“Ang Iyo Bang Puso ay Matuwid sa Akin?”
“Sumama ka sa akin at tingnan mo ang hindi ko pagpapahintulot na may kaagaw si Jehova.”—2 HARI 10:16.
1, 2. (a) Paano lalong sumama ang relihiyosong kalagayan sa Israel? (b) Noong 905 B.C.E., anong malalaking pagbabago ang malapit nang mangyari sa Israel?
ANG taóng 905 B.C.E. ay isang panahon ng malaking pagbabago sa Israel. Halos 100 taon bago nito, pinapangyari ni Jehova na mahati ang pinagsanib na kaharian ng Israel dahil sa apostasya ni Solomon. (1 Hari 11:9-13) Pinamahalaan noon ng anak ni Solomon na si Rehoboam ang timugang kaharian, ang Juda, samantalang ang hilagang kaharian, ang Israel, ay sumailalim kay Haring Jeroboam, isang Efraimita. Nakalulungkot, kapaha-pahamak ang naging pasimula ng hilagang kaharian. Ayaw ni Jeroboam na maglakbay ang kaniyang mga sakop sa timugang kaharian upang sumamba sa templo, sa takot na maisipan nilang bumalik sa sambahayan ni David. Kaya nagtatag siya sa Israel ng pagsamba sa guya at sa gayo’y nagpasimula ng isang anyo ng idolatriya na tumagal nang ilang panahon sa buong kasaysayan ng hilagang kaharian.—1 Hari 12:26-33.
2 Lalong sumama ang mga situwasyon nang maging hari si Ahab, ang anak ni Omri. Ang kaniyang banyagang asawa na si Jezebel ay nagtaguyod ng pagsamba ay Baal at pumatay sa mga propeta ni Jehova. Sa kabila ng tahasang mga babala ni propeta Elias, walang ginawa si Ahab upang pigilin si Jezebel. Gayunman, noong 905 B.C.E., si Ahab ay namatay, at namahala naman ang kaniyang anak na si Jehoram. Panahon na ngayon upang linisin ang lupain. Ipinabatid ng kahalili ni Elias, si Eliseo, sa kumandante ng militar na si Jehu, na pinapahiran siya ni Jehova upang maging siyang susunod na hari ng Israel. Ang kaniyang atas? Lipulin ang makasalanang sambahayan ni Ahab at ipaghiganti ang dugo ng mga propeta na ibinubo ni Jezebel!—2 Hari 9:1-10.
3, 4. Paano ipinakita ni Jehonadab na ang kaniyang puso ay ‘matuwid sa puso ni Jehu’?
3 Palibhasa’y masunurin sa utos ng Diyos, ipinapatay ni Jehu ang balakyot na si Jezebel, at pagkatapos ay sinimulan niyang linisin ang Israel sa pamamagitan ng paglipol sa sambahayan ni Ahab. (2 Hari 9:15–10:14, 17) Nang magkagayo’y nakatagpo niya ang isang tagasuporta. “Nasalubong niya si Jehonadab na anak ni Recab na dumarating upang salubungin siya. Nang pagpalain niya siya, sa gayon ay sinabi niya sa kaniya: ‘Ang iyo bang puso ay matuwid sa akin, na gaya ng aking puso sa iyong puso?’ Dito ay sinabi ni Jehonadab: ‘Gayon nga.’ ‘Kung gayon, ibigay mo sa akin ang iyong kamay.’ Kaya ibinigay niya sa kaniya ang kaniyang kamay. Sa gayon ay pinasampa niya siyang kasama niya sa loob ng karo. Nang magkagayon ay sinabi niya: ‘Sumama ka sa akin at tingnan mo ang hindi ko pagpapahintulot na may kaagaw si Jehova.’ At pinanatili nila siyang nakasakay na kasama niya sa kaniyang karong pandigma.”—2 Hari 10:15, 16.
