Katubusan Tungo sa Isang Matuwid na Bagong Sanlibutan
“Sila’y tunay na makasusumpong ng matinding kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—AWIT 37:11.
1, 2. (a) Paanong ang pagliligtas ni Jehova sa ating panahon ay maiiba sa mga pagliligtas noong unang panahon? (b) Sa anong uri ng sanlibutan dadalhin ni Jehova ang kaniyang bayan?
SI Jehova ay isang Diyos ng katubusan. Noong unang panahon, tinubos niya ang kaniyang bayan sa maraming pagkakataon. Pansamantala lamang ang mga katubusang iyon, sapagkat sa alinman sa mga pagkakataong iyon ay hindi naman permanenteng isinakatuparan ni Jehova ang kaniyang mga kahatulan laban sa buong sanlibutan ni Satanas. Ngunit sa ating panahon, malapit nang isagawa ni Jehova ang pinakadakilang katubusan para sa kaniyang mga lingkod. Sa pagkakataong ito ay lilipulin niya ang lahat ng bakas ng sistema ni Satanas sa buong lupa, at dadalhin niya ang kaniyang mga lingkod sa isang permanente at matuwid na bagong sanlibutan.—2 Pedro 2:9; 3:10-13.
2 Nangako si Jehova: “Sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na . . . Ngunit ang maaamo mismo ang magmamay-ari sa lupa, at sila’y tunay na makasusumpong ng matinding kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:10, 11) Hanggang kailan? “Ang matuwid ay magmamana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” (Awit 37:29; Mateo 5:5) Subalit bago maganap ito, sasailalim ang sanlibutang ito sa pinakamaligalig na panahong mararanasan nito kailanman.
Ang “Malaking Kapighatian”
3. Paano inilarawan ni Jesus ang “malaking kapighatian”?
3 Sumapit ang sanlibutang ito sa “mga huling araw” nito noong 1914. (2 Timoteo 3:1-5, 13) Nasa ika-83 taon na tayo mula nang yugtong iyon at nalalapit na ang wakas nito na, gaya ng inihula ni Jesus, magaganap ang sumusunod: “Magkakaroon ng malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.” (Mateo 24:21) Oo, mas matindi pa nga sa Digmaang Pandaigdig II, na doo’y 50 milyong buhay ang nasawi. Tunay ngang pagkalapit-lapit na ng isang panahong gigimbal sa daigdig!
4. Bakit sasapit ang kahatulan ng Diyos sa “Babilonyang Dakila”?
4 Ang “malaking kapighatian” ay darating nang lubhang di-inaasahan, “sa isang oras.” (Apocalipsis 18:10) Ang pagsiklab nito ay makikilala sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kahatulan ng Diyos sa lahat ng huwad na relihiyon, na tinatawag ng Salita ng Diyos na “Babilonyang Dakila.” (Apocalipsis 17:1-6, 15) Naging pangunahing bahagi ng sinaunang Babilonya ang huwad na relihiyon. Ang makabagong Babilonya ay katulad ng kaniyang sinaunang katumbas at kumakatawan sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Naging patutot siya sa pamamagitan ng pakikipagkompromiso sa pulitikal na mga elemento. Kaniyang sinuportahan ang kanilang mga digmaan at binasbasan ang mga hukbo sa magkabilang panig, anupat nagbunga ng pagpapatayan ng mga tao na may parehong relihiyon. (Mateo 26:51, 52; 1 Juan 4:20, 21) Siya ay nagpikit-mata sa tiwaling mga gawain ng kaniyang mga tagapagtaguyod at umusig sa mga tunay na Kristiyano.—Apocalipsis 18:5, 24.
5. Paano magsisimula ang “malaking kapighatian”?
5 Magsisimula ang “malaking kapighatian” kapag biglang bumaling ang mga pulitikal na elemento sa “Babilonyang Dakila.” Sila’y “mapopoot sa patutot at gagawin siyang wasak at hubad, at uubusin ang malalamán niyang bahagi at susunugin siya nang lubusan sa apoy.” (Apocalipsis 17:16) Pagkatapos, ang kaniyang dating mga tagatangkilik ay “tatangis at hahampasin ang kanilang mga sarili sa pamimighati dahil sa kaniya.” (Apocalipsis 18:9-19) Subalit matagal nang inaasahan ito ng mga lingkod ni Jehova, at kanilang ibubulalas: “Purihin ninyo si Jah, . . . sapagkat naglapat siya ng kahatulan sa dakilang patutot na nagpasamâ sa lupa dahil sa kaniyang pakikiapid, at ipinaghiganti niya ang dugo ng kaniyang mga alipin sa kaniyang kamay.”—Apocalipsis 19:1, 2.
