Ang Katotohanan Tungkol sa mga Anghel
Karaniwan nang kasali sa pagkakilala sa isang tao ang pagkaalam ng tungkol sa kaniyang pamilya. Gayundin kung tungkol sa pagkakilala sa Diyos na Jehova. Higit pa ang nasasangkot kaysa sa basta pagkaalam ng kaniyang pangalan. Kailangang malaman din natin ang tungkol sa kaniyang “pamilya” sa langit. (Ihambing ang Efeso 3:14, 15.) Ang mga anghel ay tinatawag sa Bibliya na “mga anak” ng Diyos. (Job 1:6) Kung isasaalang-alang ang kanilang mahalagang papel sa Bibliya, nanaisin nating makaalam ng higit pa tungkol sa kanila upang maunawaan ang kanilang dako sa layunin ng Diyos.
ISANG bagong sangay ng kultura ang umuunlad. Hindi lamang mas maraming tao ang nagsasabi na sila ay naniniwala sa mga anghel; parami nang parami ang nag-aangking sila’y naapektuhan nila sa ilang paraan. Nang itanong sa 500 Amerikano, “Mayroon na bang anghel na nagparamdam sa iyo?” halos sangkatlo ang sumagot ng oo. Nakapagtataka rin ang bilang ng mga kabataan na nag-aangking naniniwala sa mga anghel—ayon sa isang surbey sa Estados Unidos, isang kumpletong 76 na porsiyento! Maliwanag, interesado ang mga tao sa mga anghel. Subalit papaano nakaaabot ang kasalukuyang kaisipan tungkol sa mga anghel sa katotohanan ng Bibliya?
Ikinukubli ang Papel ni Satanas
Kapag pinag-uusapan ang mga anghel, hindi natin dapat kaligtaan ang balakyot na mga anghel, ang makalangit na mga nilalang na ayon sa Bibliya ay nagrebelde sa Diyos. Pangunahin sa mga ito ay si Satanas. Isang popular na aklat na tinatawag na Ask Your Angels ang nagmumungkahi na si Satanas ay isa lamang “bahagi ng Diyos” na tumutulong sa mga tao na palakasin ang kanilang “espirituwal na mga kalamnan” sa pamamagitan ng patuloy na pagtukso. Sinabi ng awtor na sa kabila ng “maibiging mga hangarin” ni Satanas, sa loob ng mga siglo siya ay may kamaliang kinilala bilang masama. Sinabi pa nila na si Satanas at si Jesus, “samantalang hindi naman eksaktong kapupunan ng bawat isa, ay sa papaano man nasa iisang panig, mahahalagang bahagi ng isang persona.” Ang mga ito ay nakagigitlang mga pahayag, ngunit ano ba ang sinasabi ng Bibliya?
Nililiwanag ng Bibliya na si Satanas ay hindi “isang bahagi ng Diyos” kundi isang kaaway ng Diyos. (Lucas 10:18, 19; Roma 16:20) Tinututulan niya ang soberanya ni Jehova, at talagang hindi “maibigin” ang kaniyang mga hangarin sa tao. Buong-lupit na ibinubuhos niya ang kaniyang poot sa mga lingkod ng Diyos sa lupa. Pinararatangan niya sila sa harap ng Diyos araw at gabi!a (Apocalipsis 12:10, 12, 15-17) Desidido si Satanas na pasamain sila anuman ang mangyari. Ang kaniyang walang-awang pag-uusig sa matuwid na taong si Job ay naglantad sa kaniyang walang-habag na saloobin sa pagdurusa ng tao.—Job 1:13-19; 2:7, 8.
