Kailan Kaya Magwawakas ang Takot?
MAGTATAKA ka kayang malaman na ang tunay na katiwasayan ay may kaugnayan sa isang tao na nabuhay 2,000 libong taon na ang nakararaan? Upang ipakitang kailangan ang pag-ibig, inilahad ni Jesus ang isang kapansin-pansing talinghaga: “Isang tao ang bumaba mula sa Jerusalem patungong Jerico at nahulog sa gitna ng mga magnanakaw, na kapuwa hinubaran siya at pinaghahampas, at umalis, na iniiwan siyang halos patay na.” Bagaman dalawang naglalakbay ang hindi pumansin sa biktima, isang mabait na Samaritano ang naawa. Subalit sino ang nagmamalasakit sa mga biktima ng krimen sa ngayon? Anong paglaya buhat sa takot ang maaasahan natin?—Lucas 10:30-37.
Samantalang nag-aangking naniniwala sa Diyos, marami ang nag-aakala na ang batas at kaayusan ay kailangang ipatupad ng tao. Subalit ang mabibigat na sentensiya kaya o ang mas maraming pulis na may malaking suweldo ang siyang tatapos sa marahas na krimen? Talaga bang naniniwala ka na ang mga ahensiyang tagapagpatupad ng batas, sa kabila ng taimtim na pagsisikap na maglaan ng isang antas ng kasiguruhan, ang siyang susugpo sa mga bagay tulad ng pag-aabuso sa droga, organisadong krimen, at karalitaan? Subalit, ang ating pagkagutom at pagkauhaw sa katuwiran ay hindi kailangang mawalan ng kabuluhan.—Mateo 5:6.
Ganito ang sabi ng Awit 46:1: “Ang Diyos ay ating kanlungan at kalakasan, handang saklolo sa kabagabagan.” Makikita natin na ang mga salitang ito ay hindi lamang isang magandang tula.
Gaya ng alam mo, araw-araw na ibinabalita ng media ang tungkol sa walang-awang pamamaslang sa mga gera sibil at mga pagsalakay ng mga terorista. Sa ilang bahagi ng daigdig, nagiging karaniwan na ang pagpatay sa palabuy-laboy na mga kabataan at mga testigo. Bakit gayon na lamang ang pagwawalang-bahala sa buhay? Bagaman may iba’t ibang dahilan ang gayong karahasan, may isang dahilan na hindi natin dapat kaligtaan.
Ayon sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Sa katunayan, ipinakilala ni Jesu-Kristo si Satanas na Diyablo hindi lamang bilang isang sinungaling kundi bilang isang “mamamatay-tao.” (Juan 8:44) Palibhasa’y naiimpluwensiyahan ang sangkatauhan sa iba’t ibang paraan, ang makapangyarihang espiritung nilikha na ito ang nagtataguyod sa paglago ng karahasan sa ngayon. “Kaabahan para sa lupa at para sa dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon,” sabi ng Apocalipsis 12:12. Subalit mabuti na lamang at ang balakyot na sistemang ito ay hahalinhan ng “mga bagong langit at isang bagong lupa . . . , at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:13.
Bukod sa kamangha-manghang pag-asang ito ng isang bagong sanlibutan, anong tulong ang taglay na natin ngayon?
Bago suriin ang positibong sagot dito, makabubuting tandaan na maging ang tunay na mga Kristiyano ay walang garantiya na sila ay maipagsasanggalang buhat sa krimen. Inilarawan ni apostol Pablo ang ilang panganib na personal na napaharap sa kaniya. Siya’y napaharap “sa mga panganib sa mga ilog, sa mga panganib sa mga tulisan, sa mga panganib sa [kaniyang] sariling lahi, sa mga panganib sa mga bansa, sa mga panganib sa lunsod, sa mga panganib sa ilang, sa mga panganib sa dagat.” (2 Corinto 11:26) Gayunma’y nakaligtas si Pablo sa mga panganib na ito. Gayundin sa ngayon; sa pamamagitan ng pag-iingat, maisasakatuparan pa rin natin ang ating atas sa normal na paraan hangga’t maaari. Tingnan natin ang ilang bagay na makatutulong.
Kung ang isa ay naninirahan sa isang mapanganib na kapaligiran, isang proteksiyon ang mainam na paggawi, yamang ang mga tao ay matamang nagmamasid sa iba. Bagaman ang mga magnanakaw ay nagpaplano at nagsasagawa ng mga krimen, itinuturing ng marami ang kanilang sarili bilang pangkaraniwang tao. Iwasang punahin ang ginagawa nila, at huwag sikaping malaman kung ano ang pinagkakaabalahan nila. Sa gayon, mababawasan mo ang posibilidad na ikaw ay maging tudlaan ng pagganti. Tandaan na sinisikap alamin ng mga magnanakaw kung sino ang bumili ng isang bagay na bago o sino ang magbabakasyon at sa gayo’y mawawala sa kanilang tahanan, kaya maging maingat sa kung ano ang sinasabi mo sa iba.