Sinalakay ang mga Lingkod ng Diyos
6, 7. Bakit makapagtitiwala ang mga lingkod ni Jehova kapag sinalakay sila sa panahon ng “malaking kapighatian”?
6 Yamang napuksa na ang huwad na relihiyon, babaling ang pulitikal na mga elemento sa mga lingkod ni Jehova. Sa hula ay ganito ang sabi ni Satanas, ang “Gog ng lupain ng Magog”: “Ako’y sasampa doon sa mga nasa walang kaguluhan, anupat tumatahang tiwasay.” Palibhasa’y iniisip na sila’y walang kalaban-laban, sasalakayin niya sila kasama ang “isang malaking puwersang militar . . . , parang ulap na tatakip sa lupain.” (Ezekiel 38:2, 10-16) Alam ng bayan ni Jehova na mabibigo ang pagsalakay na ito sapagkat nagtitiwala sila kay Jehova.
7 Nang akalain ni Faraon at ng kaniyang mga hukbo na nasukol na nila ang mga lingkod ng Diyos sa Dagat na Pula, makahimalang iniligtas ni Jehova ang kaniyang bayan at pinuksa niya ang mga hukbo ng Ehipto. (Exodo 14:26-28) Sa panahon ng “malaking kapighatian,” kapag inaakala ng mga bansa na nasukol na nila ang bayan ni Jehova, siya’y muling makahimalang darating upang magligtas: “Sa araw na yaon . . . ang aking kapusukan ay sasampa sa mga butas ng aking ilong. At sa aking pag-aalab, sa apoy ng aking mainit na galit, ako’y magsasalita.” (Ezekiel 38:18, 19) Kung magkagayo’y napipinto na ang kasukdulan ng “malaking kapighatian”!
8. Anong makahimalang mga pangyayari ang magaganap bago puksain ni Jehova ang mga balakyot, at ano ang epekto?
8 Sa isang yugto ng panahon pagkatapos magsimula ang “malaking kapighatian,” ngunit bago isagawa ni Jehova ang kaniyang kahatulan sa natitirang bahagi ng sanlibutang ito, magaganap ang makahimalang mga pangyayari. Pansinin ang magiging epekto ng mga ito. “Kung magkagayon ang tanda ng Anak ng tao [si Kristo] ay lilitaw sa langit, at kung magkagayon ay hahampasin ng lahat ng mga tribo sa lupa ang kanilang sarili sa pananaghoy, at makikita nila ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap sa langit taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.” (Mateo 24:29, 30) “Magkakaroon ng mga tanda sa araw at buwan at mga bituin, . . . samantalang ang mga tao ay nanlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na dumarating sa tinatahanang lupa.”—Lucas 21:25, 26.
“Ang Inyong Katubusan Ay Nalalapit Na”
9. Bakit ‘maitataas ng mga lingkod ni Jehova ang kanilang mga ulo’ kapag naganap ang makahimalang mga pangyayari?
9 Sa natatanging panahong iyon, kumakapit ang hula sa Lucas 21:28. Sinabi ni Jesus: “Habang ang mga bagay na ito ay nagpapasimulang maganap, tumindig kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat ang inyong katubusan ay nalalapit na.” Manginginig sa takot ang mga kaaway ng Diyos sapagkat malalaman nila na ang mahihiwagang pangyayaring nagaganap ay mula kay Jehova. Subalit magsasaya ang mga lingkod ni Jehova sapagkat malalaman nilang nalalapit na ang kanilang katubusan.
10. Paano inilalarawan ng Salita ng Diyos ang kasukdulan ng “malaking kapighatian”?
10 Kung magkagayo’y magpapasapit si Jehova ng isang nakamamatay na dagok sa sistema ni Satanas: “Dadalhin ko ang aking sarili sa paghatol [kay Gog], taglay ang salot at ang dugo; at magpapaulan ako ng bumabahang buhos ng ulan at mga batong-graniso, apoy at asupre sa kaniya at sa kaniyang mga pangkat . . . At kanilang makikilala na ako si Jehova.” (Ezekiel 38:22, 23) Lahat ng bakas ng sistema ni Satanas ay mapupuksa. Ang buong lipunan ng mga taong nagwawalang-bahala sa Diyos ay lilipulin. Iyan ang Armagedon na siyang kasukdulan ng “malaking kapighatian.”—Jeremias 25:31-33; 2 Tesalonica 1:6-8; Apocalipsis 16:14, 16; 19:11-21.
