Kung Paano Mapananatili ang Kagalakan sa Buong-Panahong Paglilingkuran
MALINAW na ipinakikita ng katuparan ng hula sa Bibliya na tayo ay nabubuhay sa mga huling araw ng walang-Diyos na sanlibutang ito. Yamang batid ito, ginugugol ng mga lingkod ng Diyos na Jehova ang lahat ng panahon na makatuwirang magagawa nila sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng kaniyang Kaharian. Mahigit na 600,000 Saksi ni Jehova ang nagsaayos ng kanilang buhay upang makabahagi sa buong-panahong paglilingkuran. Ang ilan sa kanila ay buong-panahong mga tagapaghayag ng Kaharian na tinatawag na mga payunir. Ang iba ay mga boluntaryo sa Bethel sa punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower o sa mga tanggapang-pansangay nito. Ang iba naman ay mga misyonero at naglalakbay na mga tagapangasiwa.
Ipinakikita ng Bibliya na sa mga huling araw, magkakaroon ng “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5) Ang Griegong teksto ng Bibliya ay gumamit ng isang pananalitang maaaring isalin na “mga itinakdang panahon na maligalig.” Samakatuwid, walang sinuman ang dapat umasa ng isang walang-problemang buhay sa ating panahon. Para sa ilang Kristiyanong ministro, ang mga problema ay waring napakalubha, anupat baka maitanong nila sa sarili, ‘Makapagpapatuloy kaya ako sa buong-panahong paglilingkuran, o dapat na akong huminto?’
Anong mga situwasyon ang maaaring maging dahilan upang muling suriin ng isa ang kaniyang kalagayan bilang isang payunir, boluntaryo sa Bethel, naglalakbay na tagapangasiwa o misyonero? Marahil ay ang pagkakaroon ng malubhang sakit. Baka ang matanda na o may-sakit na kamag-anak ay nangangailangan ng patuloy na pangangalaga. Posible rin na nagsisimulang magpamilya ang isang mag-asawa. Sinuman na huminto sa buong-panahong paglilingkuran dahilan sa mga ito at bunga ng maka-Kasulatang mga pananagutan ay hindi dapat mahiya sa paggawa ng gayong pagbabago.
Gayunman, ano kung ang isa ay nagbabalak huminto sa buong-panahong paglilingkuran dahil sa kawalan ng kagalakan? Marahil ay hindi gaanong mabunga ang ministeryo ng isang payunir at nagtatanong, ‘Bakit magpapatuloy ako sa aking mapagsakripisyo-sa-sariling paraan ng pamumuhay gayong kakaunti lamang ang nakikinig?’ Baka ang isang boluntaryo sa Bethel ay hindi gaanong maligaya sa kaniyang atas. O posible na ang pabalik-balik na sakit, bagaman hindi nito ginawang imposible ang pagpapayunir, ay unti-unting nag-aalis sa kaligayahan ng isang tao nang dakong huli. Paano mapananatili ng gayong mga tao ang kanilang kagalakan? Isaalang-alang natin ang sinabi ng ilang makaranasang ministro.
Pagharap sa Pagkasira ng Loob
Si Anny, na taga-Switzerland, ay nag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead noong 1950. Umasa siya na magkaroon ng atas sa ibang bansa bilang misyonero. Nang muling atasan na magtrabaho sa Bethel sa Europa, nasiraan ng loob si Anny. Gayunpaman, tinanggap niya ang kaniyang atas sa Departamento sa Pagsasalin at patuloy pa ring nagtatrabaho roon. Paano niya napanagumpayan ang kaniyang pagkasira ng loob? “Mayroon at maraming gawaing dapat isakatuparan. Ang aking damdamin at naisin ay hindi kasinghalaga ng gawain,” ang paliwanag ni Anny.
Kung hindi tayo nasisiyahan sa ating atas, marahil ay makapagpapaunlad tayo ng saloobin na tulad kay Anny. Ang personal na gusto natin ay hindi siyang pinakamahalaga. Ang pinakamahalaga ay na lahat ng iba’t ibang responsibilidad may kinalaman sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian ay maasikasong mabuti. Sinasabi sa atin ng Kawikaan 14:23 na “sa bawat uri ng pagpapagal ay may isang bentaha.” Anuman ang atas na ibinigay sa atin, ang tapat na pagtupad dito ay tumutulong sa pagsasakatuparan sa gawaing pang-Kaharian. At maaaring magkaroon ng malaking kasiyahan—oo, kagalakan—sa gayong bigay-Diyos na gawain.—Ihambing ang 1 Corinto 12:18, 27, 28.
