Ang Araw na “Nagniningas na Parang Hurno”
“Narito! ang araw ay dumarating na nagniningas na parang hurno.”—MALAKIAS 4:1.
1. Anu-anong tanong ang bumabangon hinggil sa Malakias 4:1?
SA MGA huling araw na ito, maliligaya yaong ang mga pangalan ay pinipili ni Jehova na isulat sa kaniyang aklat ng alaala. Subalit kumusta naman ang mga hindi naging kuwalipikado para sa pribilehiyong ito? Sila man ay mga tagapamahala o mga pangkaraniwang tao lamang, ano ang mangyayari sa kanila kung hahamakin nila ang mga tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos at ang kanilang mensahe? Bumabanggit si Malakias tungkol sa isang araw ng pagsusulit. Sa Mal kabanata 4, talatang 1, mababasa natin: “ ‘Sapagkat, narito! ang araw ay dumarating na nagniningas na parang hurno, at ang lahat ng palalo at ang lahat ng nagsisigawa ng kabalakyutan ay magiging parang dayami. At ang araw na dumarating ay tunay na lalamon sa kanila,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘anupat hindi mag-iiwan sa kanila ng ugat ni sanga man.’ ”
2. Anong malinaw na paglalarawan sa paghatol ni Jehova ang ibinigay ni Ezekiel?
2 Ang paghatol ni Jehova sa mga bansa ay inihahambing din ng ibang mga propeta sa napakatinding init ng isang hurno. Angkop na angkop nga na ang Ezekiel 22:19-22 ay kumakapit sa paghatol ng Diyos sa mga sekta ng apostatang Sangkakristiyanuhan! Ito’y kababasahan: “Ganito ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘Sapagkat kayong lahat ay naging makapal na dumi ng bakal, kaya narito akong tinitipon kayo . . . Kung paanong tinitipon ang pilak at tanso at bakal at tingga at lata sa gitna ng isang hurno, upang hipan ng apoy para tunawin, gayon ko sila titipunin sa aking galit at sa aking poot, at aking hihipan at tutunawin kayo. At titipunin ko kayo at hihipan kayo ng apoy ng aking poot, at kayo’y matutunaw sa gitna niya. Gaya ng pagtunaw sa pilak sa gitna ng isang hurno, gayon ko kayo tutunawin sa gitna niya; at makikilala ninyo na ako mismo, si Jehova, ang nagbubuhos ng aking poot sa inyo.’ ”
3, 4. (a) Anong mapagpaimbabaw na pag-aangkin ang ginawa ng klero? (b) Ano ang nakaririmarim na rekord ng relihiyon?
3 Tunay ngang isang matinding ilustrasyon! Ang klero na tumangging gamitin ang pangalan ni Jehova, anupat nilapastangan pa nga ang banal na pangalang iyan, ay kailangang humarap sa araw na iyan ng pagtutuos. May kapangahasang inaangkin nila na sila at ang kanilang pulitikal na mga kaalyado ang magtatatag ng Kaharian ng Diyos sa lupa, o sa papaano man ay gagawing isang angkop na lugar ang lupa para sa Kaharian.
4 Nakisama ang apostatang Sangkakristiyanuhan sa pulitikal na mga tagapamahala sa paglalabanan sa nakasisindak na mga digmaan. Nakaulat sa kasaysayan ang mga Krusada noong mga edad medya, ang sapilitang pangungumberte ng Inkisisyong Kastila, ang Tatlumpung Taóng Digmaan, na nagwasak sa malaking bahagi ng Europa noong ika-17 siglo, at ang Gera Sibil ng Kastila noong mga taon ng 1930, na ipinaglaban upang gawing ligtas ang Espanya para sa Katolisismo. Ang pinakamalaking pagbububo ng dugo ay naganap sa dalawang digmaang pandaigdig ng ating siglo, nang ang mga Katoliko at mga Protestante ay gumawa ng panlahatan, walang-habas na pamamaslang sa mga kapananampalataya gayundin sa mga kabilang sa mga ibang relihiyon. Kamakailan lamang, nagpapatayan ang mga Katoliko at mga Protestante sa Ireland, ang mga relihiyosong pangkat sa India, at mga grupong relihiyoso sa dating Yugoslavia. Ang mga pahina ng kasaysayan ng relihiyon ay nababahiran din ng dugo ng pagkamartir ng libu-libong tapat na mga saksi ni Jehova.—Apocalipsis 6:9, 10.
