Masasabi Kaya ng mga Panaginip ang Kinabukasan?
MULA noong unang panahon, matindi na ang interes ng tao sa mga panaginip. Gumawa ang mga Ehipsiyo ng detalyadong mga aklat para sa pagpapakahulugan sa mga panaginip, at ang mga taga-Babilonya ay may kanilang tagapagbigay-kahulugan sa mga panaginip. Kaugalian ng mga Griego na patulugin sa mga templo ni Asclepius ang mga taong may sakit upang tumanggap ng tagubilin tungkol sa kalusugan mula sa mga panaginip. Noong ikalawang siglo ng ating Karaniwang Panahon, gumawa si Artemidorus ng isang aklat na doo’y nagbigay siya ng pagpapakahulugan sa mga simbolo sa panaginip. Ang maraming nakakatulad na mga aklat na ginawa mula noon ay ibinatay sa kaniyang aklat. Hanggang ngayon, sinisikap pa ring bigyang-kahulugan ang mga panaginip, ngunit talaga nga bang ang mga ito ay nagbibigay ng malalim na unawa hinggil sa mga pangyayari sa hinaharap?
Upang ang mga ito’y makapagbigay ng kahulugan tungkol sa hinaharap, ang mga ito ay kailangang bunga ng impluwensiya ng isang nakatataas na puwersa. Makasusumpong tayo sa Bibliya ng maraming pagkakataon na doo’y inilaan ng Diyos ang mismong puwersang iyan. Nagbigay siya ng makahulang mga panaginip sa kaniyang mga lingkod gayundin sa ilan na hindi sumasamba sa kaniya. Sa katunayan, ganito ang sabi sa Job 33:14-16: “Ang Diyos ay nagsasalita . . . sa isang panaginip, isang pangitain sa gabi, kapag ang mahimbing na pagkakatulog ay nahuhulog sa mga tao, sa mga pag-idlip sa higaan. Kung magkagayo’y binubuksan niya ang tainga ng mga tao.”
Ginawa ito ng Diyos sa kaso ng Ehipsiyong Faraon noong mga araw ni Jose, na nabuhay mahigit na 1,700 taon bago ang Karaniwang Panahon. Ang panaginip ni Faraon ay masusumpungan sa Genesis 41:1-7, at sa Gen 41 talata 25 hanggang 32, binigyang-kahulugan ito ni Jose bilang hula tungkol sa pitong taon ng “kasaganaan sa buong lupain ng Ehipto,” na susundan ng pitong taon ng taggutom. Ganito ang paliwanag ni Jose kay Faraon: “Ang ginagawa ng tunay na Diyos ay pinapangyayari niyang makita ni Faraon.” (Genesis 41:28) Ang panaginip ay hula tungkol sa aktuwal na nangyari.
May nakakatulad na karanasan ang isang prominenteng hari ng mga taga-Babilonya. Nanaginip si Nabucodonosor na lubhang nakabagabag sa kaniya, ngunit hindi niya matandaan iyon. Kaya ipinatawag niya ang kaniyang mga manggagaway upang ipaalam sa kaniya ang panaginip at ang kahulugan nito. Imposible para sa kanila na matugunan ang kahilingang ito.—Daniel 2:1-11.
Yamang ibinigay ng Diyos ang panaginip sa hari, pinapangyari Niyang isiwalat ni Daniel ang panaginip at ang kahulugan nito. Ganito ang sabi ng Daniel 2:19: “Nang magkagayo’y nahayag kay Daniel ang lihim sa isang pangitain sa gabi.” Iniukol ni Daniel sa Diyos ang kapurihan tungkol sa panaginip na ito: “Ang lihim na itinatanong ng hari mismo, ay hindi maipakita sa hari ng mga taong pantas, ng mga engkantador, ng mga saserdoteng nagsasagawa ng salamangka at ng mga astrologo. Gayunman, may Diyos sa mga langit na siyang Tagapagsiwalat ng mga lihim, at ipinabatid niya kay Haring Nabucodonosor kung ano ang magaganap sa huling bahagi ng mga araw.”—Daniel 2:27, 28.
Kung minsan ay binibigyan ng Diyos ng tagubilin ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng mga panaginip, at kung minsan naman ay tinitiyak niya ang banal na pagsang-ayon o tinutulungan sila na maunawaan kung paano niya sila inaalalayan. Sa kaso ni Jacob, isiniwalat ng Diyos ang kaniyang pagsang-ayon sa pamamagitan ng isang panaginip.—Genesis 48:3, 4.