Pakikitungo sa Iba
Kasangkot sa buong-panahong paglilingkod ang malapitang pakikipag-ugnayan sa lahat ng uri ng tao—sa ministeryo sa larangan, sa Bethel, sa isang tahanang pangmisyonero, o samantalang dumadalaw sa iba’t ibang kongregasyon bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Kaya naman, ang kagalakan ay nakasalalay nang malaki sa mabuting pakikitungo sa iba. Gayunpaman, ang ‘maligalig na mga panahon’ na inihula sa mga huling araw na ito ay nagdudulot ng matinding kaigtingan sa ugnayan ng mga tao. Paano maiiwasan ng isang ministro na mawala ang kaniyang kagalakan, kahit na kapag nagalit siya sa isang tao? Marahil ay may matututuhan tayo kay Wilhelm.
Si Wilhelm ay naging miyembro ng isang pamilyang Bethel sa Europa noong 1947. Pagkatapos nito, gumugol siya ng panahon sa pagpapayunir at sa paglilingkuran bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. “Kapag kaming mag-asawa ay nakakakita ng mga bagay na sa palagay nami’y hindi tama o personal na nakababahala sa amin, sinasabi namin kay Jehova kung ano ang aming nadarama at pagkatapos ay ipinauubaya na sa kaniya ang paglutas sa mga bagay-bagay,” paliwanag ni Wilhelm.—Awit 37:5.
Marahil ikaw mismo ay nabagabag dahil sa asal ng isang kapuwa Kristiyano na nagsalita sa iyo nang walang paggalang o nang padalus-dalos. Tandaan na tayong lahat ay natitisod nang maraming beses sa ating pananalita. (Santiago 3:2) Kaya bakit hindi gamitin ang situwasyong ito upang lalong mapalapit sa “Dumirinig ng panalangin”? (Awit 65:2) Sabihin kay Jehova ang tungkol dito, at pagkatapos ay ipaubaya ito sa kaniyang mga kamay. Kung nais ng Diyos na gumawa ng pagbabago, gagawin niya iyon. Baka kailangang ingatan ito sa isipan niyaong nakatira sa tahanang pangmisyonero kapag nagkaroon ng gayunding igtingan, yamang tutulong ito sa kanila na mapanatili ang kanilang kagalakan sa paglilingkod kay Jehova.
Kapag may Mahinang Kalusugan
Iilang tao lamang ang laging may mabuting kalusugan. Maging yaong nasa tinatawag na kasariwaan ng buhay ay maaaring dumanas ng panlulumo o sakit. Dahil sa pagkakasakit ay kinakailangang huminto ang ilan sa buong-panahong paglilingkod, subalit pagkatapos naman ay napakahusay ng kanilang nagagawa bilang mga mamamahayag ng Kaharian. Subalit nagagawa ng ilan na makapagpatuloy sa buong-panahong paglilingkuran sa kabila ng mahinang kalusugan. Halimbawa, isaalang-alang sina Hartmut at Gislind.
Sina Hartmut at Gislind ay mag-asawa na nakagugol ng 30 taon bilang payunir, misyonero, at sa gawaing paglalakbay. Kapuwa sila dumanas ng malulubhang sakit na kung minsan ay sumasaid ng kanilang lakas at emosyon. Gayunpaman, napakahusay ng kanilang nagawa at napatibay-loob pa nila ang iba na dumaranas ng nakakatulad na mga pagsubok. Anong payo ang kanilang ibinibigay? “Tumingin sa hinaharap at huwag sa nakalipas. Samantalahin ang bawat situwasyon. Bawat araw ay baka magbibigay lamang ng isang pagkakataon upang purihin si Jehova. Gamitin ang gayong pagkakataon, at masiyahan dito.”
Isaalang-alang ang nangyari kay Hannelore. Pinahirapan siya ng pabalik-balik na sakit sa panahon ng 30 taon ng kaniyang pagiging isang payunir, misyonero, sa gawaing paglalakbay kasama ng kaniyang asawa, at sa paglilingkod sa Bethel. Sinabi ni Hannelore: “Nagtuon ako ng pansin sa isyu na ibinangon ni Satanas—na ang mga tao ay naglilingkod lamang kay Jehova kapag ang paggawa nito ay madali para sa kanila. Sa pagbabata ng mga pagsubok, maaari akong magkaroon ng bahagi sa pagpapatunay na mali si Satanas.” Maaari itong maging mabisang pangganyak. Tandaan na ang inyong personal na katapatan kay Jehova sa ilalim ng pagsubok ay mahalaga sa kaniya.—Job 1:8-12; Kawikaan 27:11.
