Kailangan Tayong Managinip
MAYROON ka bang mga panaginip? Ligtas namang sabihing mayroon nga, yamang tayong lahat ay nananaginip habang natutulog, kahit na sabihin nating hindi tayo nananaginip. Tinataya na mahigit sa 95 porsiyento ng lahat ng panaginip ay hindi naaalaala. Alin ang mga naaalaala mo? Ang totoo, yaong karaniwang natatandaan natin ay yaong katatapos lamang na mapanaginipan natin bago tayo magising.
Nasumpungan ng mga nagsusuri sa panaginip na ang pagtulog ay isang pasulong na proseso na pinakamahimbing sa mga unang ilang oras at pagkatapos ay nagiging mababaw sa kalaunan. Nagkakaroon ng mga panaginip lalo na sa panahon ng mabilis na pagkilos ng mata, na tinatawag na REM (rapid eye movement) na pagtulog. Nakikipagsalitan ito sa hindi-REM na pagtulog. Bawat siklo ng hindi-REM/REM na pagtulog ay tumatagal nang mga 90 minuto, at ang mga siklong ito ay nauulit nang lima o anim na beses sa gabi, na ang pinakahuli ay nagaganap bago tayo magising.
Isang pagkakamaling isipin na mababa ang antas ng gawain ng iyong utak sa panahon ng pagtulog. Natuklasan na ang utak ay mas aktibo sa mga panaginip kaysa sa ilang kalagayan ng pagiging gising, maliban na sa ilang neuron sa bahagi ng utak na may kaugnayan sa atensiyon at memorya. Waring nagpapahinga ang mga ito sa panahon ng REM na pagtulog. Ngunit sa pangkalahatan ang mga selula ng nerbiyo sa utak ay patuloy na nakikipagtalastasan sa isa’t isa.
Ang ating utak ay isang kagila-gilalas at masalimuot na bahagi ng katawan na may bilyun-bilyong sangkap na naglalabas ng mga senyas humigit-kumulang sa isang daan hanggang dalawa o tatlong daan bawat segundo. Mas marami ang sangkap sa utak ng isang tao kaysa sa dami ng mga tao na nasa lupa. Tinataya ng ilang mananaliksik na ito’y nagtataglay ng mula 20 bilyon hanggang sa mahigit pa sa 50 bilyong sangkap. Pinatutunayan ng pagkamasalimuot nito ang sinabi ng manunulat ng Bibliya na si David tungkol sa katawan ng tao: “Ako’y magbibigay-papuri sa iyo sapagkat ako’y ginawa sa kamangha-manghang paraan. Kamangha-mangha ang iyong mga gawa.”—Awit 139:14.
Ang Daigdig ng mga Panaginip
Sa mga oras na tayo’y gising, ang ating limang pandamdam ay walang-patid na naghahatid ng impormasyon at mga larawan sa utak, pero hindi ganito ang nangyayari kapag tayo’y natutulog. Naglalabas ng mga larawan ang utak sa ganang sarili nito nang walang anumang impormasyon na nanggagaling sa labas. Samakatuwid, ang nakikita natin sa mga panaginip at ang mga pagkilos na nararanasan natin sa mga ito ay tulad ng mga guniguni kung minsan. Pinapangyayari nitong magawa natin ang mga bagay na labag sa mga batas ng kalikasan, katulad ng paglipad gaya ni Peter Pan o pagkahulog mula sa isang dalisdis nang walang pinsala. Maaaring baligtarin ang panahon anupat ang nakaraan ay nakikitang waring iyon ang kasalukuyan. O kung nagtatangka tayong tumakas, waring hindi natin makontrol ang ating galaw—ayaw sumunod ang ating mga paa. Mangyari pa, maaaring makaapekto sa ating mga panaginip ang matitinding impresyon at karanasan na taglay natin sa mga oras na tayo’y gising. Marami sa mga nakaranas ng nakapangingilabot na mga kalupitan ng digmaan ay hindi agad makalimot sa mga ito, ni mabura man sa alaala ng ilan ang pagkadamang inaatake ng isang kriminal. Ang gayong nakaliligalig na mga karanasan habang tayo’y gising ay maaaring lumitaw sa ating mga panaginip, anupat nagiging sanhi ng mga bangungot. Maaari ring sumulpot sa ating mga panaginip yaong mga pangkaraniwang bagay na iniisip natin nang tayo’y matulog.
Kung minsan kapag sinisikap nating lutasin ang isang suliranin, dumarating sa atin ang solusyon kapag tayo’y natutulog. Ipinakikita nito na ang buong panahon ng pagtulog ay hindi pawang binubuo ng panaginip. Ang isang bahagi nito ay ang pag-iisip.
Ganito ang sabi ng isang aklat tungkol sa mga panaginip at sa ating utak: “Ang pinakapangkaraniwang anyo ng gawain ng isip habang natutulog ay hindi ang pananaginip kundi ang pag-iisip. Ang pag-iisip habang natutulog ay hindi sinasabayan ng mga guniguni ng pandamdam at hindi kakatwa. Iyon ay malamang na pangkaraniwan, malimit na may kinalaman sa totoong-buhay na mga pangyayari ng kahapon o ng kinabukasan, at kadalasa’y pangkaraniwan, di-malikhain, at paulit-ulit.”
Nadarama ng ilang tao na ang mga paksa ng kanilang mga panaginip ay may pantanging mensahe para sa kanila. Upang mabigyang-kahulugan ang mga panaginip, nag-iingat sila ng papel na sulatan sa tabi ng kanilang kama upang maisulat ang mga ito kapag nagising sila. Hinggil sa kapakinabangan ng mga aklat na nagsisikap magbigay ng kahulugan sa mga simbolo sa panaginip, ganito ang sabi ng The Dream Game, ni Ann Faraday: “Ang mga aklat tungkol sa panaginip na inyong kinokonsulta upang hanapin ang mga kahulugan ng mga tema at simbolo sa panaginip ay wala ring kabuluhan, maging ang mga iyon man ay tradisyunal o batay sa ilang modernong teoriya sa sikolohiya.”
Yamang waring ang mga panaginip ay pangunahin nang nagmumula sa loob ng utak, hindi makatuwirang isiping ang mga ito ay may pantanging mensahe para sa atin. Dapat nating malasin ang mga ito bilang normal na pag-andar ng utak na tumutulong upang panatilihing malusog ang kalagayan nito.
Subalit kumusta naman yaong mga nagsasabi na napanaginipan nila ang pagkamatay ng isang kamag-anak o kaibigan at nalaman nila kinabukasan na namatay nga ang taong iyon? Hindi ba nito ipinahihiwatig na ang mga panaginip ay makapagsasabi ng kinabukasan? Sa susunod na artikulo, isasaalang-alang natin kung ano ang nasa likod ng makahulang mga panaginip.