5. Anong hatol ang naghihintay sa huwad na relihiyon?
5 Madali nating mapahahalagahan ang katarungan ng nalalapit na pagpuksa ni Jehova sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, kasama ng mga tagapagtaguyod nito. Ang pagpuksang ito ay inilarawan sa Apocalipsis 18:21, 24: “Binuhat ng isang malakas na anghel ang isang bato na tulad ng isang malaking gilingang-bato at inihagis ito sa dagat, na sinasabi: ‘Gayon sa isang matulin na paghagis ibubulid ang Babilonya na dakilang lunsod, at hindi na siya masusumpungan pang muli. Oo, nasumpungan sa kaniya ang dugo ng mga propeta at ng mga banal at ng lahat niyaong mga pinatay sa lupa.’ ”
6. (a) Sino ang magiging parang dayami, at bakit? (b) Anong katiyakan mayroon para sa mga may takot kay Jehova?
6 Pagsapit ng panahon, lahat ng kaaway ng katuwiran, at yaong nakikisama sa kanila, “ay magiging parang dayami.” Ang araw ni Jehova ay magniningas sa kanila na parang hurno. “Hindi mag-iiwan sa kanila ng ugat ni sanga man.” Sa araw na iyan ng pagsusulit, ang mga bata, o mga sanga, ay pakikitunguhan nang may katarungan ayon sa paghatol ni Jehova sa kanilang mga ugat, ang kanilang mga magulang, na may kapamahalaan sa mga batang ito. Hindi magkakaroon ng angkan ang balakyot na mga magulang upang mapanatili ang kanilang balakyot na mga daan. Subalit yaong nagsasagawa ng pananampalataya sa mga pangako ng Kaharian ng Diyos ay hindi matitinag. Dahil dito ay nagpapayo ang Hebreo 12:28, 29: “Magpatuloy tayong magkaroon ng di-sana-nararapat na kabaitan, na sa pamamagitan nito ay kasiya-siyang makapag-uukol tayo sa Diyos ng sagradong paglilingkod nang may maka-Diyos na takot at sindak. Sapagkat ang ating Diyos ay isa ring apoy na lumalamon.”
Isa Bang Malupit na Diyos si Jehova?
7. Papaano pumapasok ang pag-ibig ni Jehova sa kaniyang hatol?
7 Nangangahulugan ba ito na si Jehova ay isang malupit, mapaghiganting Diyos? Hinding-hindi! Sa 1 Juan 4:8, sinasabi ng apostol ang isang saligang katotohanan: “Ang Diyos ay pag-ibig.” Sumunod, sa 1Ju 4 talata 16 ay idiniin niya ito, na nagsasabi: “Ang Diyos ay pag-ibig, at siya na nananatili sa pag-ibig ay nananatiling kaisa ng Diyos at ang Diyos ay nananatiling kaisa niya.” Ito’y dahil sa kaniyang pag-ibig sa sangkatauhan kung kaya nilayon ni Jehova na linisin ang lupang ito buhat sa lahat ng kabalakyutan. Ganito ang ipinahayag ng ating maibigin, maawaing Diyos: “Kung papaanong ako’y buháy, . . . ako’y nalulugod, hindi sa kamatayan ng isang balakyot, kundi na ang isang taong balakyot ay humiwalay sa kaniyang lakad at aktuwal na patuloy na mabuhay. Manumbalik kayo, manumbalik kayo buhat sa inyong masasamang lakad, sapagkat bakit kayo mamamatay?”—Ezekiel 33:11.
8. Papaano idiniin ni Juan ang pag-ibig, gayunma’y ipinakita rin ang kaniyang sarili na isang Anak ng Kulog?
8 Tinutukoy ni Juan ang a·gaʹpe, ang may simulaing pag-ibig, nang mas malimit kaysa sa kabuuan ng tatlong iba pang manunulat ng Ebanghelyo, ngunit sa Marcos 3:17, si Juan mismo ay inilarawan bilang ‘Anak ng Kulog.’ Sa pamamagitan ng pagkasi ni Jehova kung kaya naisulat nitong Anak ng Kulog ang apokaliptikong mga mensahe ng huling aklat sa Bibliya, ang Apocalipsis, na naglalarawan kay Jehova bilang Diyos na nagsasagawa ng katarungan. Ang aklat na ito ay punô ng mga kapahayagan ng mga hatol, gaya ng “malaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos,” “pitong mangkok ng galit ng Diyos,” at “poot ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”—Apocalipsis 14:19; 16:1; 19:15.