Kapag nagsisikap na gumawa ng timbang na pasiya may kinalaman sa iyong kalusugan, isaalang-alang ang dalawang bahagi ng hula ni Jesu-Kristo tungkol sa katapusan ng sistema ng mga bagay. Inihula ni Jesus ang mga salot sa iba’t ibang dako. Sinabi rin niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa.” (Mateo 24:3, 14; Lucas 21:11) Batid ni Jesus na sa mga huling araw, makikipaglaban sa sakit ang kaniyang mga alagad. Subalit natanto niya na isasakatuparan ang gawaing pangangaral hindi lamang ng mga taong nagtatamasa ng mabuting kalusugan kundi maging ng mga indibiduwal na dumaranas ng malulubhang karamdaman. Kung makapagpapatuloy tayo sa buong-panahong paglilingkuran sa kabila ng karamdaman, hindi kalilimutan ni Jehova ang pag-ibig na ipinakikita natin alang-alang sa kaniyang pangalan.—Hebreo 6:10.
Pagpapanatili sa Kagalakan sa Kabila ng Kawalang-Interes ng Publiko
Ang ating saloobin ay maaaring maapektuhan ng reaksiyon ng mga tao sa gawaing pangangaral ng Kaharian. “Nasusumpungan maging ng mga payunir na mahirap magbukas ng usapan sa isang maybahay,” sabi ng isang makaranasang ministro. “Tayong lahat ay kailangang makipagpunyagi upang mapanatili ang ating kagalakan.” Oo, ang kawalang-interes ng publiko ay maaaring makabawas sa ating kagalakan sa paglilingkod sa larangan. Kaya paano mapananatili ang kagalakan ng isang payunir na palaging napapaharap sa pagwawalang-bahala? Ibinibigay ng makaranasang mga ministro ang sumusunod na mga mungkahing nasubukan at napatunayan na.
Naghaharap ng hamon ang kawalang-interes, subalit hindi ito nangangahulugan ng pagkabigo. Sa ganang sarili, ang laganap na pagwawalang-bahala ay hindi dahilan upang huminto sa buong-panahong paglilingkuran. Mapananatili natin ang ating kagalakan sa harap ng kawalang-interes kung naglalaan tayo ng sapat na panahon ukol sa masikap na pag-aaral sa Kasulatan. ‘Sinasangkapan tayo ng mga ito ukol sa bawat mabuting gawa,’ at kasali rito ang pakikipag-usap sa mga ayaw makinig sa mabuting balita. (2 Timoteo 3:16, 17) Bagaman ang mga tao ay ayaw makinig sa propetang si Jeremias, hindi ito nagpahinto sa kaniya. (Jeremias 7:27) Kapag nag-aaral ng Bibliya sa tulong ng mga publikasyong Kristiyano, makikinabang tayo nang malaki kung itatala natin ang mga punto na nakapagpapalakas ng ating pananampalataya at tumutulong sa atin na maharap ang kawalang-interes.
Ipagpalagay na isang hamon ang kawalang-interes, suriin natin ang ating saloobin sa mga pinangangaralan natin. Bakit sila nagwawalang-bahala? Halimbawa, ang isang dahilan ng laganap na kawalang-interes sa maraming bahagi ng Europa ay ang masamang rekord ng huwad na relihiyon. Hindi na nadarama ng mga tao na may dako ang relihiyon sa kanilang buhay, ni gusto man nilang magkaroon ng bahagi rito. Tayo ay kailangang marunong makibagay, anupat nakikipag-usap sa mga tao tungkol sa mga bagay na talagang nakaaapekto sa kanila, tulad ng kawalang-trabaho, kalusugan, krimen, di-pagpaparaya, ang kapaligiran, at ang banta ng digmaan.
Sa ating pambungad na pananalita sa isang maybahay, maaari nating banggitin ang isang bagay na nakapupukaw ng pansin sa lugar na iyon. Iyan ang sinubukang gawin ni Dietmar nang siya ay nangangaral sa isang nayon na doo’y hindi siya gaanong matagumpay. Sinabi ng isang naninirahan doon na ang nayon ay nakaranas ng isang trahedya noong nakaraang araw. Kaya naman sa bawat pintuan, si Dietmar ay taimtim na nagpahayag ng pagkalungkot sa trahedya. “Walang anu-ano, nagsimulang makipag-usap ang mga tao,” ang sabi niya. “Nasa isipan ng bawat isa ang trahedya. Nagkaroon ako ng maraming mainam na pakikipag-usap noong araw na iyon dahil nagpakita ako ng interes sa kanilang buhay.”