Malayung-malayo sa pagiging “nasa iisang panig,” si Satanas at si Jesus ay lubhang salungat sa isa’t isa. Aba, walang-alinlangan na si Satanas ang nag-udyok kay Herodes na ipag-utos ang malawakang pagpaslang sa mga sanggol—pawang sa pagsisikap na patayin ang batang si Jesus! (Mateo 2:16-18) At nagpatuloy ang malupit na pag-atake ni Satanas hanggang sa kamatayan ni Jesus. (Lucas 4:1-13; Juan 13:27) Sa gayon, sa halip na maging “mahahalagang bahagi ng isang persona,” si Jesus at si Satanas ay lubusang magkasalungat. Ipinakikita ng hula ng Bibliya na ang kanilang alitan ay hindi maiiwasan. (Genesis 3:15) Angkop naman, ang binuhay-muling si Jesus ang pupuksa kay Satanas sa takdang panahon ng Diyos.—Apocalipsis 1:18; 20:1, 10.
Mga Panalangin Kanino?
Inererekomenda ng ilang tagapagtaguyod ng kilusang maka-anghel ang pagbubulay-bulay at iba pang pamamaraan upang makipagtalastasan sa mga anghel. “Ang isang taimtim na kahilingan na makausap ang sinumang miyembro ng makalangit na pamilya ay hindi ipagwawalang-bahala,” sabi ng isang aklat. “Magtanong at ikaw ay sasagutin.” Sina Miguel, Gabriel, Uriel, at Rafael ay kabilang sa mga anghel na inirerekomenda ng aklat para konsultahin.b
Gayunman, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin sa Diyos, hindi sa mga anghel. (Mateo 6:9, 10) Gayundin, sumulat si Pablo: “Sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pagpapasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.” (Filipos 4:6) Samakatuwid, sa kanilang mga panalangin, ang mga Kristiyano ay hindi lumalapit sa kaninuman maliban kay Jehova, at ginagawa nila iyon sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.c—Juan 14:6, 13, 14.
Wala Bang Denominasyon ang mga Anghel?
Ayon kay Eileen Elias Freeman, na nangangasiwa sa AngelWatch Network, “ang mga anghel ay hindi sakop ng anumang relihiyon, anumang pilosopiya, anumang kredo. Sa katunayan, ang mga anghel ay walang relihiyon gaya ng pagkakilala natin dito.”
Gayunman, nililiwanag ng Bibliya na may relihiyon ang tapat na mga anghel; sinasamba nila ang tunay na Diyos, si Jehova, na hindi nagpapahintulot ng pakikipagpaligsahan buhat sa ibang mga diyos. (Deuteronomio 5:6, 7; Apocalipsis 7:11) Kaya naman, inilarawan ng gayong anghel ang kaniyang sarili kay apostol Juan bilang ‘kapuwa alipin’ niyaong tumatalima sa mga utos ng Diyos. (Apocalipsis 19:10) Wala tayong mababasa sa Bibliya na ang tapat na mga anghel ay nagtataguyod ng anumang ibang anyo ng pagsamba. Sila’y nag-uukol kay Jehova ng bukod-tanging debosyon.—Exodo 20:4, 5.
“Ang Ama ng Kasinungalingan”
Maraming diumano’y karanasan may kaugnayan sa mga anghel ang nagsasangkot ng pakikipagtalastasan sa mga patay. “Nadama kong nasumpungan ng aking tiyo ang isang paraan upang makausap ako at maipaalam sa akin na sa wakas ay maligaya na siya,” sabi ng isang babaing nagngangalang Elise pagkatapos makatanggap ng inaakala niyang isang pangitain. Gayundin ang naalaala ni Terri sa isang minamahal na kaibigan na namatay. “Isang linggo pagkatapos ng libing,” sabi niya, “nagpakita siya sa akin sa isang wari ko ay panaginip. Sinabi niya sa akin na hindi ko dapat ipagdalamhati ang kaniyang pag-alis, sapagkat siya’y maligaya at nanahimik na.”