9. Ano ang mga ipinahayag ni Jesus hinggil sa mga kahatulan ni Jehova, at papaano natupad ang kaniyang mga hula?
9 Ang ating Panginoong Jesu-Kristo, na siyang “larawan ng di-nakikitang Diyos,” ay buong-tapang na nagpahayag ng mga kahatulan ni Jehova samantalang siya’y naririto sa lupa. (Colosas 1:15) Halimbawa, nariyan ang pitong kaabahan ng Mateo kabanata 23 na tahasan niyang ipinahayag laban sa mga relihiyosong mapagpaimbabaw noong kaniyang kaarawan. Tinapos niya ang hatol na iyan sa ganitong mga salita: “Jerusalem, Jerusalem, ang pumapatay ng mga propeta at tagabato sa mga isinugo sa kaniya,—kay dalas na ninais kong tipunin ang iyong mga anak, sa paraang tinitipon ng inahing manok ang kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Ngunit hindi ninyo ibig iyon. Narito! Ang inyong bahay ay pinababayaan sa inyo.” Pagkalipas ng tatlumpu’t pitong taon, isinagawa ang hatol sa pamamagitan ng Romanong hukbo sa ilalim ni Heneral Tito. Iyon ay isang kakila-kilabot na araw, na makahulang lumalarawan sa magiging pinakakakila-kilabot na araw sa buong kasaysayan ng tao—ang araw ni Jehova, na malapit nang sumiklab.
Sumisikat “ang Araw”
10. Papaano nagdudulot ng kagalakan sa bayan ng Diyos “ang araw ng katuwiran”?
10 Ipinababatid ni Jehova na may makaliligtas sa kaniyang araw. Tinutukoy niya ang mga ito sa Malakias 4:2, na nagsasabi: “Sa inyo na may takot sa aking pangalan ay tiyak na sisikat ang araw ng katuwiran, taglay ang kagalingan sa mga pakpak nito.” Ang araw na iyan ng katuwiran ay walang iba kundi si Jesu-Kristo mismo. Siya ang espirituwal na “liwanag ng sanlibutan.” (Juan 8:12) Papaano siya sumisikat? Sumisikat siya taglay ang kagalingan sa kaniyang mga pakpak—ang una ay espirituwal na kagalingan, na mararanasan natin maging sa ngayon, at pagkatapos, sa darating na bagong sanlibutan, ang pisikal na pagpapagaling sa mga tao ng lahat ng bansa. (Mateo 4:23; Apocalipsis 22:1, 2) Sa makasagisag na paraan, gaya ng sabi ni Malakias, ang mga pinagaling ay “lalabas at kakalmot sa lupa na parang pinatabang guya” na kalalabas lamang mula sa kulungan. Anong laki ngang kagalakan ang madarama ng mga binuhay-muli na ibinangon taglay ang pag-asang makamtan ang kasakdalan bilang tao!
11, 12. (a) Anong kahihinatnan ang naghihintay sa mga balakyot? (b) Papaano “yuyurakan [ng bayan ng Diyos] ang mga balakyot”?
11 Subalit kumusta naman ang mga balakyot? Ganito ang mababasa natin sa Malakias 4:3: “ ‘Tiyak na inyong yuyurakan ang mga balakyot, sapagkat sila’y magiging parang abo sa inyong mga talampakan sa araw na ako’y kikilos,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo.” Habang iniingatan yaong mga umiibig sa kaniya, lilinisin ng ating Mandirigmang-Diyos ang lupa mula sa mapaniil na mga kaaway, anupat lilipulin sila. Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay susugpuin.—Awit 145:20; Apocalipsis 20:1-3.
12 Walang bahagi ang bayan ng Diyos sa pagpuksa sa mga balakyot. Kung gayon, papaano nila “yuyurakan ang mga balakyot”? Gagawin nila ito sa makasagisag na paraan sa pamamagitan ng pakikibahagi sa pagdiriwang ng malaking tagumpay. Inilalarawan sa Exodo 15:1-21 ang gayong pagdiriwang. Kasunod ito ng pagkapuksa kay Faraon at sa kaniyang mga hukbo sa Pulang Dagat. Bilang katuparan ng Isaias 25:3-9, ang pag-aalis sa “mga mapaniil” ay susundan ng isang piging ng tagumpay may kaugnayan sa pangako ng Diyos: “Aktuwal na sasakmalin niya ang kamatayan magpakailanman, at tunay na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha sa lahat ng mukha. At ang kadustaan ng kaniyang bayan ay aalisin niya sa buong lupa, sapagkat si Jehova mismo ang nagsabi. At sa araw na iyon ang isa ay tiyak na magsasabi: ‘Narito! Ito ang ating Diyos. . . . Ito ay si Jehova. Umasa tayo sa kaniya. Tayo’y magalak at magsaya sa kaniyang pagliligtas.’ ” Nasa kagalakang ito, hindi ang paghihiganti o pagkatuwa sa sinapit ng balakyot, kundi ang kasiyahan sa pagkakitang pinabanal ang pangalan ni Jehova at nilinis ang lupa para sa mapayapang paninirahan ng nagkakaisang sangkatauhan.