11. Bakit ililigtas ang mga lingkod ni Jehova sa “malaking kapighatian”?
11 Tutubusin sa “malaking kapighatian” ang milyun-milyong sumasamba kay Jehova sa buong lupa. Ang mga ito ang bumubuo ng “malaking pulutong” na “mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” Bakit sila tutubusin sa gayong kagila-gilalas na paraan? Sapagkat nag-uukol sila kay Jehova ng ‘sagradong paglilingkod araw at gabi.’ Kaya sila’y makaliligtas sa katapusan ng sanlibutang ito at dadalhin sa isang matuwid na bagong sanlibutan. (Apocalipsis 7:9-15) Sa gayon, saksi sila sa katuparan ng pangako ni Jehova: “Umasa ka kay Jehova at sundin ang kaniyang daan, at kaniyang itataas ka upang magmay-ari ng lupa. Kapag pinutol ang mga balakyot, makikita mo iyon.”—Awit 37:34.
Ang Bagong Sanlibutan
12. Ano ang maaasahan ng mga makaliligtas sa Armagedon?
12 Tunay ngang magiging kapana-panabik na panahon iyon—ang pag-aalis ng kabalakyutan at ang bukang-liwayway ng pinakamaluwalhating panahon sa kasaysayan ng tao! (Apocalipsis 20:1-4) Ano ngang laking pasasalamat kay Jehova ng mga makaliligtas sa Armagedon habang pumapasok sa isang maaliwalas, malinis na sibilisasyong pinapangyayari ng Diyos, isang bagong sanlibutan, sa isang lupa na gagawing isang paraiso! (Lucas 23:43) At hindi na sila kailangang mamatay pa kailanman! (Juan 11:26) Sa katunayan, mula sa panahong iyon patuloy, tataglayin nila ang kagila-gilalas at kamangha-manghang pag-asa na mabuhay hangga’t buháy si Jehova!
13. Paano ipagpapatuloy ni Jesus ang gawaing pagpapagaling na sinimulan niya sa lupa?
13 Pangangasiwaan ni Jesus, na hinirang ni Jehova bilang makalangit na Hari, ang makahimalang mga pagpapala na tatamasahin ng mga nakaligtas. Nang nasa lupa, binuksan niya ang mata ng mga bulag at tainga ng mga bingi at pinagaling ang “bawat uri ng karamdaman at bawat uri ng kapansanan.” (Mateo 9:35; 15:30, 31) Sa bagong sanlibutan, ipagpapatuloy niya ang dakilang gawain ng pagpapagaling na iyan ngunit sa pandaigdig na lawak. Bilang Ahente ng Diyos, tutuparin niya ang pangako: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:4) Hindi na kailanman kakailanganin pa ang mga manggagamot o mga tagapaglibing!—Isaias 25:8; 33:24.
14. Anong katubusan ang sasapit sa mga lingkod ni Jehova na nangamatay na?
14 Tutubusin din ang lahat ng tapat na lingkod ng Diyos na namatay noon. Sa bagong sanlibutan, palalayain sila mula sa mga gapos ng libingan. Ginagarantiyahan ni Jehova: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Malamang, ang mga “matuwid” ay mauunang buhayin-muli at makatutulong sa pagpapalawak ng Paraiso. Tunay ngang kawili-wili para sa mga nakaligtas sa Armagedon na marinig ang mga karanasan ng mga tapat na namatay noong unang panahon, na ngayo’y binuhay nang muli!—Juan 5:28, 29.
15. Ilarawan ang ilang kalagayang mararanasan sa bagong sanlibutan.
15 Kung magkagayo’y mararanasan ng lahat ng nabubuhay ang sinabi ng salmista tungkol kay Jehova: “Binubuksan mo ang iyong kamay at binibigyang-kasiyahan ang pagnanasa ng lahat ng bagay na buháy.” (Awit 145:16) Walang nang gutom: Ang lupa ay ibabalik sa timbang na ekolohiya at magbubunga nang sagana. (Awit 72:16) Wala nang mga taong palaboy: “Sila nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan,” at ang bawat isa ay uupo sa “ilalim ng kaniyang punong-ubas at sa ilalim ng kaniyang punong-igos, at walang tatakot sa kanila.” (Isaias 65:21, 22; Mikas 4:4) Walang nang takot: Mawawala na ang digmaan, karahasan, o krimen. (Awit 46:8, 9; Kawikaan 2:22) “Ang buong lupa ay sumapit na sa kapahingahan, naging malaya sa kaguluhan. Ang mga tao ay naging masayahin na may nakagagalak na mga hiyaw.”—Isaias 14:7.