Ngunit sinasabi ng Bibliya na ang mga patay “ay walang kamalayan sa anuman.” (Eclesiastes 9:5) Sinasabi rin nito na kapag namatay ang isang tao, “sa araw ding iyon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.” (Awit 146:4) Gayunman, si Satanas “ang ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Siya ang pinagmulan ng kasinungalingan na ang kaluluwa ay hindi namamatay. (Ihambing ang Ezekiel 18:4.) Maraming tao sa ngayon ang naniniwala rito, na siya namang nilayon ni Satanas, sapagkat pinawawalang-bisa nito ang pangangailangan ng pananampalataya sa pagkabuhay-muli—isang mahalagang doktrina ng Kristiyanismo. (Juan 5:28, 29) Kung gayon, ang pakikipag-usap sa mga patay o waring pagtanggap ng mga mensahe mula sa kanila ay isa pang pitak ng kilusang maka-anghel na hindi sinasang-ayunan ng Diyos.
Paglapit ba sa mga Anghel o sa mga Demonyo?
Ang malaking bahagi ng kasalukuyang kilusang maka-anghel ay may kinalaman sa okulto. Tingnan ang karanasan ni Marcia. “Mula Setyembre hanggang Disyembre 1986,” sabi niya, “ako’y nagsimulang makatanggap ng mga mensahe buhat sa ‘mahiwagang dako.’ Nakakita ako ng mga pangitain at nagkaroon ng pambihirang mga panaginip tungkol sa ‘nakaraang buhay.’ Nakausap ko ang mga kaibigan na namatay at nagkaroon ng maraming iba pang karanasan sa isipan na doo’y may alam ako tungkol sa mga tao na kailan ko lamang nakilala. Pinagpala rin ako ng kaloob na awtomatikong pagsulat at nakapaghatid ng mga mensahe buhat sa mga espiritu. Ang ilan, na hindi ko nakilala sa kanilang buhay sa lupa, ay naghahatid ng mga mensahe sa iba sa pamamagitan ko.”
Pangkaraniwan na ang paggamit ng panghuhula bilang isang paraan upang “makipagtalastasan” sa mga anghel. Isang akda ang tahasang nagpasigla sa mga mambabasa nito na gumamit ng mahiwagang mga bato, tarot card, mga baryang I Ching, pagbasa ng palad, at astrolohiya. “Pahintulutan ang iyong kaloob-loobang sarili na akayin ka sa tamang orakulo,” ang isinulat ng mga awtor, “at magtiwalang makatatagpo ka roon ng isang anghel.”
Gayunman, ayon sa Bibliya, anumang ‘makatagpo mo roon’ ay tiyak na hindi isa sa mga anghel ng Diyos. Bakit? Sapagkat ang panghuhula ay tuwirang pagsalungat sa Diyos, at ang tunay na mga mananamba—sa langit at sa lupa—ay hindi dapat masangkot dito. Aba, sa Israel ang panghuhula ay isang kasalanang ang hatol ay kamatayan! “Ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay isang bagay na kasuklam-suklam kay Jehova,” ang sabi ng Batas.—Deuteronomio 13:1-5; 18:10-12.
“Isang Anghel ng Liwanag”
Hindi natin dapat ipagtaka na kayang palitawin ng Diyablo na ang panghuhula ay waring kapaki-pakinabang, angheliko pa nga. Sinasabi ng Bibliya na si Satanas ay “laging nag-aanyong isang anghel ng liwanag.” (2 Corinto 11:14) Maaari pa nga siyang kumatha ng mga pangitain at papangyarihin ang mga ito, anupat nililinlang ang mga nagmamasid upang isipin na ang pangitaing iyon ay galing sa Diyos. (Ihambing ang Mateo 7:21-23; 2 Tesalonica 2:9-12.) Subalit lahat ng mga gawa ni Satanas—gaano man kabuti o gaano man kasamâ sa paningin ang mga iyon—ay ukol sa isa sa dalawang layunin: upang italikod ang mga tao kay Jehova o bulagin lamang ang kanilang mga isip upang ‘ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo ay huwag makatagos.’ (2 Corinto 4:3, 4) Ang huling paraang ito ng panlilinlang ay madalas na siyang pinakamabisa.
