Makatuwiran ba ang mga Pag-aalinlangan Tungkol kay Jesus?
TALAGA bang gumawa ng mga himala si Jesus ng Nazaret? Siya ba’y binuhay-muli mula sa mga patay, gaya ng ipinahayag ng kaniyang mga alagad? Talaga nga bang nabuhay siya? Sa ating modernong panahon, marami ang waring hindi makasagot nang may katiyakan sa gayong mga katanungan. Bakit? Sapagkat sila’y nananatiling may mga pag-aalinlangan tungkol kay Jesus, at ang pag-aalinlangan ay pagkadama ng kawalang-katiyakan, anupat hindi alam kung ang isang bagay ay totoo o posible. Subalit makatuwiran ba ang pagkadama ng kawalang-katiyakan tungkol kay Jesus? Tingnan natin.
Kung Papaano Nahasik ang mga Pag-aalinlangan Tungkol kay Jesus
Inilarawan ng mga teologong Aleman noong dakong huli ng ika-19 at pasimula ng ika-20 siglo na si Jesus ay “isang di-totoong persona ng sinaunang Iglesya.” Ang kanilang pagbatikos sa pagkamakasaysayan ni Jesus ay humantong sa isang pagtatalo sa gitna ng mga iskolar noong pasimula ng siglong ito anupat nakarating sa madla noong panahong iyon at may impluwensiya pa rin sa ngayon. Halimbawa, isang kamakailang pag-aaral sa Alemanya ang nagsiwalat na 3 porsiyento ng mga kinapanayam ay naniniwala na si Jesus ay “hindi nabuhay kailanman” at na “siya’y inimbento lamang ng mga apostol.” Oo, ang mga binhi ng pag-aalinlangan tungkol kay Jesus na nahasik sa pasimula ng siglong ito ay nakasumpong ng matabang lupa sa puso ng mga tao kahit na ngayon.
Bakit talagang hindi makatuwiran ang konklusyon na si Jesus ay “inimbento” lamang? Ganito ang komento ng iskolar sa Bibliya na si Wolfgang Trilling: “Ang pagtatalo tungkol sa kung si Jesus ay nabuhay kailanman, alalaong baga kung siya ay isang makasaysayang tao o isang alamat, ay nalutas. Ang suliranin ay nalutas ayon sa pantas na paraan, sa papaano man sa paraan na ang suliranin ay hindi na minamalas ng mga taong seryoso bilang isang haka-hakang isyu.” Gayunman, ang ilan ay nagdududa pa rin na si Jesus ay umiral. Dahil dito, suriin natin kung papaano maitatatag ng isa ang pagkamakasaysayan ni Jesus gayundin upang alisin ang ilang pag-aalinlangan tungkol sa kaniya.
Mga Patotoo na Nag-aalis ng mga Pag-aalinlangan
Ang kadusta-dustang pagpatay kay Jesus bilang isang hamak na kriminal ang naglalaan ng “lubhang kapani-paniwalang argumento laban sa mga sumasalungat sa pagkamakasaysayan ni Jesus,” ang sabi ni Trilling. Bakit? Sapagkat ang pagpatay ay “nakasagabal, nakahadlang pa nga, sa pagpapalaganap ng bagong pananampalataya sa gitna ng mga Judio at mga di-Judio.” (Ihambing ang 1 Corinto 1:23.) Kung ang pagpatay kay Jesus na Mesiyas ay isang insulto kapuwa sa mga Judio at mga Gentil, tiyak na hindi iyon inimbento ng mga apostol! Isa pa, ang kamatayan ni Jesus ay pinatutunayan bilang isang makasaysayang pangyayari hindi lamang ng apat na Ebanghelyo kundi gayundin ng Romanong manunulat na si Tacitus at ng Judiong Talmud.a
Ang iba pang pangyayari sa buhay ni Jesus ay itinuturing din na panloob na patotoo na mapaniniwalaan ang Mga Ebanghelyo, samakatuwid nga ay kung ano ang sinasabi sa atin ng mga ito tungkol sa kaniya. Halimbawa, gawa-gawa lamang kaya ng mga tagasunod ni Jesus na siya’y manggagaling sa Nazaret, isang dakong waring di-mahalaga? O dili kaya’y katha lamang nila ang pagkakanulo sa kaniya ni Judas, isang pinagkakatiwalaang kasama? Wari bang makatotohanan na sila’y magtatahi-tahi ng isang salaysay na si Jesus ay pinabayaan ng iba pa sa kaniyang mga alagad sa isang paraang may kaduwagan? Hindi nga makatuwiran na ang mga alagad ay gumamit pa ng mga detalye na lubhang nakapipinsala at saka ipamamalita! Isa pa, ang sining ng pagtuturo na ginamit ni Jesus ay may naiibang istilo. Ang literaturang Judio noong unang siglo ay walang anuman na maihahambing sa kaniyang mga ilustrasyon. Sinong di-kilalang tao ang ‘makaiimbento’ ng gayong obra maestra na gaya ng Sermon sa Bundok? Ang mga argumentong ito ay pawang umaalalay sa pagiging maaasahan ng Mga Ebanghelyo bilang ulat ng buhay ni Jesus.