16. Bakit tatagos ang katuwiran sa bagong sanlibutan?
16 Sa bagong sanlibutan, ang mga propaganda ni Satanas ay mawawala na. Sa halip, “mangatututo ng katuwiran ang mga nananahan sa mabungang lupain.” (Isaias 26:9; 54:13) Palibhasa’y nagtatamasa ng mabuting espirituwal na pagtuturo sa taun-taon, “ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman ni Jehova kung paanong ang mga katubigan ay tumatakip sa mismong dagat.” (Isaias 11:9) Tatagos sa sangkatauhan ang nakapagpapatibay na mga kaisipan at gawa. (Filipos 4:8) Gunigunihin, isang pambuong-daigdig na lipunan ng mga tao na malaya sa krimen, egotismo, paninibugho—isang internasyonal na kapatiran na kung saan ang mga bunga ng espiritu ng Diyos ay ipinamamalas ng lahat. Sa katunayan, ngayon pa lamang ay nililinang na ng malaking pulutong ang gayong mga katangian.—Galacia 5:22, 23.
Bakit Naman Napakatagal?
17. Bakit naghintay pa si Jehova nang napakatagal bago wakasan ang kabalakyutan?
17 Gayunpaman, bakit naman naghintay nang napakatagal si Jehova para alisin ang kabalakyutan at iligtas ang kaniyang bayan tungo sa isang matuwid na bagong sanlibutan? Isaalang-alang kung ano ang kailangang maisagawa. Ang pinakamahalaga ay ang pagbabangong-puri ng soberanya ni Jehova, ang kaniyang karapatang mamahala. Sa pagpapahintulot na lumipas ang sapat na panahon, ipinamalas niya nang walang pag-aalinlangan na ang pamamahala ng tao na hiwalay sa kaniyang soberanya ay humantong sa malaking kabiguan. (Jeremias 10:23) Kaya ngayon ay ganap na may katuwiran si Jehova na ang pamamahala ng tao ay halinhan ng pamamahala ng kaniyang makalangit na Kaharian sa ilalim ni Kristo.—Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10.
18. Kailan mamanahin ng mga inapo ni Abraham ang lupain ng Canaan?
18 Ang naganap sa lahat ng nagdaang siglo ay katulad sa nangyari noong panahon ni Abraham. Sinabi ni Jehova kay Abraham na mamanahin ng kaniyang mga inapo ang Canaan—ngunit paglipas pa ng apat na raang taon “sapagkat ang pagkakamali ng mga Amorita ay hindi pa [sumapit] sa pagtatapos.” (Genesis 12:1-5; 15:13-16) Dito ang terminong “mga Amorita” (isang malaking tribo) ay malamang na kumakatawan sa mga tao ng Canaan bilang kabuuan. Kaya mga apat na siglo pa muna ang lilipas bago pangyarihin ni Jehova na masakop ng kaniyang bayan ang Canaan. Samantala ay pinahintulutan ni Jehova ang mga bansa sa Canaan na itatag ang kanilang mga lipunan. Ano ang resulta?
19, 20. Anong uri ng mga lipunan ang itinatag ng mga Canaanita?
19 Binanggit ng Bible Handbook, ni Henry H. Halley, na sa Megido, nakasumpong ang mga arkeologo ng mga kagibaan ng isang templo ni Astoret, ang diyosang-asawa ni Baal. Sumulat siya: “Mga ilang hakbang lamang mula sa templong ito ay may isang libingan, kung saan natagpuan ang maraming banga, na naglalaman ng mga labi ng mga sanggol na inihain sa templong ito . . . Ang mga propeta nina Baal at Astoret ang siyang mga opisyal na mamamaslang ng mumunting mga bata.” “Ang isa pang karima-rimarim na gawain ay ang tinatawag nilang ‘mga pundasyong hain.’ Kapag itatayo ang isang bahay, ihahain ang isang bata, at ang katawan nito ay inilalakip sa pader.”