Isaalang-alang ang salaysay ng Bibliya tungkol sa isang alilang babae noong unang siglo. Ang kaniyang mga hula ay nagdulot ng maraming pakinabang sa kaniyang mga panginoon. Maraming araw na sinusundan niya ang mga alagad, anupat sinasabi: “Ang mga taong ito ay mga alipin ng Kataas-taasang Diyos, na nagpapahayag sa inyo ng daan ng kaligtasan.” Totoo naman ang sinabi niya. Subalit, sinasabi ng ulat na siya ay inaalihan, hindi ng mga anghel, kundi ng “isang demonyo ng panghuhula.” Nang dakong huli, si Pablo ay “bumaling at nagsabi sa espiritu: ‘Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesu-Kristo na lumabas sa kaniya.’ At lumabas ito nang mismong oras na iyon.”—Gawa 16:16-18.
Bakit pinalayas ni Pablo ang espiritung ito? Kung tutuusin, naglaan ito ng malaking kita sa mga panginoon ng babaing inaalihan ng demonyo. Palibhasa’y may makahimalang kapangyarihan, maaaring nasasabi ng alilang babae sa mga magsasaka kung kailan magtatanim, sa mga dalaga kung kailan mag-aasawa, at sa mga minero kung saan maghahanap ng ginto. Aba, pinapagsalita pa man din ng espiritung ito ang babae ng ilang katotohanan, anupat hayagang pinupuri ang mga alagad!
Gayunpaman, iyon ay “isang demonyo ng panghuhula.” Dahil dito, wala itong karapatan na magpahayag tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga paglalaan ukol sa kaligtasan. Inilayo ng may papuring talumpati nito, na marahil binigkas upang maging kapani-paniwala ang mga hula ng alilang babae, ang pansin ng mga nagmamasid buhat sa mga tunay na tagasunod ni Kristo. Taglay ang mabuting dahilan, nagbabala si Pablo sa mga taga-Corinto: “Hindi kayo maaaring makibahagi sa ‘mesa ni Jehova’ at sa mesa ng mga demonyo.” (1 Corinto 10:21) Hindi nakapagtataka, sinira ng unang-siglong mga Kristiyano ang lahat ng kanilang aklat na may kinalaman sa panghuhula.—Gawa 19:19.
Isang “Anghel na Lumilipad sa Kalagitnaan ng Langit”
Gaya ng nakita na natin, ibinubunyag ng Bibliya ang kalakhang bahagi ng kasalukuyang kilusang maka-anghel bilang may malapit na kaugnayan sa Kaaway ng Diyos, si Satanas na Diyablo. Nangangahulugan ba ito na ang banal na mga anghel ay hindi nasasangkot sa mga gawain ng tao? Sa kabaligtaran, sila ngayon ay gumaganap ng isang makapangyarihang gawa sa lupa. Ano iyon? Upang masagot, kailangang tingnan natin ang aklat na Apocalipsis sa Bibliya. Ang mga anghel ay binabanggit nang mas maraming beses sa aklat na ito kaysa sa iba pang aklat sa Bibliya.
Sa Apocalipsis 14:6, 7, mababasa natin ang ulat ni apostol Juan tungkol sa makahimalang pangitain na nakita niya: “Nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, at siya ay may walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa, at sa bawat bansa at tribo at wika at bayan, na nagsasabi sa malakas na tinig: ‘Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian, sapagkat ang oras ng paghatol niya ay dumating na, kaya sambahin ninyo ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at dagat at mga bukal ng mga tubig.’ ”
Itinatampok ng kasulatang ito ang pangunahing gawain ng mga anghel sa ngayon. Sila ay nasasangkot sa isang napakahalagang atas—yaong paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. May kinalaman sa gawaing ito kung kaya ipinangako ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Ako ay kasama ninyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:18-20) Papaanong si Jesus ay kasama ng kaniyang mga tagasunod? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng paglalaan sa kanila ng anghelikong tulong upang maganap ang napakalaking gawaing ito.