Nasumpungan ng maraming Saksi ni Jehova na ang pagkakilala sa kanila bilang mga ministro ay nagbigay sa kanila ng naiibang antas ng proteksiyon. Madalas na ipakita ng mga kriminal na iginagalang nila ang gayong mga Kristiyano, na walang-pagtatanging naglalaan ng kanilang panahon sa pagtulong sa mga tao sa pamayanan. Ang mga Saksi sa ganang kanilang sarili ay hindi mga mamamatay-tao o magnanakaw, ni sila man ay ‘mga mapakialam sa mga bagay-bagay ng ibang tao,’ sa gayo’y hindi isang banta.—1 Pedro 4:15.
Katiwasayan sa Bagong Sanlibutan ng Diyos
Ikinalulungkot natin ang “paglago ng katampalasanan” na inihula ni Jesu-Kristo, ngunit sa halip na labis na mabalisa, makapagtitiwala tayo na malapit nang palisin ng Diyos ang balakyot na sistemang ito. Bukod pa sa paghula tungkol sa pambuong-daigdig na pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian,” ipinaalaala ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”—Mateo 24:12-14.
Matitiyak natin na lilipulin yaong mga nagsasamantala sa iba, kung minsan taglay ang di-maubos-maisip na kalupitan. Ganito ang sabi ng Kawikaan 22:22, 23: “Huwag mong pagnakawan ang isa na mababa dahil sa siya ay mababa, at huwag mong siilin ang isa na dinadalamhati sa pintuang-daan. Sapagkat ipagtatanggol ni Jehova mismo ang kanilang usap, at tiyak na nanakawin niya ang kaluluwa niyaong nagnanakaw sa kanila.” Lilipulin ni Jehova ang mga manggagawa ng masama, tulad ng mga magnanakaw, mamamatay-tao, at mga mahahalay. Isa pa, hindi niya pababayaan ang mga biktima ng gayong mga krimen. Papawiin niya ang kanilang kalungkutan at ganap na isasauli ang kanilang kalusugan.
Sa katunayan, yaong “tumatalikod sa masama at gumagawa ng mabuti” ay magtatamo ng buhay na walang-hanggan alinman sa pamamagitan ng pagkaligtas sa dumarating na malaking kapighatian o sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli mula sa mga patay. “Ang mga matuwid mismo ang magmamay-ari sa lupa, at sila’y tatahan doon magpakailanman.” (Awit 37:27-29) Ang gayong mga pakinabang ay makakamtan dahil sa haing pantubos ni Jesus. (Juan 3:16) Subalit ano kaya ang magiging kalagayan ng buhay sa naisauling Paraiso?
Ang buhay sa ilalim ng Kaharian ng Diyos ay magiging totoong kalugud-lugod. Inihula ni Jehova: “Ang bayan ko ay dapat manahanan sa isang mapayapang pinamamalagiang dako at sa mga tahanan ng lubusang kompiyansa at sa mga walang-pagkagambalang pahingahang-dako.” (Isaias 32:18) Lahat ng nagtatamo ng buhay na walang-hanggan ay nakapagbago na ng kanilang personalidad. Wala nang masama o di-makatarungan, ni sinuman ay magiging biktima ng gayong tao. Ganito ang sabi ni propeta Mikas: “Sila’y aktuwal na uupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang punong igos, at walang tatakot sa kanila.” (Mikas 4:4; Ezekiel 34:28) Ibang-iba nga sa mapanganib na mga kapaligiran sa ngayon!
[Larawan sa pahina 6]
MAG-INGAT
Maraming kriminal ang gumagawa nang buong-panahon, anupat ang krimen ay nagiging isang propesyon. Maaari silang gumawa sa mga grupong dalawahan o tatluhan, kahit na isa lamang ang magtutok ng baril sa iyo. Napapansin na mientras mas bata ang kriminal, mas mapanganib siya. Ano ang magagawa mo kung ikaw ay maging isang biktima?
Manatiling mahinahon upang hindi nerbiyusin ang magnanakaw—ang kaniyang kawalang-karanasan ay maaaring makamatay. Kung ikaw ay isang Saksi ni Jehova, ipakilala mo ang iyong sarili na ikaw ay gayon nga. Gayunman, maging handa na ibigay ang hinihingi ng magnanakaw. Kung nag-aantala ka, lumalaki ang panganib. Pagkaraan, baka madama mo na ligtas naman na hilinging ibalik sa iyo ang iyong mga papeles na pagkakakilanlan o pamasahe.
Kadalasang hindi mo makikilala kung sino ang kriminal. Ang ilang magnanakaw ay mga sugapa sa droga o mga propesyonal, ang iba naman ay gusto lamang makakain. Sa anumang pagkakataon, huwag magdala ng malaking halaga ng salapi. Iwasang idispley ang mga alahas, gintong singsing, o mamahaling relo. Maglakad at magbiyahe nang normal, na di-nagpapakita ng takot. Huwag mong titigan ang mga tao na para bang gusto mo silang kilalanin. Kung may barilan sa kalye, dumapa ka; maaari namang linisin ang damit pagkatapos.—Isang dating pulis sa Rio de Janeiro.
[Larawan sa pahina 5]
Manatiling mahinahon at ibigay ang hinihingi ng magnanakaw. Kung nag-aantala ka, lumalaki ang panganib