20 Nagkomento si Halley: “Ang pagsamba kay Baal, Astoret, at iba pang diyos ng mga Canaanita ay nakasalalay sa napakaluhong mga lasingan; ang kanilang mga templo ay sentro ng bisyo. . . . Ang mga Canaanita ay sumamba, sa pamamagitan ng pagpapakalabis sa kahalayan, . . . at pagkatapos, sa pamamagitan ng pagpaslang sa kanilang mga panganay na anak, bilang hain sa mga diyos ding ito. Wari nga, sa kalakhang bahagi, ang lupain ng Canaan ay naging isang uri ng Sodoma at Gomorra sa isang pambansang lawak. . . . Mayroon pa bang karapatang umiral ang isang sibilisasyon na gayon na lamang karumi at kalupit? . . . Ang mga arkeologong humukay sa mga kagibaan ng mga lunsod ng Canaan ay nagtataka na hindi sila pinuksa ng Diyos nang mas maaga kaysa sa ginawa Niya.”—Ihambing ang 1 Hari 21:25, 26.
21. Ano ang pagkakatulad ng situwasyon ng mga Canaanita at ng ating panahon?
21 Ang kabalakyutan ng mga Amorita ay ‘sumapit na sa pagtatapos.’ Kaya si Jehova ay ganap na ngayong may katuwiran na lipulin sila. Totoo rin naman ito sa ngayon. Ang sanlibutan ay lipos na ng karahasan, imoralidad, at paghamak sa mga batas ng Diyos. At yamang angkop lamang na mangilabot tayo sa kasuklam-suklam na paghahain ng mga bata sa sinaunang Canaan, paano naman ang paghahain ng sampu-sampung milyong kabataan sa mga digmaan ng sanlibutang ito, anupat mas masahol pa sa anumang bagay sa Canaan? Tiyak, ganap na may katuwiran si Jehova na wakasan na ang balakyot na sistemang ito.
Pagsasagawa ng Isa Pang Bagay
22. Ano ang naisasagawa ng pagtitiis ni Jehova sa ating panahon?
22 Ang pagtitiis ni Jehova sa mga huling araw na ito ay nagsasagawa ng isa pang bagay. Nagbibigay siya ng panahon upang matipon at maturuan ang malaking pulutong, na ngayon ay mahigit nang limang milyon. Sa ilalim ng pangunguna ni Jehova, sila’y binuo upang maging isang sumusulong na organisasyon. Sinasanay ang mga lalaki, babae, at mga kabataan upang magturo sa iba ng mga katotohanan sa Bibliya. Sa pamamagitan ng kanilang mga pulong at mga publikasyon sa Bibliya, natututuhan nila ang maibiging mga daan ng Diyos. (Juan 13:34, 35; Colosas 3:14; Hebreo 10:24, 25) Karagdagan pa, nililinang nila ang mga kasanayan sa konstruksiyon, electronics, paglilimbag, at iba pang larangan upang masuportahan ang pangangaral ng “mabuting balita.” (Mateo 24:14) Malamang na ang gayong mga kasanayan sa pagtuturo at sa pagtatayo ay malawakang gagamitin sa bagong sanlibutan.
23. Bakit isang pribilehiyo na mabuhay sa panahong ito?
23 Oo, inihahanda ngayon ni Jehova ang kaniyang mga lingkod, upang maligtas sa “malaking kapighatian” tungo sa isang matuwid na bagong sanlibutan. Kung magkagayo’y wala nang pakikipagpunyagi kay Satanas at sa kaniyang balakyot na sanlibutan, wala nang sakit, lumbay, at kamatayan. Taglay ang buong kasiglahan at kagalakan, ipagpapatuloy ng bayan ng Diyos ang maligayang gawain ng pagtatayo ng isang paraiso, na ang bawat araw ay magiging isang “matinding kasiyahan.” Ano ngang laking pribilehiyo natin na mabuhay sa kasukdulang ito ng mga panahon, na makilala at paglingkuran si Jehova, at matanto na malapit na nating ‘itaas ang ating mga ulo sapagkat ang ating katubusan ay nalalapit na’!—Lucas 21:28; Awit 146:5.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Ano ang “malaking kapighatian,” at paano ito magsisimula?
◻ Bakit mabibigo ang pagsalakay ni Gog sa mga lingkod ni Jehova?
◻ Paano magwawakas ang “malaking kapighatian”?
◻ Anong kamangha-manghang mga pakinabang ang ilalaan ng bagong sanlibutan?
◻ Bakit naghintay pa si Jehova nang napakatagal bago wakasan ang sistemang ito?
[Larawan sa pahina 16]
Ang buong lupa ay gagawing isang paraiso