Mayroon ding panlabas na ebidensiya ng pagkamakasaysayan ni Jesus. Inilalarawan siya sa apat na Ebanghelyo bilang nabuhay na may espesipiko, detalyado at makasaysayang pinagmulan. Ang mga lugar, tulad ng Betlehem at Galilea; prominenteng mga tao at mga grupo, tulad ni Poncio Pilato at ng mga Fariseo; gayundin ang mga kaugaliang Judio at iba pang pambihirang mga bagay ay hindi kinatha lamang. Ang mga ito ay bahagi ng buhay noong unang siglo, at ang mga ito ay pinatotohanan ng mga reperensiyang di-Biblikal at ng mga natuklasan ng mga arkeologo.
Kung gayon ay may kapani-paniwalang ebidensiya, kapuwa panloob at panlabas, na si Jesus ay isang makasaysayang tao.
Gayunman, napakaraming tao ang nag-aalinlangan sa mga himalang may kinalaman sa kaniya. Ang totoo, ayon sa surbey na sinipi na, kakaunti lamang sa mga nagsisimbang Aleman ang matibay na naniniwalang ang mga himala ni Jesus at ang kaniyang pagkabuhay-muli ay “talagang nangyari.” Makatuwiran nga ba ang mga pag-aalinlangan tungkol sa mga himala at pagkabuhay-muli ni Jesus?
Kung Bakit Pinag-aalinlanganan ng Ilan ang mga Himala ni Jesus
Iniuulat sa Mateo 9:18-36 na makahimalang pinagaling ni Jesus ang mga maysakit, binuhay-muli ang mga patay, at pinalayas ang mga demonyo. Ganito ang komento ni Propesor Hugo Staudinger, isang istoryador: “Talagang di-kapani-paniwala, at buhat sa makasaysayang pangmalas ay imposible, na ang pambihirang mga ulat na ito ay gawa ng isang malinaw na guniguni.” Bakit? Sapagkat waring ang pinakanaunang Mga Ebanghelyo ay isinulat noong ang karamihan sa mga saksing nakakita sa mga himalang ito ay nabubuhay pa! Ang higit pang katibayan ay nasumpungan sa bagay na, gaya ng sinabi pa ni Staudinger, ang mga manunulat na Judio ay “hindi nagtatwa na si Jesus ay gumawa ng pambihirang mga gawa.” Kung ipagwawalang-bahala ang lahat ng iba pang patotoo at ibabatay lamang ang ating opinyon sa panlabas na ebidensiyang ito, masusumpungan natin na ang mga himala ni Jesus ay tiyak na karapat-dapat paniwalaan.—2 Timoteo 3:16.
Bagaman “karamihan sa mga Aleman ay kumbinsido na pinagaling ni Jesus ang mga maysakit,” marami ang nag-aalinlangan tungkol sa kapangyarihang nasa likod ng mga pagpapagaling na ito. Halimbawa, hayagang sinabi ng isang tanyag na teologong Aleman na ang mga pagpapagaling na ginawa ni Jesus ay resulta ng kapangyarihan ng pagmumungkahi na nakaiimpluwensiya sa mga taong nababagabag ang isip. Ito ba’y matinong paliwanag?
Tingnan lamang ang mga halimbawang ito. Iniuulat ng Marcos 3:3-5 na pinagaling ni Jesus ang tuyot na kamay ng isang lalaki. Subalit ang tuyot na kamay ba ay bunga ng kalungkutan sa isip? Talagang hindi. Kaya nga, ang paggaling na ito ay hindi masasabing dahil sa kapangyarihan ng pagmumungkahi. Kaya ano ang nagpangyaring si Jesus ay makagawa ng mga himala? Ganito ang pag-amin ni Propesor Staudinger: “Kung walang mga batas na lubusang may katibayan, at kung hindi lubusang itinatanggi ng isa ang Diyos, kung gayon pangunahin nang hindi maipagwawalang-bahala ng isa ang posibilidad na ang Diyos, na ang kapangyarihan ay nakahihigit sa tao, ay nakagagawa ng mga bagay na di-pangkaraniwan.” Talaga naman, sa tulong ng “kapangyarihan ng Diyos,” literal na pinagaling ni Jesus ang mga taong maysakit. Kaya walang dahilan na mag-alinlangan sa pagiging totoo ng mga himala.—Lucas 9:43; Mateo 12:28.
Gaya ng pagkasabi sa The American Peoples Encyclopedia, kung ang pinakadakilang himala sa lahat—ang pagkabuhay-muli ni Jesus—ay naganap, lahat ng iba pang mga himala na iniuulat sa Mga Ebanghelyo ay “masasabing posible.” Talaga nga bang ibinangon si Jesus mula sa mga patay?
Makatuwiran ba ang Pag-aalinlangan Tungkol sa Pagkabuhay-Muli ni Jesus?
Isaalang-alang muna ang isang halimbawa ng matibay at kaugnay na ebidensiya na umaalalay sa pagiging totoo ng pagkabuhay-muli ni Jesus—ang kaniyang libingang walang laman. Ang bagay na walang-laman ang pinaglibingan kay Jesus ay hindi tinutulan ng kaniyang mga kapanahon, maging niyaong mga sumalansang sa kaniya. (Mateo 28:11-15) Kaipala’y madaling mabubunyag ang pandaraya! Tama ang konklusyon ng nabanggit na reperensiya: “Walang makatuwirang paliwanag para sa libingang walang-laman maliban sa pangungusap sa Bibliya na, ‘Siya ay wala rito; sapagkat siya ay ibinangon’ (Mat. 28:6).”
Ang iba’y tumututol, anupat nagsasabing ang mga alagad lamang ni Jesus ang nagpahayag sa lahat ng dako na siya ang binuhay-muling Mesiyas. Gayon nga ang ginawa nila. Subalit hindi ba ang pagkamapaniniwalaan ng kanilang mensahe ay matatag na nakaugat sa makasaysayang pangyayari, lalo na ang kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus? Mangyari pa. Alam ni apostol Pablo ang ganitong kaugnayan nang siya’y sumulat: “Kung hindi ibinangon si Kristo, ang ating pangangaral ay tiyak na walang kabuluhan, at ang ating pananampalataya ay walang kabuluhan. Bukod diyan, tayo ay nasumpungan ding mga bulaang saksi tungkol sa Diyos, sapagkat nagpatotoo tayo laban sa Diyos na ibinangon niya ang Kristo.”—1 Corinto 15:14, 15; ihambing ang Juan 19:35; 21:24; Hebreo 2:3.
Noong unang siglo, maraming tao na kilalang-kilala at na makapagpapatotoo sa pagpapakita ni Jesus pagkamatay niya. Kabilang sa kanila ang 12 apostol at si Pablo, gayundin ang mahigit na 500 saksing nakakita.b (1 Corinto 15:6) Tandaan din kung bakit naabot ni Matias ang mga kuwalipikasyon upang maging kahalili ng di-tapat na si apostol Judas. Ang Gawa 1:21-23 ay nag-uulat na si Matias ay makapagpapatotoo sa pagkabuhay-muli ni Jesus at sa naunang mga pangyayari may kaugnayan sa Kaniya. Kung ang buhay at pagkabuhay-muli ni Jesus ay katha lamang sa halip na tunay na pangyayari, ang gayong kahilingan para sa paghirang ay tiyak na hindi na kailangan.
Dahilan sa maraming saksing nakakita noong unang siglo ang makapagpapatotoo sa buhay, mga himala, kamatayan, at pagkabuhay-muli ni Jesus, ang Kristiyanismo ay mabilis na lumaganap sa buong Imperyong Romano, sa kabila ng binanggit na mga hadlang. Ang kaniyang mga tagasunod ay handang magtiis ng kahirapan, pag-uusig at maging kamatayan man upang maipahayag sa lahat ng dako ang pagkabuhay-muli at ang mahalagang katotohanan hinggil doon. Aling katotohanan? Na ang kaniyang pagkabuhay ay naging posible lamang dahilan sa kapangyarihan ng Diyos. At bakit binuhay-muli ng Diyos na Jehova si Jesus mula sa mga patay? Ang sagot sa tanong na iyan ay nagpapakita kung sino ang makasaysayang si Jesus.