4 Si Jehonadab (o, Jonadab) ay hindi isang Israelita. Gayunpaman, kasuwato ng kaniyang pangalan (nangangahulugang “Si Jehova ay Handa,” “Si Jehova ay Marangal,” o “Si Jehova ay Mapagbigay”) siya ay isang mananamba ni Jehova. (Jeremias 35:6) Tiyak, siya ay may di-pangkaraniwang interes na makita ang “hindi pagpapahintulot [ni Jehu] na may kaagaw si Jehova.” Paano natin nalalaman? Buweno, hindi aksidente ang pakikipagtagpo niya sa pinahirang hari ng Israel. Si Jehonadab ay “dumarating upang salubungin siya,” at iyon ay noong matapos nang paslangin ni Jehu si Jezebel at ang iba pa sa sambahayan ni Ahab. Batid ni Jehonadab ang nangyayari nang tanggapin niya ang paanyaya ni Jehu na sumakay sa kaniyang karo. Walang alinlangang panig siya kay Jehu—at kay Jehova—sa labanang ito sa pagitan ng huwad at tunay na pagsamba.
Isang Modernong-Panahong Jehu at Isang Modernong-Panahong Jehonadab
5. (a) Anong mga pagbabago ang malapit nang mangyari para sa buong sangkatauhan? (b) Sino ang Lalong Dakilang Jehu, at sino ang kumakatawan sa kaniya sa lupa?
5 Sa ngayon, malapit na ang malaking pagbabago sa mga bagay-bagay para sa buong sangkatauhan gaya ng nangyari sa Israel noong 905 B.C.E. Malapit na ngayon ang panahon na lilinisin ni Jehova ang lupa mula sa lahat ng masasamang bunga ng impluwensiya ni Satanas, kasali na ang huwad na relihiyon. Sino ang modernong-panahong Jehu? Walang iba kundi si Jesu-Kristo, na tinutukoy sa makahulang mga salita: “Bigkisan mo ng tabak ang iyong hita, O isa na makapangyarihan, ng iyong dignidad at ng iyong karingalan. At sa iyong karingalan ay humayo ka sa tagumpay; sumakay ka sa kapakanan ng katotohanan at kapakumbabaan at katuwiran.” (Awit 45:3, 4) Si Jesus ay kinakatawanan sa lupa ng “Israel ng Diyos,” ang mga pinahirang Kristiyano “na tumutupad sa mga kautusan ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Galacia 6:16; Apocalipsis 12:17) Mula noong 1922 ay walang-takot na nagbabala ang pinahirang mga kapatid na ito ni Jesus tungkol sa dumarating na paghatol ni Jehova.—Isaias 61:1, 2; Apocalipsis 8:7–9:21; 16:2-21.
6. Sino ang lumabas mula sa lahat ng mga bansa upang suportahan ang mga pinahirang Kristiyano, at paano sila nakasakay sa karo, wika nga, ng Lalong Dakilang Jehu?
6 Hindi nag-iisa ang pinahirang mga Kristiyano. Kung paanong si Jehonadab ay lumabas upang salubungin si Jehu, marami mula sa mga bansa ang lumabas upang suportahan ni Jesus, ang Lalong Dakilang Jehu, at ang kaniyang makalupang mga kinatawan sa kanilang paninindigan sa tunay na pagsamba. (Zacarias 8:23) Palibhasa’y tinawag ni Jesus na kaniyang “ibang mga tupa,” noong 1932 ay kinilala sila bilang isang modernong-panahong katumbas ni Jehonadab noon at inanyayahan na ‘sumampa sa karo’ ng modernong-panahong Jehu. (Juan 10:16) Paano? Sa pamamagitan ng ‘pagtupad sa mga utos ng Diyos’ at pakikibahagi sa mga pinahiran sa “gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” Sa modernong panahon, kasali rito ang pangangaral ng mabuting balita ng natatag nang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Jesus bilang Hari. (Marcos 13:10) Ipinakilala noong 1935 ang “mga Jonadab” na ito bilang ang “malaking pulutong” ng Apocalipsis 7:9-17.