Nang matuklasan ni Jose, ang ama-amahan ni Jesus, na si Maria ay nagdadalang-tao, ipinasiya niyang diborsiyuhin siya. Nang magkagayo’y nakatanggap siya ng tagubilin sa pamamagitan ng panaginip na huwag niyang gawin iyon. Ganito ang sabi ng Mateo 1:20: “Pagkatapos niyang pag-isipan ang mga bagay na ito, narito! ang anghel ni Jehova ay nagpakita sa kaniya sa panaginip, na nagsasabi: ‘Jose, anak ni David, huwag kang matakot na dalhin sa bahay si Maria na iyong asawa, sapagkat yaong pinangyaring maipaglihi sa kaniya ay sa pamamagitan ng banal na espiritu.’ ” Pagkaraan ay napanaginipan niya ang isang babala: “Ang anghel ni Jehova ay nagpakita kay Jose sa panaginip, na sinasabi: ‘Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina at tumakas ka patungong Ehipto.’ ”—Mateo 2:13.
Mga Panaginip na Hindi Buhat sa Diyos
Ang bagay na ang pagpapakahulugan sa mga panaginip ay pangkaraniwan sa mga taong hindi kabilang sa bayan ng Diyos ay nagpapakita na ang mga panaginip sa pangkalahatan ay hindi maituturing na maaasahang tagapagsiwalat ng kinabukasan. Noong kaarawan ng propeta ng Diyos na si Jeremias, sinabi ng mga bulaang propeta: “Ako’y may panaginip! Ako’y may panaginip!” (Jeremias 23:25) Hangad nilang iligaw ang bayan sa paniniwalang ang Diyos ay nagsasalita sa pamamagitan nila. Hinggil sa mga mapanaginiping ito, si Jeremias ay kinasihang magsabi: “Ito ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel: ‘Huwag ninyong hayaang dayain kayo ng mga propeta na kabilang sa inyo at ng mga nagsasagawa ng panghuhula, at huwag ninyong pakinggan ang kanilang mga panaginip na napapanaginip nila. Sapagkat “sa kabulaanan sila nanghuhula sa inyo sa aking pangalan . . . ,” ang sabi ni Jehova.’ ”—Jeremias 29:8, 9.
Yamang ang mga bulaang propetang ito ay “nagsasagawa ng panghuhula,” ang kanilang mga panaginip ay maaaring naimpluwensiyahan ng mga puwersa ng masasamang espiritu sa layuning dayain ang mga tao. Gayundin ang ipinahihiwatig ng nakasaad sa Zacarias 10:2: “Ang terafim mismo ay nagsalita ng mahiwaga; at ang mga nagsasagawa ng panghuhula, sa ganang sarili nila, ay nakakita ng kabulaanan, at nagsasalita sila ng walang-kabuluhang mga panaginip.”
Ang Diyablo ay pusakal na mandaraya na sa loob ng libu-libong taon ay gumamit ng mga pinunong relihiyoso upang may kabulaanang angkinin na ang Diyos ay nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng mga pangitain at mga panaginip, gaya ng ginawa ng mga bulaang propeta noong mga araw nina Jeremias at Zacarias. Hinggil sa gayong mga tao, ganito ang isinulat ng kinasihang manunulat ng Bibliya na si Judas sa mga Kristiyano noong unang siglo: “Mayroong mga taong nakapuslit sa loob na matagal nang itinalaga ng Kasulatan sa hatol na ito, mga taong di-maka-Diyos, na ginagawang dahilan ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos para sa mahalay na paggawi at nagbubulaan sa ating tanging May-ari at Panginoon, si Jesu-Kristo.” Ang mga taong ito, sabi niya, ay, wika nga, “mahilig managinip.”—Judas 4, 8.
Subukin ang mga Pag-aangkin
Baka angkinin ng isang tao na ang Diyos ay nagsalita sa kaniya sa isang panaginip o na ang kaniyang mga panaginip hinggil sa mga pangyayari sa hinaharap ay napatunayang totoo, gayunma’y hindi sapat na dahilan iyan upang maniwala sa kaniya at parang-bulag na sumunod sa kaniya. Pansinin ang mga tagubiling isinulat sa mga Israelita, na masusumpungan sa Deuteronomio 13:1-3, 5: “Kung may isang propeta o isang mapanaginipin ng panaginip ang bumangon sa gitna mo at magbigay sa iyo ng isang tanda o isang palatandaan, at ang tanda o ang palatandaan na sinabi niya sa iyo ay nagkatotoo, anupat sinabi niya, ‘Sumunod tayo sa ibang mga diyos, na hindi mo nakikilala, at ating paglingkuran sila,’ huwag mong pakikinggan ang mga salita ng propetang iyon o ang mapanaginipin ng panaginip na iyon . . . At ang propetang iyon o ang mapanaginiping iyon ng panaginip ay dapat patayin.” Pinahintulutan ng Diyos na magsalita nang may kabulaanan ang gayong mga tao upang subukin ang pagkamatapat ng kaniyang bayan.
Sa halip na parang-bulag na paniwalaan ang mga pag-aangkin ng mga karismatikong mapanaginipin, isang katalinuhan para sa atin na subukin ang kanilang mga pag-aangkin upang maiwasang mailigaw ng di-nakikitang pusakal na mandaraya, na siyang “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Ngunit paano sila susubukin sa mabisang paraan?
