Malapit Na ang Kakila-kilabot na Araw ni Jehova
“Isang aklat ng alaala ang pinasimulang isulat sa harap niya para sa mga natatakot kay Jehova at para sa mga palaisip sa kaniyang pangalan.”—MALAKIAS 3:16.
1, 2. Tungkol sa anong kakila-kilabot na araw nagbabala si Malakias?
KAKILA-KILABOT! Habang nagbubukang-liwayway noong Agosto 6, 1945, isang malaking lunsod ang nawasak sa isang kisap-mata. Mga 80,000 ang nasawi! Sampu-sampung libo ang malubhang nasugatan! Nagngangalit na apoy! Ito’y kagagawan ng isang bombang nuklear. Kumusta naman ang mga Saksi ni Jehova habang nagaganap ang matinding kapahamakang iyon? Iisa lamang ang Saksi noon sa Hiroshima—na nakakulong sa loob ng pananggalang na mga pader ng isang bilangguan dahil sa kaniyang Kristiyanong katapatan. Nagiba ang bilangguan, subalit hindi nasaktan ang ating kapatid na lalaki. Gaya ng sabi niya, siya’y pinalaya ng bomba atomika—marahil ang siyang tanging mabuting bagay na nagawa ng bomba.
2 Bagaman nakasisindak ang pagsabog ng bombang iyon, ito’y wala sa kalingkingan kung ihahambing sa “dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova” na darating pa lamang. (Malakias 4:5) Kung sa bagay, nagkaroon na rin ng kakila-kilabot na mga araw noong una, subalit ang lahat ng iyon ay mahihigitan ng araw na ito ni Jehova.—Marcos 13:19.
3. Anong pagkakaiba ang mapapansin sa pagitan ng “lahat ng laman” at sa pamilya ni Noe bago ang Delubyo?
3 Noong kaarawan ni Noe “pinasamâ ng lahat ng laman ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa,” at sinabi ng Diyos: “Ang lupa ay punô ng karahasan dahilan sa kanila; at narito akong magdadala sa kanila sa pagkawasak kasama ng lupa.” (Genesis 6:12, 13) Gaya ng nakaulat sa Mateo 24:39, sinabi ni Jesus na ang mga tao ay “hindi nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.” Ngunit ang tapat na si Noe, “isang mángangarál ng katuwiran,” kasama ng kaniyang pamilyang may takot sa Diyos, ay nakaligtas sa Delubyong iyon.—2 Pedro 2:5.
4. Anong babalang halimbawa ang inilalaan ng Sodoma at Gomorra?
4 “Gayundin,” sabi ng Judas 7, “ang Sodoma at Gomorra at ang mga lunsod sa palibot nila, pagkatapos na sila . . . ay makiapid nang labis-labis at sumunod sa laman sa di-likas na paggamit, ay nakalagay sa harapan natin bilang isang babalang halimbawa sa pagdanas ng panghukumang kaparusahan na walang-hanggang apoy.” Ang mga taong di-maka-Diyos ay nalipol dahil sa kanilang nakaririmarim at maruming istilo ng pamumuhay. Hayaang mababalaan ang mahilig-sa-seksong mga komunidad ng modernong sanlibutang ito! Gayunman, pansinin na ang may takot sa Diyos na si Lot at ang kaniyang mga anak na babae ay iningatang buháy sa panahong iyon ng matinding kapahamakan, gayundin naman ang mga mananamba ni Jehova ay iingatan sa panahon ng mabilis na dumarating na malaking kapighatian.—2 Pedro 2:6-9.
5. Ano ang matututuhan natin mula sa mga hatol na isinagawa sa Jerusalem?
5 Sumunod ay isaalang-alang ang mga babalang halimbawa na inilaan nang gamitin ni Jehova ang lumulusob na mga hukbo upang pawiin ang Jerusalem, ang maluwalhating lunsod na minsa’y naging “ang kagalakan ng buong lupa.” (Awit 48:2) Ang kalunus-lunos na mga pangyayaring ito ay naganap, una noong 607 B.C.E. at muli noong 70 C.E., sapagkat pinabayaan ng tinaguriang bayan ng Diyos ang tunay na pagsamba. Nakatutuwa naman, ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay nakaligtas. Ang sakuna ng 70 C.E. (inilarawan sa kabila) ay inilalarawan bilang “isang kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng paglalang na nilalang ng Diyos hanggang sa panahong iyon.” Pinawi nito nang lubusan magmula noon ang apostatang Judiong sistema ng mga bagay, at tiyak na dahil diyan iyo’y “hindi na mangyayari pang muli.” (Marcos 13:19) Ngunit maging ang pagsasagawa ng banal na hatol na ito ay isa lamang larawan ng “malaking kapighatian” na ngayo’y nagbabanta sa buong sistema ng mga bagay sa daigdig.—Apocalipsis 7:14.
6. Bakit pinahihintulutan ni Jehova ang mga kasakunaan?
6 Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kakila-kilabot na mga kasakunaan, na nagiging dahilan ng pagkitil sa napakaraming buhay? Sa mga nangyari kay Noe, sa Sodoma at Gomorra, at sa Jerusalem, isinagawa lamang ni Jehova ang hatol sa mga nagpasamâ ng kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa, dumungis sa magandang planetang ito sa pamamagitan ng aktuwal na polusyon at pagbaba ng moral, at nag-apostata, o nagtakwil, sa tunay na pagsamba. Sa ngayon tayo’y nakatayo na sa bingit ng isang panlahatang pagsasagawa ng hatol na sasakmal sa buong daigdig.—2 Tesalonica 1:6-9.
“Sa mga Huling Araw”
7. (a) Ano ang makahulang inilalarawan ng sinaunang banal na mga hatol? (b) Anong maluwalhating pag-asa ang nasa unahan?
7 Ang mga pagpuksang iyon noong sinaunang panahon ay makahulang mga paglalarawan ng kakila-kilabot na malaking kapighatiang inilarawan sa 2 Pedro 3:3-13. Sabi ng apostol: “Alamin muna ninyo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya na may pagtuya, na lumalakad alinsunod sa kanilang sariling mga nasa.” Pagkatapos, sa pagtutuon ng pansin sa kaarawan ni Noe, sumulat si Pedro: “Ang sanlibutan ng panahong iyon ay dumanas ng pagkapuksa nang ito ay maapawan ng tubig. Subalit sa pamamagitan ng gayunding salita ang mga langit at ang lupa sa ngayon ay nakalaan sa apoy at itinataan sa araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-maka-Diyos.” Kasunod ng pinakamalaki sa lahat na kapighatiang iyon, ang pinakahihintay na pamamahala ng Kaharian ng Mesiyas ay magkakaroon ng panibagong saklaw—“mga bagong langit at isang bagong lupa . . . , at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” Anong nakagagalak na pag-asa!
8. Papaanong ang mga pangyayari sa daigdig ay patungo na sa kasukdulan?
8 Sa ating ika-20 siglo, ang mga pangyayari sa daigdig ay patuluyang patungo na sa kasukdulan. Bagaman ang pagkawasak ng Hiroshima ay hindi siyang araw ng pagsisiyasat ng Diyos, maaaring kasali ito sa “nakatatakot na mga tanawin” na inihula ni Jesus may kinalaman sa panahon ng kawakasan. (Lucas 21:11) Ito ang nagbunsod ng pagbabantang nuklear na mistulang isang ulap ng bagyo na nasa ibabaw pa rin ng sangkatauhan. Kaya naman, ganito ang mababasa sa isang ulong-balita sa The New York Times ng Nobyembre 29, 1993: “Maaaring Kinakalawang Na ang mga Baril Ngunit Makikintab Pa rin ang mga Armas Nuklear.” Samantala, patuloy na umaani ng kakila-kilabot na mga bunga ang mga digmaan sa pagitan ng mga bansa, lahi, at tribo. Noong nakalipas na mga panahon ang kalakhang bahagi ng mga nasasawi ay mga sundalo. Sa ngayon, 80 porsiyento ng mga nasasawi ay iniulat na mga sibilyan, bukod pa sa milyun-milyon na tumatakas sa kanilang mga tinubuang-bayan bilang mga refugee.
9. Papaano nagpamalas ng pakikipagkaibigan sa sanlibutan ang mga relihiyosong lider?
9 Ang mga relihiyosong lider ay madalas na magpamalas, at patuloy na nagpapamalas, ng “pakikipagkaibigan sa sanlibutan” sa pagiging lubhang nasasangkot sa mga digmaan at madudugong himagsikan. (Santiago 4:4) Ang ilan ay nakipagsabuwatan sa masasakim at maimpluwensiyang mga negosyante sa daigdig ng komersiyo sa kanilang malawakang paggawa ng mga armas at pagtatatag ng mga imperyong nauukol sa pagbebenta at paggamit ng droga. Halimbawa, sa pag-uulat tungkol sa pagpatay sa isang lider ng sindikato ng droga sa Timog Amerika, ganito ang sabi ng The New York Times: “Palibhasa’y ikinukubli ang kaniyang pangangalakal ng droga sa mga pag-aangkin na ang kaniyang kayamanan ay mula sa lehitimong negosyo at isang pagkukunwari sa pamamagitan ng pagtulong sa nangangailangan, mayroon siyang kaniyang sariling programa sa radyo at madalas na kasama ang mga paring Katoliko Romano.” Iniulat ng The Wall Street Journal na bukod pa sa pagwasak sa buhay ng milyun-milyon na naging mga sugapa sa droga, personal na iniutos ng lider na ito ang pagpaslang sa libu-libo. Binanggit naman ng The Times ng London: “Madalas na nagbabayad ng isang pantanging Misa ang mga mamamatay-tao bilang pasasalamat . . . habang ang misa sa libing ng biktima ay nagaganap sa ibang dako.” Talaga namang ubod-sama!
10. Papaano natin dapat malasin ang lumulubhang mga kalagayan sa daigdig?
10 Sino nga ba ang nakaaalam sa pamiminsalang gagawin pa sa lupang ito ng mga lalaking kinasihan ng mga demonyo? Gaya ng sinasabi sa 1 Juan 5:19, “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” si Satanas na Diyablo. Ngayon ay “kaabahan para sa lupa at para sa dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:12) Ngunit mabuti na lamang, tinitiyak sa atin ng Roma 10:13 na “ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”
Malapit Na ang Paghatol ng Diyos
11. Anu-anong kalagayan sa Israel ang nagpangyari sa hula ni Malakias?
11 Kung tungkol sa nalalapit na hinaharap ng sangkatauhan, nililiwanag ng hula ni Malakias ang nakatakdang maganap. Nasa dulo si Malakias sa mahabang hanay ng sinaunang Hebreong mga propeta. Naranasan ng Israel ang pagtitiwangwang sa Jerusalem noong 607 B.C.E. Subalit pagkaraan ng 70 taon si Jehova ay nagpamalas ng awa at maibiging-kabaitan nang ibalik ang bansang iyan sa lupain nito. Gayunman, sa loob ng isang daang taon, muli na namang nahulog ang Israel sa apostasya at kasamaan. Niwalang-galang ng bayan ang pangalan ni Jehova, ipinagwalang-bahala ang kaniyang matuwid na mga batas, at pinarumi ang kaniyang templo sa pamamagitan ng pagdadala ng bulag, pilay, at maysakit na mga hayop bilang hain. Diniborsiyo nila ang asawa ng kanilang kabataan upang sila’y makapag-asawa ng mga babaing banyaga.—Malakias 1:6-8; 2:13-16.
12, 13. (a) Anong pagdadalisay ang kailangan para sa pinahirang grupo ng mga saserdote? (b) Papaanong ang malaking pulutong ay nakikinabang din sa paglilinis?