Isang Dakilang Programa ng Pagtuturo
13. Anong pagtuturo ang magaganap sa “bagong lupa”?
13 Sa Malakias 4:4, pinayuhan ang mga Judio na “alalahanin . . . ang batas ni Moises.” Gayundin sa ngayon na kailangan nating sundin “ang batas ng Kristo,” gaya ng binanggit sa Galacia 6:2. Tiyak na bibigyan ang mga makaliligtas sa Armagedon ng higit pang tagubilin salig dito, at malamang na ang mga ito ay nakasulat sa “mga balumbon” ng Apocalipsis 20:12 na bubuksan sa panahon ng pagkabuhay-muli. Isa ngang dakilang araw iyon habang ang mga binuhay-muli ay tinuturuan upang sundin ang istilo ng pamumuhay sa “bagong lupa”!—Apocalipsis 21:1.
14, 15. (a) Papaano nakilala ang modernong-panahong Elias? (b) Anong pananagutan ang tinutupad ng uring Elias?
14 Iyan ay magiging isang pagpapatuloy ng gawaing pagtuturo na tinukoy ni Jehova, gaya ng nakaulat sa Malakias 4:5: “Narito! Aking susuguin sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.” Sino ang modernong-panahong Elias? Gaya ng ipinakita sa Mateo 16:27, 28, sa pagbanggit tungkol sa kaniyang ‘pagdating sa kaniyang kaharian,’ sinabi ni Jesus: “Ang Anak ng tao ay itinalagang dumating na nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ng kaniyang mga anghel, at kung magkagayon ay maglalapat siya ng kabayaran sa bawat isa ayon sa kaniyang paggawi.” Makalipas ang anim na araw, habang kasama sina Pedro, Santiago, at Juan sa isang bundok, “siya ay nagbagong-anyo sa harap nila, at ang kaniyang mukha ay sumikat gaya ng araw, at ang kaniyang mga panlabas na kasuutan ay naging maningning na gaya ng liwanag.” Nag-iisa ba siya sa pangitaing ito? Hindi, sapagkat “narito! nagpakita sa kanila sina Moises at Elias, na nakikipag-usap sa kaniya.”—Mateo 17:2, 3.
15 Ano kaya ang ibig sabihin nito? Itinuro nito si Jesus bilang ang inihulang Lalong Dakilang Moises sa panahon ng kaniyang pagparito upang humatol. (Deuteronomio 18:18, 19; Gawa 3:19-23) Sa panahong iyon ay makakasama niya ang isang modernong-panahong Elias upang ganapin ang isang mahalagang gawain, iyon ang pangangaral ng mabuting balitang ito ng Kaharian sa buong lupa bago manakit ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova. Sa paglalarawan sa gawain ng “Elias” na ito, ganito ang sabi ng Malakias 4:6: “Kaniyang pagbabaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga ama; upang ako’y huwag pumariyan at aktuwal na saktan ang lupa sa pagtatalaga nito sa pagkapuksa.” Samakatuwid si “Elias” ay ipinakilala bilang ang uring tapat at maingat na alipin ng pinahirang mga Kristiyano sa lupa, na pinagkatiwalaan ng Panginoon, si Jesus, ng lahat ng Kaniyang mga pag-aari. Kasali rito ang paglalaan sa sambahayan ng pananampalataya ng kinakailangang espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.”—Mateo 24:45, 46.
16. Anong maliligayang resulta ang naisakatuparan sa gawain ng uring Elias?
16 Sa buong daigdig ngayon, makikita natin ang maliligayang resulta ng programang iyan ng pagpapakain. Ang magasing Bantayan, na may paglilimbag na 16,100,000 bawat isyu sa 120 wika, anupat 97 sa mga ito ay inilalathala nang sabay-sabay, ay bumabaha sa lupa taglay ang “mabuting balitang ito ng kaharian.” (Mateo 24:14) Ang iba pang publikasyon sa maraming wika ay ginagamit sa iba’t ibang pitak ng gawaing pangangaral at pagtuturo ng mga Saksi ni Jehova. Ang uring Elias, ang tapat at maingat na alipin, ay alisto sa paglalaan nang sagana para sa lahat ng “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Bukod dito, yaong mga tumatanggap ng pag-asang ito sa Kaharian at kumikilos nang ayon dito ay nalalakip sa isang kahanga-hangang pambuong-daigdig na pagkakaisa. Saklaw nito ang malaking pulutong “mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” (Apocalipsis 7:9) Kapag naisakatuparan na ang gawaing ito sa lawak na itinakda ni Jehova, kung magkagayon ay darating ang wakas sa kaniyang dakila at kakila-kilabot na araw.