7. Paano ipinakita ng mga Kristiyano ngayon na ang kanilang ‘puso ay matuwid pa rin’ sa puso ni Jesus?
7 Mula noong dekada ng 1930, lakas-loob na pinatunayan ng malaking pulutong at ng kanilang pinahirang mga kapatid ang kanilang pagtataguyod sa tunay na pagsamba. Sa ilang lupain sa Silangan at Kanlurang Europa, sa Dulong Silangan, at Aprika, marami sa kanila ang namatay dahil sa kanilang pananampalataya. (Lucas 9:23, 24) Sa ibang lupain, sila’y ibinilanggo, inumog, o sa ibang paraan ay pinag-usig. (2 Timoteo 3:12) Tunay ngang isang ulat ng pananampalataya ang kanilang nagawa! At ipinakikita ng Ulat sa 1997 Taon ng Paglilingkod na sila ay determinado pa ring maglingkod sa Diyos, anuman ang mangyari. Ang kanilang ‘puso ay matuwid pa rin’ sa puso ni Jesus. Ipinakita ito noong 1997 nang 5,599,931 mamamahayag ng Kaharian, halos lahat sa kanila ay “mga Jonadab,” ang gumugol ng kabuuang 1,179,735,841 oras sa gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.
Nangangaral Pa Rin Taglay ang Sigasig
8. Paano ipinakikita ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang sigasig sa tunay na pagsamba?
8 Kilala si Jehu sa pagpapatakbo ng kaniyang karo nang buong-bilis—isang patotoo ng kaniyang sigasig upang maisakatuparan ang kaniyang gawain. (2 Hari 9:20) Si Jesus, ang Lalong Dakilang Jehu, ay inilalarawan na ‘nilamon’ ng sigasig. (Awit 69:9) Hindi nakapagtataka, kung gayon, ang mga tunay na Kristiyano sa ngayon ay kilala sa kanilang sigasig. Kapuwa sa loob ng kongregasyon at sa publiko, kanilang ‘ipinangangaral ang salita nang apurahan sa kaayaayang kapanahunan, sa maligalig na kapanahunan.’ (2 Timoteo 4:2) Ang kanilang sigasig ay lalo nang napatunayan noong maagang bahagi ng 1997 pagkatapos na pasiglahin ng isang artikulo sa Ating Ministeryo sa Kaharian ang pinakamarami hangga’t maaari na makibahagi sa paglilingkod bilang auxiliary pioneer. Itinakda sa bawat bansa ang isang tunguhing bilang ng mga auxiliary pioneer. Ano ang naging tugon? Pambihira! Nalampasan ng maraming sangay ang tunguhing bilang. Ang Ecuador ay nagtakda ng tunguhing 4,000 ngunit 6,936 ang iniulat na auxiliary pioneer noong Marso. Nag-ulat ang Hapon ng kabuuang 104,215 sa loob ng tatlong buwang iyon. Sa Zambia, kung saan 6,000 ang tunguhin, 6,414 auxiliary pioneer ang nag-ulat noong Marso; 6,532 noong Abril; at 7,695 noong Mayo. Sa buong daigdig, ang pinagsamang pinakamataas na bilang ng mga auxiliary at regular pioneer ay 1,110,251, isang 34.2 porsiyentong pagsulong sa bilang noong 1996!
9. Bukod sa pagbabahay-bahay, sa anong iba pang paraan nasusumpungan ng mga Saksi ni Jehova ang mga tao upang sabihin sa kanila ang mabuting balita?