Noong araw ng Pentecostes, malayang ipinahayag ni apostol Pedro sa namamanghang mga Judio sa Jerusalem: “Ang Jesus na ito ay binuhay na muli ng Diyos, na sa katotohanang ito ay mga saksi kaming lahat. Samakatuwid sa dahilang siya ay itinaas sa kanang kamay ng Diyos at tumanggap ng ipinangakong banal na espiritu mula sa Ama, kaniyang ibinuhos ito na inyong nakikita at naririnig. Sa katunayan hindi umakyat si David sa mga langit, kundi siya mismo ang nagsasabi, ‘Sinabi ni Jehova sa aking Panginoon: “Umupo ka sa aking kanang kamay, hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway na tuntungan ng iyong mga paa.” ’ Samakatuwid ay alamin ngang may katiyakan ng buong bahay ng Israel na siya ay ginawa ng Diyos na kapuwa Panginoon at Kristo, ang Jesus na ito na inyong ipinako.” (Gawa 2:32-36) Oo, ginawa ng Diyos na Jehova si Jesus ng Nazaret na “kapuwa Panginoon at Kristo.” Makatuwiran ba ang mga pag-aalinlangan tungkol sa kaniyang papel sa bahaging ito ng layunin ng Diyos?
Bakit Pag-aalinlanganan ang Papel ni Jesus sa Ngayon?
Papaano mapapawi ang lahat ng alinlangan tungkol sa pagkakakilanlan at papel ni Jesus? Sa pamamagitan ng bagay na siya’y isang tunay na propeta. Inihula niya ang mga digmaan, taggutom, lindol, krimen, at kawalan ng pag-ibig na nakikita natin sa ngayon. Isa pa, sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:3-14) Ang katuparan ng mga hulang ito ay nagpapatunay na si Jesus ang binuhay-muling Kristo, di-nakikitang namamahala ‘sa gitna ng kaniyang mga kaaway,’ at malapit nang pangyarihin niya ang bagong sanlibutan ng Diyos.—Awit 110:1, 2; Daniel 2:44; Apocalipsis 21:1-5.
Ngayon higit kailanman, ang sangkatauhan ay apurahang nangangailangan ng isang Tagapagligtas na nasasangkapan ng karunungang nakahihigit sa tao. Bakit tayo mag-aalinlangan na si Jesus ang may-katuwirang pinili upang iligtas ang sangkatauhan? Si Juan, na isang saksing nakakita sa kahanga-hangang mga himala at sa pagkabuhay-muli ni Jesus, ay nagpahayag: “Bilang karagdagan, nakita natin mismo at pinatototohanan na isinugo ng Ama ang kaniyang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan.” (1 Juan 4:14; ihambing ang Juan 4:42.) Kung papaanong wala tayong makatuwirang batayan na pag-alinlanganan ang pag-iral, himala, kamatayan, at pagkabuhay-muli ni Jesus, wala tayong dahilan na mag-alinlangan na siya’y iniluklok ng Diyos na Jehova bilang matuwid na Hari sa Kaniyang kanang kamay. Tiyak, si Jesus ng Nazaret ang siyang Hari sa Kaharian ng Diyos at ang “Tagapagligtas ng sanlibutan.”—Mateo 6:10.
[Mga talababa]
a Ang pinagtatalunang pagtukoy kay Jesus sa Talmud ay tinatanggap bilang tunay ng ilang iskolar lamang. Sa kabilang panig, ang mga pagtukoy kay Jesus ni Tacitus, Suetonius, Pliny the Younger, at di-kukulangin sa isa ni Flavius Josephus, ay karaniwang tinatanggap bilang patotoo ng makasaysayang pag-iral ni Jesus.
b Minsan, ang binuhay-muling si Jesus ay kumain ng isda kasama ng kaniyang mga alagad, na nagpapatotoo na ang kaniyang pagpapakita ay hindi lamang isang pangitain, gaya ng sinasabi ng ilan sa ngayon.—Lucas 24:36-43.