Ang nasusulat na Salita ng Diyos ang siya nating banal na patnubay sa katotohanan. Tungkol dito, sinabi ni Jesu-Kristo: “Ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Kaya tayo’y pinapayuhan sa 1 Juan 4:1: “Mga iniibig, huwag ninyong paniwalaan ang bawat kinasihang pahayag, kundi subukin ang kinasihang mga pahayag upang makita kung ang mga ito ay nagmumula sa Diyos, sapagkat maraming bulaang propeta ang humayo na sa sanlibutan.” Kapag maingat na inihambing sa Bibliya, sasalungat dito ang kanilang mga pag-aangkin, pilosopiya, at mga pagkilos. Ang Salita ng Diyos ang siyang awtoridad tungkol sa kung ano ang katotohanan.
Ang mapanaginipin ba na nag-aangkin ng isang pantanging kaalaman ay aktuwal na gumagamit ng panghuhula o iba pang gawaing may kinalaman sa espiritismo? Kung gayon, siya ay hinahatulan ng Salita ng Diyos. “Hindi dapat na makasumpong sa iyo ng sinumang . . . gumagamit ng panghuhula, isang nagsasagawa ng salamangka o sinumang nagmamasid sa mga pamahiin o isang manggagaway, o isang engkantador o sinumang sumasangguni sa isang espiritung midyum o isang propesyonal na manghuhula ng mga pangyayari o sinumang sumasangguni sa mga patay. Sapagkat ang bawat isa na gumagawa ng mga bagay na ito ay isang bagay na kasuklam-suklam kay Jehova.”—Deuteronomio 18:10-12.
Kung inaangkin niya na mayroon siyang kaluluwa na hindi namamatay, siya ay sumasalungat sa Salita ng Diyos na malinaw na nagsabi: “Ang kaluluwa na nagkakasala—ito mismo ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4) Itinataas ba niya ang kaniyang sarili at umaakit ng mga susunod sa kaniya? Nagbabala ang Mateo 23:12: “Sinumang nagtataas sa kaniyang sarili ay ibababa.” At ang Gawa 20:30 ay nagbabala sa mga Kristiyano: “Mula sa inyo mismo ay babangon ang mga tao at magsasalita ng pilipit na mga bagay upang ilayo ang mga alagad kasunod nila.”
Itinataguyod ba niya ang marahas na pagkilos? Hinahatulan siya ng Santiago 3:17, 18: “Ang karunungan mula sa itaas ay una sa lahat malinis, pagkatapos ay mapayapa, makatuwiran, handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga, hindi gumagawa ng may-kinikilingang pagtatangi, hindi mapagpaimbabaw. Bukod diyan, ang bunga ng katuwiran ay may binhing inihasik sa ilalim ng mapayapang mga kalagayan para doon sa mga nakikipagpayapaan.” Naghahangad ba siya ng pulitikal na awtoridad o impluwensiya sa sanlibutan? Siya’y mariing tinutuligsa ng Salita ng Diyos, na nagsasabi: “Ang sinumang naghahangad na maging kaibigan ng sanlibutan ay ibinibilang ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos.” Gayon ibinubunyag ng Bibliya kung ano ang huwad.—Santiago 4:4.
Kung napanaginipan ng isang tao ang pagkamatay ng isang miyembro ng pamilya o isang kaibigan, marahil ay dahil sa nababahala siya tungkol sa taong ito. Ang bagay na ang taong iyon ay namatay sa eksaktong gabi ng panaginip ay hindi sa ganang sarili nagpapatotoo na ang panaginip ay makahula. Sa bawat ganitong uri ng panaginip na waring nagkatotoo, may daan-daan na hindi nagkatotoo.
Bagaman ang Diyos ay gumamit ng mga panaginip noong nakaraan upang isiwalat ang makahulang mga pangyayari at magbigay ng tagubilin samantalang ginagawa pa ang kaniyang nasusulat na Salita, hindi na niya kailangan pang gawin ang gayon sa ngayon. Taglay ng nasusulat na Salitang iyan ang lahat ng tagubilin buhat sa Diyos na kailangan ng sangkatauhan sa ngayon, at ang mga hula nito ay may kinalaman sa mga pangyayari na magaganap sa mahigit na isang libong taon sa hinaharap. (2 Timoteo 3:16, 17) Kaya makapagtitiwala tayo na ang ating mga panaginip ay hindi pahiwatig mula sa Diyos tungkol sa mga pangyayari sa hinaharap kundi mahahalagang gawain ng utak upang mapanatili ang mabuting kalusugan ng ating kaisipan.
[Larawan sa pahina 7]
Kung paanong ipinakita sa panaginip ni Faraon kung ano ang mangyayari, nagbibigay-liwanag ang Salita ng Diyos tungkol sa ating kinabukasan