9 Ganito ang sabi ni apostol Pablo sa matatanda sa Efeso: “Hindi ko ipinagkait ang pagsasabi sa inyo ng anuman sa mga bagay na kapaki-pakinabang ni sa pagtuturo sa inyo nang hayagan at sa bahay-bahay.” (Gawa 20:20) Tinutularan ng mga Saksi ni Jehova ngayon ang halimbawa ni Pablo at buong-sigasig na nangangaral ng mabuting balita sa bahay-bahay. Gayunman, baka hindi madaling masumpungan ang mga tao sa kanilang tahanan. Kaya naman, pinasisigla ng “tapat at maingat na alipin” ang mga mamamahayag ng Kaharian na lapitan ang mga tao sa lugar ng kanilang negosyo, sa mga lansangan, sa mga dalampasigan, sa mga pampublikong parke—saanman masusumpungan ang mga tao. (Mateo 24:45-47) Napakahusay ng mga resulta.
10, 11. Paano ipinakita ng mga mamamahayag sa dalawang bansa ang mahusay na pagkukusa sa paghanap sa mga interesado na hindi karaniwang matatagpuan sa tahanan?
10 Sa Copenhagen, Denmark, isang maliit na grupo ng mga mamamahayag ang nagpapatotoo sa mga lansangan sa labas ng mga istasyon ng tren. Mula Enero hanggang Hunyo, nakapagpasakamay sila ng 4,733 magasin, nakausap ang maraming tao, at nakagawa ng maraming pagdalaw-muli. Ang ilang mamamahayag sa lupaing iyan ay nakapagtatag ng mga ruta ng magasin sa mga tindahan. Ang isang bayan ay may malaking pamilihan tuwing Biyernes, na libu-libo ang bumibisita. Kaya nagsaayos ang kongregasyon ng regular na pagpapatotoo sa pamilihan. Sa isang lugar naman ay dinadalaw ang mga paaralan taglay ang pakete ng impormasyon na naglalaman ng mga publikasyon na pantanging naaangkop sa mga guro.
11 Gumawa rin ng mga pagsisikap sa Hawaii upang maabot yaong mga hindi nasusumpungan sa tahanan. Kasali sa pantanging mga teritoryo ang mga pampublikong lugar (mga lansangan, parke, paradahan, at hintuan ng bus), mga lugar ng negosyo, shopping center at paliparan, pagpapatotoo sa pamamagitan ng telepono, pampublikong sasakyan (pangangaral sa mga bus), at kampus ng mga kolehiyo. Maingat na tinitiyak na sapat na bilang ng mga Saksi ang iniaatas sa bawat teritoryo at na yaong mga inatasan ay wastong sinanay. Lubhang organisadong mga pagsisikap na katulad nito ang iniulat sa maraming lupain. Bunga nito, nakakausap ang mga interesadong tao na malamang ay hindi kailanman masusumpungan sa ministeryo sa bahay-bahay.
Naninindigang Matatag
12, 13. (a) Anong taktika ang ginamit ni Satanas laban sa mga Saksi ni Jehova noong 1997? (b) Sa anong paraan baligtad ang naging epekto ng bulaang propaganda sa isang bansa?
12 Sa ilang lupain noong 1997, ang mga Saksi ni Jehova ay naging biktima ng ubod-sama at bulaang propagandang itinaguyod sa maliwanag na layuning makagawa ng posibleng legal na hakbang laban sa kanila. Ngunit hindi sila umurong! (Awit 112:7, 8) Naalaala nila ang panalangin ng salmista: “Dinungisan ako ng pangahas sa pamamagitan ng kabulaanan. Kung sa akin, buong-puso kong tutuparin ang iyong mga pag-uutos.” (Awit 119:69) Ang gayong bulaang publisidad ay katunayan lamang na ang mga tunay na Kristiyano ay kinapopootan gaya ng inihula ni Jesus. (Mateo 24:9) At kung minsan ay kabaligtaran ang naging epekto nito. Nabasa ng isang lalaki sa Belgium ang isang nakasisirang artikulo tungkol sa mga Saksi ni Jehova sa isang kilalang pang-araw-araw na pahayagan. Palibhasa’y nagimbal sa gayong mapanirang-puring pananalita, dumalo siya sa isang pulong sa Kingdom Hall nang sumunod na Linggo. Nagsaayos siya na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi at mabilis na sumulong. Dati, miyembro ng isang pangkat ng mga manlalabag-batas ang taong ito. Ang kaniyang pag-aaral sa Bibliya ay nakatulong sa kaniya na linisin ang kaniyang buhay, isang bagay na napansin ng mga tao sa paligid niya. Tiyak, hindi ganoong resulta ang nasa isip ng sumulat ng mapanirang-puring artikulo!