Mahigit sa isang bilyong oras ang ginugugol ng mga Saksi ni Jehova taun-taon sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Habang ginaganap ang gawaing ito, nakikita nila ang katunayan ng pag-akay ng mga anghel. Sa kanilang ministeryo sa bahay-bahay, madalas mangyari na nakakausap nila ang mga tao na katatapos lamang manalangin na sana’y may tumulong sa kanila na maunawaan ang mga layunin ng Diyos. Ang pag-akay ng mga anghel, lakip na ang sariling pagkukusa ng mga Saksi, ay nagbunga ng daan-daang libo na nagtatamo ng kaalaman tungkol sa Diyos sa bawat taon!
Nakikinig ka ba sa anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit? Kapag dumalaw ang mga Saksi ni Jehova, bakit hindi mo ipakipag-usap sa kanila nang lubusan ang anghelikong mensaheng ito?
[Mga talababa]
a Ang mga salitang “Satanas” at “Diyablo” ay nangangahulugang “mánlalabán” at “maninirang-puri.”
b Bagaman sina Miguel at Gabriel ay binabanggit sa Bibliya, ang mga pangalan nina Rafael at Uriel ay lumilitaw sa mga aklat na Apokripa, na hindi bahagi ng kanon ng Bibliya.
c Pansinin na ang panalangin ay ipinaaabot sa pamamagitan ni Jesus, hindi sa kaniya. Ang panalangin ay inihahandog sa pangalan ni Jesus sapagkat ang kaniyang itinigis na dugo ang nagbukas ng daan sa paglapit sa Diyos.—Efeso 2:13-19; 3:12.
[Kahon sa pahina 8]
SINO ANG MGA ANGHEL?
TALIWAS sa paniwala ng marami, ang mga anghel ay hindi yaong yumaong mga kaluluwa ng mga taong nangamatay na. Ang Bibliya ay malinaw na nagsasabi na ang mga patay ay “walang kamalayan sa anuman.” (Eclesiastes 9:5) Saan, kung gayon, nanggaling ang mga anghel? Ipinakikita ng Bibliya na sila ay isa-isang nilikha ng Diyos bago itatag ang lupa. (Job 38:4-7) Ang laki ng makalangit na pamilya ng Diyos ay maaaring binubuo ng daan-daang milyon, baka bilyun-bilyon o higit pa nga! Ang ilang anghel ay sumali sa paghihimagsik ni Satanas.—Daniel 7:10; Apocalipsis 5:11; 12:7-9.
Yamang si Jehova ay Diyos ng kaayusan, hindi kataka-taka na ang kaniyang malaking pamilya ng mga anghel ay organisado.—1 Corinto 14:33.
• Ang pangunahing anghel, kapuwa sa kapangyarihan at sa awtoridad, ay ang arkanghel, si Jesu-Kristo, na tinatawag ding Miguel. (1 Tesalonica 4:16; Judas 9) Nasa ilalim ng kaniyang awtoridad ang mga serapin, kerubin, at mga anghel.
• Ang mga serapin ay mga tagapaglingkod sa trono ng Diyos. Ang atas sa kanila ay maliwanag na may kinalaman sa pagpapahayag sa kabanalan ng Diyos at pagpapanatiling malinis ng kaniyang bayan.—Isaias 6:1-3, 6, 7.
• Ang mga kerubin ay makikita rin sa presensiya ni Jehova. Bilang mga tagapagdala o mga bantay sa trono ng Diyos, kanilang itinataguyod ang kamahalan ni Jehova.—Awit 80:1; 99:1; Ezekiel 10:1, 2.
• Ang mga anghel (ibig sabihin ay mga “mensahero”) ay mga kinatawan at inatasan ni Jehova. Kanilang ginaganap ang banal na kalooban, may kinalaman man iyon sa pagliligtas sa bayan ng Diyos o sa pagpuksa sa mga balakyot.—Genesis 19:1-26.
[Mga larawan sa pahina 7]
Nakikinig ka ba sa anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit?