Ibinabahagi ang Kaaliwan na Inilalaan ni Jehova
“Ang aming pag-asa para sa inyo ay di-urung-sulong, yamang nalalaman namin na, kung paanong mga kabahagi kayo sa mga pagdurusa, sa gayunding paraan ay makikibahagi rin kayo sa kaaliwan.”—2 CORINTO 1:7.
1, 2. Ano ang nararanasan ng maraming nagiging Kristiyano sa ngayon?
MARAMI sa mga mambabasa ngayon ng Ang Bantayan ay lumaki na walang kaalaman sa katotohanan ng Diyos. Marahil ay totoo iyan sa kalagayan mo. Kung gayon, gunitain kung ano ang nadama mo nang magsimulang mabuksan ang iyong mga mata ng unawa. Halimbawa, nang una mong maunawaan na ang mga patay ay hindi nagdurusa kundi walang malay, hindi ba gumaan ang iyong kalooban? At nang malaman mo ang tungkol sa pag-asa ng mga patay, na bilyun-bilyon ang bubuhaying-muli sa bagong sanlibutan ng Diyos, hindi ka ba naaliw?—Eclesiastes 9:5, 10; Juan 5:28, 29.
2 Kumusta naman ang pangako ng Diyos na wakasan ang kabalakyutan at gawing paraiso ang lupang ito? Nang malaman mo ito, hindi ka ba naaliw at napukaw ang iyong matinding pananabik? Ano ang nadama mo nang una mong matutuhan ang tungkol sa posibilidad na hindi na mamatay kailanman bagkus ay makaligtas sa dumarating na Paraisong iyan sa lupa? Tiyak na natuwa ka. Oo, tumanggap ka ng nakaaaliw na mensahe ng Diyos na ipinangangaral ngayon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig.—Awit 37:9-11, 29; Juan 11:26; Apocalipsis 21:3-5.
3. Bakit dumaranas din ng kapighatian yaong namamahagi sa iba ng nakaaaliw na mensahe ng Diyos?
3 Gayunman, nang sikapin mong ibahagi sa iba ang mensahe ng Bibliya, natanto mo rin na “ang pananampalataya ay hindi taglay ng lahat ng tao.” (2 Tesalonica 3:2) Marahil ay tinuya ka ng ilang dating kaibigan dahil sa pagpapahayag mo ng mga pangako ng Bibliya. Baka pinag-usig ka pa nga dahil sa patuloy na pag-aaral ng Bibliya kasama ng mga Saksi ni Jehova. Maaaring tumindi ang pagsalansang habang binabago mo ang iyong buhay upang maging kasuwato ng mga simulain sa Bibliya. Ikaw ay nagsimulang makaranas ng kapighatian na idinudulot ni Satanas at ng kaniyang sanlibutan sa lahat ng tumatanggap ng kaaliwan ng Diyos.
4. Ano ang iba’t ibang paraan ng pagtugon ng mga baguhan sa kapighatian?
4 Nakalulungkot, gaya ng inihula ni Jesus, dahil sa kapighatian ay natitisod ang ilan at humihinto sa kanilang pakikisama sa Kristiyanong kongregasyon. (Mateo 13:5, 6, 20, 21) Binabata ng iba ang kapighatian sa pamamagitan ng pagpapako ng kanilang isip sa nakaaaliw na mga pangako na kanilang natututuhan. Sa bandang huli ay iniaalay nila kay Jehova ang kanilang buhay at nagpapabautismo bilang mga alagad ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (Mateo 28:19, 20; Marcos 8:34) Mangyari pa, hindi natatapos ang kapighatian minsang mabautismuhan ang isang Kristiyano. Halimbawa, ang pananatiling malinis ay maaaring isang mahirap na pakikipagpunyagi para sa isang tao na dating may mahalay na pamumuhay. Ang iba ay kailangang manindigan sa patuloy na pagsalansang ng mga di-sumasampalatayang miyembro ng pamilya. Anuman ang kapighatian, lahat ng may katapatang nagtataguyod ng buhay na nakaalay sa Diyos ay makatitiyak ng isang bagay. Sa isang totoong personal na paraan, mararanasan nila ang kaaliwan at tulong ng Diyos.
“Ang Diyos ng Buong Kaaliwan”
5. Kasabay ng maraming pagsubok na dinanas ni Pablo, ano ang naranasan din niya?
5 Si apostol Pablo ay isa sa lubhang nagpahalaga sa kaaliwan na inilalaan ng Diyos. Pagkatapos ng isang totoong napakahirap na panahon sa Asia at Macedonia, naranasan niya ang matinding ginhawa nang marinig ang tungkol sa mainam na pagtugon ng kongregasyon sa Corinto sa kaniyang liham ng pagsaway. Napakilos siya nito na sumulat sa kanila ng ikalawang liham, na naglalaman ng sumusunod na papuri: “Pagpalain ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, ang Ama ng magiliw na mga awa at ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian.”—2 Corinto 1:3, 4.
6. Ano ang natututuhan natin sa mga salita ni Pablo na masusumpungan sa 2 Corinto 1:3, 4?
6 Malaman ang kinasihang mga salitang ito. Suriin natin ang mga ito. Kapag pinupuri o pinasasalamatan ni Pablo ang Diyos o humihiling sa Kaniya sa kaniyang mga liham, karaniwan nang inilalakip niya ang matinding pagpapahalaga kay Jesus, ang Ulo ng Kristiyanong kongregasyon. (Roma 1:8; 7:25; Efeso 1:3; Hebreo 13:20, 21) Kaya naman, ipinatutungkol ni Pablo ang papuring ito sa “Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” Sumunod, sa unang pagkakataon sa kaniyang mga sulat, ginamit niya ang Griegong pangngalang isinaling “magiliw na mga awa.” Ang pangngalang ito ay galing sa isang salita na ginamit upang magpahayag ng pagkalungkot sa pagdurusa ng iba. Kaya inilalarawan ni Pablo ang magiliw na damdamin ng Diyos para sa sinuman sa Kaniyang tapat na mga lingkod na dumaranas ng kapighatian—ang magiliw na damdaming nagpapakilos sa Diyos upang kumilos nang may kaawaan alang-alang sa kanila. Sa wakas, umasa si Pablo kay Jehova bilang siyang pinagmumulan ng kanais-nais na katangiang ito sa pamamagitan ng pagtawag sa kaniya na “ang Ama ng magiliw na mga awa.”
7. Bakit masasabi na si Jehova “ang Diyos ng buong kaaliwan”?
7 Ang “magiliw na mga awa” ng Diyos ay nagbubunga ng ginhawa sa isa na dumaranas ng kapighatian. Kaya inilarawan pa ni Pablo si Jehova bilang “ang Diyos ng buong kaaliwan.” Sa gayon, anumang kaaliwan ang maranasan natin buhat sa kabaitan ng mga kapananampalataya, makaaasa tayo na si Jehova ang pinagmumulan nito. Walang tunay, namamalaging kaaliwan na hindi nagmumula sa Diyos. Isa pa, siya ang lumalang sa tao ayon sa kaniyang larawan, anupat sinasangkapan tayo upang maging mga mang-aaliw. At ang banal na espiritu ng Diyos ang gumaganyak sa kaniyang mga lingkod upang magpamalas ng magiliw na awa para sa mga nangangailangan ng kaaliwan.
Sinanay Upang Maging mga Mang-aaliw
8. Bagaman hindi ang Diyos ang pinagmulan ng ating mga pagsubok, ano ang kapaki-pakinabang na epekto sa atin ng ating pagbabata ng kapighatian?
8 Samantalang pinahihintulutan ng Diyos na Jehova ang sari-saring pagsubok sa kaniyang tapat na mga lingkod, kailanman ay hindi siya ang pinagmulan ng gayong mga pagsubok. (Santiago 1:13) Gayunman, ang kaaliwang inilalaan niya kapag nagbabata tayo ng kapighatian ay nagsasanay sa atin na maging lalong sensitibo sa pangangailangan ng iba. Ano ang resulta? “Upang maaliw natin yaong mga nasa anumang uri ng kapighatian sa pamamagitan ng kaaliwan na ipinang-aaliw din sa atin mismo ng Diyos.” (2 Corinto 1:4) Sa gayo’y sinasanay tayo ni Jehova upang maging mga epektibong tagapamahagi ng kaniyang kaaliwan sa mga kapananampalataya at doon sa mga nasusumpungan natin sa ating ministeryo habang tinutularan natin si Kristo at “inaaliw ang lahat ng nagdadalamhati.”—Isaias 61:2; Mateo 5:4.
9. (a) Ano ang tutulong sa atin na magbata ng pagdurusa? (b) Paano naaaliw ang iba kapag tayo’y buong katapatang nagbabata ng kapighatian?
9 Nabata ni Pablo ang marami niyang pagdurusa dahil sa saganang kaaliwang natamo niya mula sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo. (2 Corinto 1:5) Makararanas din naman tayo ng saganang kaaliwan sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa napakahalagang mga pangako ng Diyos, pananalangin ukol sa pag-alalay ng kaniyang banal na espiritu, at pagkaranas sa mga sagot ng Diyos sa ating mga panalangin. Sa gayo’y mapalalakas tayo na patuloy na itaguyod ang soberanya ni Jehova at patunayang sinungaling ang Diyablo. (Job 2:4; Kawikaan 27:11) Kapag buong katapatan nating nababata ang anumang anyo ng kapighatian, tulad ni Pablo, dapat nating iukol ang lahat ng kapurihan kay Jehova, na ang kaaliwan ang nagpapangyari sa mga Kristiyano na makapanatiling tapat sa ilalim ng pagsubok. Ang pagbabata ng tapat na mga Kristiyano ay may nakaaaliw na epekto sa kapatiran, anupat napatitibay ang iba na “mabata ang gayunding mga pagdurusa.”—2 Corinto 1:6.
10, 11. (a) Ano ang ilang bagay na sanhi ng pagdurusa sa kongregasyon sa sinaunang Corinto? (b) Paano inaliw ni Pablo ang kongregasyon sa Corinto, at anong pag-asa ang ipinahayag niya?
10 Naranasan din ng mga taga-Corinto ang mga pagdurusa na sumasapit sa lahat ng tunay na Kristiyano. Karagdagan, kinailangan silang payuhan na itiwalag ang isang di-nagsisising mapakiapid. (1 Corinto 5:1, 2, 11, 13) Ang pagkabigong gawin ito at tapusin ang alitan at pagkakabaha-bahagi ay nagdulot ng kadustaan sa kongregasyon. Subalit sa wakas ay ikinapit nila ang payo ni Pablo at taimtim na nagsisi. Kaya naman, kaniyang magiliw na pinapurihan sila at sinabing nakaaliw sa kaniya ang kanilang mainam na pagtugon sa kaniyang liham. (2 Corinto 7:8, 10, 11, 13) Maliwanag, nagsisi rin yaong isa na natiwalag. Kaya pinayuhan sila ni Pablo na ‘patawarin at aliwin siya, upang sa paanuman ang gayong tao ay huwag malulon ng kaniyang pagiging labis-labis na malungkot.’—2 Corinto 2:7.
11 Tiyak na nakaaliw sa kongregasyon sa Corinto ang ikalawang liham ni Pablo. At ito naman ang isa sa kaniyang mga layunin. Ganito ang paliwanag niya: “Ang aming pag-asa para sa inyo ay di-urung-sulong, yamang nalalaman namin na, kung paanong mga kabahagi kayo sa mga pagdurusa, sa gayunding paraan ay makikibahagi rin kayo sa kaaliwan.” (2 Corinto 1:7) Sa pagtatapos ng kaniyang liham, ganito ang paghimok ni Pablo: “Magpatuloy kayo . . . sa pagkakaroon ng kaaliwan, . . . at ang Diyos ng pag-ibig at ng kapayapaan ay sasainyo.”—2 Corinto 13:11.
12. Ano ang kailangan ng lahat ng Kristiyano?
12 Tunay na napakahalagang aral ang matututuhan natin dito! Ang lahat ng miyembro ng Kristiyanong kongregasyon ay kailangang ‘mamahagi ng kaaliwang’ inilalaan ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Salita, banal na espiritu, at ng kaniyang makalupang organisasyon. Kahit ang mga natiwalag ay nangangailangan ng kaaliwan kung sila’y nagsisi at nagtuwid ng kanilang maling landasin. Kaya naman, “ang tapat at maingat na alipin” ay nagtatag ng maawaing paglalaan upang matulungan sila. Minsan sa isang taon ay dalawang matanda ang dadalaw sa ilang natiwalag. Ang mga ito marahil ay hindi na nagpapakita ng rebelyosong saloobin o gumagawa ng malubhang pagkakasala at baka nangangailangan ng tulong upang magawa ang kinakailangang hakbang para makabalik.—Mateo 24:45; Ezekiel 34:16.
Ang Kapighatian ni Pablo sa Asia
13, 14. (a) Paano inilarawan ni Pablo ang isang panahon ng matinding kapighatian na naranasan niya sa Asia? (b) Anong pangyayari ang maaaring nasa isip ni Pablo?
13 Ang uri ng kapighatian na naranasan ng kongregasyon sa Corinto hanggang sa puntong ito ay hindi maihahambing sa maraming kapighatian na kinailangang batahin ni Pablo. Kaya naman, maipapaalaala niya sa kanila: “Hindi namin nais na maging walang-alam kayo, mga kapatid, tungkol sa kapighatian na nangyari sa amin sa distrito ng Asia, na kami ay napasailalim ng sukdulang panggigipit na higit sa aming lakas, anupat kami ay lubhang walang katiyakan maging sa aming mga buhay. Sa katunayan, aming nadama sa loob namin na tinanggap na namin ang sentensiya ng kamatayan. Ito ay upang magtiwala kami, hindi sa aming mga sarili, kundi sa Diyos na nagbabangon ng mga patay. Mula sa gayon kalaking bagay gaya ng kamatayan ay sinagip niya kami at sasagipin kami; at ang aming pag-asa ay nasa kaniya na sasagipin pa rin niya kami.”—2 Corinto 1:8-10.
14 Naniniwala ang ilang iskolar sa Bibliya na ang tinutukoy ni Pablo ay yaong kaguluhan sa Efeso, na nagsapanganib sa buhay ni Pablo at ng dalawang taga-Macedonia na kasama niyang naglalakbay, sina Gayo at Aristarco. Ang dalawang Kristiyanong ito ay puwersahang kinuha at dinala sa isang dulaan na punung-puno ng magugulong karamihan na ganito ang “isinisigaw sa loob ng mga dalawang oras: ‘Dakila si Artemis [ang diyosa] ng mga taga-Efeso!’ ” Nang dakong huli, nagtagumpay ang isang opisyal ng lunsod na mapatahimik ang pulutong. Ang panganib na ito sa buhay nina Gayo at Aristarco ay tiyak na lubhang nakabagabag kay Pablo. Sa katunayan, ibig niyang pumasok at magpaliwanag sa panatikong pulutong, subalit pinigilan siyang isapanganib ang kaniyang buhay sa ganitong paraan.—Gawa 19:26-41.
15. Anong mahigpit na kalagayan ang mailalarawan sa 1 Corinto 15:32?
15 Gayunman, maaaring ang inilalarawan ni Pablo ay isang situwasyon na makapupong higit na mapanganib kaysa sa nabanggit na pangyayari. Sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto, nagtanong si Pablo: “Kung, tulad ng mga tao, ako ay nakipaglaban sa mababangis na hayop sa Efeso, ano ang kabutihan nito sa akin?” (1 Corinto 15:32) Nangangahulugan ito na ang buhay ni Pablo ay nanganib hindi lamang sa makahayop na mga tao kundi sa literal na mababangis na hayop sa istadyum ng Efeso. Pinarurusahan kung minsan ang mga kriminal sa pamamagitan ng sapilitang pakikipaglaban sa mababangis na hayop habang nanonood ang uhaw-sa-dugong mga pulutong. Kung ang ibig sabihin ni Pablo ay humarap siya sa literal na mababangis na hayop, tiyak na sa huling sandali ay makahimalang naligtas siya buhat sa malupit na kamatayan, kung paanong si Daniel ay naligtas mula sa bibig ng literal na mga leon.—Daniel 6:22.
Mga Halimbawa sa Modernong Panahon
16. (a) Bakit nauunawaan ng marami sa mga Saksi ni Jehova ang kapighatiang naranasan ni Pablo? (b) Sa ano tayo makatitiyak hinggil sa mga namatay dahil sa kanilang pananampalataya? (c) Ano ang nagiging mabuting epekto kapag ang mga Kristiyano ay nakararanas ng pagkasagip sa kamatayan?
16 Nauunawaan ng maraming Kristiyano sa kasalukuyang panahon ang mga kapighatiang dinanas ni Pablo. (2 Corinto 11:23-27) Ang mga Kristiyano din naman sa ngayon ay “napasailalim ng sukdulang panggigipit na higit sa [kanilang] lakas,” at marami ang napaharap sa mga situwasyon na doon sila’y ‘lubhang walang katiyakan sa kanilang mga buhay.’ (2 Corinto 1:8) Nasawi ang ilan sa kamay ng mga pumapaslang nang maramihan at ng malulupit na tagapag-usig. Makatitiyak tayo na ang nakaaaliw na kapangyarihan ng Diyos ang nagpangyari sa kanilang makapagbata at na sila’y namatay na ang puso at isip ay matatag na nakapako sa katuparan ng kanilang pag-asa, maging iyon man ay sa langit o sa lupa. (1 Corinto 10:13; Filipos 4:13; Apocalipsis 2:10) Sa ibang kalagayan, minaniobra ni Jehova ang mga bagay-bagay, at nasagip ang ating mga kapatid buhat sa kamatayan. Tiyak na yaong mga nasagip ay lalong nagtiwala “sa Diyos na nagbabangon ng mga patay.” (2 Corinto 1:9) Pagkatapos niyaon, nakapagsasalita sila nang may mas matatag na pananalig habang ibinabahagi nila sa iba ang nakaaaliw na mensahe ng Diyos.—Mateo 24:14.
17-19. Anong mga karanasan ang nagpapakita na ang ating mga kapatid sa Rwanda ay naging mga kabahagi sa kaaliwan ng Diyos?
17 Kamakailan ang ating mahal na mga kapatid sa Rwanda ay dumanas ng karanasang katulad ng kay Pablo at ng kaniyang mga kasamahan. Marami ang nawalan ng buhay, ngunit nabigo ang mga pagsisikap ni Satanas na sirain ang kanilang pananampalataya. Sa halip, naranasan ng ating mga kapatid sa lupaing ito ang kaaliwan mula sa Diyos sa maraming personal na paraan. Noong nililipol ang lahi ng mga Tutsi at Hutu na nakatira sa Rwanda, may mga Hutu na nagsapanganib ng kanilang buhay upang ipagsanggalang ang mga Tutsi at mga Tutsi na nagsanggalang sa mga Hutu. Ang ilan ay napatay ng mga ekstremista dahil sa pagsasanggalang sa kanilang mga kapananampalataya. Halimbawa, pinatay ang isang Saksing Hutu na nagngangalang Gahizi pagkatapos na itago ang isang kapatid na Tutsi na nagngangalang Chantal. Ang asawang Tutsi ni Chantal, si Jean, ay itinago sa ibang lugar ng isang kapatid na Hutu na nagngangalang Charlotte. Sa loob ng 40 araw si Jean at ang isa pang kapatid na Tutsi ay nanatiling nakatago sa isang malaking tsiminea, anupat lumalabas lamang nang sandaling panahon kung gabi. Sa buong panahong ito, pinaglaanan sila ni Charlotte ng pagkain at proteksiyon, bagaman naninirahan malapit sa isang kampo ng hukbo ng mga Hutu. Sa pahinang ito, makikita mo ang larawan ng muling-nagkasamang sina Jean at Chantal, na nagpapasalamat dahil sa ang kanilang mga kapuwa mananambang Hutu ay ‘nagsapanganib ng kanilang leeg’ alang-alang sa kanila, kagaya ng ginawa nina Prisca at Aquila para kay apostol Pablo.—Roma 16:3, 4.
18 Isa pang Saksing Hutu, si Rwakabubu, ang pinuri ng pahayagang Intaremara dahil sa pangangalaga sa kaniyang mga kapananampalatayang Tutsi.a Ganito ang sabi: “Nariyan din si Rwakabubu, isa sa mga Saksi ni Jehova, na patuloy na itinago sa iba’t ibang lugar ang mga taong kabilang sa kaniyang mga kapatid (ganiyan ang tawagan ng magkakapananampalataya sa isa’t isa). Ginugugol niya noon ang maghapon sa pagdadala ng pagkain at tubig na maiinom para sa kanila bagaman siya’y isang hikain. Ngunit siya’y pinalakas ng Diyos sa paraang di-pangkaraniwan.”