13 Binatikos ng ilang tapat-pusong mga tao sa Belgium ang mapandayang propaganda. Kabilang sa kanila ang isang dating punong ministro na umaming humahanga siya sa naisasagawa ng mga Saksi ni Jehova. At ganito ang isinulat ng isang mambabatas: “Salungat sa mga pahiwatig na kumakalat paminsan-minsan, sa palagay ko [ang mga Saksi ni Jehova] ay hindi nagbabanta ng anumang panganib sa mga institusyon ng Estado. Sila’y mga mamamayang maibigin sa kapayapaan, masunurin, at magalang sa mga awtoridad.” Talaga namang may karunungan sa mga salita ni apostol Pedro: “Panatilihing mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang, sa bagay na sinasalita nila laban sa inyo na gaya ng mga manggagawa ng kasamaan, ay luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagsisiyasat bilang resulta ng inyong maiinam na gawa na dito sila ay mga saksing nakakita.”—1 Pedro 2:12.
Isang Namumukod-Tanging Pagdiriwang ng Memoryal
14. Ano ang ilang kapana-panabik na ulat tungkol sa mga bilang ng dumalo sa Memoryal noong 1997?
14 Angkop lamang na malasin niyaong nagpapatotoo tungkol kay Jesus ang Memoryal ng kaniyang kamatayan bilang isang tampok na pangyayari sa kanilang taon. Noong 1997, 14,322,226 ang presente noong Marso 23 upang ipagdiwang ang okasyon. Ito ay mas mataas ng mahigit sa 1,400,000 kaysa noong 1996. (Lucas 22:14-20) Sa maraming lupain ay lumampas nang malaki ang bilang ng dumalo sa Memoryal sa bilang ng mamamahayag ng Kaharian, anupat nagpapakita na makaaasa ng mainam na pagsulong sa hinaharap. Halimbawa, sa Haiti, naabot noong 1997 ang pinakamataas na bilang na 10,621 mamamahayag, samantalang 67,259 ang dumalo sa Memoryal. Maaari mong suriin ang taunang ulat sa pahina 18 hanggang 21 at tingnan kung ilan pang bansa ang may katulad na matataas na bilang ng dumalo kung ihahambing sa bilang ng mga mamamahayag.
15. Sa ilang lupain, paano napagtagumpayan ng ating mga kapatid ang malulubhang suliranin upang maipagdiwang ang Memoryal?
