May mga Anghel Kaya sa Gitna Natin?
Mabilis ang pangyayari. Habang malalim ang iniisip at hindi alintana ang kaniyang kapaligiran, naglalakad si Marilynn sa riles ng tren. Biglang-bigla, narinig niya ang malakas na dagundong. Tumingala siya, upang matuklasan lamang na nakatayo siya sa daraanan mismo ng isang dumarating na tren! Natigilan si Marilynn, na di-makakilos dahil sa takot. Kaylapit-lapit ng tren anupat nakikita niya ang mga asul na mata at nahihintakutang mukha ng konduktor. Hindi kailanman malilimutan ni Marilynn ang sumunod na nangyari. “Para bang may higanteng nagtulak sa akin sa likod,” sabi niya. “Tumilapon ako at bumagsak sa labí ng mga uling sa tabi ng riles.” Bahagyang nagalusan, tumayo si Marilynn para pasalamatan ang nagligtas sa kaniya—pero walang ibang tao roon! Ang kaniyang konklusyon? “Iniligtas ako ng aking anghel de la guardia,” ang sabi ni Marilynn. “Sino pa nga ba iyon?”
ISANG walang-sampalatayang daigdig ang waring biglang nahumaling sa mga anghel. Sa nakalipas na mga taon, ang mga kinapal sa langit ay naging paksa ng mga palabas sa telebisyon, pelikula, at maging ng isang dula sa Broadway. Nangunguna sa listahan ng mga pinakamabiling relihiyosong aklat ang tungkol sa mga anghel. May mga kapisanan, seminar, at maliliit na diyaryo tungkol sa mga anghel. May mga grupo sa pag-aaral na binuo upang tulungan ka—gaya ng pagkasabi ng isang artikulo—na pakawalan ang “ ‘anghel na nasa loob’ mo.”
Sinasamantala ng mga oportunistang mangangalakal ang kilusang maka-anghel sa pamamagitan ng pagbebenta ng napakaraming produkto. “Anumang may tatak na anghel ay mabiling-mabili,” sabi ng isa sa mga may-ari ng isang tindahan sa Estados Unidos. Bukod pa sa pagbaha ng mga aklat, isinama niya sa listahan ang “mga estatuwang anghel, alpiler, manyika, T-shirt, poster at mga kard ng pagbati na may anghel”—pawang isang tambak na tinawag ng isang peryodista bilang “makalangit na mga tubò.”
Sabalit iginigiit ng isang maka-anghel na ito ay hindi lamang isang kausuhan. Para suhayan ang kanilang pag-aangkin, sila’y nagharap ng sunud-sunod na patotoo—“totoong-buhay” na karanasan may kinalaman sa mga anghel. Sinasabi ng ilan na nakita nila ang isang anghel na nasa anyong tao. Ang iba naman ay nakakita ng isang liwanag, nakarinig ng tinig, nadama ang pagkanaroroon, o ang isang puwersa, na inaakala nilang sa isang anghel. Marami, kagaya ni Marilynn, ang nagsasabi na iniligtas ng isang anghel ang kanilang buhay.
Ano ang nangyayari? “Sa palagay ko’y muli na namang sumisigla ang espirituwalidad,” sabi ni Joan Wester Anderson, na sumulat ng dalawang aklat tungkol sa “makahimalang” mga karanasan. Higit pa rito ang sinabi ni Alma Daniel, na tumulong sa pagsulat ng isa pang aklat. Sinabi niya na ang mga anghel ay “binigyan ngayon ng tagubilin na magpakita upang mas maraming tao ang maabot. Ang dahilan kung kaya madalas natin silang makita ay sapagkat gayon ang ibig nila. Ginagawa nila iyon.”
Ganito nga bang talaga? O mayroon pang ibang nasa likod ng kasalukuyang pagkabighani sa mga anghel? Upang matuklasan ito, kailangang suriin natin ang Salita ng Diyos. Taglay ng Bibliya ang katotohanan tungkol sa mga anghel, gaya ng makikita natin.
[Picture Credit Line sa pahina 2]
Pages 3 and 4: The New Testament: A Pictorial Archive from Nineteenth-Century Sources, by Don Rice/Dover Publications, Inc.