikling sumaryo o nauukol lamang sa pilolohiya. Halimbawa, ang kaniyang nota tungkol sa Genesis 37:35 ay nagpaliwanag na ang salitang “impiyerno” [Latin, infernum] ay hindi maaaring unawain na isang dako kung saan pinarurusahan ang masasama. Nagparatang ang pakultad na tinanggihan niya ang pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa at ang kapangyarihang mamagitan ng “mga santo.”
Subalit taglay ni Estienne ang pagsang-ayon at proteksiyon ng hari. Nagpakita si Francis I ng malaking interes sa mga pag-aaral noong Renaissance, lalo na ang akda ng manlilimbag ng maharlika. Naiulat na dinalaw pa nga ni Francis I si Estienne at minsa’y matiyagang naghintay habang gumagawa si Estienne ng mga huling pagbabago sa isang teksto. Dahil sa suporta ng hari, napaglabanan ni Estienne ang Sorbonne.
Ipinagbawal ng mga Teologo ang Kaniyang mga Bibliya
Subalit noong 1545, ang mga pangyayari ay humantong sa pagbubuhos ng pakultad sa Sorbonne ng poot kay Estienne. Palibhasa’y nakita ang kahigitan ng sama-samang pagsisikap laban sa mga Repormador, ang mga unibersidad ng Cologne (Alemanya), Louvain (Belgium), at Paris ay nagkasundo noong una pa na magtulungan sa pagsusuri ng di-ortodoksong mga turo. Nang sumulat ang mga teologo ng Unibersidad ng Louvain sa Sorbonne upang ipahayag ang kanilang pagtataka sa hindi paglitaw ng mga Bibliya ni Estienne sa talaan ng mga ipinagbabawal na mga aklat sa Paris, may kasinungalingang sumagot ang Sorbonne na talaga namang ipagbabawal nila ang mga ito kung nakita nila ang mga ito. Naging panatag ngayon ang loob ng mga kaaway ni Estienne sa pakultad na ang pinagsamang awtoridad ng mga pakultad sa Louvain at Paris ay sapat na upang kumbinsihin si Francis I tungkol sa mga pagkakamali ng kaniyang manlilimbag.
Samantala, dahil sa nababalaan na tungkol sa mga pakay ng kaniyang mga kaaway, inunahan sila ni Estienne sa paglapit sa hari. Iminungkahi ni Estienne na kung maglalabas ang mga teologo ng talaan ng anumang mga pagkakamali na kanilang nasumpungan, handa siyang ilathala ang mga ito pati na ang mga pagtutuwid ng mga teologo at ilakip ang mga ito sa bawat Bibliyang ipinagbili. Sinang-ayunan ng hari ang solusyong ito. Hiniling niya kay Pierre du Chastel, ang tagabasa ng hari, na asikasuhin ang bagay na ito. Noong Oktubre 1546 ang pakultad ay sumulat kay Du Chastel anupat nagpoprotesta na ang mga Bibliya ni Estienne ay “pagkain para sa mga nagtatakwil sa ating Pananampalataya at nagtataguyod sa kasalukuyang . . . mga hidwang pananampalataya” at punung-puno ng mga kamalian kung kaya ang mga ito ay karapat-dapat sa “kabuuan upang pawiin at wasakin.” Palibhasa’y di-kumbinsido, personal na iniutos ngayon ng hari sa pakultad na ilabas ang mga puna upang mailathala ang mga ito kasama ng mga Bibliya ni Estienne. Ipinangako nilang gagawin ito, ngunit ang totoo ay ginawa nila ang lahat ng paraan upang makaiwas sa paggawa ng detalyadong talaan ng ipinagpapalagay na mga kamalian.
Namatay si Francis I noong Marso 1547, at kasama niyang nawala ang pinakamalakas na kakampi ni Estienne laban sa kapangyarihan ng Sorbonne. Nang maupo sa trono si Henry II, inulit niya ang utos ng kaniyang ama na ilabas ng pakultad ang kanilang mga puna. Gayunman, sa pagkamalas kung papaano ginagamit ng mga prinsipeng Aleman ang Repormasyon para sa mga kapakanang pulitikal, di-gaanong nabahala si Henry II sa umano’y kabutihan o di-kabutihan ng mga Bibliya ng manlilimbag ng hari kaysa sa pagpapanatiling Katoliko at buo ng Pransiya sa ilalim ng bagong hari nito. Noong Disyembre 10, 1547, ang Konseho ng mga Tagapayo ng hari ay nagpasiya na ipagbawal ang pagbebenta ng mga Bibliya ni Estienne hanggang sa mailabas ng mga teologo ang kanilang talaan ng mga puna.
Pinaratangan ng Pagiging Isang Erehes
Humanap ngayon ang pakultad ng mga paraan upang mailipat ang kaso ni Estienne sa isang pantanging hukuman na katatatag lamang upang litisin ang mga kaso ng mga hidwang pananampalataya. Hindi na kailangang ipaalaala pa kay Estienne ang panganib na kinasusuungan niya. Pagkalipas ng dalawang taon mula nang itatag ito, nakilala na ang hukuman bilang ang chambre ardente, o “silid ng pagsusunog.” Humigit-kumulang 60 biktima ang inilagay sa tulos, kasali na ang ilang manlilimbag at tagapagbenta ng mga aklat na pinagsusunog na buháy sa Place Maubert, mga ilang minuto lamang na lalakarin buhat sa pintuan ni Estienne. Paulit-ulit na hinalughog ang bahay ni Estienne sa paghahanap ng ilang munting ebidensiya laban sa kaniya. Mahigit na 80 saksi ang pinagtatanong. Ang mga magsusumbong ay pinangakuan ng ikaapat na bahagi ng kaniyang ari-arian kung siya’y mahahatulan sa hidwang pananampalataya. Gayunman, ang tanging ebidensiya lamang nila ay yaong hayagang inilimbag ni Estienne sa kaniyang mga Bibliya.