Kailangan tayong magpatotoo tungkol sa Kaharian sa mga tao saanman natin sila masumpungan. Maaaring maging mabunga ang impormal na pagpapatotoo, at masasanay natin ang ating sarili sa gawaing ito sa pamamagitan ng paggamit sa mga mungkahi na ibinibigay sa salig-Bibliyang mga publikasyon. Maaaring magbunga ng kagalakan ang ilang palakaibigang salita o ang pagpapasakamay ng mga kopya ng mga magasing Bantayan at Gumising! sa maybahay. Kung tayo ay dumalaw nang muli at nakapagsimula na ng isang pag-aaral sa Bibliya sa isang interesadong tao, makahahanap pa tayo ng interesado sa pamamagitan ng pagtatanong: “May alam ka pa bang nagnanais na mag-aral ng Bibliya?” Ito ay aakay sa pagtatatag ng isa pang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Sa anumang pagkakataon, maging positibo, anupat may-pananalanging nananalig kay Jehova, na hindi pinahihintulutang masira ang ating loob dahil sa kawalang-interes.
Pampatibay-Loob Mula sa Iba
Sina Jürgen at Christiane ay mga payunir at nakikibahagi sa gawaing paglalakbay sa loob ng mahigit na 30 taon. Minsan ay inatasan sila na mangaral sa isang lugar na kung saan ang mga tao ay walang interes at mahirap na kausap. Talagang sabik sa ilang pampatibay-loob si Jürgen at ang kaniyang asawa! Subalit sa ilang kadahilanan, ang iba sa kongregasyon ay hindi tumugon sa kanilang pangangailangan.
Kaya salig sa karanasan ay batid ni Jürgen na “nahihirapan ang ilang payunir. Kailangan nila ng higit na pampatibay-loob mula sa matatanda at sa ibang mamamahayag.” Sinabihan ng Diyos si Moises na patibaying-loob at palakasin si Josue. (Deuteronomio 3:26-28) At ang mga Kristiyano ay dapat na maging pinagmumulan ng pampatibay-loob ng isa’t isa. (Roma 1:11, 12) Ang mga mamamahayag ng Kaharian ay makapagpapasigla sa mga nasa buong-panahong paglilingkuran sa pamamagitan ng nakapagpapatibay na mga salita at sa pagsama sa kanila sa ministeryo paminsan-minsan.
Ang Kagalakan kay Jehova—Ang Ating Moog
Natuklasan ng mga Kristiyano na gumugol ng malaking bahagi ng kanilang buhay bilang mga payunir o misyonero, naglilingkod sa Bethel, o dumadalaw sa mga kongregasyon sa gawaing paglalakbay na ang karamihan sa mga suliranin ay panandalian lamang, subalit ang ilan ay pangmatagalan. Maging ang ilang suliranin na waring hindi kailanman mapaparam ay hindi dapat mag-alis sa atin ng kagalakan. Iminungkahi ni Ramon, na naglingkod sa banyagang lupain sa loob ng mahigit na 45 taon, na kapag pinalulungkot tayo ng mga suliranin, “dapat nating isipin ang maraming pagpapalang taglay natin at ang libu-libong iba pa na dumaranas ng higit na kahirapan.” Sa katunayan, ang pagdurusa ay nararanasan ng ating mga kapananampalataya sa buong daigdig, at si Jehova ay talagang nagmamalasakit sa ating lahat.—1 Pedro 5:6-9.
Kaya naman, kung pinahihintulutan tayo ng ating personal na kalagayan na makibahagi sa buong-panahong paglilingkuran at manatili rito, panatilihin natin ang ating kagalakan sa pamamagitan ng pananalig sa ating makalangit na Ama. Pinalalakas niya ang kaniyang mga lingkod, at dapat ay tandaan nating lahat na ‘ang kagalakan kay Jehova ay ang ating moog.’—Nehemias 8:10.
[Larawan sa pahina 21]
“Ang aking damdamin at naisin ay hindi kasinghalaga ng gawain”
[Larawan sa pahina 22]
“Sinasabi namin kay Jehova kung ano ang aming nadarama at pagkatapos ay ipinauubaya na sa kaniya ang . . . mga bagay-bagay”
[Mga larawan sa pahina 23]
“Samantalahin ang bawat situwasyon. Bawat araw ay baka magbibigay lamang ng isang pagkakataon upang purihin si Jehova”
[Larawan sa pahina 23]
“Sa pagbabata ng mga pagsubok, maaari akong magkaroon ng bahagi sa pagpapatunay na mali si Satanas”
[Mga larawan sa pahina 24]
“Nahihirapan ang ilang payunir. Kailangan nila ng higit na pampatibay-loob mula sa matatanda at sa ibang mamamahayag”
[Larawan sa pahina 24]
“Dapat nating isipin ang maraming pagpapalang taglay natin”