12 Kailangan noon ang isang gawaing pagdadalisay. Iyon ay inilalarawan sa Malakias 3:1-4. Tulad ng sinaunang Israel, ang modernong-panahong mga Saksi ni Jehova ay kailangang linisin, kaya ang gawaing pagdadalisay na inilarawan ni Malakias ay maikakapit sa kanila. Habang patapos na ang unang digmaang pandaigdig, ang ilan sa mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi, ay hindi nag-ingat ng mahigpit na pagkaneutral sa makasanlibutang mga gawain. Noong 1918, isinugo ni Jehova ang Kaniyang “mensahero ng tipan,” si Kristo Jesus, sa Kaniyang kaayusan ukol sa espirituwal na templo upang linisin ang maliit na grupo ng Kaniyang mga mananamba buhat sa makasanlibutang mga karumihan. Sa pamamagitan ng hula, itinanong ni Jehova: “Sino ang makatitiis sa araw ng pagparito [ng mensahero], at sino ang tatayo kapag siya’y nagpakita? Sapagkat siya’y magiging parang apoy ng isang mandadalisay at parang sabon ng mga tagapagpaputi. At siya’y uupong gaya ng mandadalisay at manlilinis ng pilak at lilinisin ang mga anak ni Levi [pinahirang grupo ng mga saserdote]; at kaniyang pakikinisin silang parang ginto at parang pilak, at kung magkagayon sila’y tunay na magiging bayan kay Jehova na naghahandog ng handog ng katuwiran.” Bilang isang dinalisay na bayan, ganiyan nga ang ginawa nila!
13 Ang pinahirang grupong iyan ng mga saserdote ay may bilang na 144,000 lamang. (Apocalipsis 7:4-8; 14:1, 3) Kung gayon, kumusta naman ang ibang nakaalay na mga Kristiyano sa ngayon? Ngayong umaabot na sa milyun-milyon, ang mga ito ay bumubuo ng “isang malaking pulutong” na kailangan ding linisin buhat sa makasanlibutang mga daan, anupat ‘nilalabhan nila ang kanilang mahahabang damit at pinapuputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero.’ (Apocalipsis 7:9, 14) Sa gayon, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pananampalataya sa haing pantubos ng Kordero, si Kristo Jesus, naiingatan nila ang isang malinis na katayuan sa harap ni Jehova. Sila’y pinangakuan ng kaligtasan sa buong panahon ng malaking kapighatian, ang kakila-kilabot na araw ni Jehova.—Zefanias 2:2, 3.
14. Anong mga salita ang dapat pakinggan ng bayan ng Diyos ngayon habang patuloy nilang nililinang ang bagong personalidad?
14 Kasama ng nalabing mga saserdote, ang malaking pulutong na ito ay kailangang makinig sa mga sinabi pa ng Diyos: “Ako’y lalapit sa inyo para sa paghatol, at ako’y magiging maliksing saksi laban sa mga manggagaway, at laban sa mga mangangalunya, at laban sa mga sinungaling na manunumpa, at laban sa mga nandaraya sa kaupahan ng isang manggagawa, ng babaing balo at ng batang lalaking walang ama, at sa nagliligaw sa mga taga-ibang lupa, samantalang hindi sila natatakot sa akin . . . Sapagkat ako si Jehova; ay hindi nagbabago.” (Malakias 3:5, 6) Hindi, hindi nagbabago ang mga pamantayan ni Jehova, kaya sa pagkatakot kay Jehova, kailangang iwasan ng kaniyang bayan ngayon ang lahat ng uri ng idolatriya at sila’y maging wagas, tapat, at bukas-palad habang patuloy nilang nililinang ang Kristiyanong personalidad.—Colosas 3:9-14.
15. (a) Anong maawaing paanyaya ang ipinaaabot ni Jehova? (b) Papaano natin maiiwasang ‘nakawan’ si Jehova?