Muli ay iniutos ng hari na ang talaan ng mga puna ng pakultad ay ibigay sa kaniyang Konseho ng mga Tagapayo. Palibhasa’y matitigas ang ulo, sumagot ang pakultad na ‘hindi kaugalian ng mga teologo na isulat ang mga dahilan sa pagtuligsa nila sa isang bagay bilang hidwang pananampalataya kundi sumasagot sa pamamagitan ng binigkas na salita, na kailangan mong paniwalaan, kung hindi ay di na magkakaroon pa ng katapusan ang pagsusulat.’ Pumayag si Henry. Ang pinakahuling pagbabawal ay pinairal. Halos bawat akda ni Estienne tungkol sa Bibliya na nagawa kailanman ay ipinagbawal. Bagaman nakaligtas siya sa mga liyab ng Place Maubert, ipinasiya niyang lisanin ang Pransiya sa harap ng isang ganap na pagbabawal ng kaniyang mga Bibliya at ng posibilidad ng higit pang panliligalig.
Ang Banyagang Manlilimbag
Noong Nobyembre 1550, lumipat si Estienne sa Geneva, Switzerland. Ipinagbawal ng pakultad ang paglalathala ng anumang Bibliya sa Pransiya maliban sa Vulgate. Ngayong malaya nang ilathala ang anumang naisin niya, muling inilimbag ni Estienne ang kaniyang Griegong “Bagong Tipan” noong 1551, kasama ang dalawang bersiyong Latin (ang Vulgate at ang kay Erasmus) na nasa magkahanay na mga tudling. Ito’y sinundan niya, noong 1552, ng isang salin sa Pranses ng Griegong Kasulatan na kahanay ang tekstong Latin ni Erasmus. Sa dalawang edisyong ito, ipinakilala ni Estienne ang kaniyang sistema ng paghahati sa teksto ng Bibliya tungo sa de numerong mga talata—kagaya ng sistema na pangkalahatang ginagamit sa ngayon. Bagaman ang iba ay dati nang sumubok ng iba’t ibang pamamaraan para sa paghahati ng mga talata, ang kay Estienne ang siyang tinanggap na paraan. Ang kaniyang Bibliyang Pranses ng 1553 ang unang kumpletong Bibliya na nagtaglay ng ganitong paghahati ng mga talata.
Ang dalawahang-bersiyong Bibliya sa Latin ni Estienne ng 1557 ay kapansin-pansin din sa kaniyang paggamit ng personal na pangalan ng Diyos, ang Jehova, sa buong Hebreong Kasulatan. Sa palugit ng ikalawang awit, itinala niya na ang paghahalili ng ’Adho·naiʹ para sa Hebreong Tetragrammaton (יהוה) ay batay lamang sa pamahiing Judio at dapat na tanggihan. Sa edisyong ito, gumamit si Estienne ng italiko upang ipakita ang mga salitang Latin na idinagdag upang makumpleto ang diwa ng Hebreo. Ang pamamaraang ito ay ginamit nang dakong huli sa ibang Bibliya, isang pamana na malimit maging palaisipan sa mga mambabasa ngayon na nasanay na sa makabagong paggamit ng italiko upang ipakita ang pagdiriin.
Dahil determinado na ang kaniyang pinag-aralan ay magamit ng iba, itinalaga ni Estienne ang kaniyang buhay sa paglalathala ng Banal na Kasulatan. Yaong mga nagpapahalaga ngayon sa Salita ng Diyos ay makatatanaw ng utang-na-loob sa kaniyang mga pagsisikap at sa pagpapagal ng iba na buong-ingat na nagsumikap upang maisiwalat ang mga salita ng Bibliya kung papaano unang isinulat ang mga ito. Nagpapatuloy ang pamamaraan na kanilang sinimulan habang nagkakamit tayo ng mas tumpak na kaalaman ng sinaunang mga wika at natutuklasan ang mas matatanda at mas wastong mga manuskrito ng Salita ng Diyos. Sandaling panahon bago siya mamatay (1559), ginagawa na noon ni Estienne ang isang bagong salin ng Griegong Kasulatan. Itinanong sa kaniya: “Sino ang bibili nito? Sino ang babasa nito?” May pagtitiwalang sumagot siya: ‘Lahat ng marurunong na taong may maka-Diyos na debosyon.’
[Talababa]
a Kilala rin sa kaniyang pangalan ayon sa Latin, na Stephanus, at sa kaniyang pangalan sa wikang Ingles, na Stephens.
[Larawan sa pahina 10]
Ang mga pagsisikap ni Robert Estienne ay nakatulong sa mga salinlahi ng mga Estudyante ng Bibliya
[Credit Line]
Bibliothèque Nationale, Paris
[Larawan sa pahina 12]
Ang nakapagtuturong mga ilustrasyon ni Estienne ay tinularan sa loob ng mahabang panahon
[Credit Line]
Bibliothèque Nationale, Paris