15 Para sa ilan, hindi naging madali ang pagdalo sa Memoryal. Sa Albania ay may curfew tuwing 7:00 n.g. dahil sa kaguluhan ng bayan. Sa 115 maliliit na grupo sa buong bansa, nagsimula ang Memoryal sa ganap na 5:45 n.g. Lumubog ang araw sa ganap na 6:08 n.g., na siyang pasimula ng Nisan 14. Ipinasa ang emblema bandang 6:15 n.g. Sa maraming lugar ay binigkas ang pansarang panalangin sa ganap na 6:30 n.g., at yaong mga dumalo ay nagmadali pauwi bago ang curfew. Gayunpaman, ang dumalo sa Memoryal ay 3,154 kung ihahambing sa pinakamataas na bilang ng mamamahayag na 1,090. Sa isang bansa sa Aprika, dahil sa kaguluhan ng bayan ay hindi mapuntahan ang Kingdom Hall, kaya ipinasiya ng dalawang matanda na magpulong sa tahanan ng ikatlong elder upang maisaayos ang pagdiriwang sa mas maliliit na grupo. Upang marating ang bahay, kinailangan ng dalawang matanda na tumawid sa isang estero. Subalit may labanan sa lugar na iyon, at pinapuputukan ng mga nakakubling mamamaril ang sinumang nagtatangkang tumawid sa estero. Nagtutumuling tumawid ang isang matanda nang walang anumang insidente. Tumatawid ang ikalawa nang makarinig siya ng isang putok. Dumapa siya at gumapang upang makaligtas habang humahaginit ang mga bala sa ibabaw ng kaniyang ulo. Matagumpay na naidaos ang pulong ng matatanda, at naasikaso ang mga pangangailangan ng kongregasyon.
“Mula sa Lahat ng mga Bansa at mga Tribo . . . at mga Wika”
16. Paano isinasaayos ng tapat at maingat na alipin na mapalaganap ang mabuting balita sa maliliit na grupo na may iba’t ibang wika?
16 Sinabi ni apostol Juan na ang malaking pulutong ay manggagaling “mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” (Apocalipsis 7:9) Kaya naman, isinaayos ng Lupong Tagapamahala na magkaroon ng literatura sa mas marami pang wika—kasali na yaong sinasalita ng malalayong tribo at maliliit na grupo ng mga tao. Halimbawa, sa Mozambique ay inilabas ang tract na Buhay sa Isang Mapayapang Bagong Sanlibutan sa limang karagdagang wika. Sa Nicaragua, ang brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! ay inilabas sa wikang Miskito—ang unang publikasyon ng Samahang Watch Tower sa wikang iyan. Maraming Indian na Miskito ang buong-kagalakang tumanggap ng brosyur nang makita ang isang bagay na nasa kanilang sariling wika. Noong 1997 ay naglathala ng literatura ang Samahan sa 25 karagdagang wika at naglimbag ng mahigit sa isang bilyong magasin.
17. Anong grupo na may ibang wika ang natulungan sa Korea, at paano nakatulong nang malaki ang mga videotape sa bahaging ito ng populasyon?
17 Natulungan sa Korea ang isa pang grupo na may ibang wika. Naganap noong 1997 ang unang kombensiyon sa Koreanong sign language. May 15 kongregasyon sa sign language sa Korea na may 543 mamamahayag, ngunit 1,174 ang dumalo sa kombensiyon, at 21 ang nabautismuhan. Upang matulungan ang mga bingi na hindi agad makaunawa ng binigkas o nasusulat na salita, ginagawa ngayon ang videotape ng mga publikasyon sa 13 iba’t ibang sign language. Kaya naman, natutulungan ang mga bingi na “mabasa” at mapag-aralan pa nga ang mabuting balita, na may maiinam na resulta. Sa Estados Unidos, dati ay gumugugol ng hanggang limang taon para ang isang bingi ay sumulong hanggang sa punto ng pagpapabautismo. Ngayon, dahil sa ilang video na magagamit sa American Sign Language, para sa ilang bingi ay umabot lamang iyon ng mga isang taon.
‘Manatili sa Karo’
18. Pagkatapos makatagpo si Jehonadab, ano ang sinimulang gawin ni Jehu?
18 Noong 905 B.C.E., pagkatapos na sumama sa kaniya si Jehonadab, sinimulan ni Jehu na wakasan ang huwad na pagsamba. Nagpalabas siya ng isang paanyaya sa lahat ng mga sumasamba kay Baal: “Magpabanal kayo ng isang mapitagang kapulungan kay Baal.” Pagkatapos ay nagsugo siya sa buong lupain upang matiyak na walang mananamba ni Baal ang nakaligtaan. Habang pumapasok ang mga pulutong sa malaking templo ng huwad na diyos, tiniyak na walang mananamba ni Jehova ang naroroon. Sa wakas, pinaslang ni Jehu at ng kaniyang hukbo ang mga mananamba ni Baal. “Sa gayon ay nilipol ni Jehu si Baal mula sa Israel.”—2 Hari 10:20-28.