15 Ipinaaabot ni Jehova ang paanyaya sa sinumang napalihis sa kaniyang matuwid na mga daan, sa pagsasabi: “Manumbalik kayo sa akin, at ako’y manunumbalik sa inyo.” Kung itatanong ng mga ito: “Sa anong paraan kami’y manunumbalik?” siya’y sumasagot: “Ninanakawan ninyo ako.” At bilang sagot sa isa pang tanong: “Papaano ka namin ninanakawan?” Sinasabi ni Jehova na ninanakawan nila siya sa hindi pagdadala ng kanilang pinakamaiinam bilang handog para sa paglilingkuran sa kaniyang templo. (Malakias 3:7, 8) Sa pagiging bahagi ng bayan ni Jehova, nararapat ngang naisin nating italaga ang pinakamainam na bahagi ng ating lakas, kakayahan, at materyal na tinatangkilik sa paglilingkuran kay Jehova. Samakatuwid, sa halip na nakawan ang Diyos, ating ‘patuloy na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.’—Mateo 6:33.
16. Anong pampatibay-loob ang masusumpungan natin sa Malakias 3:10-12?
16 May dakilang gantimpala para sa lahat na tumatanggi sa makasarili, materyalistikong paraan ng sanlibutan, gaya ng ipinahihiwatig ng Malakias 3:10-12: “ ‘Pakisuyong subukin ninyo ako sa bagay na ito,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan ng langit at aktuwal na ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.’ ” Sa lahat ng taong mapagpahalaga, nangangako si Jehova ng espirituwal na kaunlaran at kasaganaan. Sinabi pa niya: “Ipahahayag ng mga bansa na kayo’y maliligaya, sapagkat kayo mismo ay magiging isang lupain ng kaluguran.” Hindi ba ganiyan nga ang napatunayan ng milyun-milyong kabilang sa mapagpasalamat na bayan ng Diyos sa buong lupa sa ngayon?
Ang mga Tagapag-ingat ng Katapatan sa Aklat ng Buhay
17-19. (a) Papaanong ang kaguluhan sa Rwanda ay nakaapekto sa ating mga kapatid doon? (b) Nakapagpatuloy ang lahat ng tapat na ito taglay ang anong paninindigan?
17 Sa puntong ito, kokomentuhan natin ang katapatan ng ating mga kapatid na taga-Rwanda. Sila’y palaging nagdadala ng pinakamaiinam na espirituwal na handog sa espirituwal na bahay ng pagsamba kay Jehova. Halimbawa, sa kanilang “Banal na Pagtuturo” na Pandistritong Kombensiyon noong Disyembre 1993, ang kanilang 2,080 mamamahayag ng Kaharian ay umani ng kabuuang bilang ng dumalo na 4,075. May 230 bagong mga Saksi na nabautismuhan, at sa mga ito, halos 150 ang nagpatala sa paglilingkod bilang auxiliary pioneer ng sumunod na buwan.
18 Nang sumiklab ang karahasan sa pagitan ng mga tribo noong Abril 1994, di-kukulangin sa 180 Saksi ang pinaslang, kasali na ang tagapangasiwa sa lunsod ng Kigali, ang kabisera, at ang kaniyang buong pamilya. Ang anim na tagapagsalin sa tanggapan ng Samahang Watch Tower sa Kigali, apat sa kanila ay Hutu at dalawa ay Tutsi, ay patuloy na nagtrabaho nang ilang linggo sa ilalim ng mahigpit na mga pagbabanta, hanggang sa kinailangang tumakas ang mga Tutsi, subalit napatay lamang sa isang checkpoint. Sa wakas, habang dala-dala ang anumang naiwan sa kanilang kagamitan sa computer, ang natitirang apat ay tumakas patungo sa Goma, sa Zaire, kung saan buong-katapatan nilang ipinagpatuloy ang pagsasalin ng Ang Bantayan sa wikang Kinyarwanda.—Isaias 54:17.