19 Isaalang-alang din ang interesadong mag-asawang Hutu na sina Nicodeme at Athanasie. Bago sumiklab ang paglipol ng lahi, ang mag-asawang ito ay nakikipag-aral ng Bibliya sa isang Saksing Tutsi na si Alphonse. Bagaman nanganib ang kanilang buhay, itinago nila si Alphonse sa kanilang tahanan. Pagkaraan ay natanto nilang hindi ligtas na dako ang bahay dahil sa alam ng kanilang mga kapitbahay na Hutu ang tungkol sa kanilang kaibigang Tutsi. Kaya naman, itinago nina Nicodeme at Athanasie si Alphonse sa isang hukay sa kanilang bakuran. Ito’y isang magandang hakbang dahil nagsimulang dumating ang kanilang mga kapitbahay upang hanapin si Alphonse halos sa araw-araw. Samantalang nakahiga sa hukay na ito sa loob ng 28 araw, nagbulay-bulay si Alphonse tungkol sa mga salaysay sa Bibliya tulad niyaong kay Rahab, na nagtago ng dalawang Israelita sa bubong ng kaniyang bahay sa Jerico. (Josue 6:17) Sa ngayon ay patuloy na naglilingkod si Alphonse sa Rwanda bilang isang mangangaral ng mabuting balita, anupat nagpapasalamat na ang kaniyang mga Hutu na estudyante ng Bibliya ay nagsapanganib ng kanilang buhay para sa kaniya. At kumusta naman sina Nicodeme at Athanasie? Sila ngayon ay bautisadong mga Saksi ni Jehova at nagdaraos ng mahigit sa 20 pag-aaral ng Bibliya sa mga interesado.
20. Sa anong paraan inaliw ni Jehova ang ating mga kapatid sa Rwanda, ngunit ano ang patuloy na kailangan ng marami sa kanila?
20 Nang magsimula ang paglipol ng lahi sa Rwanda, may 2,500 tagapaghayag ng mabuting balita sa bansa. Bagaman daan-daan ang nasawi o napilitang tumakas sa bansa, ang bilang ng mga Saksi ay dumami hanggang sa mahigit na 3,000. Iyan ay patotoo na talaga ngang inaliw ng Diyos ang ating mga kapatid. Kumusta naman ang maraming ulila at balo na kabilang sa mga Saksi ni Jehova? Likas lamang, ang mga ito ay dumaranas pa rin ng kapighatian at nangangailangan ng patuloy na kaaliwan. (Santiago 1:27) Ganap lamang na mapapahid ang kanilang mga luha kapag nangyari na ang pagkabuhay-muli sa bagong sanlibutan ng Diyos. Gayunpaman, dahil sa tulong ng kanilang mga kapatid at dahil sila’y sumasamba sa “Diyos ng buong kaaliwan,” nakakayanan nila ang buhay.
21. (a) Saan pang mga lugar ang doo’y mahigpit na nangangailangan ng kaaliwan ng Diyos ang ating mga kapatid, at ano ang isang paraan na doo’y makatutulong tayong lahat? (Tingnan ang kahon “Kaaliwan sa Apat na Taon ng Digmaan.”) (b) Kailan ganap na masasapatan ang ating pangangailangan ng kaaliwan?
21 Sa maraming lugar, tulad ng Eritrea, Singapore, at sa dating Yugoslavia, patuloy na naglilingkod kay Jehova nang buong katapatan ang ating mga kapatid sa kabila ng kapighatian. Tulungan nawa natin ang gayong mga kapatid sa pamamagitan ng palagiang pagsusumamo na sila sana’y tumanggap ng kaaliwan. (2 Corinto 1:11) At nawa’y magbata tayo nang buong katapatan hanggang sa panahon na sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ay “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa [ating] mga mata” sa pinakalubos na diwa nito. Kung magkagayo’y mararanasan natin ang buong kaaliwan na ilalaan ni Jehova sa kaniyang bagong sanlibutan ng katuwiran.—Apocalipsis 7:17; 21:4; 2 Pedro 3:13.
[Talababa]
a Ang Bantayan, Enero 1, 1995, pahina 26, ay naglahad ng karanasan ng anak na babae ni Rwakabubu, si Deborah, na ang panalangi’y nakaantig sa isang pangkat ng mga sundalong Hutu at nagligtas sa pamilya buhat sa kamatayan.
Alam ba Ninyo?
◻ Bakit si Jehova ay tinawag na “ang Diyos ng buong kaaliwan”?
◻ Paano natin dapat na malasin ang mga kapighatian?
◻ Kanino natin maibabahagi ang kaaliwan?
◻ Paano ganap na masasapatan ang ating pangangailangan ng kaaliwan?
[Larawan sa pahina 17]
Sina Jean at Chantal, bagaman mga Saksing Tutsi, ay itinago sa magkahiwalay na lugar ng mga Saksing Hutu noong may paglipol ng lahi sa Rwanda
[Larawan sa pahina 17]
Patuloy na ibinabahagi ng mga Saksi ni Jehova ang nakaaaliw na mensahe ng Diyos sa kanilang kapuwa sa Rwanda