19. Kung isasaalang-alang ang malapit nang mangyari sa sangkatauhan, anong espiritu ang dapat nating ipamalas, at anong gawain ang dapat masikap nating pinagkakaabalahan?
19 Sa ngayon, napakalapit na ang pangwakas na paghatol sa buong huwad na relihiyon. Sa ilalim ng pamamatnubay ng mga anghel ay ipinahahayag ng mga Kristiyano ang mabuting balita sa buong sangkatauhan, anupat pinasisigla sila na matakot sa Diyos at ihiwalay ang kanilang sarili sa huwad na relihiyon. (Apocalipsis 14:6-8; 18:2, 4) Pinatitibay-loob ang maaamo na magpasakop sa Kaharian ng Diyos sa ilalim ng Haring iniluklok ni Jehova, si Jesu-Kristo. (Apocalipsis 12:10) Sa kapana-panabik na panahong ito, hindi natin dapat hayaang manghina ang ating sigasig habang naninindigan tayo sa tunay na pagsamba.
20. Ano ang napagpasiyahan ninyong gawin sa 1998 taon ng paglilingkod?
20 Minsan, nanalangin si Haring David habang dumaranas ng matinding panggigipit: “Matatag ang aking puso, O Diyos, matatag ang aking puso. Ako’y aawit at hihimig. Ako’y magbibigay-papuri sa iyo sa gitna ng mga bayan, O Jehova.” (Awit 57:7, 9) Maging matatag din naman tayo. Sa 1997 taon ng paglilingkod, sa kabila ng maraming kahirapan, pumailanlang ang malakas na sigaw ng papuri ukol sa kaluwalhatian ng Diyos na Jehova. Marinig nawa ang isang katulad, mas malakas pa nga, na sigaw sa kasalukuyang taon ng paglilingkod. At maging totoo nawa ito anuman ang sikaping gawin ni Satanas upang sirain ang ating loob o salansangin tayo. Sa gayon, maipakikita natin na ang ating puso ay nananatiling matuwid sa puso ng Lalong Dakilang Jehu, si Jesu-Kristo, at tutugon tayo nang buong-kaluluwa sa kinasihang payo: “Magsaya kay Jehova at magalak, kayong mga matuwid; at humiyaw kayo nang may kagalakan, kayong lahat na matuwid ang puso.”—Awit 32:11.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Anong mga pagbabago ang naganap sa Israel noong 905 B.C.E.?
◻ Sino ang modernong-panahong Jehu, at paano ipinakita ng “malaking pulutong” na ang kanilang ‘puso ay matuwid’ sa kaniyang puso?
◻ Anong estadistika mula sa taunang ulat ang naglalarawan sa sigasig na ipinakita ng mga Saksi ni Jehova noong 1997 taon ng paglilingkod?
◻ Anuman ang maaaring gawin ni Satanas laban sa atin, anong espiritu ang ipakikita natin sa 1998 taon ng paglilingkod?
[Chart sa pahina 18-21]
1997 TAUNANG ULAT NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
[Larawan sa pahina 15]
Ang napakaraming dumalo sa Memoryal ay nagpapakita na makaaasa ng mainam na pagsulong sa hinaharap
[Larawan sa pahina 16]
Kung paanong sinuportahan ni Jehonadab si Jehu, gayon sinusuportahan ng “malaking pulutong” sa ngayon ang Lalong Dakilang Jehu, si Jesu-Kristo, at ang kaniyang mga pinahirang kapatid