19 Ang mga Saksing ito na refugee, bagaman nasa napakahirap na mga kalagayan, ay palaging inuunang hilingin ang espirituwal na pagkain kaysa ang materyal na mga paglalaan. Sa pamamagitan ng malaking pagsasakripisyo, ang mga panustos ay nagawang madala sa kanila ng mapagmahal na mga kapatid buhat sa ibang lupain. Sa pamamagitan ng pananalita at pagiging maayos sa ilalim ng kaigtingan, nakapagbigay ng kahanga-hangang patotoo ang mga refugee na ito. Tunay na patuloy silang nagdadala ng kanilang pinakamaiinam sa pagsamba kay Jehova. Ipinakita nila ang paninindigan na kagaya ng kay Pablo na ipinahayag sa Roma 14:8: “Kung tayo ay nabubuhay, tayo ay nabubuhay kay Jehova, at kung tayo ay namamatay, tayo ay namamatay kay Jehova. Samakatuwid kapuwa kung tayo ay nabubuhay at kung tayo ay namamatay, tayo ay kay Jehova.”
20, 21. (a) Kaninong mga pangalan ang hindi nakasulat sa aklat ni Jehova ng alaala? (b) Kaninong mga pangalan ang lumilitaw sa aklat, at bakit?
20 Nag-iingat si Jehova ng talaan ng lahat ng naglilingkod sa kaniya nang buong-katapatan. Nagpapatuloy ang hula ni Malakias: “Nang panahong iyon silang natatakot kay Jehova ay nagsang-usapan sa isa’t isa, bawat isa sa kaniyang kasama, at si Jehova ay patuloy na nagbigay-pansin at nakinig. At isang aklat ng alaala ang pinasimulang isulat sa harap niya para sa mga natatakot kay Jehova at para sa mga palaisip sa kaniyang pangalan.”—Malakias 3:16.
21 Pagkahala-halaga nga sa ngayon na magpakita tayo ng maka-Diyos na takot sa pagpaparangal sa pangalan ni Jehova! Sa paggawa nito, hindi tayo daranas ng masamang kahatulan, gaya ng daranasin ng mga may-paghangang sumusuporta sa mga sistema ng sanlibutang ito. Sinasabi sa Apocalipsis 17:8 na ang “kanilang mga pangalan ay hindi napasulat sa balumbon ng buhay.” Makatuwiran lamang, ang mahalagang pangalan na nakasulat sa aklat ni Jehova ng buhay ay yaong sa Punong Ahente ng buhay, ang sariling Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo. Ganito ang pahayag sa Mateo 12:21: “Tunay nga, sa kaniyang pangalan ang mga bansa ay aasa.” Nagsisilbing garantiya ang haing pantubos ni Jesus sa buhay na walang-hanggan para sa lahat ng magsasagawa ng pananampalataya rito. Kaylaki ngang pribilehiyo na ang ating indibiduwal na mga pangalan ay makasama sa pangalan ni Jesus sa balumbong iyan!
22. Anong pagkakaiba ang makikita kapag isinagawa ni Jehova ang paghuhukom?
22 Kumusta naman ang mga lingkod ng Diyos sa panahon ng paghuhukom? Sumasagot si Jehova sa Malakias 3:17, 18: “Ako’y magpapakita ng pagdamay sa kanila, gaya ng isang tao na nagpapakita ng pagdamay sa kaniyang anak na lalaki na naglilingkod sa kaniya. At tiyak na muli ninyong makikita ang pagkakaiba ng isang matuwid at ng isang balakyot, sa pagitan ng isa na naglilingkod sa Diyos at ng isa na hindi naglilingkod sa kaniya.” Ang paghahati ay magiging malinaw sa lahat: ang balakyot, na inihiwalay ukol sa walang-hanggang pagkaputol, at ang matuwid, na sinang-ayunan para sa buhay na walang-hanggan sa nasasakupan ng Kaharian. (Mateo 25:31-46) Kung gayon ay isang malaking pulutong ng tulad-tupang mga tao ang makaliligtas sa dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Anong mga kahatulan ang isinagawa ni Jehova noong panahon ng Bibliya?
◻ Papaanong ang mga kalagayan sa ngayon ay nakakatumbas niyaong sa sinaunang panahon?
◻ Anong pagdadalisay ang nagaganap bilang katuparan ng hula ni Malakias?
◻ Kaninong mga pangalan ang nakasulat sa aklat ng alaala ng Diyos?