17. Kailan ang biglang pagdating ng kakila-kilabot na araw ni Jehova?
17 Kailan nga ba ang biglang pagdating ng araw na iyan? Sumasagot si apostol Pablo: “Ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi. Kailanma’t kanilang sinasabi [marahil sa isang pambihirang paraan]: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay biglang pagkapuksa ang kagyat na mapapasa-kanila gaya ng hapdi ng kabagabagan sa isang babaing nagdadalang-tao; at hindi sila sa anumang paraan makatatakas.”—1 Tesalonica 5:2, 3.
18, 19. (a) Papaano ipinahahayag ang “kapayapaan at katiwasayan”? (b) Kailan makasusumpong ng kaginhawahan ang bayan ni Jehova?
18 Sino “sila” na binabanggit sa hulang ito? Sila ang pulitikal na mga lider na nag-aangking makapagtatatag ng nagkakaisang bagong kaayusan buhat sa hiwa-hiwalay na mga elemento ng marahas na sanlibutang ito. Ang kanilang ipinagmamalaking produkto, ang Liga ng mga Bansa at ang Nagkakaisang mga Bansa, ay nabigo hinggil dito. Gaya ng inihula ng propeta ni Jehova, ngayon pa man ay kanila nang “sinasabi: ‘Kapayapaan! Kapayapaan!’ gayunma’y walang kapayapaan.”—Jeremias 6:14; 8:11; 14:13-16.
19 Samantala, binábatá ng bayan ni Jehova ang panggigipit at pag-uusig ng walang-diyos na sanlibutang ito. Ngunit di-magtatagal, gaya ng ipinahayag sa 2 Tesalonica 1:7, 8, makasusumpong sila ng kaginhawahan “sa pagkakasiwalat sa Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa isang nagliliyab na apoy, samantalang nagdadala siya ng paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.”
20. (a) Ano ang hula ni Zefanias at Habacuc hinggil sa araw na “nagniningas na parang hurno”? (b) Anong payo at pampatibay-loob ang ibinibigay ng mga hulang ito?
20 Gaano na ba kalapit iyan? Marami sa atin ang matagal nang naghihintay. Samantala, ang malalaking bilang ng maaamo na makaliligtas ay tumutugon sa panawagan na matatagpuan sa Zefanias 2:2, 3: “Hanapin si Jehova . . . Hanapin ang katuwiran, hanapin ang kaamuan. Kaypala’y malilingid kayo sa araw ng galit ni Jehova.” Sumunod, taglay ng Zefanias 3:8 ang ganitong tagubilin: “ ‘Kaya’t hintayin ninyo ako,’ sabi ni Jehova, ‘hanggang sa araw na ako’y bumangon sa pagsamsam, sapagkat ang aking panghukumang pasiya ay ang tipunin ang mga bansa, upang aking mapisan ang mga kaharian, upang maibuhos sa kanila ang aking poot, ang aking buong mabangis na galit; sapagkat ang buong lupa ay sasakmalin ng apoy ng aking sigasig.’ ” Malapit na ang wakas! Alam ni Jehova ang araw at oras na iyan at hindi niya babaguhin ang kaniyang talaorasan. Harinawang tayo ay matiyagang magbata. “Sapagkat ang pangitain ay sa itinakdang panahon pa, at nagmamadali tungo sa katapusan, at hindi magbubulaan. Bagaman magluluwat, patuloy na hintayin iyon; sapagkat walang-pagsalang darating. Hindi na magtatagal.” (Habacuc 2:3) Papalapit na nang papalapit ang kakila-kilabot na araw ni Jehova. Tandaan, hindi na magtatagal ang araw na iyan!
Bilang Repaso:
◻ Ano ang mangyayari sa mga tagapamahala at pinamamahalaan sa kakila-kilabot na araw ni Jehova?
◻ Anong uri ng Diyos si Jehova?
◻ Anong uri ng pagtuturo ang inilalarawan para sa bayan ng Diyos?
◻ Papaano tayo pinapayuhan ng mga propeta ng Diyos may kinalaman sa napipintong kawakasan?
[Larawan sa pahina 21]
Marami ang sapilitang kinumberte sa Katolisismo noong panahon ng Inkisisyong Kastila
[Credit Line]
The Complete Encyclopedia of Illustrations/J. G. Heck